Hindi puwedeng umuwi nang hindi lasing. Bakit ka pa ba naman iinom kung hindi ka naghahanap ng kalasingan, 'di ba? Hindi naman talaga masarap ang lasa ng beer, ng gin, ng brandy, pero masarap ang pakiramdam ng nalalasing. Para bang susuot ka muna sa pait bago ka sumulpot sa may bandang tamis na rurok. At sinabi kong rurok dahil unti-unti ka ring lalaylay at tutumba matapos mong maabot ito.
Huwag na huwag kang yuyuko at sasakay ka pa ng jeep.
Madaling araw na kami noon natapos at kailangan ko pang umuwi ng probinsiya galing Makati. Wala pa kaming tirahan noon sa Manila kaya wala na rin akong magagawa kundi mapagalitan na lang kinabukasan ng nanay ko. Saglit... Madaling araw na nga pala kaya mamaya na pala 'ko mapapagalitan!
Pero masyado yata akong nangunguna. Kinakailangan ko munang makasakay, bago ako makauwi. Buti na lang at bente kuwatro oras ang jeep papunta sa amin galing sa Alabang. Muntik na 'kong makatulog sa bus sa sobrang lasing at antok pero mabuti na lang at sumigaw ang konduktor ng sunod na bababaan.
Pagkaabot sa terminal ng mga masasakyan tungo sa amin at makasakay na ng jeep e ipinikit kong saglit muna ang aking mga mata habang naghihintay magpuno. Nararamdaman ko pa ang bawat pag-alog ng jeep sa bawat pasaherong aakyat at sisiksik. Nakapagbayad na rin ako bago sumakay nang hindi na 'ko gambalain pa ng singil.
Napakiramdaman ko rin ang unang pag-arangkada ng jeep. Mga unang liko papaangat ng terminal at-- Ginigising na 'kong bigla ng driver. Sa'n daw ba 'ko bababa? Sabi ko sa dulo, sa may sementeryo. Malayo pa, 'di b-- wala na 'kong kasamang ibang pasahero. Seryoso lang yung tingin sa akin ng driver pero walang bahid ng galit. Naintindihan niya rin siguro ang kasalukuyan kong kalagayan.
Madali akong nag-ayos ng gamit at napansing nakalabas pala yung cellphone ko. Oo. Wala sa bulsa ko. Wala sa bag. Nakapatong lang siya sa bag ko, hindi ko pa hawak. Holy shit, walang nagnakaw. Dun ko lang din napagtantong wala na pala ako sa Alabang.
Nakauwi na ako.