September 28, 2021

'Di ko na magawang maging masaya. Hindi ko na maramdaman. Hindi ko na alam kung anong nangyayari, o paanong nangyayari 'to. Saan ba 'to nanggaling? Matatapos pa ba? Hindi rin alam kung paanong nagsimula, o kung saan pang huhugutin ang aking sarili. Pagod na akong mapagod, takot nang magsalita. At sa tuwing may hahanaping pampalubag, saka darating pang may ibang sakuna sa pag-iisip. 

Maraming beses kong kinakausap ang aking sarili sa pang-araw-araw na pangangamote. Nakailang palibot na ako sa bawat eskinita ng aking isipan. Kilala ko na ang ibang ako, kilala na rin ang mga hindi ko pa naibubulalas. May mga estanteng kakaiba pero hindi kakaiba sa kanila. Ang ako na may paniniwala sa iba, maaaring maniwala sa iba kinabukasan. Sa lahat ng aking nakatagpo at nakausap, walang may iisang may pakialam.

Paano nga ba akong nag-umpisang mawalan na ng pakialam?

Hindi ko na magawa pang sumaya, ngumiti sa iilang mga marka. Alam kong ako lang 'to, at ako lang din ang may sala. Alam kong marami akong sala, alam ko ring may mga nagawa ako. Alam ko ring may mga magagawa pa ako, at alam kong may magagawa pa ako. Hindi ko ito inuulit, may pag-akmang hindi pagsuyod. Alam ko sa sarili kong may magkakaiba akong paglunsod sa mga iiwanan kong marka, o sa mga markang iniwan sa akin, mga markang naiwan sa akin, mga markang hindi na pipilitin pang maiwaksi, maikalat, manghikayat. Ang lahat ng ako'y hindi mapag-isa 'pagkat silang-sila rin ang may banat sa tuwing may iba, sa tuwing may ako na sisita, sa tuwing ako na may gagalaw, may bahid pa ring may panaklaw sa lahat ng matitirang ako, sa lahat ng matitirang ako. Hindi na bale pang iba, basta't ang iba ay ako pa rin nang ako.

Ako na raw ang bahala, akong wala nang pakialam, akong may hindi na nalalaman kung bakit hindi na masaya ang aking bawat pagbangon sa umaga, bawat pagtiklop ng kumot at sarili. Pagkaiwan ng unan at kama, saka ko lamang inuunawa ang himig na bakit pang aayusin kung magugulo rin naman? Bakit pang kailangang isipin ang hindi na kayang pasukan ng kahit na anong ehemplo pati pato pati panabla. Bakit bang sa tuwing titira na ang tadhana, saka lamang maiibsang ang lahat ay wala na ring pakialam, wala nang ibang nakikita. Sa silbing may tantyang ako ito at ikaw 'yan, lamang lang din ang walang alam.

September 21, 2021

I can still almost vaguely remember that one time na pinasukan ng lamok yung tenga ko. Hindi ko na maalala kung aling tenga, basta madaling araw 'yon. Hindi ko na rin maalala kung bakit gising pa ako, o inabot ako ng kulang na antok. Haplos sa takot na naman siguro ako noon dahil sa hindi ko kinakayang matulog talaga nang mag-isa sa madilim na kuwarto. Pangungunahan ng takot yung isip ko, saka ko na malilimutan yung pagod, yung sakit na mararamdaman bago ayaing managinip. Mabisang panabla nga pala para sa akin ang takot laban sa pagtatapos ng umaga, hanggang sa mag-umaga nang muli.

Malakas gumilas ang ilaw kapag tulog na ang lahat ng kasama mong beings sa bahay. Yung tipong ikaw na lang yung may malay, may umaatikabo pang pagtibok ng pulso. Alam ko sa sarili kong nasa utak ko lang ang lahat pero punyeta talaga e. Humiga na ako habang nag-aabang ng papatay sa akin. Every 15 seconds, chinecheck ko yung pintuan kung magbubukas bigla. Every 2 minutes naman kung baka sakaling may tumawag ng pangalan ko o sitsit man lang sa bintana. Sisilipin ko pang pati yung lumang blinds kahit na maalikabukan pa yung mga daliri ko. Hindi ko rin alam, 'tang ina. Bakit bang alam kong wala naman pero buo talagang magkakaroon, magkakaroon 'yan, bobo.

Pinilit kong pumikit na talaga at hayaan nang malamon ng mga demonyo ng aking isipan. Ang alam ko papahigop na ako't unti-unti nang nawawalan ng mal- bzzzt. Bzzzt. BZZZZT. Madaliang tinanggal ko ang kumot na lumumpia sa akin. Lalong lumamig ang pawis, nadagdagan pati. Tumibok nang abnormal yung takot ko, kakaibang takot, parang lalapnusan ka ng hininga sabay diretsong kaluluwa. BZZZT BZZZT. Inalog ko yung ulo ko, sabay taktak sa sentido. Sinubukang abutin ng daliri ko. Gago, naitulak ko pa nga yata?! BZZZT BZZZT! Teka lang teka lang teka lang. Gigisingin ko na ba yung nanay ko? BZZZZT! Oo, putang ina mo, putang inang buhay 'to. Inaano ba kita? Fucccck!!

Lumabas na ako ng kuwarto. Ginising ko na si Nanay. BZZZZT! Markang-marka sa aking mukha ang panic so natransfer din adjacently yung panic ko sa kanya. Ayos dahil dalawa na kaming natataranta. Sinabi ko na kung anong nangyayar- BZZZZT!! Hindi na ako makapagmura from this point onwards so iniloloob ko na lang ang bawat bulalas. Sinubukan ding dukutin ni Nanay, silipin mula sa aking tenga, pero wala ring palag. BZZZT!! Gusto kong lumuha na ewan kasi inaantok na rin ako. May pasok pa ako kinabukasan. Walang ibang naisip si Nanay kundi dalhin ako sa doktor, emergency.

Lumabas na kami ng bahay, ginaw na ginaw. 'Di ko sure kung papasapit na yung kapaskuhan nito pero wala rin, ewan. Malay mo, kaya maginaw. Anyway, dahil madaling araw pa rin, walang mga tricycle sa may gate ng subdivision. Buti merong mga guwardyang nagising namin at nahawaan din ng motherfucking panic. Iniradyo na nila sa ibang lupalop ang sitwasyon. BZZZT. BZZZT! Habang naghihintay, ipinataktak nung isang guard yung ulo ko, baka sakaling mahulog or lumabas yung lamok. Ginawa ko naman kasi ewan ko, desperado na rin talaga ako. After siguro ng ilang minutong pagheheadbang, buti na lang may dumating na tricycle.

Lalong guminaw dahil sa pagpapatakbo. Parang 'di lang din naman chill yung lamok sa tenga ko kasi ramdam kong gusto niya na ring makalabas. Tanga ka pala e, bakit ka pala pumasok diyan? Napakabobo. Kung 'di ka ba naman tatanga-ta- BZZZT, BZZZ-BZZ-BZZZTT!!! Medyo nasasanay na ako sa buzz pero 'di ko rin sure kung inaantok na ako't pagod na wala nang pakialam din. Nang makarating sa clinic, sinalubong kami ng nurse at agad na isinalaysay ng nanay ko ang motherfucking situation. Kalmado lang yung nurse. Pinaupo ako at tinutukan ng flashlight yung tenga ko.

Hindi ko na rin, oo, maalala kung anong bullshit na gamot yung pinainom sa akin. Meron din siyang ipinatak sa tenga ko. BZZZT. BZZsst. pzzt. 'Di ko alam kung nalulunod sound effects na yun ng yawa. pzzt. Meron pa rin. Napangiwi na lang talaga ako as in yung ngiwing wala nang pakialam na meron pa ring slight paki kasi nga may pzzt pzzt pa rin. What if manganak siya sa tenga ko? What if mangitlog nang marami? What if magpiyesta yung lamok family sa loob ng tenga ko? Paggising ko ba bukas, patay na ako? I mean, 'di na ba ako magigising bukas kasi pinasok na ng 1 million fuckers yung brain and organs ko? Ngiwing-ngiwi. Kaso pagod na rin ako. 

Matapos magpasalamat sa nurse, bumalik na kami sa nakaantabay na driver. Pagkabalik sa bahay, tinanong at kinamusta akong muli ni Na- pzzt. pzzt pzzt! Meron pa rin po e. Wala na kaming plans B and C so we just hoped na kapag itinulog ko sa ilalim yung tengang may lamok, nakalabas na siya somehow paggising ko. Tinanggap ko nang 'di ako makakapasok kinabukasan. Dahil sa sobrang pagod at antok, maski pang may maya't mayang pzzt! bumubuwiset na lamok sa pandinig ko every 15 seconds dahil sa sobra niyang panic, pzzt! nakatulog pa rin ako.

Kinabukasan, napangiti ako agad dahil naalala ko yung nangyari sa akin nang madaling araw at wala na akong sa wakas na naririnig pa. Pagbangon ko'y nakita ko sa aking unan ang isang maliit na lamok.

September 14, 2021

Nalimutan ko na namang isara yung bintana. Parang marami-rami na namang nakapasok na lamok. Maiirita na naman ako kakakamot ng iiwanan nilang pantal sa magkabila kong binti. Napapagod na talaga ako minsan, kahit ayaw kong madalas aminin. Nakakatakot na minsan magsiwalat ng tunay na nararamdaman sa ngayon dahil marami silang ipapalusot o isusumbat sa mga kaya mo naman gawin. Nakakatakot nang mag-isip nang likas sa loob, nang panatag, nang hindi na iniisip kung tama pa ba ang iniisip. Nakakatakot nang mag-isip ngayon.

Bubuksan ko pa ba yung pamatay ng lamok? Isang oras na lang din naman. Malapit na rin yung oras ko ng pagtulog. Malapit na ring matabunan ng kumot yung magkabila kong binti, tapos malalamigan na naman ako ng pawis hanggang madaling araw, hanggang kinabukasan. Minsan nagigising pa rin ako nang madaling araw kahit hindi naman ako nagkape nang hapon o matapos maghapunan. Mamadiliin ko pa minsan yung paghuhugas ng pinggan para lang makapaglaan ng labing minuto sa ibang bagay. Ibang bagay para sa ibang oras. Ibang oras para sa malay naman akong walang kabuluhang mga bagay.

Minsan iniisip ko rin kung may kanya-kanyang kabuluhan tayong iniaatas sa mga bagay na nakakasama natin, sa pang-araw-araw. Araw-araw ko itong katapat. Araw-araw kitang nahahawakan. Araw-araw akong masaya sa'yo dati. Dati, araw-araw kitang kasama, katabi, kausap ng aking isip. Hindi naman ako natakot sa'yo kahit kailan, kasi kilala kita, at kilala mo rin ako. Kilala mo rin dapat ako. Hinahayaan mo lang ako, 'pagkat alam mo ang mga kailangan ko. Alam mong kailangan din kita, kahit alam nating pareho na peke lang yung parehong pagkakalingaan at pagkakakailanganan natin sa isa't isa. Kailangan pa bang isipin yun? Minsan hindi ko na rin iniisip.

September 7, 2021

Ang sabi ko, otso. Otso pesos ang isa. Bakit ka maglalabas ng siyete pesos lang? Tanga ka ba? Antagal-tagal mo nang ginagago sarili mo, dudukot ka pa rin sa ngayon ng hindi otso? Ulol ka ba? O sadyang inuulol mo lang talaga ako? E kung suntukin kita at iwana't 'di pansinin? Sige nga? Kung sa bagay, pareho naman tayong masama ang ugali, saka kung tutuusin, iisa na lang naman na tayo kahit paminsan-minsan.

Baka sakali lang na magbago akong muli, hinahayaan mo pa rin. Magagalit ako at magagalit ka, pareho tayong magagalit sa pareho nating kasalanan. Ako ang pasimuno, puwedeng ikaw rin ang nag-umpisa. Walang may balak magpaguho subalit handang pareho magpatawad. O siya, siya, gunaw na rin naman ang mundo mo, mundo ko. Magkapanig lamang naman ang sarili nating mundo pero nakikipagsiksikan pa rin pareho ang ating isipan, damdamin, kuru-kuro, galang may pagkaanimal, himpapawid pang-eroplano, ragasang pantren, usok na magulo, pansulasok, at walang makauunawa. Nagmamadaling palagi, pareho pa rin, wala namang dapat na mauna - sabay pa nga yata lagi dapat. At sa kung may pagkakataong may nais sumabat, alam nating parehong walang makakapigil sa alegro.

Saka na ang lahat, saka na ang dulo. Pinakamaigi namang halaga palagi ang gitna, ang punto, ang journey 'ika nga nila. Wika ba ng mga sino 'yan? 'Di naman porke't yatang may nauna nang paaralan, hindi na puwede pang manghikayat? Puwede pa naman siguro. Puwede pa. Hindi naman dapat matakot kung kayang ipaglaban ang isip. Hindi naman maaari ang tulog na lang agaran kapag hindi tumumba sa unang preso. Maraming nanganganib magsara, maagang magtatapos. Kahit may sinumpaan pang kamatayan na makapagpapahaba ng buhay at dagdag charisma na pang-alalay, laging tatandaang nakakaburat lang sumagip ng bangkay.

Kaya sige, sige, bunutin mo nang ulit sa susunod yung siyete pesos, at hindi na akong magrereklamo nga pala. Paumanhin.