December 5, 2017

Oo n(g)a.

Umpisa'y nilinaw ko nang magiging malabo. Hindi ito magsisilbing galit at pamamaalam, bagkus, ito'y muling pagparatang sa aking sarili sa kadahilanang nasanay na ako, nasanay na akong magmukhang aywan ko ba kung mahal ko pa ba ang sarili ko, o tama na. Tama na ba, o tama pa ba? 

Mismo akong yumayakap sa lahat ng dapat kong sundin, hindi ko rin naman maitatangging 'di naman naging minsan ang iyong pag-aalaga. Masarap. Mapagkalinga. Malambing. Hindi naman nagkulang. Ako lang naman itong laging madalas na nagkukulang. Bakit pa nga ba ako na'ndito? Bakit ba ako tumatawa sa paggiluyong-luha, umiiyak sa gatas ng hele, at nagpapaubaya sa laslas ng pakiusap?

At alam kong sa bawat gagawin kong sa tingin ko namang karaniwan, magiging balakid sa pagkitid ng iilan. Hindi ko naman sinasadyang manggulo, sinasadya ko na lamang umunawa, nang lubusan.

Mismo ring sinubukan na lang pagkathang-diwang huwag na lamang akong hanapin, at parayain sapagkat bakat, siyang 'di ayaw na lalanseta ang bawat inupod sa mga ukit. Ako na naman na sana ang bahala sa sarili ko. Ni minsan, ayaw ko nang isiping magkakamali ako sa bawat dahan-dahang pagtapak ko sa mundo mo, sa mundo natin.

Umuunawa ka rin naman, alam ko, at hindi ka naman nagkakamali. Sa bawat pagtapak, siyang magsilbi sanang pataba sa bawat pag-iwan ko ng singgat at tikil ng butil, nang umaayon namang palagi sa hindi mo pag-amok ng digma.

Ako ito, iyon ang laging hantong mo sa iyong sarili. Paano kung... ako rin ito, siyang hindi mo maiintindihan ngunit pinapalagang-awa na lamang (siguro, at huwag naman sana). Ako ito, na siyang tumutubigang luha sa langis ng iyong mga bungisngis. Ako ito, na siyang hindi magbubuhat ng yangka, ni aalamatin ang iyong mga araw. Ako ito, na tumatandang naghahanap na ngayon ng pagbalik na aangkop sa tuwing galit ang araw, hihingi ng patawad ang buwan, at kung maghanap ng paumanhin ang araw, siyang buwan pa rin ang hihingi ng liwanag.

Ako ito, akong buwan, akong iyong nagpapaakong may mga gabing nagdilirim na lamang nang kusa, na wala tayong dalawang liwanag, at dadaig sa mundo ang magkabulag. Huwag kang mag-alala, dahil ako'y iyo, at kung ikaw ma'y akin, alam kong hindi sasaglit kung saan man ang kung anumang paghila sa ating mga pag-unawa.

At alam ko ring magmumukha pa ring mali ito mismong aking lahat ng saloobin, dahil ano nga ba akong hindi na lang karaniwan, na siyang umiintindi nang madalas, para sa akin, para sa iyo, ano nga ba? Siyang sana pa ring tanggapin (din) sa dulo.