April 14, 2020

Noong silaba'y may pagkukunwaring
Lumiliwanag nang walang katapusan.
Sinubukan kong unawain
Ngunit hindi nararapat madaliin
Ang pagbabasa, ang paghahanap ng
Natutulog na pipa, pariwara,
Gunita ng pagpapaikot at matuling kislap.
May sumasambit sa napabayaang mga balikat,
Diyos mo ako, at ikaw ang bahala
Sa aking paglikha sa iyo, at iyong lilikhain pa.
Hindi niya mailatag sa akin kung nasaan
Ang mga propetang dapat tumulong
At magpakilala sa akin
Subalit dunung-dunungan pa rin
Ang mga takot sa dilim at puno ng pamumunga
Sapagkat anong magagawa ng pagsaklolo
Sa ilalim ng aking mga bintanang
Pinuno ng malalambot na pader ng kapatiran
Kung ang mismong nagpapairal
Sa aking binuong kamunduhan
Ay pinatatakbo ng siya ring sisira sa akin?

Iparating mong nagkakamali ka,
Saka kita sisibakin at ipanggugulat
Sa papalit-palit kong mga kaibigan.

At nang magalit, sinipsip pagulumihanan
Ang lahat ng bumuhay at tumuklas
Sa aking hindi nag-iisang kamalayan sa mundo.
Umiral ang kaba at sustansya ng pagkaunawa
Sa ligalig ng pagtawid sa kabila ng
Kanyang mga ipinaglalaban.

Pinalayas ako nang dahil sa galit at labo
Mula sa ipinahiram na piglas sa kuntento.
Inibig kong muli ang aking sarili,
Ang aking binuong kamunduhan,
Ang aking pinaagos na kaligtasan,
Aking bingit sa katalagahang pagtampok.