May 13, 2014

Dem Eyz

Naaalala mo nung may nagyayang tumambay para mag-acad works sa Owl City. Ngek. Sa Midnight Owl? Yes. Ako, naalala ko pa. Pareho nating hindi alam na sobrang sarap pala ng kape roon, lalo na kung libre yung every second cup kapag madaling araw na. Naaalala ko rin yung sinasabi mong lalo kang inaantok kapag umiinom ka ng kape.

Naalala mo pa ba? Sinasabi kong magkape ka kung balak mong gumising nang madaling araw at magpuyat, pero ayaw mo, kasi nga, inaantok ka. Noong second year pa lang tayo, hanggang third year, todo gawa ka ng mga plate mo. Pero ang kakaiba sa'yo, ayaw mong magtrabaho nang gabi, or matapos makapagdinner, o matapos man lang makauwi ng bahay. Ang gusto mo, nakakain at nakatulog ka muna bago magdrawing. Para ano nga ulit? Hindi ko na rin pala masyadong maalala. Para siguro wala masyadong naglalakad sa masikip niyong kuwarto sa boarding house at para wala masyadong maingay at pumapansin sa'yo. Alam mo kasing ayaw mong ginugulo ka or may gising na taong malapit sa'yo kapag gusto mong magpakaseryoso sa creative works, or acad works. Alam ko rin yun. Alam nating pareho na mahirap mag-isip, magsulat ni magdrawing kapag may nanonood o kumakausap sa'yo.

Naisip ko tuloy kung paano yung study room natin kapag nagkaroon na tayo ng sariling tahanan o kahit sa apartment man lang. Paano yung study area natin? Naalala mo pa kaya kung magkasama, o tig-isa tayo? Hindi ko masyadong maalala. Pero gusto ko, gusto ko yung nagkikita pa rin tayo kahit magkalayo tayo, sa loob ng study. Puwede naman kasi yatang mag-earphones habang nagpapakacreative, para less distractions.

Pero nahihirapan ako minsan kapag ang daming naririnig ng tenga ko, lalo na kung alam ko yung kanta. Kahit na paulit-ulit kong sabihin sa sarili kong magconcentrate ako nang sobrang igi sa ginagawa ko, kakantahin at kakantahin ko pa rin yung alam kong kantang naririnig ng tenga ko. Mahirap. Mahirap para sa akin. 

Pero hindi ka minsan mahirap basahin. Minsan, babaliktarin ko lang yung sinasabi mo, mangyayari na iyon. Halimbawa, nakakakalahati ka pa lang ng isang tasang kape sa Owl City Midnight, sobrang daldal mo na. Hindi ko na sinabi iyon sa'yo kasi kapag nanahimik ka, magfefade na lang bigla yung cuteness. Ayoko rin naman yo'n. Grabe talaga nung gabing yun, iba yung daldal mo. Parang kung anong maisip mo, nangyayari sa bibig mo. Hahahaha!

Tapos, ano pa. Ano pa ba? Ano pa. Akala mo, ikaw yung huling-huli sa thesis. Akala mo, hindi ka magaling. Akala mo, mahihirapan ka. Akala mo, wala kang kaibigan. Akala mo, walang nagmamahal na sa'yo. Akala mo, mahirap makipag-usap sa mga tao. Akala mo, mahirap ang maraming bagay na kailangan mong gawin ngunit hindi mo pa nagagawa. Akala mo, hindi mo kailangan yung iba. Akala mo lang pala iyon.

Nahihirapan ako minsan magpaalala sa'yo. Ewan ko ba. Kasi minsan, iniisip ko, babalik pa rin sa'yo yung Akala Mo mentality mo. Hindi ko na lang aatupagin yun, kasi nga, hindi nga nagkakatotoo. Tsaka, alam mo namang andito ako parati kapag malalaglag ka na, 'di ba? Parati naman kitang salu-salo, katulad din ng ginagawa mong pagsalo sa akin, sa maraming pagkakataon na rin.


Don't panic.