April 28, 2021

Hindi ko alam kung kinailangan ko kanina ng mas mainam na hango ng pahinga o sadyang talagang hindi na ako kailanman pang makakaunawa sa pagulu-gulong bakbakan at putiang mga ilaw. May mga araw na hindi ako gaanong focused sa rimarim ng gawain at tila mas maliwanag pa sa bagong sibol na umaga ang intindi ko sa aking mga dapat na nakikita. Minsan, naiisip kong baka nagmamadali lamang ako, o minsan di'y may mga sudden realization ako na may mga nakakaligtaan pa rin akong isipin, pakinggan sa aking loob, mga bagay na hindi madalas makita sa mapa.

Gusto ko lang, alam mo 'yon, sumugod, matikas, buo ang loob. Pero alam ko, alam ko, kailangan ko talagang palaging maipaalala nang paulit-ulit-ulit na kailangan ko munang mag-obserba nang maayos, kilatisin ang mga susunod na atake, depensa, mga mapang-agrabyadong taas-balik na panggulat. Dapat siguro kalmado lang ang sanay kung kaya't mahalagang humagod sa akin ang pinakamainam na paghinga tungong payapa. Mas mapayapang paghinga, mas asensadong mga paggalaw, kilos, sunud-sunod na pakiramdam.

Mayroong pinakatamang oras para maiwasto ang pagtatapos. Kailangang malinaw ang bawat punto sa kung sinong maitatapat na problema. Maganda rin sana kung tanggap ko sa aking pananaw kung sino ang dapat na unahin, o mabilisang sagot sa kung anumang balakid na biglaang ibalandrang pag-ibig o pagkayamot.

Sakali, tanggap ko pa ring marami pa akong dapat matutunan, at alam na alam kong gusto ko pa rin ang aking ginagawa kahit na minsa'y magpakailanman itong pasakit at paraya sa pagitan ng aking mga panaginip, pangarap, at pangkasalukuyan.

April 21, 2021

Naglalakad tayo tungong kung saan. Maraming puno sa palibot. May mga tao ring hindi masyadong maunawaan kung nag-eehersisyo ba o parte ng parada or circus. Nagtatawanan tayo sa hindi ko maalalang napag-usapan ngunit bigla na lamang may sumalubong na mukhang librarian na babaeng mayroon na namang inirereklamo, pero hindi ko na rin maalala.

Hindi ko sigurado kung nakipagsigawan din ako o ano pero sa dulo'y kumalma na ang loob ng panira sa ating paglalakad at tawanan. May dumating na kakilalang 'di mawari kung sa iyo ba o akin, basta't nagpakilala't humingi ng paumanhin sa pagitan natin. Biglang bago silang umuwi'y may humahalik na sa aking leeg, malumanay na mga labi, habang may paulit-ulit na humihingi pa rin ng paumanhin.

Sorry, sorry, sorry.

Hindi ko pa rin maintindihan. Tungong paglalakad pa'y bigla na lamang tayong nag-aabang ng jeep na paparahin. Nag-iba nang bigla ang oras dahil may pakiraos nang nagmamadali na pala ako, o tayo? Pantasyang hindi ko na rin masiguro pero parang mahuhuli na naman yata ako sa susunod kong klase. Hindi naman kasi ako madalas sumakay ng jeep. Maglalakad lang dapat ako. Magaan lang naman ang aking bag, dala-dala pa ang assignment na ilang gabing maisusulat, mga salaysay ukol sa makinarya at alien.

Hindi ko na maalala kung paano kong sinimulan pero ang alam ko, tanong ako nang tanong sa aking kapatid kung paanong maisisikot ang turnilyo sa kumplikadong software na aming binubuo, 'di ko hinuha kung para sa akin o kanya, or kung kanino man for that matter. Basta ang alam ko, gusto ko na siyang tapusin at gusto ko rin siyang matutunan para matapos ko na at magawa na kasi parang nahuhuli na naman ako.

April 14, 2021

May kung anong paghalinang taglay ang isang blangkong papel. Nakakaatat mandumi, manggulo, kulukuting maringal. Hindi ako maging ibang tao ang makapipiglas sa naitatagong angking baho ng puting papel, puting paraiso, puting katahimikan. Ilang ulit mang magsimula, magbabalik at magbabalik sa blangkong espasyo, sa kawalan ng maiisip, isasaisip, simula, marungis, tama pa ba hanggang sa tama na.

Mapaanyaya, hahalimuyak ang bangong kay puti, kay lalim na sisisirin, hinding-hindi makikita ang dulo, sumisid mang mambutas at umapoy ang lagablab tungong kilay at pumiglas. Maririnig ang bawat guhit na umaawit nang walang himno ngunit may kaluluwang mahilig maligaw, magpaligaw, sumayaw mang walang tugtog sa apuhap, madidiinan pa rin sa pakiramdam ang walang pakay na piglas, paraiso, pamamaalam sa puti.

Magulo, may gambala. Biruin mo't biruin ng lahat na hindi sa lahat ng katutura'y may nakatagong sa ilalim ng mesang punung-puno ng lampas na mga marka ng iyong ballpen, aking ballpen, mga takot sa tasang mga lapis at tintang masarap amuy-amuyin kapag hindi pa dumarating si ma'am, si ser, si ginoong may kulang ka pa pero bukas mo na bayaran. Pagbabayarin ka pa rin kahit na lamukot na at hindi na puti pa ang magaspang, magulo, sinarili mong puting mga papel.

April 7, 2021

What you see is what you get. Ngayon ang get dito ay yung pagkaunawa o pagkaintindi, o kung pagkakuha man e hindi yung literal na pagkuha (ng kamay). Gets mo? What you see is what you get. Nasa sa'yo kung anong intindi mo sa realidad base sa sagap ng senses mo. Nagkakaroon ka lamang ng pakialam sa mga sakaling tambad ng iyong pansarili lamang din namang kokote. Wala ka naman talagang pasimudhi pero, alam mo 'yon, nandiyan ka lang naman din palagi.

Ang bawat nasasakupang ayaw mong dinggin ay paalala lamang sa'yo ng buhay na hindi mo maitatangging nagkukunwari ka lang naman buong tala ng buhay mo. Hirap kang magpakatotoo sa sarili mo't papaano pang magpakilala sa hindi mo naman kaanu-ano. Marami kang napapala sa kabibisto ng mga hinahanap mong kalaban, ni hindi ka man lang maguluhan sa sarili mong mga kapakanan. Iba't ibang kapakanan. Iba't ibang kalakaran. Sa lahat ng mga minutya mong pagpapaalipin, ni isa'y walang umasta sa pinlano. Balewalang mga gaya, bahala na ang makaamoy sa isinalang ng panadero.

Mahahanap ding kay lamig ang mistulang nakatakas sa tag-init. Mabagal ang usad ngunit pamreskong balahid ang liham na dala-dala ng hindi ahas, hindi kamagong, hindi rin maitatabi sa apat na sulok ng pag-iisa. Isama mo man ang kisame at mga bintana sa bibisitahin mong kaarawan mamaya, mabatid sana ng kokote mo ang kaisa-isang awit na nalalaman ng iyong puso. Ikaw ang bahalang sumaya, ikaw ang mag-umpisa. Hindi naman din nila batid na hindi mo pa rin batid. At sila rin naman.