July 23, 2010

BAUL: 2ndQ, Output 1

-->
Filipino IV

IV - Faraday
Agosto 30, 2009
Gawain 1
Ginang Gozo

May Karapatan Lahat


Sa ating paglaki, marami nang mga impormasyon ang ating naririnig, nalalaman. Maaaring galing ang mga ito sa ating tahanan, sa paaralan at maging sa lansangan. Maaaring noong bata pa tayo, sa loob ng ating mga tahanan, sa mga naririnig natin kung kani-kanino ay naniniwala na kaagad tayo, hindi man lamang natin inisip kung tama sila o mali. Hanggang sa makapasok na tayo sa paaralan, may mga itinuturo nang mga bagay sa ating hindi rin natin maiiwasang paniwalaan sapagkat guro na ang nagsasabi sa atin. Sa lansangan, marami rin tayong maririnig. Ngunit sa tagal ng panahong nahihigop natin ang iba't ibang mga impormasyon mula sa iba-ibang pinanggagalingan, 'di maiiwasan ang maguluhan at maitanong sa sarili - nasa tamang panig ba ako?


Lahat tayo ay mayroong karapatang magsabi ng ating mga opinyon. Lahat ng opinyon at tama. Lahat tayo ay may kalayaan sa pananalita. Nasa sa atin naman kung may gusto tayong sabihin tungkol sa isang bagay na ating nakita, narinig, nalasahan o kahit ano pa man. May kalayaan tayo sa pagpapahayag ng damdamin sa mga palabas na ating napapanood, mga awiting ating naririnig at mga tsismis na ating nasasagap. Wala ring makapipigil sa ating magbigay ng ilang kumento sa mga nababasa nating mga pahayagan o mga likha ng mga letra. May kalayaan tayong sabihin ang ating mga saloobin sapagkat masamang naiipon ito at baka sa huli'y pagsisihan natin kung hindi natin ito nailabas habang maaga pa. Maaaring hindi tayo maliwanagan kung hindi natin minsang ilabas ang ating mga nais sabihin. Walang napapala ang tao kung hindi siya susubok. Ngunit sa kabila ng kalayaang ito, may mga pangyayaring tila nakapagpapagulo sa ating isipan o hindi natin matanggap. Ang mga anak na sumasagot sa magulang ay mali. Oo nga, sabihin na nating ipinagtatanggol natin ang ating mga sarili habang pinagagalitan tayo ng ating mga magulang ngunit sa bandang huli, lagi nating iisiping alam nila kung ano ang pinakamakabubuti para sa atin. Ang mga nagtratrabaho naman sa mga pahayagan at pagbabalita ay minsan na ring tinanggalan ng kalayaan. Sila ay pinapatay ng mga makapangyarihan, pinatay silang mga taong walang ibang ginawa kundi iparating ang boses nila, ang boses ng bayan, iparinig sa maraming tao ang mga saloobin ng iba. Sobrang mali ang pagpaslang sa kanila.


Sa huli, ang tama pa rin ang magwawagi. Maaaring magustuhan natin o hindi ang mga posibleng kalalabasan ng ating paghahayag. Ang importante'y lahat tayo ay may pagkakataong masabi sa ibang may kalayaan tayo sa pagsasalita.

BAUL: 1stQ, Output 5

-->
Hulyo 12, 2009

Mayroon Pa Ba?


Kaya pa ba natin? May makalulutas pa ba? May tutulong pa ba sa atin? May pag-asa pa ba tayong bumangon? Wala na ba talagang kuwenta tayong mga Pilipino, ang ating mga napag-aralang pag-uugali, ang ating kultura, ang ating mga tradisyon, tamang pag-iisip, determinasyong magtagumpay, sentido komun at bait para lang magtapon ng basura sa tamang lalagyan?


Siguro naman alam natin ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin. Hindi na natin kailangang pag-isipan pa nang sobrang tagal kung madali lang nating matutukoy kung ano ang sagot sa napakasimpleng tanong na ito - Mali ba ang ginagawa ko?


Laganap na ang krimen sa bansa. Noong simula pa lamang ay napakaunlad ng ating bansa. Hindi naman sa may maipagmamayabang na tayo sa mga nangungunang mga bansa ngunit tayo ang tipo ng bansa noon na maraming maipagmamalaki sa iba, natatangi at hindi pahuhuli. Sa kabila ng lahat ng mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin, may kagustuhan ang damdamin ng karamihan sa atin ang maging mas mataas sa kapwa, makuha lahat ng gusto at sumama sa pagpaparami ng mga kotse nina Gates, Sy at Akon, karamihan pa sa kanila ay mga matataas na.


Magsimula sa itaas. Mayaman na, nagpapayaman pa, dukot dito, dukot doon. Hindi na naawa. Inuubos ang pondo ng ating bansa para lang sa kanilang sari-sariling mga panggastos. Takot mabawasan ang saku-sakong pera. Ang iba siguro'y hindi na nagagamit. Hindi na umiikot ang mga perang naipon sa pandaraya, pahirap na nang pahirap ang ating bansa.


Bawas na ang pondo natin nang malaki kung gaganyan ang ating mga pinuno. Tingnan ninyo, nakaririwasa ang ating bansa sa buhay noon, ngunit nang lumaon, unti-unti tayong humirap.


Alam nating nabawasan ang panggastos natin sa mga matataas pa lamang, pero hindi roon nagtatapos lahat. Papasok na ang mga namumuno sa mas mababang kapulungan at ang mga bundat sa kalsada. Kumukuha rin sa mga kapwa, wala talagang awa. Kakaunti na nga lang ang sinusuweldo ng mga tsuper at iba pag mga manggagawa, pilit na ngang nagbabayad ng buwis ang mga mamamayan, todo kupit pa rin sa kaban ng bayan.


Anong resulta? Siyempre, mauubos ang pera ng bayan, dadami ang mahihirap, madadagdagan ang dami ng walang trabaho at mapipilitang gumawa ng hindi kaaya-ayang bagay ang mga tao. Pumapasok ang mga magnanakaw, manghoholdap, mangingidnap, manloloko, illegal recruiters, akyat-bahay gang, mangungupit, drug pushers, drug lords at mamamatay-tao. Hindi rin mauubusan ng mga pupuwedeng ibenta tulad ng kidneys, lungs, alindog ng katawan at baka sa sobrang hirap ng bansa natin sa mga susunod na panahon ay pati hanging nilalanghap natin ay ibenta na rin.


Noong simula ay maunlad tayo, sa mga panahon ngayon ay humihirap na tayo, isa lamang ang ibig sabihin - unti-unti tayong bumababa. Kung ganito na lang ang nangyayari, malamang ay padamot na nang padamot ang mga nakatataas, makokotong at makokotong ang mga tsuper at dadami nang dadami ang madudukutan ng cellphone pagbaba ng mga pasahero sa may bandang Divisoria.


May pag-asa pa ba?