July 28, 2023

06 Sakasama

OVER BLACK.

Maririnig ang paghikbi ni JAMIE.

CUT TO:

INT. KUWARTO - UMAGA

Makikita si Jamie, 27, na nakahiga sa kama, gulung-gulo ang buhok at humihikbi.

Makikita sa kabilang dulo ng kama si ELY, 25, baliktad sa pagkakahiga ni Jamie at nakatalikod, natutulog.

Makikitang magkatalikuran ang dalawa, ngunit pareho ng posisyon ng pagkakahiga.

Magpapatuloy ng paghikbi si Jamie.

(pintig)

Magbubukas ng cellphone si Jamie, at magpupunas ng luha.

Hihikbi si Jamie.

Magigising si Ely, nakakunot ang kilay.

(pintig)

Sisilipin ni Ely si Jamie sa kanyang likuran.

Dahan-dahang yayakap si Ely sa likuran ni Jamie.

Hahaplusin ni Ely ang bumbunan at likuran ni Jamie.

Dadampian ng munting halik ni Ely ang ulo ni Jamie.

Patuloy pa rin sa paghikbi si Jamie.

Hihimasin ni Ely muli ang likuran ni Jamie.

Yayakap nang mahigpit si Ely sa likuran ni Jamie.

Hihigpit ang pagyakap ni Ely, at hahalik siyang muli sa ulo ni Jamie.

Maririnig ang pagsinghot ni Jamie ng sipon, at pagkawalang paunti-unti ng paghikbi.

Hahalik muli sa ulo ni Jamie si Ely.

(pintig)

Babangon si Ely.

CUT TO:

INT. KUSINA - UMAGA

Magpapakulo ng tubig si Ely sa electric kettle.

Bubuksan niya ang kalan.

Papatungan niya ng kawali ang kalan.

Maglalagay siya ng dalawang tasa sa mesa.

Lalagyan niya ng tig-isang 3-in-1 na kape ang dalawang tasa.

Matatapos sa pagkulo ang takureng isinalang kanina.

Bubuhusan ni Ely ng tubig ang dalawang tasa.

Tititimplahin niya ang dalawang tasa.

Kukuha ng dalawang itlog si Ely.

Babasagin niya nang magkasunod ang mga itlog sa kawali.

Makikita ang dalawang sunny side up na naluluto.

Magbubukas ng refrigerator si Ely.

Maglalabas siya ng hotdog at bacon.

Kukuha ng pinggan si Ely.

Ipapatong niya ang pinggan sa lamesa, katabi ng dalawang tasa.

Kukuhanin niya ang kawali at ilalagay ang dalawang lutong itlog sa pinggan.

Ibabalik niya ang kawali sa kalan.

Magluluto siya ng mangilang bacon sa kawali.

Makikita at maririnig na naluluto ang mga bacon.

Bubuksan niya ang kanyang cellphone.

Magpapatugtog siya ng malumanay na piano.

Ipapatong niya ang kanyang cellphone sa mesa.

CUT TO:

INT. KUWARTO - UMAGA

Ipapatong ni Jamie ang kanyang cellphone sa kama.

Magpupunas ng luha si Jamie.

Mag-uunat nang kaunti.

Tititig lamang sa kawalan.

(pintig)

(pintig)

(pintig)

Iiling habang nakapikit si Jamie.

Dadampot si Jamie ng malapit na unan at ipapatong niya sa kanyang mukha.

Sisigaw si Jamie sa unan.

CUT TO:

INT. KUSINA - UMAGA

Maririnig at makikita ang pagprito ng mga hotdog sa kawali.

Makikitang nagcecellphone si Ely habang animo'y nakikihuni sa pianong tumutugtog sa background.

Ibababa ni Ely ang kanyang cellphone sa mesa.

CUT TO:

INT. KUWARTO - UMAGA

Ibababa ni Jamie ang unan sa kama.

Magbubuntong-hininga nang malalim si Jamie.

Babangon si Jamie, nakaupo sa kama.

(pintig)

Tatayo mula sa kama si Jamie.

CUT TO:

INT. KUSINA - UMAGA

Ilalagay ni Ely ang mga lutong hotdog sa pinggan.

Kukuha ng dalawang pares ng kutsara't tinidor si Ely.

Dadating at uupo si Jamie.

Hahalikan ni Ely si Jamie sa pisngi.

Mapapangiting bahagya si Jamie.

Uupo si Ely. Ilalagay ang dalawang pares ng kubyertos sa pinggan.

Hihigop ng kape si Jamie.

Susubo ng bacon si Ely.

Hihigop ng kape si Ely.

Kakain ng itlog si Jamie.

Magtatagpo ang kanilang paningin, ngingiti si Ely.

Matatawang bahagya si Jamie.

Mabibilaukang kaunti si Ely, at may matatapong kape sa kanyang shorts.

Tatayo si Ely, at madaling hahalik kay Jamie sa pisngi.

Lalabas ng kusina si Ely, patungong kuwarto.

Hihigop ng kape si Jamie, mangingiting pagkatapos.

Ipapatong ni Jamie ang tasa sa lamesa.

CUT TO:

INT. KUWARTO - UMAGA

Ipapatong ni Ely ang cellphone ni Jamie sa kama.

Mauupo si Ely sa kama, kapareho ng pagkakaupo ni Jamie kanina lamang...

Magbubuntong-hininga nang malalim si Ely.

Tititig lamang sa kawalan.

(pintig)

(pintig)

(pintig)

Pipikit si Ely.

CUT TO:

OVER BLACK.

Maririnig ang paghikbi ni Ely.