August 28, 2021

Oh shit, yari. Napagkamalan ko pa namang masaya ang budhi at wala nang makakaawat pa. Yung tipong sa sobrang inggit e humantong pa sa sobrang pangunguwestiyon sa mundo kung bakit pa nga bang may mga natatagong kaalaman ang hindi ko pa rin nakikita, o baka umabot din sa point na hindi para sa akin, o kaya nama'y hanggang pagmamatyag na lamang sa aking pansariling lurk corner.

Aminadong kinakabahan pa rin naman minsan, kahit na patuloy ring pinakakalma ang butod. Ididiin nang ididiing humingang malalim, humingang malalim, putang ina mo, huminga ka nang malalim. 'Wag kang mataranta, ops, 'wag kang matataranta. 'Wag kang matataranta, puke ng ina mo, 'wag kang mataranta. Kaya mo 'to. Kaya mo 'to. Sa iglap na pipikit ka, lalamunin ka nang buo ng iyong demonyo. Bunga ng mga ideolohiyang demonyo rin, hinahayaan mong hayaan mo ang sarili mong tangayin ng mga buga, papaloob nang papaloob, sagad sa pader, sa sahig, katabi ng mga daga at ipis, unti-unting patungo sa iyong mahinang pagngawa ang maiitim na mata, tatakutin ka, at magpapatakot ka naman. Dahan-dahang lumalapit, kahit mabagal, alam mong maaabutan ka pa rin niya. At kahit na alam mong maaabutan ka niya, inintindi mo pa rin lamang ang takot, ang kaba, ang pagkabatang magpakain sa kadiliman.

Mapapasigaw ka nang walang ingay, walang tunog, ni hindi mo maririnig ang iyong sarili. Tanging kaluskos ng paggapang ng mga papalapit na yapak ang patuloy na nagpapakilabot sa kabuuan mo. Alam mong sa sarili mong kaya mo, pero tama na, tama na ang tanging natitira na iyong mga sambit. Tama na, tama na, please, tama na. Hindi ko na kaya, hinding-hindi ko na kaya. Mapapakapit na sa sentido mo ang iyong dalawang kamay, sisigaw kang muli para sa tanging pangalan na alam mong sasagip sa iyo, nang umabot na ang demonyong sumambulat kahit na inasahan - yaring siya rin, ang sasagip sana, ang tanging tumapos at tatapos din pala sa'yo.

August 21, 2021

Hindi kailanman magkakaroon ng perpektong halimbawa, perpektong sining, sining na hinala. Sining na malawak, sining na may silbi, sining na hindi na paulit-ulit pang ikukubli. Sa sining ng may paki, sa sining ng may alam, ang sining na 'di mamamatay, subalit walang nakaalam. Ang sining ay hiwaga, sining na galing sa mga tala, sa ibang mga lupalop na lupa, sa gitna ng mga alon at laya. 

Pilit na pipiglas, hindi panatag na makakaahon. Patuloy na maghihintay matapos ang panghabambuhay na hamon. Hindi kailanman pang makikita kahit sobrang sikat ng liwanag. Kapag sinubukan pang itago sa lihim, hindi pa rin ganap na siwalat sapagkat ang sining ay masking banayad, masking galing sa diwa, maski pang himig ng animo'y nagbibirheng dila, maski pang hinukay sa kailaliman ng dusa, sa yakap ng pighati, sa yaring nagkukusa, nananatiling 'di buo, puslit lamang na may tila hinahanap na pagkatao, tinatantyang 'di gasino, 'di alarma, 'di pugot ang ulo ni hindi rin buhay.

May pag-aagawang namumukod, hanggang kailan mag-aantay para masinop, makilatis, maubod ang siyang nais? Hindi na siguro kailangan pang pag-usapan 'pagkat ang sining ay sining, hayaan lamang ang isipan. Ilatag ang kumot, mga kakampihang unan sa panaginip. 'Pag hinayaang sumining ang sining, wala namang dapat ikagalit.

August 14, 2021

Ang pangit lang ng ugali mo. Napakahusto ng yabang. Bakit nga bang sa tuwing mayroong nalabas, kinakailangang mayroon kang mas ikahuhusay na panig, mas mataas na panaig, mas magaling ka sa lahat? Bakit na lang kailangang madalas o palaging nakaangat ka sa pedestal, sa rurok ng mga hari, hindi kailanmang nagkakamaling sampid sa mga nasa ilalim? Bakit? Palagi kang mataas? Palagi kang marunong? Palagi kang dapat na may sambit na gento ang mayroon kang alam at ikaw dapat ang moderno? Ang bawal husgahan? Ang nararapat na pamantayan? Ang dapat lamang sundin o tanging natatangi, walang bahid ng mali o pangit na pagkakaalam, kuro, o talino?

Sa pagkuha ng sariling opinyon, sa iyo lagi ang tamang reyalidad? Ikaw palagi ang wastong kita, ang 'di na magkakamali pang daan? Ikaw ang tamang daan? Ikaw lamang? A o 'di sige, ikaw lamang. Ikaw na. Palaging kailangang magmaangat sa kahit na anong aspeto, maski siguro pumili ako ng paborito kong langgam, ipandadaig mo ang pinakamatalino mong hula para sa pinakamalupet na langgam. 'Di kaya'y maghahanap ng mas malupit na kuro, mapanggulang na insekto na kayang dumaig sa paborito kong langgam? E 'di mahusay. Palaging magaling, palaging mataas. Bawat tiyempo ng tapak, kailangang mayroong natatapakan. Bawat liko sa bawat kanto, nasisilip, nasisilipan ng pangmeriendang hindi ka nahuhuli at 'di kailanman mahuhuli.

O 'di ikaw na. Ikaw na ang palaging mataas. Ang palaging mayroong mas maganda at mahusay na konsepto. Ang palaging mayroong pambalik kahit na 'di naman inaano. Makakita ng mas perpektong anggulo, kahit na hindi naman gustong lamangan. Palaging nais na lamang, malamang, at takam na takam sa sariling mundong pinaghahari-harian. Makamundo. Makasarili. Ikaw lamang ang tama. Ikaw lamang ang pamato, kami lamang ang mga pananggulo. Nakakagulo lang naman pala yung isip namin e. Para sa'n pang nag-iisip kami at nakikipag-usap sa'yo 'di ba? Kung ikaw lang din ang tama. Ang pangit kausap. Ang pangit kasama. Ang pangit, ang pangit, ang pangit talaga.

Diyan ka na. Walang respeto. Nakakawala ng respeto. Nakakawala ng gana. Nakakawala ng pagkatao. Burado ang lahat, wala nang matitira. Magsama-sama na lamang kaming iba, mabuti't may ugnayan, kaysa kadalasang makitang mababa at walang pakinabang. Wala na lang sanang gumambala. Dito na lang kami.

August 7, 2021

Ambilis na ng panahon ngayon 'no? Mabilis na magtimpla ng kape. Agad nang may maiinom. Mabilis na kasing magpainit ng tubig. Meron na ring mga instant sa sachet. May kape ka na agad, may asukal na bigla, may gatas pang pati. Mabilis nang may gumising sa'yo, kahit mabagal kang umusad. Mabagal ang makatulog, mabilis na pamamahinga. Kulang lagi ang oras kahit na saglit na lamang ang lahat. Ano pa nga bang dapat nating bilisan para lalo pang bumagal ang panahon?

Yari ka na naman agad, wala pa ngang nangyayari. May mga gusto kang gawin pero hindi masimu-simulan. Panay ang tanong ng mga pagod, hindi hayaang mag-umpisa. Bakit sa tuwing makakaalala ay sadyang agaran din ang paglimot? 'Di bale na dapat ang walang pahinga, kahit na madalas na hinahanap. May mga pagkakataong lumalampas, kahit hindi pa naman talaga nakakaabot. Panay ang tanong sa sarili, wala namang panahong sumagot. O kahit pang simulang dumiskarte, bakit pang nauunahan ng yamot? Kahit ano pang bilis ng tagay, iikot at iikot ang baso. Kahit hayaang maghintay, hahayaan at hahayaan ding matatapos. Lahat pa nga ba ng simulan, sadyang lahat pa ring matatapos. Kaya bang natatakot simulan ay natatakot ding matapos?

Takot sa mabibilis, gustong natatapos agad. Ayaw tingnan ang umpisa, gustong nasa dulo agad. E paanong mag-uumpisa kung sabik sa pagkaganap. Lahat ba ng silbi ay nasa dulo ang lahat? Huwag matakot kumalas sa alaala ng mga mali. Sabi nga'y kung 'di pa nagkakamali, siyang wala pang nagagawa. Kung ano ang hanapin, landasin nang tunay. Hindi natutulog pagkagising, bumabangon dapat nang agaran. Ang takot ay kilalanin, siyang may pakialam sa kaligtasan. Ngunit kung papalagan ang ngayon, mimithiin pa rin ang bukas. Kung kaya't ang maiwan man sa umpisa, maiiwan din sa dulo. Hayaang ang pumagitna ang kasalukuyan, dahil ang kasalukuyan ang pagtatapos.