September 28, 2023

08 Euphoria

OVER BLACK.

ELY (V.O.)
FUCK?!

CUT TO:

INT. KUWARTO - GABI

Gulat na gulat si ELY, 25, habang nakaupo; at sa kanyang likura'y nagliliwanag ang monitor ng kanyang laptop sa loob ng madilim-dilim na kuwarto. Sa kanyang harapan, isang hugis ng taong unti-unting popormang patayo mula sa pagbabasa sa monitor; hindi ganoon pang kalinaw dahil sadyang natatakpan ng maraming anino at katiting na liwanag.

Madaling kukunin ni Ely ang kanyang cellphone na nakapatong sa desk. Bubuksan niya ang camera at itatapat sa nilalang. Kukunan niya ng litrato. Walang tao sa photo. Humakbang ng isa ang nilalang. Binuksan ni Ely ang flash. Madaling kumuha muli ng photo. Walang tao. Sinilip ni Ely kung nandoon pa ang nilalang. Humakbang muli ang nilalang.

Takang-taka si Ely. Binuksan niya ang messenger nang biglang agawin sa kanya ang cellphone.

NILALANG
Akin na 'yan.

Itatabi lamang ng nilalang ang cellphone sa desk ni Ely. Lilinguning saglit ni Ely ang kanyang cellphone.

NILALANG
Mamaya na 'yan.

Dagliang haharap si Ely, at unti-unti nang nag-aadjust ang kanyang paningin sa entidad. Animo'y nakikita niya ang kanyang sariling siya sa ibang pagkatao, sa ibang tao. Pareho lamang sila ng pananamit ngunit tila mas madumi-pusyaw ang dampi ng kulay.

ELY
Sino ka?

NILALANG
Ikaw.

ELY
Alam ko pero...

NILALANG
Alam kong alam mo kung ano ako. Kinakabahan ka nga lang at takot na takot. Hindi ka makapaniwala... pero naniniwala ka na rin. (mapapangiti) Iniisip mo kung sasaktan ba kita, o kung papatayin ba kita... at kung mangyari man 'yon e pinaplano ko na ba kung saan ko itatapon ang bangkay mo, paano kita ipapasok sa malaking trash bag, anong oras ako lalabas para itapon ang trash bag ng bangkay mo, marami pa namang tao sa labas ng bahay, hindi mo sigurado kung anong oras, baka madaling araw, et cetera, et cetera.

ELY
Ka-

NILALANG
Hindi ko binabasa ang isip mo - kung yun ang iniisip mo. Alam ko lang kung paano ka mag-isip kasi nga, ako ik-

ELY
-Ako.

(pintig) Mapapangiti ang nilalang. Kukuha siya ng upuan at pupuwesto siya sa tapat ni Ely. Makikitang magkatapat na ang dalawa. Kalmado lamang ang nilalang at maya't mayang minamasdan-masdan ang kanyang kaligiran, ang buong kuwarto ni Ely, si Ely, kanyang mga kagamitan. Si Ely nama'y sisiliping muli ang kanyang cellphone at laptop sa kanyang likuran, ngunit bigla ring haharap sa kanyang kausap.

ELY
Sa'n ka galing? Paano ka... nangyari?

NILALANG
Isipin mo.

ELY
'Tang inang 'yan. Alam mong bobo 'ko 'di ba?

NILALANG
Sinasabi mo lang na bobo ka. Alam kong tamad ka lang mag-isip pero alam ko ring maiisip mo kung paano ako... nangyari. (mapapangiti)

ELY
(ngingiting bahagya) Sa salamin?

NILALANG
O tapos?

ELY
'Di ko na alam.

NILALANG
Try mo.

ELY
(pintig) Gets.

NILALANG
O 'di ba.

ELY
Pero bakit ka nandito?

NILALANG
(ngingiti) 'Di ko rin alam actually.

ELY
Check natin yung salamin?

NILALANG
G.

CUT TO:

INT. BANYO - GABI

Bubuksan ni Ely ang ilaw ng banyo. Nakaharap ang dalawa sa salamin. Titingnan nilang dalawa ang salamin. Kapuwang mamamangha ang isa't isa sa ubod ng kanilang pagkakahawig, at mangilan-ngilang pagkakaiba sa... kulay? Walang mapapansing kakaiba ang dalawa sa salamin matapos obserbahan ang kabuuan nito. Haharap muli ang dalawa sa salamin bago patayin ng nilalang ang ilaw sa banyo.


CUT TO:

INT. KUWARTO - GABI

Makikitang nasa magkatapat na upuang muli ang dalawa, ngunit nasa may laptop na bahagi naman ang nilalang, at sa kabila naman si Ely. Pareho lamang silang nakangiti ngunit lito, mangha, at tila kapuwang naghihintayan kung sino ang mag-uumpisang magsalita.

(pintig)

ELY
May gusto ka bang gawin?

NILALANG
'Di ako sigurado pero parang meron lang akong feeling na meron akong gustong balikan, or ayusin. I don't know... Something.

ELY
May idea ka kung ano 'yon?

NILALANG
'Di ko sure kung past, or something na nakalimutan kong gawin. (pintig) 
(kukunot ang kilay) Something about regret, or parang something na gusto kong tapusin. May kung anong doubt or fear, or something... Basta. Ewan.

ELY
Something about doubt? Or fear? The fuck?

(pintig)

NILALANG
There's this weird gravity that makes me, you know, do things. This unseen voice. Like inside my head. But not really. And I'm not really sure. And I cannot somehow... control it.

ELY
Boses? 

NILALANG
(may pagtataka)
Mga boses... actually.

ELY
What the fuck?

NILALANG
Look. I'm aware. And I know who you are. (points at Ely)
(pintig)
 And I know what I am. (ngingiti) Or who I am. I still know what's going on. (manlalaki ang mata) Or somehow, I still have an idea of what's going on... right? Right?!

(pintig)

ELY
Wait, kinakabahan ka ba o natatakot? Is there something wrong? Well, this is kinda wrong but-

NILALANG
Parang may takot, yes, pero more of something na-

ELY
-Hindi mo mapigilan?

NILALANG
(pintig)
(manlalaki ang mata) Wait. Exactly. Wait- What the fuck?

Mapapangiti si Ely.

CUT TO:

INT. WHITE SQUARE ROOM - 'DI TIYAK NA ORAS

Makikita muna ang likod lamang ni Ely. Hanggang sa masilayang siya ay nakaupo, at nakaharap sa salamin, nakangiti. Nasa loob lamang siya ng maliit na kuwarto. May isang pinto, at mayroong isang bintana sa may bandang itaas ng isang pader. Mayroong kama sa gilid, at isang sofa. Mayroong electric fan. Mayroong maliit na mesa sa kabilang gilid, na mayroong nakapatong na radyo at sirang cellphone. Mayroong lababo, at maliit na inodoro. Mayroong tv. Maririnig sa background ang isang palabas na drama sa tv.

CUT TO:

OVER BLACK.

ELY (V.O.)
Never kang makukumpleto.