January 10, 2018

Well...

Sinabi mo nang hindi ka magagalit.

Ayaw ko rin namang may itinatago sa iyo, at alam mo yun. At alam mo yun, sana hindi ka magalit, manlamig, kasi ako na siguro yung nanlamig kahapon, kagabi. Mas malamig pa siguro ako run sa liwanag ng buwan, ni Luna. Mahilig ako magkape minsan kaso hindi ko inisip na sa mga palad mo pala, makauunawa na ako ng panibagong abot-langit na hikahis ng lambing.

Patawad. Paniwalaan mo ako kapag sinabi kong araw-araw akong nakikipagtalo sa sarili ko na ikaw ang tama, at ako ang siyang tunay na mali. Ilang beses kong pinakikiusapan yung iba kong mga sarili na sana, sana palagi nilang naaalalang mahal mo ako. Mabigat isiping (una) sinigurado kong mas maaga kang makapasok sa bagong patak ng umpisa ngunit ikinagalit mo ito. Lumayo ako dahil alam kong kailangan muna nating tumahimik nang makapag-isip ng mga sasabihin. Hinanap kitang muli, at nilapitan. Tama namang mali ang sagutin ng galit ang isa pang galit. Lalo lamang mabubusog ang digma sa gatong. Nagdesisyon akong magalit, dahil iyon ang una kong naramdaman, at hindi rin naman nalalayo sa pag-iisip na nagalit ka dahil sa hindi na lamang kita hinayaan.

(pangalawa) Nasagot ako nang hindi kanais-nais sa pagpapaliwanag ko nang maayos. Kung maging hindi magkahawig ang opinyon ko sa parehong bagay, sinisikap ko pa rin sa bawat pagkakataong pag-isipan ang aking mga sagot sa mga tanong. Pinili kong magalit dahil hindi ko matanggap na may mga ganoong pagtrato sa akin. Nakakainit din ng dugong isiping ikaw ang siyang hinanap ko noong nagkamali ako sa pagpasok at pinuntahan, at fine lamang ang natanggap ko, na bakit? Bakit ganoon na lamang?

Nanlamig na ako. Gusto ko nang mamatay dahil sa ikaw ang nagalit sa pagpasok, dahil sa pagtulong ko. Ako ang nagalit sa fine. Lugmok na lugmok na yung buong espiritu ng katawan ko. Hindi matanggap ng buong pagkatao ko kung bakit iyon nangyayari sa akin.

Naluluha na ako.

Paulit-ulit silang bumubulong na mahal mo ako, mahal mo ako. Sa bawat pagyakap nila sa akin bilang pag-unawa at pag-ibig sa iyo, siyang sasagutin ko ng kesyo bakit ganito, at bakit ganyan. Hindi ako naghahanap ng kung sinong mananalo, o sinong tama talaga, dahil alam ko naman kung mali talaga ako. Gusto ko nang mawala kasi parang wala naman ako, at bilang din namang hanggang sa pagtulong ko at bawat galit ko, kailangang pulutin ko na lamang silang mga bakas sa lupa.

Hindi napupulot ang mga bakas, nakikita na lamang sila. Kinuha mo ang aking mga palad habang nakikipag-away pa rin ako sa mga sarili ko. Hindi ko inisip na iwan ka, ngunit baka gumaan man lang sana yung loob ko kung wala na lang talaga akong maramdaman at mamatay.

Kinuha mo ang aking mga palad. Naintindihan kong muli ang pag-ibig. Iniisip kong mawala na lamang ang aking mga nararamdaman ngunit ang kailangan ko ay yung kasama ka. Hindi na baleng hindi makaintindihan sa umpisa, basta mayroong pag-akay, at hindi binabalewala. Alam kong may mga bagay kang ayaw mong gawin sa'yo kaya hindi mo ginagawa sa iba.

Kinuha mo ang aking mga palad. Kinuha mong muli ang aking buhay. Naramdaman kong buhay pa ako, at kailangan ko pang mabuhay. Hindi kita kalaban, at hindi tayo magkaaway. Hindi lamang tayo nagtatagpo kaya nararapat lamang lumingon, at akayin ang maiwan. Malabo ako, pero laking pasasalamat ko sa bawat oras na pag-intindi mo sa akin.

Kinuha mo ang aking mga palad. Sinabi ko sa sarili kong sana matraffic. Sinabi ko sa sarili kong huwag mo nang bitawan. Sinabi ko sa sarili kong hindi kita bibitawan. Sinabi ko sa sarili kong mahal, mahal na mahal kita. Sa iyo lamang ang aking palad, at sa iyo lamang din ang aking palad.