November 21, 2021

Mensahe sa bangungot, papalaging pagpapaalala, o paratiang naaalala na lamang talaga. Lamang ang dilaw, abo, langit na pangumpisal. May dilag kung luluhang muli ang langit ngunit kay tagal pa ring hinihintay. Madalas ay nakasakay, madalas na kinakabahang mahuli at hindi na umabot. Madalas ay hindi nakakapaghanda sa hindi rin maisakatuparan sa isip. Mayroong butas sa dibdib ukol sa hindi pa rin natatapos na nakatago sa dilim. Mag-aabang sa susunod na dyip, mayroong ibang taong magpapara, pero ni walang nakakakita kung ano na nga ba ang susunod na daraanan, kung nasaan na ba ako, kung nasaan pa ba ako, at kung sino nga naman ako.

Ang guwardya ay paulit-ulit na nagbabagu-bago ng isip. Minsan ay kilala niya ako, minsan, hindi ko rin siya kilala. Ipinagbabadya sa aking isipan na dapat akong makapasok at makaakyat sa ikalawang palapag, kung saan naroon ang mga lumang aklat, sa loob ng lumang silid-aklatan. Hindi ko rin kilala ang naiwang tagapagbantay. Unti-unting lumalabo, napupundi ang luntiang liwanag ng mga bumbilya. Maya-maya'y may naghahanap sa akin na maestro at tinatanong kung nakaligo na ba ako.

Padabog siyang umaakyat sa hagdan at ako nama'y madaling naghanap ng masisidlan. Pumasok ako sa loob ng aparador maski pang alam kong alam niyang iyon na lamang ang tanging taguan. Nawala ang dagundong ng kanyang bawat pag-akyat, tumigil na rin ang pamamawis ng aking noo at mga pisngi. Napasandal ako sa mga damit na nakasampay, sabit sa loob. Napapikit, naisip kung paanong makalalabas sa pinilit kong pasukin.

Mayroong nabasag na salamin sa may kalayuan. Pagbukas ko ng pinto'y maghahapon na at sa may 'di kalayuang gusali'y sunud-sunod na ang paglabas ng mga mag-aaral. Mukhang mahuhuli na naman ako.