February 28, 2023

02 Teka Lang

OVER BLACK.

Maririnig ang mahinang radyo sa umaandar na jeep na nagpapatugtog ng Perfect ng Simple Plan.

ALE (V.O.)
Bayad po. (pintig) Bayad nga po.


CUT TO:


INT. JEEP (UMAANDAR) - GABI

Magigising si ELY, 25, nang pabigla. Nasa kanyang harapan ang kamay ng ALE, 56, na may ipinaaabot na pamasahe.

ALE
Bayad nga po.

ELY
Oo, teka lang, 'te.

ALE
(pabulong, iirap)
Sungit naman nito.

ELY
Ha?

ALE
Wala. Teynkyu.

Iaabot ni Ely ang pamasahe saka dudukutin ang kanyang cellphone sa bulsa. Merong message notification.

JAMIE (TEXT)
Sa'n ka na?

ELY (TEXT)
Malapit na sa riles. Nagugutom na 'ko. Binaba mo ba yung lechon?

JAMIE (TEXT)
Anong lechon?

ELY (TEXT)
'Di ka nagbukas ng ref? May inuwi akong lechon kagabi.

JAMIE (TEXT)
A, yung nasa foil.

ELY (TEXT)
So ano ulam?

JAMIE (TEXT)
Sa'n galing 'to?
(pintig, then another text)
A, sa birthday.

ELY (TEXT)
'Di ba galing ako birthday.

JAMIE (TEXT)
Noodles lang.

ELY (TEXT)
Palagyan na rin ng tubig yung takure.

JAMIE (TEXT)
Initin ko na rin 'to?

ELY
(kukunot ang kilay, texting)
Ang alin?


CUT TO:


INT. KUSINA - GABI

Kukunot ang kilay ni JAMIE, 27, habang nagtetext sa cellphone. Nasa harap siya ng binuksang refrigerator.

JAMIE
(texting)
Yung lechon, malamang.

ELY (TEXT)
Malamang.

JAMIE (TEXT)
Sa'n ka na?

ELY (TEXT)
Lapit na. Pasalang na ng takure. Tenkyuuu.

Ibababa ni Jamie ang kanyang cellphone sa upuan saka isasaksak sa charger. Iilaw ito, hudyat na nagchacharge na.

Lalagyan niya ng tubig ang electric kettle.

Isasaksak ang kettle, at bubuksan. 

Isasara niya ang pinto ng microwave, at bubuksan. 

Lilingunin niya ang kanyang cellphone kung umiilaw - hindi.
 
Titingin siya sa orasan sa dingding. 

Ililipat niya ang noodle soup sa kalan ng lalagyan.

Ipapatong ang noodle soup sa hapag, at bubuksan ang takip. 

Lilingunin niyang muli ang kanyang cellphone - wala pa ring ilaw.

Ipapakita ang orasan. 

Ipapakita muli ang cellphone. (pintig) Tingin muli sa orasan.

(pintig)

(pintig)

Tapos nang magpakulo ang electric kettle. 

Ipapakita ang cellphone. 

Orasan. 

Cellphone.

(pintig)

Maririnig ang pagbukas at langitngit ng pinto sa salas. 


CUT TO:


INT. SALAS - GABI

Papasok si Ely.

ELY
(aamoy-amoy)
Bango a.

Ibababa ni Ely ang kanyang bag sa sofa. Sasalubungin siya ni Jamie galing sa kusina. Magyayakapan nang mahigpit ang dalawa.

JAMIE
(habang nakayakap)
Baho a.

ELY
(ngingiti)
Sorry a. Shower lang ako, mabilis.

JAMIE
Mamaya na.

ELY
Bakit?

Maririnig ang ding ng microwave.


CUT TO:


INT. HAPAG - GABI

Ipapatong ni Jamie ang plato ng lechon sa hapag.

Susubo ng lechon si Ely.

Hihigop ng noodles si Jamie.

Hihigop ng kape sa tasa si Ely.

Susubo ng lechon si Jamie.

Hihigop ng noodles si Ely.

Iinom ng tubig si Jamie.

ELY
(pagkainom ng tubig)
Sarap. Ako na maghuhugas.

JAMIE
Ikaw naman talaga maghuhugas.

Tatayo si Ely habang sinisimulang iligpit ang pinagkainan. Kakalansing ang mga kubyertos.


CUT TO:


INT. BANYO - GABI

Magbubukas ng ilaw si Jamie. Makikita ang repleksyon niya sa salamin. Tititig siya nang ilang segundo. Maririnig ang mahinang pagpitik ng bawat segundo sa orasan.

Nakaupo si Jamie sa bowl, umiihi.

Nagsisipilyo si Jamie.

Papasok si Ely sa banyo.

Nagsisipilyo si Ely katabi ni Jamie habang nagbabanlaw na si Jamie ng bibig.

Lalabas ng banyo si Jamie.

Iihi si Ely. Haharap siyang muli sa salamin.

Nakatitig lamang si Ely sa kanyang repleksyon. Maririnig muli ang mahinang pagpitik ng bawat segundo sa orasan.

Papasok sa may shower si Ely.

Maririnig ang pagpihit sa shower. Bubuhos ang tubig mula sa shower.


CUT TO:


INT. KUWARTO - GABI

Nakahiga na si Jamie sa kama, nagcecellphone. Tatabi at hihiga na rin si Ely. Isasaksak ni Ely sa charger ang kanyang cellphone. Nagcecellphone pa rin si Jamie. Haharap si Ely kay Jamie. Yayakap si Ely kay Jamie. Hahalik sa pisngi. Haharap si Jamie kay Ely. Pipikit si Ely.


CUT TO:


OVER BLACK.

ELY (V.O.)
I love you.

JAMIE (V.O.)
I love you.

Maririnig ang isang halik sa pisngi.