May 7, 2021

Pinagbibigyan lamang kita, makailang buwan at araw ang aking pinapalipas. Alam kong kaya kitang lampasuhin sa isang kindat ko lamang, sa isang kindat ng pilantik-paruparo, mararamdaman mo ang mga pangil na araw-araw mo lamang nilalaro ngunit pandigmang pamalos na sa akin.

Sakaling bigyan mo ako ng mahigit lamang sa karampot na segundong agnas ng 'yong malay, makikita mo ang mga hindi mo pa nakikita. Makikita mo rin ang mga gusto mong makita, at makikita mo ang mga hindi mo dapat nang makita. Makikita mo... Makikita mo talagang putang ina ka.

Ano? Wala kang maipalag ngayon? Alagang-alaga ka e. Hindi mo na ako iniintindi. Sarili mo na lamang ang naiintindihan mo. Nakakalimutan na nila akong intindihin. Nagagalit na sila sa akin, at nagagalit na rin ako sa sarili ko. Minsan, hindi ko na nakikila itong katawan ko, kung kaya ko pa ba, kung buhay pa ba ako, kung mabubuhay pa ba ako, para sa kanila...

Kaya sige, bahala ka na diyan. Kung hindi mo pa ititigil 'yang kagaguhan mong hindi ko pa rin maintindihan kahit ilang basurero na ang nagdaan, ilang beses pa akong inggitin ng ating mga kapitbahay dahil lang sa halimaw sa labas na hindi rin mapipigil dahil sa angkin niyang kapangyarihang kayang mangmudmod ng kung sino, ng kahit na anong kung ano, hinihingi na lamang ng magiging kaluluwa ko sa'yo na alalahanin mo ako, alalahanin niyo sana akong lahat, alalahaning nag-aalala akong madalas para sa inyo, para sa iyo... kaya tumigil ka na.