August 9, 2011

Kill Us All

Kunwari naghihintay ako. Excited na naman ako. Natuwa talaga ako doon sa ginawa kong comic strip sa Pan Pil 17. Hindi nagbigay ang prof namin ng kahit na anong paksang gagamitin para sa iguguhit na comic strip. Hindi ko alam kung bakit ako nasabik gumawa ng comic strip kahit na alam ko sa sarili kong kahit bundok at palayan e hindi ko ma-drawing nang matino - tao o hayop pa kaya. Hindi ko naman puwedeng pasalitain ang mga bundok at halaman, masyadong korny. Mas masayang makita ang mga ekspresyon ng mukha sa mga tao. Gusto ko silang pinag-oobserbahan, sa malayo man o sa malapit. Ang sarap ng feeling kapag nawiwirduhan ako sa mga ikinikilos ng mga tinititigan kong tao. Yung tipong mga kilos nila ay dumdepende sa kung anong uri ng mga tao ang nakapaligid sa kanila. Hindi ako kuntento sa pagtitig sa isang tao kapag nasa iisang lugar lang siya. Kailangang may record ako sa gunita ko kung anu-ano ang mga ginagawa niya sa bawat lugar na inuupuan niya at sa bawat grupo ng taong nakakasalamuha niya. Iba-iba. Alam kong ganoon din ako, ganoon tayong lahat. Isang magandang halimbawa na lang ay yung kapag nasa school tayo at kapag nasa bahay tayo. Magkaiba talaga.

Ibang-iba rin kapag alam na nilang tinititigan ko sila. Nagbabago na ang kilos ng tao kapag alam na nilang inoobserbahan na sila ng tao. Nagiging conscious na sila kapag pinapanood na sila. Nag-iiba ang kilos, nagpupunas ng panyo, pasimpleng retouch ng make up, lumalakas ang boses, nag-iisip ng witty statements or arguments na wala namang saysay sa naunang pinag-uusapan. Wala na silang paki sa kanilang mga kausap, sa grupong kanilang kinabibilangan, sa lugar na kanilang pinaghintayan, pinagtagpuan, pinagpahingahan. Nakafokus na ang kanilang atensyon sa kanilang manonood. Mas kailangan nilang i-satisfy ang mga tao sa paligid nila, na pakiramdam nila ay nakatingin sa kanila. Mas mahalaga ang mga taong hindi kilala.


Marami-rami na ring kakatuwang senaryo ang aking mga napanood sa malaking TV na aking kasabay tuwing ako ay nagko-commute. Masaya paminsan-minsan mag-ordinary na bus. Mas maingay, mas masalita ang mga kasabay ko, mas nakikita ko kung ano talaga sila. Walang hiya ang mga tao sa ordinary bus. Hindi ako makaamoy ni kaunting kaplastikan sa mga nakasasabay ko sa ordinary bus. Hindi man pabor ito sa mga naunang kong nabanggit na kailangan ko silang makasama sa iba't ibang lugar, masasabi ko pa ring alam ko kung totoo sa mga tao kung gusto talaga nila ang kanilang mga ikinikilos.


Na-miss ko tuloy ang Taft Avenue. Gusto ko na ulit malanghap yung usok, marinig ang busina ng mga jeep. Gusto ko na ulit makarinig ng mga nagsisigawang driver at ang pagdaan ng LRT. Gusto ko na ulit makita yung mga vendors ng candy, yosi, dos tres, isaw, hotdog, fishball, squidball, kikiam, banana cue. Gusto ko na ulit maglakad sa mga marurumi at di pantay na mga kalsada. Gusto ko nang makipagsabayang tumawid ulit sa mga tao kapag papasok ng aming paaralan o pauwi. Gusto ko na ulit makasakay ng ordinary bus. Gusto ko na ulit makatulog habang nasa biyahe. Gusto ko na ulit maramdaman yung feeling na pinag-iisipan ko habang nasa biyahe ako kung gagawa ba ako ng assignment pagdating sa bahay o matutulog na lang ako, o kakain, o maglalaro, o manonood ng.. video sa Youtube, o magsusulat. Gusto ko na ulit isandal yung ulo ko sa bintana. Gusto ko nang matulog nang nakapatong yung ulo ko sa sandalan ng upuan at nakanganga ang bibig ko. Gusto ko nang ipatong at idikit ang aking ulo sa likod ng upuan sa harap ko habang nanginginig ang aking utak. Gusto ko nang pagulat na magising ulit kapag tinatanong na ako ng konduktor kung saan ako bababa.


Yung ginawa kong comic strip e yung kapag nagtatanong ang konduktor sa mga pasaherong may kasamang bata kung ibabayad ba nila yung bata. Nakakatawa kasi. Natatawa talaga ako sa isipan ko kapag naririnig ko 'tong tanong na 'to. Hinding-hindi siya kumupas sa pandinig ko. Napapangiti ako kapag ganoon talaga yung pagkakatanong. Parati ko na ngang inaabangan e.


Inaabangan ko na talaga. Kanina pa kasi malakas ang ulan, kanina pa ako naghihintay. Excited na akong ma-suspend na naman ang klase. Kanina pa ako nakaupo sa library, habang minamadali ang reviewer para sa quiz na magsisimula after 2 hours. Gusto ko na talaga ma-suspend kasi hindi pa talaga ako nakakapag-aral. Mabuti na lang interesante yung paksang pinapabasa sa amin. Buti na lang talaga tawa ako nang tawa habang binabasa ko yung essay na may pesteng quiz. Minsan nakalulungkot kahit gaano pa kalupit yung binasa mo, may quiz naman. Pero wala akong magagawa. Kahit itinatanggi ko sa sarili kong GC ako e kailangan ko pa ring mag-aral para sa pesteng quiz, habang naghihintay.


Tapos may lumapit sa akin. Tumayo sa harap ko. Babae. Hindi ko alam kung bakit namumukhaan ko siya. Hindi ko rin alam kung anong sasabihin ko. Yumuko. Ako na ang unang nagsalita. "Anong subject ka?", sabay turo sa mukha niya. "Uh.. Pan Pil 17", sabay ngiti. Napakunot yung noo ko, tapos isip.. isip.. isi- .. . ... "Uh.. Ah! AHHHH!!!" *facepalm Nakakahiya. Pero hindi naman siya nagalit. Lumapit siya sa akin kasi nakilala niya ako malamang. Habang hawak din ang pesteng essay, inihatid na niya ang mensaheng gustung-gusto at na-miss ko rin.


CLASSES SUSPENDED.


Nagsigawan din ang mga masusungit na librarian. Nagagalit sila sa amin kapag nag-uusap kami pero sila, nagsisigawan talaga ng


CLASSES SUSPENDED.


Na-miss ko talaga 'to. Noong nakaraang taon kasi, halos mabasag na yung mga bintana sa kuwarto, nililipad na papaloob ng kuwarto yung mga butterflies na kawawa, may mga nahuhulog na ngang branches sa Acad Oval, hala, sige, klase.


Gusto kong umuulan, lalo na kapag suspended. Ang sarap ng feeling.