January 28, 2023

01 Somebody's Perfect

OVER BLACK.

Maririnig sa background ang isang palabas na drama sa tv.

JAMIE (V.O.)
Never kang makukumpleto.

CUT TO:


INT. SALAS - HAPON

Makikita si ELY, 25, na nakaupo sa sofa, at bakas na nagising lamang sa boses.

ELY
(nagtatanggal ng muta)
Ha?

Magpapatong ng tasa ng kape si JAMIE, 27, sa mesa, saka uupo sa sofa.

JAMIE
Lagi't lagi kang magiging kulang.

ELY
(nag-uunat)
Ano na namang problema mo?

JAMIE
Iniisip ko lang: (pintig) 'Pag may nakikipagbreak, parang hindi nawawalan ng mga taong nakulangan sa ex nila, na hindi ka magiging sapat kahit kailan. Kaya sumama sa iba kasi ganito siya, at hindi ka ganyan, et cetera. Kaya hindi natutuloy kasi hindi makita ang hinahanap. May mga bagay na hindi nagagawa, mga ugali na hindi pinapakita, et cetera, et cetera.

ELY
(habang chinecheck saglit ang cellphone)
I mean... Nobody's perfect.

JAMIE
Totoo, pero ba't parang may mga tao pa rin na naghahanap ng perfect na jowa?

ELY
I guess... baka sanay lang tayong nakakakita ng mali?

JAMIE
What do you mean?

ELY
(iibahin ang puwesto ng paghiga/upo)
I mean... (pintig) Madali tayong makakita ng hindi natural sa paningin natin. Sample: Madali tayong madistract kapag may nagbago - kapag nag-iba ng lasa, nag-iba bigla ng ginawa, nag-iba bigla ng tunog, ng amoy. (pintig) May biglang nagbago sa nakasanayan natin. Alam mo yung experiment na blank white paper, tapos nilagyan ng red dot sa gitna?

JAMIE
(mag-iisip nang bahagya)
A 'yon. Oo.

ELY
Feeling ko wired lang tayo na makapansin ng mga mali? At bilang din namang iba't iba ang karanasan ng iba't ibang tao, iba't iba rin ang-

JAMIE
(sasabayan si Ely)
-nakasanayan.

ELY
Nakasanayan, yes. Hindi kaya paghahanap lang 'yan ng nakasanayan, at hindi talaga ng perfect na jowa?

JAMIE
O puwede ring yung nakasanayan yung perfect para sa kanya. May iba't ibang perfect kumbaga. Kanya-kanyang trip.

ELY
So, ano ngang problema mo?

JAMIE
(buntong-hininga)
So, bakit nga merong nakikipagbreak tapos ang dahilan e may kulang sa binreak nila?

Kukunot ang mga kilay ni Ely. Magkikibit ng mga balikat.

ELY
(pintig)
Hindi ba nila naisip na puwede ring may kulang sa kanila? Na no-

JAMIE
(sasabayan si Ely)
-nobody's perfect, yes. Exactly. So, instead of like looking for that kulang from someone else, bakit hindi na lang nila tanggaping lahat ng tao, may kulang. Lahat tayo nagkakamali. Kung may hinahanap kang wala sa iba, imposibleng meron ka ng lahat ng hinahanap ng iba. Lagi kang magiging kulang. Never kang maku-

ELY
(sasabayan si Jamie)
-makukumpleto. Okay. Gets.

JAMIE
(hihigop ng kape)
Ano 'yang pinapanood mo?

Makikita na lamang ang tv screen na drama pa rin ang palabas.

BABAENG TAUHAN SA TV
Sa'n ba 'ko nagkulang? Sabihin mo sa 'kin, gagawin ko ang lahat! Pa'no mo 'to nakayanang gawin sa 'kin?

LALAKING TAUHAN SA TV
Sorry-

Biglang sinara ang tv.


CUT TO:


OVER BLACK.

ELY (V.O.)
Somebody's perfect.