September 17, 2015

Preface

Nakasasawa nang sabihin, pero wala rin naman nga akong kausap. Sanay lang din naman akong nagmumuni sa kung ano na lamang ang bigla kong nakikita. Biglaan lang din ang pag-iisip, hindi na rin makontrol kadalasan. Mag-iisip lang ako nang mag-iisip, ganyan. Tuluy-tuloy. Hanggang sa mapagod yung bullshit ko. Minsan, sa sobrang genius ko, hindi ko matalo yung sarili ko.

Pero panalo ako.

Minsan, may mga naiisip din ako na gusto kong isulat. Gusto kong iniimortalize ang maraming idea/kuwento/bullshit ko kasi alam kong makakalimutin ako. Alam ko ring mabisa yung mga sinusulat ko para sa akin. I mean, may bisa sa akin kapag binasa ko. Ako lang naman din ang mambabasa ko. Gusto kong binabasa yung mga output ko. Kayamanang akin ko silang itinuturing. Ako lang din yung fan ko. Ako lang din naman ang may pakialam sa akin, maging sa mga sinusulat ko. Hindi ko naman siguro maiiwasan yung masuri ng buong mundo na bullshit ako.

Pero hindi ako humihingi ng awa/simpatya.

At pakyu, hindi ako writer. Makakalimutin lang talaga ako, kaya ako nagsusulat. Masarap din minsan sa feeling kapag binabasa ko yung mga dating Mart. May mga nakakainis madalas. Napatatawa ko rin ang sarili ko kung minsan. Kaya kong magfangirl sa sarili ko, kahit magdamagan. Nakakamiss minsan yung mga dati kong sarili. Yung mga dati kong iniisip, pagkukuwento, panggagago. At napakaconvenient na naisulat ko sila.

Madalas akong magsulat para sa sarili ko, maging sa isang tao lamang. Yung tipong hindi talaga magegets nang buo ng kung sino. Minsan, may musa. Madalas, wala, kundi ako lang, matapos ang apat hanggang limang tasa ng kape. Ni hindi ko inisip na may pumupunta sa blog ko. Nasisira kasi ang memory ng laptop, at sayang sa oras/espasyo ang pagback-up kaya sa internet ako nag-iipon.

Hindi ko naman sinasabing hindi ko iprinomote kung minsan/ever yung bullshits ko. Nakapagpabasa na rin ako kung minsan. Gusto ko lang sana, lagyan nila ng 'di kaaya-ayang mga kumento. Hindi ako nagyayabang, pramis. Nahihiya/natatakot lang silang masaktan ako. Inuulit ko, pakyu, hindi ako writer. So maaasahan ko na agad ang maraming kamalian ko na maririnig.

Pero bakit ko nga pala ipinapabasa minsan? Okay rin kasi sa pakiramdam 'pag may napangingiti ako. Ako rin naman yun madalas. Ewan.

Aaminin ko, hinangad ko na rin minsang magkaroon ng aamuying sariling aklat na galing publishing house. Pero ni hindi ko inasam maging mahusay/dalubhasa/tunay. Ang nais ko lang, magpahanggang sa ngayon, pasayahin/bullshitin si Mart. Bonus na lang kung makasipa ng emosyon ng iba, makapagpagising ng kritikal na pag-iisip, at makahanap pang muli ng iba pang mga ako.