Mauubos at mauubos din ang lahat. Walang matitira sa 'yo kung hindi laway, pawis, at isip. Hindi malayong nakapagmuni-muni ka na rin sa jeep nang mahigit pa sa isang beses. Bawat pangitain sa labas ay nagmimitsa ng kabit-kabit na mga tanong sa sarili, mga tanong labas sa sarili, ngunit tungong dulo pa rin sa sarili. Maraming napapansing hindi naman nakikita dati.
Mga billboard na kitang-kita ang pagkakatupi. Nakakatakot kaya sa itaas ng mga 'yan? Paano kung mahulog sila? Meron naman siguro silang helmet at mga lubid. Matagal siguro nilang kinakabit 'yan. Ilang tao kaya ang kailangan? Matagal na rin pala akong hindi nakakakain ng friend chicken. Hamburger. French fries. Spaghetti. Ayaw ko minsan ng chocolate cake. Masarap kaya sa restaurant na yun? Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang lasa ng dinuguan sa kanila. Totoo kaya siyang chef? Nagugutom na ako.
Nasaan na ba kami? May pagkain pa kaya sa bahay? Sana may chocolate pa sa ref. Wala naman kaming dalang pasalubong. Wala naman ding sasalubungin. Mayroon lang, mga tira-tirang buto para sa aso. Tatakbo agad yun pagkalangitngit ng maingay naming gate. Ang sakit na ng puwet ko. Kanina pa ako pumipikit pero hindi naman ako makatulog. Mamaya niyan aantukin ako 'pag malapit na kami sa simbahan. Mapapagalitan na naman ako. E hindi ko naman sinasadya. Napapapikit din naman sila minsan, pero ang galing kasi, nagigising pa rin sila sa pinakasaktong oras.
Sana kaya ko na rin yun. Sana hindi na ako antukin. Sana makapagluto agad ng ulam. Sana hindi na ako pagalitan kahit kailan. Sana maging crush din ako ng crush ko. Sana walang pasok bukas kasi uulan na lang bigla nang malakas. Magtatalukbong ulit ako ng kumot 'pag ginising ako para matulog ulit. Sana Pasko na ulit. Sana birthday ko na ulit. Gusto ko na ulit magbukas ng mga regalo. Gusto ko na ulit kumain ng mga pagkain na tuwing Pasko lang meron. Anong buwan na ba? Gusto ko nang makauwi nang makahiga agad sa kama. Ang sakit-sakit na ng puwet ko. Kaso, magbibihis pala muna pagdating sa bahay. Lagot na naman ako 'pag nagmadali akong humiga. Magbibihis agad ako pagdating sa bahay. Kailangan kong bilisan pero dapat hindi mukhang nagmamadali. Baka sitahin na naman ako. Sana hindi na rin ako utusan mamaya. Tatambay lang ako sa kuwarto hanggang sa 'pag kakain na kami ulit. Magpapakita lang ako nang isang beses. Ayaw kong napapagalitan.
Nasaan na nga ba kami? Malayo pa siguro. Nakapikit naman sila ngayon, pipikit na lang din ako.