September 14, 2021

Nalimutan ko na namang isara yung bintana. Parang marami-rami na namang nakapasok na lamok. Maiirita na naman ako kakakamot ng iiwanan nilang pantal sa magkabila kong binti. Napapagod na talaga ako minsan, kahit ayaw kong madalas aminin. Nakakatakot na minsan magsiwalat ng tunay na nararamdaman sa ngayon dahil marami silang ipapalusot o isusumbat sa mga kaya mo naman gawin. Nakakatakot nang mag-isip nang likas sa loob, nang panatag, nang hindi na iniisip kung tama pa ba ang iniisip. Nakakatakot nang mag-isip ngayon.

Bubuksan ko pa ba yung pamatay ng lamok? Isang oras na lang din naman. Malapit na rin yung oras ko ng pagtulog. Malapit na ring matabunan ng kumot yung magkabila kong binti, tapos malalamigan na naman ako ng pawis hanggang madaling araw, hanggang kinabukasan. Minsan nagigising pa rin ako nang madaling araw kahit hindi naman ako nagkape nang hapon o matapos maghapunan. Mamadiliin ko pa minsan yung paghuhugas ng pinggan para lang makapaglaan ng labing minuto sa ibang bagay. Ibang bagay para sa ibang oras. Ibang oras para sa malay naman akong walang kabuluhang mga bagay.

Minsan iniisip ko rin kung may kanya-kanyang kabuluhan tayong iniaatas sa mga bagay na nakakasama natin, sa pang-araw-araw. Araw-araw ko itong katapat. Araw-araw kitang nahahawakan. Araw-araw akong masaya sa'yo dati. Dati, araw-araw kitang kasama, katabi, kausap ng aking isip. Hindi naman ako natakot sa'yo kahit kailan, kasi kilala kita, at kilala mo rin ako. Kilala mo rin dapat ako. Hinahayaan mo lang ako, 'pagkat alam mo ang mga kailangan ko. Alam mong kailangan din kita, kahit alam nating pareho na peke lang yung parehong pagkakalingaan at pagkakakailanganan natin sa isa't isa. Kailangan pa bang isipin yun? Minsan hindi ko na rin iniisip.