March 11, 2011

Bano I

Ayaw ko talagang gawin 'to, pero gusto ko.

Nagsimula ang lahat, maraming buwan na ang nakalipas, nang itatapon o iiwan ko na ang malalaking mga plastic ng basura sa harap ng aming gate, hindi maaaring hindi ko napansin ang isang napakalaking delivery truck sa tapat ng isang bahay malapit sa amin at bawat lalaki mula rito ay hindi nagtigil sa pagbababa ng mga kasangkapan sa bahay mula sa mga upuan at kama, lamesa, lahat, habang ang isang babae, masasabi ko namang mukhang nanay na ay hindi rin matigil sa pagdadadang ingatan nila ang kanilang mga kinakarga, ingatang huwag magasgasan, todo sermon sa mga tauhan, akala mo nagbubuhat. Habang sumasalo ng laway ang mga naglilipat ng kasangkapan, may isang babaeng lumabas mula sa bahay na nililipatan, lumapit sa kanyang nanay at nagsimulang makipag-usap. Mayroon siyang maikli at maitim na buhok sa ibabaw ng isang magandang Haponesang mukhang may black-framed glasses. Sa tingin ko'y sintangkad ko siya at may kapayatan ngunit katamtaman lamang. Singkit, maputi, nakasalamin, sexy.

Hindi ako sigurado sa huling parte at kung paano kong ginawa ang mabilisang obserbasyong iyon kahit na hindi niya ako napansin at pumasok na lamang sa kanilang bahay matapos makipag-usap sa kanyang ina sa loob ng iilang segundo, pero sigurado ako sa iisang bagay, mahal na mahal ko ang aming mga bagong kapitbahay.

Pagbalik sa aming bahay, sinabi ko sa aking inang may mga bagong kapitbahay na kalilipat lamang sa tapat namin nang umagang iyon. Nagsimulang tumakbo sa utak ko ang unang plano at umasa ako sa susunod na ikikilos ng aking nanay. Lumapit sa akin si Nanay na may dalang isang plato ng spaghetti para ibigay sa mga bagong lipat. Tumakbo na ako sa salamin at pinuri ang aking mga magulang para sa aking mga namana. Matapos magpogi poses sa harap ng salamin, tumungo na ulit ako sa aming gate at lumabas na.

Ang kanilang bahay, tulad ng nasabi ko kanina ay nasa kabila lamang, tapat ng aming bahay. Habang ako ay naglalakad papalapit ng kanilang pintuan, pinraktis ko na ang aking mga sasabihin. Pagdating, tatlong beses akong kumatok at naghintay. Pagbukas ng pintuan, nagulat talaga ako sa aking mga nakita. Ni isa sa mga nakita kong inilalabas mula sa malaking delivery truck kanina lamang ay hindi ko nakita sa kanilang sala at isang dambuhalang lalaking naka-boxer shorts lamang ang bumati sa akin. Napaatras ako nang kaunti, gulantang na gulantang pa rin sa aking mga nakita at bumating pabalik sa malaking lalaki. Iniabot ko na ang plato ng pasta sa higante saka itinuro ang aming bahay habang ipinapaalam sa kanyang malapit lamang kami sa kanila at ikinalulugod namin silang maging aming mga kapitbahay. Napansin niya ang mga tanong na bumabalot sa aking mukha kaya sinabi niyang nasa itaas ang mga kasangkapang dinala para sa madaliang pagbibilang at pagbabago. Hindi ko maisip kung para saan iyon pero hindi na ako nagpakita pa ng pagtataka sa aking mukha at nagpasalamat na sa akin ang lalaki bago niya isara ang pintuan sa harapan ko. Nang papalayo na ako sa tapat ng kanilang bahay ay may narinig akong tawa ng isang babae. Lumingon ako at nakita ko ulit siya sa may bintana sa ikalawang palapag. Nakangiti siya sa akin. Medyo kinilig at nahiya naman ako sa pagtingin at pagngiting iyon pero nakita ko pa rin ang kanyang napakagandang mukha, tapos nakangiti pa. Itim ang kanyang mga mata at matataba ang kanyang mga pisngi.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pag-isip sa kanya. Hindi rin nawala sa isip ko ang unang araw ng klase para sa panibagong taon. Hindi na rin ako makapaghintay para makita na ulit ang aking mga kaibigan at kaklase sa aming school.

Sa sumunod na araw, matapos maghanda para sa paaralan, pumunta na ako sa lugar kung saan tumitigil ang aming service. Mula sa malayo, nakita ko siya roon, naghihintay, at napansin ko sa kanyang unipormeng pareho kami ng eskuwelahang papasukan. Sobrang talon talaga yung puso ko habang naglalakas papalapit sa kanya bago ko siya batiin. Tinanong niya kung bakit ako nakangiti nang ganoon pero binati niya rin ako. Nahiya naman ako at napalingon nang sandali. Nakapag-usap pa kami bago dumating ang aming service. Naaalala kong galing silang Japan at ang kanilang pamilya ay lumipat dahil sa trabaho ng kanyang mga magulang. Hindi ko na masyadong inisip kung anong klaseng trabaho mayroon sila pero nagpasalamat na rin ako sa aking isipan dahil sa klase ng trabaho nila.

Simula noon, hindi na ako makapaghintay sa mga umagang maghihintay kami ng service sa naturang lugar. Sabay nga kaming sumasakay ng service pero hindi naman kami magkaklase. Hindi ko siya madalas makita sa aming paaralan. Iyon lamang ang isang malungkot na parte ng aking buhay kaya kailangan kong magpursigi sa tuwing nagkakausap kami sa hintayan. Nag-usap kami nang nag-usap araw-araw sa hintayan ngunit napansin kong paunti-unting umiikli ang pasensya mula sa kanyang mga mata, hindi ko masabi kung nalulungkot o nababagot, o sabay, o gusto niya akong hampasin, at naramdaman kong ako ang dahilan kung bakit hindi ko na ulit nakita yung dating ganda ng kanyang mga mata. Ang mga araw tulad nito ay umulit na nang umulit sa loob ng maraming linggo na nagtulak sa akin para itigil na ang walang kuwentang pakikipag-usap at gumawa ng ibang paraan para mapasaya ulit siya. Kahit ano para sa masasaya niyang mga mata.

Isang umaga, malakas ang buhos ng ulan ngunit walang sinabing suspended ang klase kaya itinuloy ko pa rin ang plano ko. Nagdala ako ng bulaklak at chocolate, naglakad papuntang hintayan, patuloy na ibinubulong sa aking sariling gagawin ko 'to, gagawin ko 'to, kahit ayaw ko, pero gusto ko. Sa malayo ay nakita ko na siyang naghihintay. Lumapit ako sa kanya at ibinigay ang aking mga regalo habang nakangiti pero pag-iling lamang ang natanggap ko. Itinulak niya ako, nalaglag sa basang daan ang mga pesteng regalo at nagsimula na siyang tumakbo pauwi. Sobrang lungkot ko noon. Napansin kong lalong lumakas ang hangin at todo buhos na ang ulan kaya umuwi na rin akong naglalakad, walang payong, parusa sa aking sarili.

Nang makarating ako ng bahay, matapos akong bigyan ng malaking tuwalya, sinabi sa akin ng aking nanay na wala naman kaming bagong kapitbahay sa tapat at nagpatuloy pa siyang puwede ko naman daw sabihin sa kanya kung gusto ko pa ng mas maraming spaghetting makakain noong araw na may nakita akong delivery truck. Dala ng sobrang pagtataka, tumakbo ako patungo sa kanyang bahay pero nakakandado ang pintuan, hindi ko maitulak, kahit banggain ko pa nang paulit-ulit. Oo, hindi ako kumatok, hindi ko matanggap yung mga narinig ko. Wala akong naririnig na sagot mula sa bahay. Pinagmasdan kong muli ang bahay. Mukhang hindi nagalaw o napasok noong mga panahon iyon, ni kaunting gamit talaga wala sa sala. Bigla na lamang akong gininaw at dahan-dahang tumingin sa bintanang kung saan minsan ko siyang nakitang nakangiti at nakatingin sa akin, walang tao sa bahay.