July 7, 2019

Hindi na naman tumigil ang pagtikhim sa lalim at lilim ng dilim. Kalimitang iniaangat lamang ang sariling pagtapak sa hulog ng paanan ng iba ngunit hindi na bale pang makapangutyang walang silbi ngunit kumakalas sa buto ng lalang. Sisikaping makipag-unahan sa hindi naman nakikipagkarerahan, at imbes na pumatol sa mga kapuwang nakatayo, ang kakayahang magmulat ay muli't muling itinatagay sa kakarampot na yari ng yelo.

Mag-ingat ka. Ang lubha't pagkitid ng iisang martir ay pinagbibigyan lamang ng isang anghel na hindi kailanman nakidapo sa kanyang mga kapatid. Ang nakaraa'y may sariling silbi at wala nang iba pa. Hahapo ang mga anino't pupuksain ang pagbandehado ng mga kalat-kalat na pighati. Makakalimutang magpasalamat sa hari dahil hindi naman ang ugat ang makinarya sa paulit-ulit na pagsimpatyang ikinalulugod naman ng karamihan.

Ang akala'y kapag sumikat na araw, saka lamang mag-uumpisa ang dapat nang tirikan ng kandila. Maharot ang tadhana kung araw-araw ring kinakausap. Isarado nang mataimtim ang mga palad nang hindi makita nang lubos ang mga kunwa-kunwaring linya. Dito tayo, dito tayo dali. Hila-hilang paluwag, saka na muna ang pagtabig. May dala-dala akong sibat na pangaso, pangkaladkad sa mga natitira pang may balak na kumagat sa yamang ating isisiwalat.