ng mga hayop at halaman
na araw-araw mong inaasahang
magbibigay ng lakas pangkayod
na araw-araw ring nalalamon.
tao rin ang naghahatid sa 'yo
sa lunan na iyong destino
maging ang sasakyang ginamit,
tao rin ang may sukbit at sinabi,
hanggang sa dumaan ito sa kalsada
na tao rin ang may gawa; ang init
ng araw ay walang-wala
kapag nagsimula nang magbuo,
magtayo, at magsipag
ng taong hirap ay tinatiyaga.
sa tao lang din naman sila
sumusunod kapag may utos.
mga tao ring tinuruan dati
ng mga tao ring tinuruan dati.
tao rin ang mga nakikinig,
tao rin ang mga pasimuno.
tao ang madalas magsabi
alin mang bagay ang 'di biro.
at kung sakaling mamalasin,
at ang tao'y sumasapalya,
hindi ba't tao lamang din
ang nagbibigay-lunas sa kanya?
tao rin ang pumapansin,
sumisiyasat, at nagtatanong
sa mga tao rin namang
pilit na pilit ang pagtatago
ng kanilang mga sariling lulong
sa kahihiyang tao rin naman
ang nagpakulo't nagpakalat,
tulad ng mga taong sinasamba
ng mga tao ring katulad nila.
mga taong nag-iiba ang halaga
tuwing may mga taong naaapula
ang pag-iisip na para sa tao
nang sa hayop ang kumawala.
pero kung sakaling tao ka pa
para sa mga taong natitira,
alaming kailangan ng tao ang tao,
at hindi lamang para sa kanya.