April 14, 2013

Exit to Existence

Ops! Teka lang! Subukan mo 'to. Please. Alam kong kaya mo 'to. Madali lang. Pakiramdaman mo muna yung inuupuan mo. Tapos yung mouse. O yung touchpad. O yung keyboard. Tapos yung tinitingnan mo. Tumigil ka. Pansinin mo na ang iyong paghinga. Mapapansin mo na. Napapansin mo na ba? Tumigil kang mag-isip. Subukan mo. Basahin mo ang. Bawat. Salita. Sa. Bawat. Linya. Nang. Maunawaan. Mo. Tigil.
.
.
.
Subukan mong tingnan ang iyong palad. Madali lang. Huwag ka nang mahiya. Tingnan mo na ang iyong palad. Tiningnan mo na? Tingnan mo na. Mabilis lang. Pero nang hindi nagmamadali. Hindi kita inuuto. Magandang bagay ito. Subukan mo lang. Astig. Ngayon. Handa ka na talaga. Pansinin mong muli ang iyong paghinga. Pansinin mong muli na nakakikita ka pala. Tumitig ka lamang, ngunit 'wag kang mag-isip. Tumingin. Ka. Lang. Subukan mong muli. Isa pa: Tingnan mo ang iyong palad.
.
.
.
Buhay. Isa kang nilalang. Humihinga. At araw-araw nag-iisip. Subukan mong pansinin ang sarili mo. Mas maraming beses kang mag-isip kaysa makita ang nasa harapan mo. Ngayon, subukan mong 'wag mag-isip. Ngayon lang. Pansining muli ang paghinga. Tumitig. Huwag mag-isip. Tingnan ang palad. Buhay ka nang muli.