June 14, 2021

Mahuhuli na naman ako sa klase. Maaga naman akong nagising mula sa aking pagkakaidlip. Dapit-hapon na't malapit nang mag-umpisa ang mga huling lektura. Pagdating sa kanto ng paghihiwalaya'y napansin kong maraming nakapila sa gilid ng isang dormitoryo at mayroon silang mga bitbit na balde para sa tubig siguro. Hindi ko rin alam. 

Malapit nang antukin ang araw at inilabas ko na ang aking kaha para magsindi ng yosi habang naglalakad. Pababang kusa, palampas ng ikalawang waiting shed, nakiihip sa aking pagkakalat ang malamig na hangin. May mga papauwi na ring estudyante na kanya-kanyang para at sakay ng jeep. Iniwasan kong tingnan ang kanilang mga mata. Tinanaw kong ulit yung mga nakapilang may bitbit na mga balde.

Paglampas ng kanto'y muling umihip at lumakas ang buhos ng mga kapwa kong mag-aaral na naglalakad. Maaga siguro silang pinauwi ng kanilang mga prof. Napansin kong malapit ko nang madaanan ang tennis court tungong takbuhan. Sa ikatlong ihip ng ginaw, halos pawala na rin ang sigla ng umaga. Sinimot ko na ang huling hininga ng aking nikotina at itinapon ang upos sa may kapunuan sa gilid. Walang sorry-sorry, walang anu-ano. Patuloy akong naglakad matapos mag-adjust ng sikip ng aking backpack nang pangatlong beses.

Dumating din sa wakas sa may bungad ng mga kolehiyo at faculty center. May mga bumibili pa ring lupun-lupon ng mamemeryendang mais at ice cream. Tinamad na muna akong umakyat sa aking klase't nag-isip ng panibagong palusot para magsindi ng panibagong yosi. Kumaliwa ako tungong tambayan ng mga naghihintay ng kanilang mga sundo, mga nag-aabang ng masasabayan pauwi, mga nag-iisip kung uuwi na ba o uuwi pa ba. 

Sa mga kasabay kong nagpapakamalikhain sa palupitan ng mga palusot sa sarili, sunud-sunod na nabuhay ang mga street light. Humudyat ang papayakap na dilim ng araw na ayaw ko na munang matapos. Umakyat ako ng mangilang hakbang sabay liko sa minsanang yosihan sa may gilid. Pansin kong may isang babaeng nagyoyosi rin, at isang babae pa sa may kalayuan na nagpapalipas ng kung ano.

Chineck ko ang aking relo. Late na ako nang ilang minuto pero kebs lang. Dinukot ko na ang aking kaha at nagsindi ng panibago. Adjust muli ng bag at check ulit ng relo kahit na ilang segundo pa lang ang nakalipas. Chineck ko na rin yung phone ko kahit na alam kong wala naman akong natanggap at matatanggap pa. Inalala ko ang hapong iyon, ganito rin ang bagsakan. Tumahimik ang lahat dahil sa pagtitimpi kong hindi umayon sa iyong pagmamakaawa. 

Bawat hithit sa aking sigarilyo'y may pagngawa ako sa kahapong kunin na lamang akong muli. Hinintay ko ang lahat ng kritisismo at sampal sa loob ng aking dibdib habang hinila kitang patago sa parehong puwestong tinatayuan ko ngayon. Shet, dito pala 'yon. Pinitik ko sa may halamanan ang simot na upos at tiningnang muli ang kasabay kong nagyosi na babae. 

Nagsindi siyang muli at tinalikuran ako. Pake ko rin ba sa'yo? Gagu. Kumuha ulit ako ng isa pang stick at iniipit agad sa labi. Hindi nagsindi ang unang pitik ng lighter. Ikalawa. Ika-ikatlo. Ikaapat. Ika-ikalima. Tiningnan kong muli yung babae. Alam kong may lighter ka pero shit. Nakakatamad makipag-usap. Anim. Pito. Lapit onti. Baka mahangin lang. Walo. Wala. Wala nga talaga. Lapit saglit. Siyam.

"Ito o." Hindi ko napansin sa huling segundo na pansin niya palang wala na akong sindi. Saka na lamang nang iniangat niya na ang kanyang lighter at marinig ang kanyang boses.

"A syet. Salamat." Inisteady ko lang yung mata ko sa apoy ng lighter niya. Baka mapatingin pa 'ko sa mata niya e. Ayokong maulol. Nagkabaga ring sa wakas yung yosi ko. Nawalang bigla yung apoy.

"Salamat."

"Dito na 'ko."

"A sige." Ingat.

Check muli ng relo. Fuck.