January 31, 2019

Sa tingin ko lang, naman, mamumusilak lamang ang ibang sarili, sa tuwing sisiya ang paghingi ng pagkakataon. Doon lamang din talagang matatagpuan ang buong akalang singkamit na hinihintay. Asam ang nagtulak, asam din ang patagang sisisihin. Ang punla'y bahala na. Itutulak na lang sapagkat naninismis ang katanungan. Wari'y tunggali ng takot at tapang, tagis ng bakit sa huwag, pamamaalam nang may bahid ng kipot.

Lagusan ito ng panibagong sariling dilimang iginuhit. Matutuloy ito, walang humingi nang may hinihingi. Mamatang saglit sa dilag, walang pakialam kung may magbabadyang aako sa mga mababasag at mamamantsahan. Puntuhang mabubuhay nang hindi nangangailangn ng sikat at sinag. Magpapakilala ang siyang mga nararapat.

Tutupdi at kakalma ang mga tambol. Mananatili lamang ang (mga) nagkusa. Dahan-dahang susulpik-siphayo ang goma, hihingi ng paumanhin. Mayroong titimbang ng gaan, sa may bandang paglingon. Araw-araw na magpapaalalang iisa at iisa ang babalik-balikan.

January 30, 2019

Ang tahimik ng ngiti mo noong oras na iyon. May saglit ka pang pagkismet sa iyong mga labi. Nag-aabang lamang ako sa iyong mga mata. Sana huwag kang tumingin sa akin. Sana'y magkasalubong lamang tayo ng mga paningin.

Hindi ko magawang hindi kabahan. Nais kong pasukin ang iyong isipan. Nais kong malaman lahat ng iyong gusto, lahat ng iyong mga ayaw. Ano ba ang paborito mong pagkain? Marunong ka bang magluto? Marunong ka bang maglaba? Mamlantsa? Kaya mo bang lutuin ang paborito mong ulam? Bakit 'yan yung pangalan mo? Isa lang talaga yung pangalan mo? Ilan kayong magkakapatid? Pang-ilan ka? Kailan ka ba nagsimulang magyosi? Umiinom ka rin ba? Bakit hindi na? Kailan yung huli mong inom? Anu-anong pangalan ng mga kapatid mo? Nakikinig ka ba sa OPM? Anu-anong pinapakinggan mo? Sinong kasama mo noong nanood ka ng concert? Umiyak ka ba noong napanood mo sila? Buhay pa ba sila? Bakit nandito ka pa? Sinong paborito mong member? Anong instrumento ang kaya mong tugtugin? Ano yung paborito mong kanta sa kanila? May yosi ka pa? Nainlab ka na ba? Bakit nandito ka pa rin?

Goosebumps. Matagal pa bago ko ito maipapaliwanag nang husto. Kiligin na lamang muna ako sa bawat silip ng ngiti sa iyong mga labi na ako lang ang may sala. Sa bawat tulak at hampas mo sa aking hindi magiging mga sala. Ang iyong paghithit sa pagitan ng atin at iyong bawat tuwa nga't hindi sapilitan, panibagong alay ng panahon mula sa akin.

January 29, 2019

Amoy chico na (naman) ako. Katatapos lamang mamula ng kalangitan. Hindi pa rin bale. Ikaw pa rin ang bahala sa kilirang haraya.

Nakasakay (na naman) ako sa sasakyang hanggang ngayon, galit pa rin ang nagbubulsa't bilang bago ay makikipagpagpagang-bakal. Hindi ko na mininsan pang balaking unawain siya. Madali rin naman kasi akong magpapakasasang huwag sanang managinip matapos makapag-agarang suman sa kanya dahil sa kinalimutan ko talagang huwag magdala ng limampiso.

Biglaan (na naman) akong nagising. Katatapos lamang tumulo ng una't huling pilit na pawis. Malapit ko nang maamoy (muli) ang gasolina. Malapit na ring tumakbong-palayo sa prisintong kay sarap balik-balikan. At malapit na ring mag-asal bundok ang isang kapansahing bitbit lagi ng aking bulsa.

Ikaw (lang naman) ang madalas kong abangan sa tuwing sisilip ang liwanag. Wala pa rin.

Umihip na ang tahanang ginaw. Ramdam ko nang pangilang ulit ngunit hinding-hindi ako magsasawa. Mangyaring may mangilan nang nagpaalam sa umaga at hanggang sa muli. Maya-maya'y sinenyasan ko na ang nakatakdang poong may hawak sa aming mga buhay na malapit na rin akong humiwalay.

Sa aking pagpanaog, agad kong sinukat ang aking kaba saka tumapik sa inaabangan ko pa ring liwanag mula sa iyo. Sumenyas ako sa panibagong poon at nagbanggit ng huling pikasan.

Ako'y nalumpuwit na't huminga ng chico. Pumadyak na ang niyunang (na naman) arangkada. May pagbalikwas nang saglit, may bigla akong paghiling na nawa'y 'wag sanang matsambahan ko ang poong may pihitan sa aking mga piitang tinawag din yatang balon noong araw.

Hiniling kong akin na muna, pakiusap, ang gabi. Hindi na ako nag-abiso pang humiling sa niyunang poon. Hindi na rin sa mapang-uyam na keso ng lobo. Biglaan akong inalalayan ng aking sarili na bumalik sa paanyabi ng kuwerdas at kuwero. Pumikit ako't humingi ng himlay.

Madalas kang nasa aking isip. Mangyari't ikaw ang unang pumasok sa aking paglirim. Sumimoy ang ihip ng hangin, tumama't sumigpas sa pagkaway ng mga damo, sa ilalim ng buwan, malumanay akong hindi nag-abang ng kibot.

Ikaw lamang ang nasa aking isip.

Hindi ko na napigilan pang ngumiti. May kung anong pagyakap ang dala ng tulin at poon. Itong sayang ito, sa daling araw na oras, ayaw ko nang magpaatas pa. At sa aking huling luha, alam kong ginigiliw (pa rin) kita.

January 28, 2019

Ilang taon ka nang nag-iisip? Ilang mundo na ang nilakbay mo? Ilang mundo ang kaya mong lakbayin? Ilang mundo ang ayaw mong puntahan? Ilang mundo ang ayaw na ayaw mong puntahan? Eh, yung ayaw mong makita? Ayaw mong makasalamuha? Ayaw mong makisalamuha.

Ikaw ang pumili nito, at ako naman ang siyang kakausap sa iyong tunay / ibang kilanlan. Mabilis silang magtampo, alam ko. Sila lang minsan ang matibay. Minsan naman di'y hindi. Sila lamang ang mayroong mga gusto. Sila ang nagpapakilala sa mga ayaw. Sila ang may kakayanang lumipad. Sila lamang ang may kakayanang tumakas.

Mayroon silang kakayahang pumaslang at lumikha, gawing ipis ang mga paruparo, panatilihing nananalaytay ang likas ng hari, panatilihing sira-ulo ang hindi tugma, payamanin ang mahihirap, paghirapan ang kapayakan, pigilan ang mga karuwagang ragasa, bumantikyas nang siyang tumama na.

Ni hindi kailanman hinangad dito o ng mga ito na tumayog o makisapi. Mangyaring sila ay nagkusa lamang dahil sa simpleng katamaran at / o paglalakbay nang walang pupuntahan talaga kasabay ang kani-kanilang pag-iisip.

Iwan na ang mutyang sala.

January 27, 2019

Inalala mo, napangiti ka. Ambilis nating bitawan ang sagwan, ni hindi pa nga tayo binabagyo ng alon. Ang alam ko, isa lang talaga dapat. Hindi ko naman din tantyado ang mga sasakyan. Napansin ko na lamang na pamikit na ang hari. Nakatutok pa rin ako sa piyano. Hinayaan ko na lamang muna.

Maya-maya, tutukol nang lubot na lubot na pala ako. Sinilip kong muli ang kalagitnaan ng mga terorista. Medyo malinaw na rin nang kaisot. Sinilip din kita. Mukha namang hindi ka pa naiinip. Wala rin naman akong laban sa iyo.

Pumito na ang sa wakas. Nagsimulang pumatak ang punyeta. Nagbukas ako ng talukbong at nagpatatag sa bahala na.

Tinanong ko kung may nais kang sabihin, itanong. Sadyang tinatantya ko kung matatantya mo ba ako. Ngunit tila pumaparang ang baka. Ibinabalik mo lamang sa akin na para bang nabasa mo na ang mga susunod na pahina. Para bang basang-basa mo na ako kahit na pilit ka pa ring nakikisabay. Pero, pareho rin naman tayong walang tama, ni mali. Kapuwang nag-aabang.

Para rin at para bang basang-basa ka na.

Ako ma'y nakanganga pa ring tarantado kahit na alam ko ring hindi naman ako obligadong magpadayon. May kung ano na lamang na palusot na kanina ko pa pinipilit na isipin para lamang pahabain pa ang panahong panay kantyaw na lamang sa akin ang mga tala at tansan. Paulit-ulit na lang tayong naghihimbilugan. Wala namang may gustong magpahuli. Ang laki na yata ng isinasabahala natin sa alak.

Minabuti kong magsindi na lang muna ng yosi.

Muli akong naghintay ng reaksyon mula sa iyo. Wala pa rin gustong magpahuli. Tiningnan ko na ang hiblaan ko ng sinulid. Maya-maya'y dinadalaw na pala tayo ng anyayang pungay, at tagpo ng ginaw at init. Hiningi ko na ang bagay na siyang ngalan din. Saka mo binanggit sa aking tintahan ko na muna't alikabok at agiw na lamang ang namamahay sa makapal na biktima ng mga napintuang gutom, uhaw, at ngatal.

Hindi natin agarang tiningala ang malong ng pakaluntiang banderitas. Ayos lang naman. Sanay na ako sa pagtanggap na may pinakabang pagpasok sa unang lungga kung kaya't gusto ko na rin talagang sagarin ang pagkakataong ito.

Napansin kong sumusuroy ka nang palayukang-tapik, at hindi ko na masasabi pa kung nauunawaan mo pa kaya ang iyong kalsada. Hindi ko na inisip pa nang makailang ulit pa, at hiningi ko nang mahawakan ang iyong mga kamay.

January 26, 2019

Parang luma nga ba muna bago ang salita? Sa aki'y naghahabulan ang dalawa. Paunahan pa nga yata. Minsan, nauuna ang mga salitang gustong magpaayos mula sa pagkakabuhol. Tatawagin nila ako. Hindi sila titigil. Mangangati ang palad ko sa atat. Mamahalin kong muli ang aking sarili. Mamahalin kong muli ang mundo. Dadarag nang pagkatindi ang sanlibong mata saka ako makalilikha ng gusto kong larawan.

Mamahalin ko rin siya. Ako na ang siyang mag-aabang sa pinto, siyang kukuha ng kanyang pasan, at magtitimpla ng kung anumang asukal at kape, o kapote at tsaa. Sabay naming pagmamasdan ang marilusong usok, at 'di ako sadyang mapapaso. Siya'y magtataka, ngunit sasagutin ko lamang siya ng ngiti. Ayaw ko siyang nag-aalala. Ako lamang ang kanyang aalalahanin. Ako lamang ang kanyang maaalala.

Siya na lamang ang gusto kong alalahanin. Siya na lamang ang nais kong makikita. Sisipsip siya sa umpisa. Papanoorin ko lamang siya. Papanoorin lamang namin ang isa't isa, hanggang sa makaubos na kami ng tig-isang tasa. Hindi pa rin natatapos ang sagutan ng aming mga mata. Maraming pagpigil, hanggang sa hindi na niya mapigilan.

Hindi ko siya pipigilan. Abala ko lamang na ililigpit ang aking sarili. Kakalimutan kong muli ang mundo. At kusa na naman akong titigil.

January 25, 2019

Hay, o siya. Hindi naman din masaya ang pagpilit. Ni hindi naman kita kayang hilingin pa sa buwan. Kahit sumumpa pa ako nang ilang ulit sa mga tala ng langit, tanggap ko nang hindi mo na matatapatan pa ang mga saya kong galing sa iyo.

Araw-araw nang hindi magsasabay, magsasalubong. Araw-araw akong mag-aabang, at araw-araw rin tayong uurong. Araw-araw magmumusika, at araw-araw magkakasundo.

At sa mga nalalabi na lamang, araw-araw nang babagal, araw-araw maglalakad hanggang sa araw-araw na akong panay silip sa araw-araw na pagtigil at kahapon, araw-araw, na paghahanap, sa iyo, at ayaw ko pa ring mamaalam. Ay ga. Marahil.

January 24, 2019

Minsan ma'y naluluha ang aking mga titig sa lubhang ganda ng iyong mga pagbalik. Maiilang ako agad, ibabaling kunwari ang atensyon, mapapangiti pa rin sa huli. Lahat naman, mukhang gago kapag kinikilig. Pero wala ring tangang nagpigil ng damdamin.

Minsan na lamang ako matanga sa'yo. Parang ngayon ko lang tunay na hinayaan ang puso ko na samsamin ang bawat pinapakawalan mong saya. Hindi na ako laging kinakabahan. Hindi ko na iniilagan pa ang iyong mga ngiti. Masaya na ako kapag masaya ka.

Ang ganda mo. Hindi ko na itatanong pa kung ilang ulit pa ba ang dapat kong ulitin. Giliw ko, hinding-hindi ako magsasawang ipaalala sa iyo na ikaw ang liwanag sa aking umaga. Ikaw ang simoy sa aking init. Ikaw ang halimuyak sa aking hardin. Ikaw ang tamis ng pag-ibig. Ikaw ang diwa ng buhay.

Walang sumasalo sa akin. Nawa'y wala na rin pang magtangka. Sa bawat malungkot na paalam, mapalad na akong mininsang bigyan mo rin ng halaga.

January 23, 2019

Mata lang naman madalas ang mahalaga. Puwera na lang kung dalubhasang mapagpanggap ka. Mahirap hulaan kapagka ganoon. Kaya madaling mahalata sa telebisyon 'pag hindi marunong umarte.

May mga panahong kaya kitang unawain. Ikaw lang din naman ang nag-aabot ng iyong sarili, kahit na hindi mo sinasadya, at pag-akalang katulad ko ang ibang mga maniking nakasalamuha mo. Sanay rin naman akong magkubli, kumukulay pa rin ang aking mga pisngi.

Parang may kung anong talas sa iyong mga pungay. Takot sa bawat pangikot. Kilig sa mangilang pagbibiro. Gigil sa bawat pagpipigil. Lumbay sa bawat pagkulong ng sarili.

Hindi kita kabisado pero kilala na kita. Pero hanggang doon na lang ako sa kung gaano ko lamang kayang puwersahin ang aking sarili na saluhin ang nakapangingilig mong titig. Hindi ko pa kayang isipin ang panahong nagpapakilala ka na siguro nang lubos sa akin, at pinili ko pa ring ipakausap na muna sa iyo ang ibang ako, ibang pares ng 'di pa rin sinungaling.

January 22, 2019

Gusto ko nang umibig muli. Gusto lang naman. Hindi ako nagmamadali. Hindi rin desperado. Hindi rin ito para sa'yo o kung kanino pa man.

Ito ay para sa hindi na mamamatay pang kilig. Para sa lagi't laging pagbisita ng mga paruparo sa hardin ng mga 'di na malalanta pang bulaklak. Para sa 'di na mauulapan pang pagbati ng araw. Para sa hindi na maitatago pang mga ngiti. Para sa mga halatang walang hiyang maihahayag. Para sa paglayag nang malumanay. Para sa simoy ng unti-unti pagyumi.

Alam kong madaling sumira ng timpla. At saglit lamang ang hinihintay bago magpaalam sa magpakailanman. Hindi ko inasahan, hindi mo rin inasahan. Malalaglag din sa ibang nalalabi ang mga dahong masayang nagsalu-salo sa biyaya ng ulan. At sa puntong hindi na kaya pang makitaan ng kislap ang lahat, hindi na rin mapipigilan pang hatiing muli ang sarili, tungo sa kung saan-saan.

Pipiliting pagtagpiing muli, mula sa inilibing nang mga pagtibok, tungo sa natapakan nang mga pakpak, tungo sa maputla nang mga halimuyak, tungo sa pagbabalik ng karimlan, tungo sa pagtikom ng ligalig, tungo sa pagtatago ng sarili, hanggang sa bumisita na pagtambol, saka iihip ang takot ng pag-iisang ayaw.

January 21, 2019

Tinanong mo ako noon kung bakit ako nagmumura. Wala akong naisagot. Fuck. Pero siyempre, nag-isip muna ako. Nag-isip na lang ako. Bakit nga ba? Corny amputa. Hindi ko na kasi binalak pang isagot yung nakahandang rebuttal na eh, sa matapat akong tao, na madaling makuntento ang pare mo sa kung anong magiging tingin ng tao sa kanya. Minsan nga, wala na akong pakialam. Ang sa akin lang, tatanggapin kung ano lang ang kayang tanggapin. May siyang kinalalagyan naman ang maglalapat, maging ng aking mga pagmumura.

Hindi na rin naman bago sa iyo iyon, sa tingin ko lang. Wala rin namang kakaiba sa paglalantad ng emosyon. Hindi ko na kadalasan pang kumailangan ng tanyong katha para lang makapagpasa ng init. Sumasakto lang naman talaga lahat ng ayon. Hindi naman totoong tungo sa tingin at tibok ngunit itinutunghay talaga sa mga tala. Bahala na kung sinong makarinig para sa unawa ng iba't ibang talampad.

Mapapalad talaga minsan ang mga hindi nagtataka.

Hindi ako galit ni lumalaban. Alam kong hindi na bago sa iyo ito. Basagin na natin ang mga pangunang pangit na alaala.

January 20, 2019

May bago akong pantalon. Naaalala mo pa rin siguro. Tingin ko, hinahanap-hanap pa rin tayo ng puting titig. Wala na ring naiinitan ang mga lambot. Wala nang sinasalong mga kilay ang usok. Wala nang nabubutas. Wala nang binubuksan, hinihila, minamadali. Wala na ring nabubuksan. Wala nang tawanan, ngitian, nakawan, titigan. Wala nang iyakan. Wala na ring pagpapaalam at paalam.

Wala na lahat. Wala na lang lahat. Wala na lang ang lahat, kahit na mayroon pa ring natitira, tumitira, nakikitira. Hindi ko sila mapaalis. Wala kasi akong makausap minsan kapagka gabi na. Hindi naman din sila nagbabalak na mamasiyal o manlibre man lang ng matamis. Ang iniisip ko na lang, papaano nga ba akong ulit magsuot ng pantalon.

Susulyap lamang ako sa salamin para malaman kung magulo pa ba yung buhok ko. Saka ko bubuksan yung aparador kahit na alam ko namang wala na akong makikita, dahil alam nating pareho na katatapos, katatapos ko lang mabusog. Lalabas ako nang saglit ulit para makipag-usap sa bintana. Minsan, puti. Minsan, serbesa. Minsan, gin. Sobrang minsan lang yung demonyo. Pagkatapos, babalik ako sa salamin, saka ako pipitik sa aking mga bulsa. Magsasalansan na rin ako ng mga kaban saka magpapailaw ng taranta at tanong.

Mauuna ka na lamang sa akin.

January 19, 2019

Ginising mo lang ako para magpaalam. Ginising mo lamang ako nang magpapaalam ka na. Saka ko na muna paiiralin kung maiinis ba ako sa iyo. Masarap matulog. Hindi ko matantiya kung gusto kong ngumiti, ngumiti sa iyo, 'pagkat 'di pa ako nasisipa ng muwang. Ako ma'y dambanang patapik ng ganda'y ilang libong isip ang makasasagot sa lahat ng mga hindi na naiabot pang yakap.

Pero salamat pa rin. Salamat pa rin sa pag-alala. Maraming salamat sa paggising sa akin mula sa mga pekeng responsibilidad at alinlangang ilusyonado. Ang pag-alala'y may angking pagkasapat tungo sa pagbalanse ng mga diyamanteng nagpapaulol sa mga alon. Lumalamig na ang mga buhangin. Tinatawanan pa rin ako ng buwan at mga tala. Yung bolang ipinakilala kong ikaw, unti-unti na palang nasisira. Kinakaya ko nang tumingin sa iyong mga mata. Kung kailan nagsabay-sabay ang mga tanggap at mga pusang kumakahol, saka lang din ako ginulo ng kay sarap na tangis.

Sige na, sige. Mauna ka na. Hindi ko na rin isasakanan pa kung may sakali ka pang lumingon. Masaya na ako sa daplisang hawi ng dinig at hibla. Sige na.

Sige na.

January 18, 2019

I won't get tired of my shit. Maaari akong magpahinga sa lupa at ligamgam nang makailang pag-atras ngunit ayaw kong iwanan ang aking ibang mga sarili. Kung 'di ko pa pinaghiwa-hiwalay at binaklas ang aking kaakuha'y siya ring hindi ako tunay na mabubuo.

Sana'y ako lang din ang may kakayanang muli't muling mapanibagong sirain nang walang kasawaan ang lahat ng pagpapakilala at panghihimasok. Minsa'y sinasadya ko nang mangagkubli nang wala na rin masyadong magtangka. Ngunit hindi rin naman kayang tanggihan ng aking mga kilig at ngiti na masaya pa ring nakapagpaparamdam sa iba. Laking salamat sa mga pagpiling pagtambay kahit pagod na rin sa salisi ng araw-araw.

Sanay naman akong sumulok ngunit iba pa rin kapag nakakatanggap ng magagaang sukli. Sanay rin akong kausapin ang aking sarili ngunit salamat pa rin sa pakikinig ng ilan pang mga sulok. Sanay akong 'di nauunawaan pero nakapang-uusok ang nakakapanibagong bango ng isa pa.

Kung ano man iyon, baka hindi ko na maulit pa, pero hindi ako titigil sa pamimilit. Sana'y mayroon pa rin sa mga susunod ko pang pagbasag.

January 17, 2019

FlipTop - BLKD vs Lanzeta

Round 1

BLKD

Hoy, bata, kasasabi mo lang, mahangin ka pero 'yang hangin mo, yabang lang na hindi na maawat. Ako, hangin ko, pangwagayway ng watawat 'pagkat tinig ko, amihan, ihip ko, habagat.

Kaya, bata, 'di ba dati kang bata ni 2khelle na naging bata ni Nico? Do'n pa lang, dalawa na panalo ko, 
ba't ka nandirito? Batang agresibo, mamamatay-tao? E, minama ka lang nung bata ni Cardo. Pero hindi naman talaga sa taon, sa tapang kinulang 'yan. Wala sa gulang 'yan, nasa gulang 'yan.

Kaya pagkabrutal mo, hindi na mabenta. Napatunayan nang tumitiklop 'tong lanseta. Ika'y armas-pang-away, ako, panggiyera. Bigla ka na lang hahandusay sa bangketa. Tutok na tutok sa tuktok ang punglo. Bang! Taktak-bungo, tagaktak-dugo pero hindi 'to tokhang na nagmamaang-maangan. Pa'no manlalaban ang walang kalaban-laban?

Ano, masakit ba? Hindi mo kayang tanggapin? Sige, gagawin kong mas patas 'tong bakbakan ng galing. Gagamitin kong sandata, matalinghaga ang dating. Oo, lanseta sa lanseta, saksakan ng talim. Oo, lanseta sa saksakan, talagang nakakashock. Kahit magblank ang utak ko, ang labas mo, sugat-sugat.

Kaya pa'no uubra ang blade mo, 'di nga tumalab yung chainsaw. Pinapahirapan mo lang sarili mo, dukhang pabor sa Train Law. Pa'no gagalos ang lanseta kay Vic Von Doom? Hanggang banta lang mga pasabog nitong si Kim Jong-un.

Ako'y mula sa hinaharap na battle rap ng 3030 kaya malinaw pa sa 20-20, ang lagay mo ay 50-50. Mabangis kang talaga kaso hanggang rap lang pala. 'Kala ko batang may K, batak lang pala. Tamang trip, naobsess sa laro ng pantig. Ang dami mo ngang multi, dami mong wordplay. Wala ka namang gig.

Panay sagad sa lalim lang ang kanyang bawat bayo. Hoy, si Invictus na lang ang nakakaintindi sa 'yo. Oo, tunay kang malakas pero lumalabas na mahina kasi aanhin ko ang malalim kung hindi naman mabisa.

Ako'y balakid na simbolo ng dedikasyon mo 'pagkat ang tunay na balakid ay ang limitasyon mo. Ang aking adhikain, ebolusyon ay tuparin kaya ang matalo mo 'ko ay tagumpay ko pa rin. Giba!

January 16, 2019

Ayos lang bang mahulog na lamang sa isang larawan? Mahinang paglayon na lamang siguro para sa mga 'di mapaaming karaniwang anyo ng pagmasid / pagtitig.

Mahilig kaming mga kupal lang sa eksena ng pagbabanggaang abnormal na maisatitik na ang lahat ng nasa aming paligid, maging mismo ang paligid, kahit na inuulol na lang namin ang aming mga sarili. Nandoon kami nagkukumpol sa malapalusot na panig na maaaring pagmumurahin lahat ng manghihimasok na boses ukol sa kawastuhan. Lahat, maging maganda o gago, ngunit walang itinuturing na mali.

Hindi na rin minsan pinag-iisipan pa ang isang malupit na pagliko. Ang kaya lang naming isipin ay yung sarili naming panlasa, kung paano kaming titikim, lalasap, kakain, mabubusog, magtitimpla, mamimili ng sangkap, gagamit ng mga taranta, at magpapakulong ermitanyo.

Kung gayo'y hindi tungo sa akin ang pagtanong. Hindi rin ako naghahanap ng kausap. Iba't ibamg ganda lamang ang aking pakay sa iba't ibang anyo. Ang tanging paghusgang bibigyang-halaga ay ang inalala nang mga pagmasid / pagtitig.

January 15, 2019

Bumili ako ng bagong panulat para sa'yo, para siguro na rin sa pagpapatuloy ng unang bahagi, unang kabanata, o kung anuman iyon. Naubusan ng alay ng tanga, ng oras, ng tao, ng pagkamalikhain, ng pakialam, ng halos lahat, ng muntik na, ng lahat-lahat. Itinigil na lahat ng dapat, wala na kasing gusto pang pumilit, kahit na may gusto pang manood. Nagpalit na ng nagtuturo, ng panggilid na pag-iisip, ng pagbigay-ayos. Ako na lamang ang may pakialam. Ako na lamang ang tanging nakakapansin ng bawat kinang ng pinapakawalang lusaw. Ni hindi ko sinadyang lumapit at tumabi sa iba. Ang hanap ko lang minsa'y pag-iisa, saktong luwang ng patag, maputing akala, at 'di inaantok na mga paggunita.

Muli, sige, ikaw na lang ang nagpaumpisa. Hindi ko naman pinilit maging taal. Sariling boses ko na lang ang aking tanging naririnig. Paminsan-minsa'y bumubulong sa akin na kausapin ka. Paminsan-minsang pinapaalala sa akin na kailangan pa talagang idutdot ka sa akin ng panaho't pagkakataon para lang kumustahin kung kailan huling yumakap ang mahihigpit kong diwa sa tunaw.

Hindi ako galit, ipinapangako ko. Gusto ko lang ipagpatuloy ang mga binura ko nang mga alaala tungkol sa'yo. Paumanhin kung nagtira ako ng para sa akin. Sana ayos lang dahil kahit na sa ganito man lang, kung hanggang sa ganito pa rin, simple lamang ang mga pagpilit. Nawa'y maituloy pa rin ang (mga) salaysay.

January 14, 2019

Ako ang bahala sa'yo. Ako ang nagsilang at yaring lumikha sa iyo. Hindi mo na kailangang mag-isip, mag-alala, kabahan. Kailan ka ba talagang tunay na kinabahan? Ang mga naaalala / inaalala mong mumunting pagpigil at atras ay hindi naman talagang natuloy sa kanilang mga panloloko. Alam mong binantayan kita nang hindi maigi sa ating mga pangiting pagtakas habang pumapara nang makasabay sa mga walang pakialam sa atin. Kailanma'y hindi sila nagningning sa ating mga pakay.

Dagdagan mo pa ng saglit ang paghihintay sa isa. Hindi pa rin daw kasi siya pinapakawalan ng kanyang sarili. Tawanan na lamang natin nang malumanay. Bahala na muna siya. Ako lang naman din ang may kakayahang pagbuklurin tayong lahat.

Basta ba sagot mo ako. Sabay naman tayo halos ng panlasa sa musika. Red Horse lang din naman ang aking bagsakan. Ayos lang din sa akin ang 'di gaanong malamig habang masayang nag-aabang ng mata at segundong kilig sa sulok. May malakas na amats ng pula't patumpik-tumpik na usok ng itim.

Tahimik lang tayo pareho kahit kapuwa na tayong nagsisigawan. At sabay nating hihintayin ang huling panaghoy ng mga usok.

January 13, 2019

Akala ko nakita kitang naglalakad. Ipinalagay ko pang sinusundan mo ako. Hindi ako makatitig sa iyong panig. Sanay na akong mapagod. Sanay na rin ako sa walang kuwenta. Hindi ko na pinilit pang sundan ka, kung saan sanay na rin ang aking isipan.

Naghalong muli ang sabik at kaba. Nakipiging din ang mga alaala. At biglang naghudyat ako ng paghinto. Unti-unti ka nang lumakad papalayo. Nabubusog na naman ang oras sa aking pag-asa. Humakbang ako ng dalawa ngunit napatigil muli. Tumubig sa harapan mo ang pulang liwanag. Ano ba talaga ang gustong gawin ng aking sabik?

Ano ba ang gustong sabihin ng aking kaba? Sa dinami-rami kong inipon para lamang sa iyo, nabigatan na yata ako't wala nang naibaon. Tat. Bakit ka nga kaya naandito? Lo. Kumain ka lang siguro diyan. Dala. Sa may malapit na gagong. Wa. Kapihan o baka nauhaw ka lang sa tubig. I. At inisip na magpalamig sa convenience store. Saan ka na. Sa. Pupunta? 

Maya't mayang may pagsagi.

Sana talaga, akala na lamang. Hahagikhik na naman mamaya ang baliw. Sana bano na lang yung nakita ko. At sana, kung puwede lang, hindi na kita maalala na muna kung saan-saan.

January 12, 2019

Minsan, humihina ang tinta, humuhuni ang pilit. Ang daming maisip na simula ngunit hindi makahirit ng patak. Nagsimula sa matinding pasiklab hanggang sa tanungin nang muli ang sarili.

Ngunit hindi ko kailanman binalak na magmuni sa ipit. Nakakapagod ding makipagtalo sa sarili. At kung anumang munyo ang pilit na bumabagabag sa akin, siya ring pilit kong kinokonsensya. Ayaw kong tumigil pero kay lakas ng hikayat ng pahinga. Ang kailangan ko lang naman talaga'y mabuo ang paghila sa tunay na nagbibigay-buhay sa akin.

Kapayakang pamatok ng karamihan. Hindi pa naman kasi siguro sila nakatikim ng tunay na halo ng bughaw at luntian. Hanggang doon na lamang siguro sila sa dulo ng kung anumang kalderong walang kuwenta. Hindi sila malay sa sustansyang hinahanap-hanap ng mga pula sa ganda at paglapag ng lagkit ng tinta sa pandinig.

Hindi kami bawal. Mantsado lang kami sa lente ng mangilang indibidwal, maging ng aming sarili. Magkaroon man ng magkabilang ipinakong patungong init sa mga bato at damo, minsa'y humuhuni ang tinta, humihina ang pilit.

January 11, 2019

Panibagong dahon. Baduy, ang puta. Pasimple lamang ang lihim ngunit may mangilang makasisilip. Saglitan lamang ang paglipat nang masubukan ang taos. Salaysayang sadit ang iginuhit ngunit panlilinlang ang tumamod. Balak ko pa naman sanang mangilagid. Wala eh. Sumisingkit ang arte. Pakiramdam ko lang naman. Mamamalayan mo na lahat ng hagdan. Babayabasin ka nang lumangoy. Hindi ka takot sa dikya. Masalimuot lang ito sa itimang ikot. Walang bahid ang mga anggulo ko, at hindi mo sila makukumpuni, kahit na luminya ka pa sa pilang awitanang-puntos, peke pa rin ang iihip at kakalampag.

Panibagong dahon. Nag-iisa ka lamang. Ikaw na nagpakilala sa aking nahuhulog, kahit namamaso ang bagyo. Lumapit ako sa'yo. Hindi ko naman pinilit. Kita'y pinakinggang magdamagan. Walang nag-antabay sa pagpundi. Tinawag mo akong muli. Nagtalata na ang kapuwang paghahanap ngunit ito'y labas sa paghangand ng mga alon. Ito'y pamamaalam lamang. Nagtalo pa ang kalma at sabik. Maliwanag na ang dilim. Nakaupong dumaraan ang mga lakbay pangyari. May kaunting pamimilit at paghingi ng kilig sa mahinahong landi.

Bigla kang humiram ng tula. At kita'y naunawaang agaran. Alam nating pareho ang salba. Isang higop na lang talaga at titilapon na tayo bangin. Parehong may gusto ngunit walang may balak.

Nagdaan ang mangilang pag-aming luwal sa bituka matapos kang makapagpaalam ng higpit. Mayroong mga paanyayang pagpanao sa duyan ngunit hindi na pinagbigyan pa. Ipinagpatuloy ko ang pagtatapos hanggang sa makalimot nang muli.

Umarko ang ilang pangkatang ginaw at liwanag. Lumabo na't halos mabura. Tinanggap ko na lamang lahat ng mga tanong at matiyagang nagpainit paulang.

Wala na talaga dapat eh, hanggang sa hindi ko na natiis pa ang paghigop. Nag-angat ako ng isang kuko, at doon muling humuni ang ating umaga. Nagtanim ka nang kaagad, at tayo'y umabot hanggang pagtimpla. Nagsimula tayo sa mga nagbabagsakang gusali at kawat. Gumiling din sa samot, sampal, at senyas.

Hinintay lamang pala natin siyang humimbing.

Tinanong kita. Pinilit mo ako. May mga sapilitang paghinto ngunit tinuldukan na rin natin sa wakas ang tulang hiniram mo.

January 10, 2019

Nililimitahan ako ng sarili kong mga mata. Siniliran at sinulukan na ng mga salita. Parang wala nang balak pang dumilaw. Wala nang nanatiling pakay, at hindi na iniwan pa ng pagmamasid ng hanap. Nakakakitid ang pamemermekto.

Lahat ang may nais ngunit sila rin mismong aminado. Handa nilang lunukin muli ang kanilang mga sinuka. Kadiri, pero sanay naman na sila roon, hindi nga lang nila alam. Ang alam lang naman talaga nila, mag-isa lang sila sa mundo, at kadiri. Hindi nila aaminin iyon minsan. Sila ang bahalang magpigil, magtalukbong, mangitlugang tanyag at malansa, tumambay, tumingin, at tumikim sa saglitang panlimaang tala.

Abala ako sa bagsakan ng iba. Sila ang dapat na maiwasto. Dahil sa dinami-dami kong pagkakamali sa pang-araw-araw na malay, sawa na akong magpahintulot pa ng mga hindi sadyaang panapos-sisi. Hindi ako nagsisindi minsan ng katol bilang panaboy-pantal at inis. Minsan, hinahanap ko lang yung ibang luntiang amoy. Totoong luntian. Sigarilyo ko na ang bahalang tumapos sa kanila. Magbabalinahan na lamang ang lahat hanggang sa mag-iisahang talamparang-kapit ang mabuo.

January 9, 2019

Ayos minsan sa akin yung mga napasubo na lang ako bigla. Hinahanap-hanap minsan yung mga kaba at takot. Hindi mapigil na mga pagkapa sa bulsa at ginagantso lamang akong paghintay ng tilaok. Hindi matapus-tapos na pagmamadali, paglingon, pagtingala, pagsamba sa tubig at halina, kumot, unan, lihim, tulin, at pagod.

May init sa ginaw, may kilig sa dilim. At ilang beses mang paalalahanan ang sarili, umaanino pa rin ang walang may balak na pumaslang. Ako lang naman ang may sagot sa sarili ko, kahit kontrolado ng iba ang aking isip. Nagyuyumi ang angas sa tuwing magbubukas na ang uwian. Wala rin namang masigawan. Mas masahol pa sa burot. May pagtrato ng kunwari. Iba naman talaga ang salamingang papansinin. Takot sa kanal dahil nauna ang tsismis. Minsan, gusto. Minsan, ayaw. Minsan, matapang ang gatiyan. Nasa taas man o sa ibaba, hindi kailanman sumayad sa pagpapanggap.

Manggaling man sa sukal at lubak ng pagtatago, hindi na ineetsa-puwera pa ang buwisit na danas. Wala namang nagsabing hindi lasa ang pait. May kabisa sa kalikot. Huwag maliitin ang paglawak ng pananaw. Ayos minsan ang personal na pagkilala sa mga goyo.

January 8, 2019

Ako na lamang ang nag-umpisa, hanggang sa ikaw na mismo ang makaalala, makaalalang muli at umunawa. Ikaw ang nag-aya at nag-udyok, galing sa kung anong inggit ng ibang arte. May tilang nagsindi sa inaalikabok nang mitsa, at ako na lamang ang natirang kusang nagpaalab.

Wala na akong balak pang maghintay. Hindi mo rin naman ako maririnig. Maraming salamat na lamang sa muling pagpapakilala sa akin. Unti-unti na muling lumilinaw ang mga bakat, kasabay ng hindi taos na lunduhing lubha kong giniliw. Matagal siyang nangulila, mabuti pang siya'y naging matiisin, sa mga banat kong kulang na kulang ngunit umiilalim ang pagkumpleto sa akin.

Nawa'y hindi na sumabog pa at magkalat ang gasera. Wala naman ding gamugamong nais na magtangka. Wala naman akong balak sumugod, ang hugnay ko lamang ay mangandila't pumuslit ng bulong. Baka sakali lamang, para sa iyo, na pilitin mong bumangon sa mapaklang salimuot ng bagyo. Tanggap nating mahal na mahal natin ang tikatik at nagsisimatayang luntian. Tayo ang magsisilbing nagbabanggaang ilaw na taal na walang hinahanap kung hindi pansariling kalma sa gitna ng 'di matapus-tapos na bakit ba tayo araw-araw pinagkakatuwaan ng ating mga ibang sariling ating tanging mga kakampi laban sa... Galit ka roon, alam ko. Ako naman kasi ang nag-umpisa.

Subukan mo nang umalala.

January 7, 2019

Paulit-ulit kitang babasahin hanggang sa hindi na kita maintindihan. Hindi mo na kailangan pang pagurin ang iyong sarili. Ako na mismo ang maglalakbay hanggang sa pahinga ng dulo. Ang sa aki'y doon lamang ang sukat kung para saan nga ba ako sa'yo, at hindi na mag-aatubiling hanap pa kung tatanungin pa ba ang aking sarili ng malambot na konyat ng bakit at paano.

Kasi mahal kita. At iyon ang pinakamatamis na buga. Aanhin ko pa ba ang kahit na ano. Palalampasin na lamang ang madalas. Aakuhin ang mga minsan. Sila ang susundot ng mga paalala at patuloy na tatapos sa pantay na mga palitan. Hindi madalas wari ng mundo na ang kapiranggutan ang siyang nagpapatibay. Hindi mapapagod sa pagkuwit, at hinding-hindi hahanapin ang pagtuldok.

Malabo man ang halo, hindi kulay ang hinihinga. Pagmasdan man nang matagal, sa pangkalawakang bugso pa rin ang hantong. Kumplikado ang bigwas ngunit musmos ang ilalim. Hanggang iisa na lamang muli ang lahat, ako na ang maghahatid sa aking sarili.

Minsan, hindi naman umaalis para maligaw kundi para maghanap. Siyang hindi nagpupumilit, ngunit magkukusa ang katapatan ng mga salita.

January 6, 2019

Minsan, gusto ko nang madaliin ang aking sarili. Takot ako sa mga blangkong espasyo. Takot ako sa bagal at bilis ng oras. Takot akong habulin ang lahat ng bagay, maging ng tao. Sinubukan ko na minsang mapagod, pero latay pa rin ng lason ang nananaig. Makailang pilit man akong magpahinga, babalik at babalik pa rin ang halika, ng malanding tinta ng aking maya't mayang kaibigan.

Akala mo kung sino mang-akit. Minsan lamang sila magtalo ng sigarilyo. Iniisip ko na lang kadalasan na nauubusan na ako ng palusot para makapagpausok, makapagpauso, ng kung anumang maaari pang igripo ng sarili ko. Hindi ako kayang istambayan ng mga bala kahit na alam na alam ko at pakiramdam kong pigang-piga na ako. Naghahanap ako ng mayroon sa wala. Araw-araw akong sinusubukan. Ni hindi ko na pinapansin kung nagkakamalay pa ba ako. Antok at siya ring bulag, magkukumot na lamang ako sa sarili kong kadiliman. Wala namang may kailangang umunawa.

Matagal ko nang tinanggap ang pag-ambon ng karayom. Hindi ako naghanap ng payong, totoo, dahil hindi ko naman inasam na sumilong. Isang matagumpay na apir lang ang sagot na alay sa bawat inggit, dahil sa huli, hindi ko hiningi ang palakpak ng ibang mga palaka.

January 5, 2019

Winala niya yung tula ko para sa iyo. Malay ko ba. Siguro kasi, pawang mga salita lang naman ang mga iyon. Naaalala ko yung mga araw na sumasagot ka pa sa mga kilig ko ukol sa kanya. Hindi ko rin inasahang maririnig ko mula sa iyo na nais mo na rin sanang maranasang magmahal. Kinilala ko pa noon kung sino ang iyong tipo, at kilala ko rin kung sino yung tipo ka. Hanggang ngiti na lamang ang lahat. Sinubukan kong ipakilala sa iyo kung sino ka nga bang talaga.

Minsan, iniisip ko rin kung bakit ganoon at patungo saan. Baliko sa mata ng tao, walang kinalaman ang mundo. Wala ring may pakialam pumatol. Walang may gustong sumagip, dahil wala naman ding sasagipin. Kung anuman siguro yung nakita ko, akin na lang muna iyon. May kaunti siyang aninag. Hindi ko alam kung alam mo na.

Ang alam mo lang siguro sa ngayon eh, kung paano kong nililito ang aking sarili sa bawat pagpulupot ng langit gawing panaog. At sa bawat halimuyak ng pabadyang bati ng pisngiang mamula-mula, tanging paglingon lamang ang inaabangan ng 'di gaanong gising na matyag.

Simpatiya mong tunay ang naghatid ng mga ngiti.

January 4, 2019

May oras pa naman pala. Sinubukan kong mag-isip. Binigyan ko ng hagdan ang muni. Umiglap sa ilalim, mamaya pa ang pagsabog. Mayroon tayong kanya-kanyang katatakutan kahit na ang sarap pandirihan ng lahat ng nakapalibot sa atin. Maya't maya lamang ay mayroong sasabog, at wala pa rin tayong pakialam sa likod ng ating ibang mga sarili.

Mamaya mo pa ako makikilala, at hindi mo na ako maaalala. Wala nang ibang paraan pa para maiparamdam sa iba ang gusto ng malisik na tagis. Kapag may naiiwan, siyang mag-iisip kung una, tatakbo ba akong maraya, o pangalawa, titigitpak ang bawat sampal ng lupa sa bangkay ng mga luma.

Nandirito ako, at iyo pa ring pinakikinggan. Nasa aking mga mata pa rin ang himagsik para magtagumpay sa ibayo ng alon ng mga bakal at pulbura. Nandirito ako ngayon, at iniisip kung patutuluyin ba ako sa mga yakap ko lang namang asam, o magbabalik sa pagmamasa ng alitaptap. Nandirito ako ngayon, ako ngayong nag-iisa sa ngiti ng aking kuweba, malagkit, mabaho, at hapo sa alat ng pagkakaibigan. Hihingi ako ng huling paumanhin sa hangin saka bubulyaw ng galit na minsan pa ring umunawa.

January 3, 2019

Hindi ko na magagamay pa ang wika ng pag-ibig. Mananatili na lamang itong misteryoso, mahiwaga. Makailang banong rima man si Gloc-9, makailang luha man ng lalamunan sina Ebe at Chris, makailang parinig si Chito, makailang kurot man si Armi, sumagad man ang lahat sa aking mga buto, maunawaan ko man lahat nang paiba-iba, tawanan man ako ng buwan gabi-gabi, hinding-hindi na lalawak pa ang aking aninag.

Kung anuman ang ikinapayak ng bad trip na mga nagkumpulan nang bulaklak na araw-araw inaasam-asam, ganoon ding magiging kakumplikado ang lahat ng pagkakataong sinubukang pagbugtungan ng liwanag ang mga pinagtangkaan. May hikayat ng dali, may kanti ng gulo. Sarili lang madalas ang nasa gitna ng digma. Pangunang bastos sa palatuntunan ang magbabadya. Nagbadya. Masarap na masakit. Masarap at masakit. Pilitin man ang pag-iwas, radikal pa rin ang hantungan.

Pero wala eh. Hindi man (pinaka)sapat na batayan, lagi't lagi kang kay rikit sa paningin, sa aking paningin, sa akin. May kung anong pansariling pag-angkin sa bawat hinihinging kahulugan ng mga salita. Tanungin man nila ako kung ano para sa akin ang hulog ng langit, pagkatamis mong ngiti ang ituturing. Tanungin man kung ano ang saya, lumilista ang pungay ng iyong mga mata. At kung hingin pang muli ang pag-ibig, na siyang tunay at wagas, walang ibang maisasagot pa, kung hindi ikaw.

Ngunit muli't muli, hinding-hindi ko magagamay ang wika ng pag-ibig. Sinadyang hindi ko kaya ito nang mag-isa, kahit na araw-araw na akong sinasanay ng pait at tamis. Araw-araw mang maging magulo ang lahat, araw-araw ko itong aakapin, sosolohin. Makailang buhos man sila sa akin ng galit, inis, at pagtataka, sa'yo at sa iyo lamang ako may pakialam. Hindi mo man ako maintindihan, kapuwa na lamang tayong maghahanap sa kalawakan kung ano ang maaaring katotohanan para sa atin, katotohanang para sa atin.

Dahil muli't muli, hinding-hindi ko magagamay pa ang aking pag-ibig.

January 2, 2019

Sakto lang naman. Hindi ko alam kung sino sa atin yung tunay na kinabahan pero minsan, takot ako sa mga mata mo. Ikaw lang ang madalas na magpaminsan sa akin. Minsan, ibang tao ka sa akin. Minsan, kaibigan ka lamang. Minsan, ikaw yung kilig. Minsan, kape. Minsan, gulay. Minsan naman, tsokolate. Minsan, kusa. Minsan, aso. Minsan, naiinis ako sa'yo. Minsan, wala akong pakialam. Minsan, nagkukuwento ako sa'yo. Minsan, nagpaparamdam. Minsan, adik sa'yo. Minsan, gusto kong magkuwento sa'yo. Minsan, nauubusan ako ng sasabihin. Minsan, nauubusan tayo ng mga salita.

Minsan, pagod ka na.

Minsan na rin ako, kahit 'di na hal'ta, bitin. Sobra. Pagod.

Minsan, nakalilimot na. Pabaya. Papansin, at para lang lahat sa atensyon mo.

Hindi naman kita hinihingi. Hindi naman na kita pinilit pa, kahit na alam kong gusto kong kinakausap mo ako. Kahit na alam mo minsan. Kahit na ikalulundag ng puso ko, at ikawawasak ng mga mundo natin, ng mundo ko.

Gugulong ang mga tala sa dilim sa diin kong magsulat ngunit hinding-hindi ako babakat sa'yo. Ang huli ko lamang na maaalala, ang ganda mo. Hindi ko na ipapaliwanag iyon. Wala namang may kaya. Kahit ano pa mang gawing bulalas, walang aabot sa subok. Hindi ka naman madaling tumakas. Takot pa rin naman ang aking habol. Nakayukong malumanay ang aking mga silip. Hanggang sa aninag na lamang ang iyong tinig. Sumaglit na ang paalam.

Paumanhin.

Paumanhing muli sapagkat hindi ko pa rin matantya kung hanggang saan lang ba ako. Alam ko sa sarili kong tanga ako sa ganitong mga bagay, at / o pinangungunahan pa rin ako ng ibang mga bagay. Ayaw kong nauulit yung ibang mga minsan kahit sanay na sanay na yung kayarian ko. Wala namang nagsabing wasto lahat ng nakasanayan.

Minsan, gusto ko ring kumawala, sa pagbabantay na ako lang din naman mismo ang may pakana. Pinipilit kong pigilan yung sarili kong magdalawa hanggang tatlong isip. Apat na tasa ng kape. Limang oras na pekeng ligaya. Anim na beses na akong muling masasaktan. Huhuni na lamang ang karton ng buwan sa akin. 

Minsan, gusto kong tanungin kang muli.

Hindi ko kailanman ito pinilit. Ako lamang din ang tanga. Mga mata mo na lang ang makapagsasabi. Araw-araw akong maghihintay hanggang sa magkaroon ng tila. Hindi sana ito pagtatapos. Ayaw ko na munang muling maubusan pa ng mga salita.

January 1, 2019

Hindi ko na rin masyadong maalala. O baka, hindi ko na rin masyadong inaalala. Sino ba kasi yung nag-umpisa ng ganito? Wala na ring may pakialam. Kung hindi na lang din kinayang sungkitin pa ang puno eh, wala rin namang nagbalak na sumilip ng ilalim. Hindi mo na ibinalik. Minsan ko na lang din hanapin. Kung ano pa man yung hindi mo pa ipinapakita, maraming salamat na lang ulit. Tapos, paumanhin, nararapat naman sa'yo lahat ng payapa at kasinungalingan na hiningi mo sa akin. Hindi naman siguro, sana, pinag-isipan nang maayos kasi taos na naubusan ng bala. Wala bang may kusang sinadya? O pawang ako na lamang ang nanloloko sa sarili ko? Si Batman na lang siguro ang makapagsasabi. Siya naman madalas. Ang akala ko lang naman talaga, dalawa yung pinagtuos mo. Tatlo / Apat pala.

Muntik na akong magtatlong tasa ng kape. Hindi ko kasi alam kung kinakabahan yung kawani o kinikilig. Martin. Pansamantala muna akong nagbabagu-bago ng anyo. Hindi rin ako takot gumamit ng bantas. Ang kaso, binibinatog ako madalas / minsan kapag kaharap na ang nakasanayang liwanag. Lilipat na rin muna ako ng espasyo. Kakaiba rin dahil parang binulungan lang ako ng kuwaderno eh, daupang burulyado naman talaga yung habol ko kanina, bilang bahagyang ensayo para sa'yo.

Putang ina mo.