August 21, 2024

XXI

Kinainisan na 'ko dati ng mangilang mga pasahero. Kahit na hindi ko naman totally sinasadya na pagdiskitahan sila. Most probably, akala lang talaga nila 'yon. Madalas, wala naman akong intensyong masama. Sarili ko lang palagi ang iniintindi ko. Ang makauwi agad. Makahiga agad. Makalayo agad sa kalsada.

Ngunit ano pa mang iwas ang subukan kong gawin, nakakatsamba pa rin talaga ako minsan ng mga pasaherong kinaiinisan ko naman. May mga pagkakataon talagang may power trip lang nung araw na 'yon ang langit. Para bang mapapakuwestiyon ka na lang kung bakit may mga taong hindi nag-iisip. O kung bakit hindi mo maisip na hindi nila maisip ang dapat nilang isipin o maisip.

Tulad na lamang ng mga pasaherong walang konsiderasyon sa kalagayan ng driver. Gaano ba kahirap ilagay ang iyong sitwasyon bilang nagmamaneho ng sasakyang pampasahero? Hindi lamang isang pasahero ang kailangan nilang intindihin. Kailangan ding pansinin ng driver ang kalagayan ng lahat ng buhay na dala-dala niya, kasama na ang kanila. Liban dito, buhay rin ng mga taong nasa ibang sasakyan sa kalsada.

Labas pa sa mga buhay ng tao, kasama rin sa kokote nila ang pag-alala sa traffic rules. Masalimuot ang mga kalsada sa Pilipinas. Dadagdag ka lang sa iisipin ng driver kung masalimuot ka ring pasahero.

Ang lakas kayang magpasiklab ng bad trip kapag may pumapara sa gitna ng intersection na pasahero, na para bang walang pakialam sa ibang mga sasakyan sa daan. Yung tipong matagal tumigil sa stoplight ng intersection ang jeep, tapos saka lang papara kapag umarangkada na. Sisigawan pa ang driver na para bang hindi siya narinig, na para bang hindi pa rin nila napagtatanto, magpahanggang sa ngayon, na hindi lang basta-basta ang pagtigil sa gitna ng kalsada. Mga tanga ba sila?

Mahirap bang unawaing sagabal sa daloy ng trapiko kung titigil sa gitna ang jeep nang hindi ito itinatabi sa gilid para sa pasaherong akala mo kung sino? Bakit? Kapag pumara ba kayo, agad-agad din dapat nakatigil nang buo ang jeep? Bobo ba kayo? How are you so fucking dense na hindi niyo kayang maisip na mayroong wastong oras at lugar sa pagpara ng jeep? Sarili niyo lang ang mahalaga? Wala kayong pakialam sa iba?

Ang awkward din kapag may sasakay na pasahero sa alanganing mga lugar. Yung tipong pahihirapan pa yung driver na masundo sila nang maayos. Pasensya ka na ha, ang purol mo kasi e. Sila pa yung magagalit kapag nilampasan sila ng driver. What the actual fuck? Ilang taon na tayong sumasakay ng jeep? Bakit hindi natin ito matutu-tutunan? Tsaka kung sakaling magmilagrong pasakayin ka ng driver sa alanganin mong angas, bakit mo uunahang sumuot ang mga bababa? Hindi rin ba common sa ibang tao na bababa muna bago ang sasakay?

Sinurpresa na rin ako minsan ng isang pasaherong sumakay ng jeep at bumaba sa lugar na puwede niya namang lakarin in the first place. Hahaha! Para bang yung paghihintay niya ng sasakyan niya e inilakad niya na lang sana. Ayaw niya bang maarawan? Mahanginan? Matalsikan o maiputan ng kung ano? Masagi? Masyado ba siyang maarte sa katawan niya o meron siyang malubhang sakit na sa isang pisit lang ng lamok e ikamamatay niya? 'Tang ina niya ba?

O 'tang ina ko rin bilang din namang ayaw kong ipaloob ang aking sarili sa sitwasyon nila? Minsan lang ba silang mapadpad sa commute ng jeep? Hindi ba ito mga lesson na madaling makuha sa isang araw? Gano'n na lang ba ang taas ng tingin ko sa sarili ko kaya may kapangyarihan akong husgahan ang mababagal mag-isip, ang mga hindi ko kaparehong mag-isip? O sadyang wala lang talaga silang pakialam sa ibang tao? Sa driver man o sa mga pasahero? Hindi ko na talaga alam.