August 10, 2011

Baraha

Yes. Please. Tapusin mo na. Okay na 'tong laway na 'to. Tantsa ko, sa lapot kong 'to, malapit nang mag-time. Joke lang. Kanina pa kasi ako tumitingin sa relo ko. Ang relo kong na-miss ko for 1 week. Grabe as in last week, tingin ako nang tingin sa left wrist ko. Tapos nabaliw pa ako kasi tinanong ko pa yung sarili ko kung anong Tagalog ng wrist. Sobra akong nabaliw.

Tinapos na rin ang pagtatalumpati at walang katapusang headbangs. Sana lang maalala kong kailangan kong kumuha ng readings na naman kay Ate Jophel. Minsan may hiningi akong readings na pinapakuha galing kay Ate, wala naman daw. Kaya minsan, tinatamad na rin akong kumuha ng readings. Kailangan ko rin palang mag-refresh ng mga lalawigan sa ating bansa. Grabe. Ito pa isa. Last last week ko pa siyang inaaral. Mabuti na lang talaga last last week ko pa siyang inaral, para magre-review na lang talaga ako. May blank map kami sa Friday. Buti na lang talaga.


Lumabas na ako mula sa pesteng classroom at nagmadaling pumunta sa CASAA. Wala na kasi akong barya. Sasakay kasi ako ng jeep para makapag-MRT at makapunta sa office ni Nanay. Pinadala ko kasi yung camera para may gagamitin ako sa Geog camp namin sa Sabado. Sabi ko mga 1 pm ako dadating. 11:30 am sakto tinapos yung klase - akala ko mga 11:20 ~ nairita na talaga ako. Ang taas pa naman ng sikat ng araw kanina, e tapos wala pang jeep mula CAL hanggang CASAA. Nahihilo na ako. Bumili ako ng pasta sa Pipanganan nang mabaryahan yung isanlibo ko, kung hindi, isanlibo ang ibabayad ko sa jeep. Ayaw ko rin namang mabaliw si Manong Drayber. Tinake out ko na yung pesteng pasta at kinain ko na sa jeep.


Pagsakay ko ng MRT, natuwa naman ako sa air con. Lecheng init sa labas yan. Pero nung nadagdagan na nang nadagdagan yung mga pasahero, e bumaho na nang bumaho yung naaamoy ko. Hindi ko naman alam kung paano ko ipupuwesto yung ulo ko. Panay ihip na lang ako. Hindi ko siya carry, yung amoy. Grabe. Hindi ko alam kung makahihinga ako nang maluwag paglabas ko ng tren kasi nga ang init, tapos air con ang habol ng kalbo ko na namang ulo.


12:40 ako dumating ng Ayala Station. Super mother fucking nagmamadaling paglakad ang ginawa ko. Kunwari talaga natatae ako. Tinamad akong tumakbo kasi nga ang init. Lalo lang akong mahihilo. Tumatakbo-takbo ako kapag may nabubuksang space mula sa mga tao para makasingit ako. Nakarating naman ako nang ala una sa tapat ng office ni Nanay. 1:30 pm pa naman yung meeting na a-attendan niya so nilibre niya muna ako sa canteen nila.

Yung in-order niya sa akin? Chicken + talong + kamatis + boiled egg. Solb. Nabaliw lang yung tiyan ko sa pineapple juice. Habang kumakain..


..tinanong ko si Nanay. Sabi ko, kung may anak man siyang babae, anong mas okay sa kanya: magpapaalam sa kanya yung manliligaw sa anak niya o bigla na lang sinabi sa kanyang may boyfriend yung anak niyang babae? Sabi ni Nanay hangga't maaari dapat open ang mga anak sa kanilang mga magulang. Mas okay raw sa kanya yung magpapaalam yung boyfriend. Tapos tinanong niya naman ako kung marunong akong manligaw. Ngumiti ako sabay iling. Sabi ni Nanay, wala lang naman yun, mag-uusap lang naman daw kami ng nililigawan ko. So ganun lang pala kasimple yun. As in napa-THE FUCK?!!?!!? ako sa isipan ko. Mag-uusap lang ba talaga? Ang dami talagang kaartehan ng mga babae ngayon.


Buti nag-uusap lang tayo. Ni wala tayong sinunod na gimik na kung ano. Sana magkaroon na ng araw na makapagpapaalam na ako sa makulit mong mommy at pagkalupit-lupit mong daddy. Kailangan ko ng super powers para sa araw na iyon. Haha.

Nagpabili na ako ng banana cake para sa ating dalawa at umuwi na akong hilong-hilo pabalik sa Rm 328-A.


May nakasabay nga pala ako sa jeep na matanda kanina. Ingat na ingat yung mga pasahero sa kanya. May gusto sana akong i-type tungkol sa matatanda. Aawayin ko sanang sana hindi na sila iniingatan. Pero nagkamali ako. Bigla ko kasing naalala si Mama, yung lola kong nagpalaki sa amin ni Kuya at Mig at nagturong matulog kami nang hapon kahit ang taas-taas ng energy namin at nagpakain sa amin ng gulay. Noong maliit ako, ayaw na ayaw ko talaga ng gulay. Dahil kay Mama, natuto akong kumain ng gulay, naging masarap para sa akin ng gulay. Huwag lang talaga okra.

Nahiya tuloy ako sa naisip ko. Sa naisip kong sana hindi na lang sila iniingatan kasi baka naman hinihintay na lang nilang mamatay sila. May napanood kasi ako sa South Park. Pinipilit niyang barilin siya ng apo niya kasi gusto niya na talagang mamatay. Kapag namatay si Mama, iiyak talaga ako. As in. Na-miss ko tuloy si Mama. Sorry. Alam kong malulungkot kaming lahat. Alam kong malulungkot ako. Alam kong ang mga astig na lolo at lola ay binibigyan ng halaga. Masaya makipagkuwentuhan, makipagbiruan kay Mama. Minsan, siya pa mismo ang nagpapatawa sa bahay. Iniisip ko talaga paminsan-minsan, kay Mama ako nagmana. Singkit, masayahin, astig, walang kakupas-kupas. Sana matuto rin akong magluto nang masarap.


Para sa mga astig na lolo at lola.