March 20, 2019

Kargada ng 'di karaniwan ang kiliti ng komedya. Huwag kang pagkapikon. Ultimo pati pagkabanas ay siyang 'di pinaaatras. Mahina ang loob ng kalumpit ng pinyahan. Sa mga hindi inaasahang pagsuntok ang may siyang kay aya ng paglutang at yakap sa langit nang marangal at payapa. Sa bawat pagbigkas ng mga inulang mga pangarap ng hindi kasiguraduhan, mas maigi pang kumain ng laslas ang mga napag-iwanan na ng tunay na panahon.

Inuumpisahan ang mga dutdot hanggang sa lumumanay ang tiyempo. Hindi maikakait na ang buwan pa rin ang siyang may dala-dala sa okasyong panghimagsik ng damdaming hindi nagsasalita. Paiiyakin ka lamang ng mga inaantok, hihikab ka lang sa mga tawanan. Lahat ng iyong palalampasi'y pagsisisihang may guhit sa lalamunan. Maiiwan kang pinupulutan ng madla, saka mo lamang mapagtatantong ikaw lamang ang naiwang lasing sa ilalim ng mga bumbilya. Maging ang mga kasama mo'y magtataka sa inagaw na katangahan. Tanging makapagsasalba lamang sa iyo ay ikaw, ikaw na mahina ang mga mata at pinagagana lamang ang utak.

Sa taba ng mga pares at lalim ng ginhawa, marapat lamang na magpatingkayad ang mga maaamo. Hindi na baleng umulit-ulit ang pagsangguning salungat, tipong katiting ang makapapansin sa ganap ng hindi umuusbong na mga paruparo sa hardin. Mabango ang kislap ng pagbibigyang lumusot, gaganting may kakaibang hiwaga ngunit ngiting kay hirap mo palang pakawalan kung minsan. Masiyahan ka, at alam mo iyon. Huwag magpapatalo sa pintas kung pakawalan. Pag-isahin ang matagal nang hiwa-hiwalay. Ang kalungkuta'y nariyan at tunay mo pa rin namang kaibigan.

March 19, 2019

Humahalik na naman ang lamig ng bakal sa pisngi. Malapit na namang umasim ang gabi. Dapat sa susunod na linggo, may mangyari nang magbalak. Ang pagbabalik sa aking mga alaala ay masakit nang pagdanas. Hindi na mapigilan pa ang pag-awit nang sunud-sunod, ng galit, ng bawat pawis na malalamig din, mata na lamang ang pagbibigyan.

Silahis sa mga galit, ang halamanan ng mga kawayan ay nagpapapasok pa rin ng mga kriminal. Bastos ang mga nagsasama sa ilalim ng ugong ng nagmamayabang. Mauubusan ng hininga ang mga nanghuhula at nagpapahula lamang sa mga tala. Kabi-kabila ang panlilinlang sa sarili at sa iba pang mga sarili. Hindi mauubos ang sariling mga pagtanggi, pagtimbang sa kakayanan, at panghuhula sa mga palad. Bawat linya'y goyong pag-uugnay ng mga walang kabuluhan. Nalalaglag nang kusa ang mga dahon, at ni isa'y hindi ginustong mahulog sa katangahan ng sansinukob.

Mapapalad ang malalaya, hindi naninikip ang lalamuna't tiyan. Magugutom lamang kapag naghanap, at magpapakawala lamang ng kinakailangang init sa mga kinakailangang likhaing gawain. May pagsinghot ng tumutumbas na tono, hindi mahihiya sa bawat pagbitaw. Karaniwan nang tatanggapin ng nakapaligid sapagkat may katunayan mula sa pag-ahon. Lumulula sa banyaga, magmimintis sa pagtapak ng pahinga. Agarang iilag sa napapanahong uyam. Matitira lamang ang matitibay, at matibay ang magpipigil.

March 18, 2019

FlipTop - Goriong Talas vs Apoc vs Batas vs BLKD vs Tweng

Round 1

BLKD

FlipTop, game? Okay, let's do this. Uprising initiation ala Aegis Juris. Unang palo, kay gurang na umaastang diyos. Puro mura't damay-nanay lang naman para makapanlapnos. Kaya anong batas-batas? Dapat pangalan mo, Bastos. Amen?

Ito namang ex ni Bastos, feeling arkitekto. Ah, kaya pala, kasi on paper lang may husay ang kanyang disenyo. Pang-2012 pa rin techniques ng lines mong bitaw. Sa 'yo nga ang Raw Clothing kasi style mo, hilaw.

At alam niyo ba kung ano yung Tweng? Short for tililing. Tingnan niyo naman, 'tsura pa lang, alam mo na yung amoy. Hindi ko na kailangan ng props para bumuga ng apoy kaya nga sunog noon si Spade matapos kong tapak-tapakan. Walang kalaban-laban. Sa sobrang pagkapahiya, nagpalit na ng pangalan. Tapos, kopya kay Batas, kopya kay Sayadd. Tagaduplicate ka lang. Hindi ka pinalakas ng name change. Naghahallucinate ka lang.

Gurang!

Round 2

BLKD

BLKD, Uprising, Batch 1. Para sa 'kin, okay naman yung laban. Para sa 'kin, may husay naman lahat. Si Batas, sobrang gigil. Si Tweng, sobrang payat. Si Apoc, sobrang likot. Si Spade, sobrang bano. Inugatan ka na sa kultura, hindi ka pa rin lumago. Kabaliktaran ka ni Tweng kasi pambattle rap ka lang. Battles mo naman, nilalangaw kasi nagkakalat ka lang.

Pero ang tanong: Bakit ba ganito na ang tone at flow mo? Masakit sa tenga parang Yoko Ono. Natuto ka ngang magmulti, wack naman ang flow. Natuto ka ngang magmulti, wack naman ang ritmo. Parang sulat lang ni Loonie na pinarap kay Nico.

Ta's ikaw, kung makapagyabang ka, 'kala mo, never ka nagstumble, Rap. E, 'pag nagrarap, para ka ngang juggler na nagfa-Fumble Rap. Hinahambalos ko ang hambog, para maging humble, Rap. Sapak sa bibig para habambuhay ka nang magmumble rap.

Oo, apat kalaban ko. Magtulong na kayo dahil bagamat apat kalaban ko, ang kalaban niyo, ako.

Round 3

BLKD

Alam mo, pinakinggan ko lang naman kayo out of pity. Hindi ako sa inyo natuto. Hanggang balian ka ng leeg, ako, pugutan ng ulo.

Hoy, tililing, hindi mo ba natatalastas na sa talastasang 'to, kami lang ang palabas? Patalastas lang 'yang angas mo.

At anong Goriong Talas? Baka Goyong Talas. Matalas? E, sa mid tier nga, hindi ka makatakas. Nagogoyo mo lang yung ibang Uprising, but not me. Tatlo na nga lang kayong rapper sa Ilustrado, wala ka pa sa top three. 

Mga feel na feel ang imaheng kontra, lakas pang magbida. E, matapang ka lang naman, Mark, kapag may kakampi ka. Parang paggawa ng magandang album, 'di mo 'ko kayang mag-isa.

At ikaw naman, ha, 'di ba iniiyak mo sa kanta mo, "Wala akong paki, wala akong paki!" E, ba't 'pag may bad review yung album mo, hindi ka mapakali?

Ganyan kasi, naging Uprising lang, nagmamataas na. Nakitulak na 'ko nung rising pa lang. Umangkas lang kayo nung up na. Sa inyo, big deal na nga 'to e, sa 'kin, katuwaan lang. Kung gusto niyo ng dikdikan ng bara, labanan niyo 'ko nang 1-on-1. Puwera lang sa 'yo kasi noon pa kita ginawang talunan.

Gurang, hunghang, buang!

March 17, 2019

'Pagkat ang pag-ibig ay hindi paghahanap kung hindi pagtanggap. Lahat ng aakuhin ay sa kanya nang dahil lamang sa ang tanging magmamalabis ay hindi paghingi ng kapalit. Maiging matibay muna ang paglimot sa sariling nais saka ipaliwanag sa sariling ang pag-ibig ay hindi lamang pagtanggap ngunit nagbibigay, at nagbibigay nang hindi lilingon para humingi ng galit at pasensya.

Mahinahon madalas ang umuunawa, dalampasigan sa pagbati ng takipsilim. May pagyakap ang samyo ng ngiting araw-araw na kapana-panabik. Magugutom sa bawat segundong lilipas, ang atensyon niya'y atensyon mo ring ipinakulam sa mabibigat na mantya at gunita. Ang bawat pagsipat ay payabang na tulong sa natutuyong damdamin. Sa bawat uhaw ng nangangasong palaso, ituturok nang panguna ang sandatang dapat na handa.

Sadyang kinakalimutan at isinasantabi sa ibang pagtutuos. Ano pa'y pag-ibig ba talaga ang namutawi? Kung pinagbigyan na sa lahat ng pagkakataon ang lahat ng pinutulan na sana ng dila, magbabalik nang magbabalik ang pag-angkas ng batugan. Malapit nang mag-umaga, isabay na ang pagpinsala sa kabulagan. Mangyaring ang tadhana'y makulay sa malapit nang gumulong na mga luha.

March 16, 2019

Maraming salamat sa mga panadyang kawalan ng silbi sa mundong ito. Wala nang dapat pang magpaalala. Araw-araw naman ang pagbangga ng mga kokote sa ambag na rin ng haring araw. Doon lamang akong mananatili sa iisang butas na kabit-kabit na timplata ng luntian at langis. Mangiyak-ngiyak pang magpapatihulog sa dyip bago pa umangkas ang sugo ng tanikala. Malabong mangyaring magkaroon ng hidwaan sa lamyerdang pinipili lamang din.

Nalulungkot ako, araw-araw rin, dahil ito ang aking pinakakaraniwang tikas. Ako ang mismong unti-unting pumapatay sa sarili kong mga pagitan at panaginip. Sa mga pangarap kong may sarili lamang hangganan, malimit ang magpabura na lamang sa ihip ng maiiksing kasiyahan na dulot ng liwanag. Ikinakahiya ko mismo ang paglamang ng sago sa gulaman. Ang pagsipsip ng bayag ay hindi malinis kung hindi malinis ang may-ari o ang yumayari. Inis na lamang na hindi kayang umunawa sa lagalag, mata ang pinagagana at hindi ang klima ng mga sentimyento.

Maaga pa para bumigay sa alaala. Ang padyak ng alak ay nagyayayang pumayak. Papaiyak ka nang sabik akong masampal ng bukas na diwa at pagpunas ng laway habang ako'y matiyaga lamang na nagpapakulo ng tubig bago maglinis ng aking simpatya. Saka mo na akong pansinin, o mas kung mabuti'y hindi mo ako kailanman nakita.

March 15, 2019

Mahalin mo na ako. Ako lang naman ito. Akong may kinalaman ng sinangkutsa. Akong kakain sa lalamunan. Akong kumakain sa aking sarili. Hindi mo ako mapapatawad sapagkat nauuna pa sa akin ang mga palaka sa pagpisat ng mga langaw. Ang pagligo sa ilalim ng araw ay matapang na idinaraos sa tuwing may tubigang palay na iniaalay. At dahil na lamang sa talikurang pagganap ng mga niyayari, saka na lamang muna ang pira-pirasong mga pangarap ng iilan.

Madali mo akong matutunton sa ilalim ng malahiganteng masinop pa sa mga naglilinis ng lababo. Hindi ako matipuno at lalung-lalong hindi nangyayari. Ibibilad kita sa panlasang hukom na ang timpla'y nagngangalan sa ikbayo ng kasalanan. Magugustuhan mo ang iyong mga pagngiti, at magkakaroon ka ng panibagong mga sarili. Muling magigising ang iyong palyang paghimbing. Mamumutawi ang tauhang gigil. Maalanyahay nang eeskapo sa pagitan ng nanlalabo nang mga paningin.

Magtatago tayong pareho sa kanilang mga hikahos, sa ating mga kurong matagal nang hindi nagwawalis. Masisipag ang mga naiiwan. Lahat sila'y pinagbibigyan lamang. Ang mabuhay sa ibabaw ng pagkaalipin ay hindi labag sa marurupok sa pala-palapag na karikitan. Baluktot nga ang mga tuwid, tayo ang makasisiguro. Huwag nang matapos ang gabi ng pagtitig na nangangakong aalisin din ng mga apuhap.

March 14, 2019

Pag-ibig ang dahilan ng iyong mga puyat. Kamakailan lamang ay panay sundo na ang mga bituin sa iyo. Kapuwa mo silang mahihinang ilaw sa kadiliman ng pang-aalipin at pagpaparusa sa sarili. Gintong pagpaparaya'y hindi maatim sapagkat nananaig magpahanggang sa ngayon ay usisa ng 'di naman makabagong kalungkutan.

May iba't ibang liham nang ipinadala ngunit wala pa ring nakatatanggap ng iyong mga alok. Sadyang hindi kapansin-pansin nga ba, o tampok pa rin sa karamihan ang pinalambot nang mga tinapay. Mabangu-bango pa ring tunay ang pasikretong pagpasok ng mga kapapakulo lamang na talipuspos. Masinsinang kikilalanin ang tagpi-tagping kabuuan ng mga yaring wala namang alam kung hindi sumamba at hindi kumilala.

Walang may sunud-sunuran kung hindi sa sariling mga hilig. Pipindutin nang lubos ang mahal na putik. Unti-unting magpapaikot sa katiting na pagpapaalala. Mababakas ang kawalan ng ugong ng pulang malimit na patungan ng gulong ng kapalaran. Mismong ang kayurin ay hindi na matagpuan sa malalapot nang alinsangan ng lunang tinapak-tapakan. 

Magliliwanag muli nang latag. Matiyagang ipagpapaliban sa mga lamok ang pagbisita ng libang. Sa ilalim ng kumot ng buwan, kakaluskos ang mga dahon tungo sa takot at sindak. Malayo ka na sa kabihasnan at kasanayan. Sanayin nang panibago ang sarili sa pag-ibig na hindi mo pa nakikilala.

March 13, 2019

Gago ka ba? Sa sampung beses kong pagpalo sa hangin nang malaya, iisang beses lamang kitang nakitang kumisot. Ano na naman bang problema mo? Ganti lang ng hindi maimbot na pagpapari ang sasalubong sa may kasalanan at pagpapatalo. Alam mo bang galit na galit na ang mga kumakain nang hindi kumakaway sa may-ari? Ilang beses mo bang ipaaalala sa sarili mo? Baka naman nagtatanga-tangahan na lang tayo rito? 

Makailang ulit nang magsasambit ng pag-urong sa malayong hagikhikan. Kukutitap ang kasiyahan kasabay ng pag-ugong ng gabi. Marami pa rin ang nakikipag-unahan sa pantasya ng alamid at tamis ng titig. Huwag na huwag mong hahayaan ang iyong sarili na magpadalus-dalos sa yakap ng kulubot. Alalahanin na lamang na sa iyong paglingon ay nariyan at hindi mawawala ang mga makabuluhang ingay ng pakikipaglaban para sa mga karapatang kaunti na lamang at sasayad na.

Gitna ng mundo ang suliraning kay tagal nang ipinaaamin. Malawak pa rin ang sakop ng mga usok na pinakawalan ng magkabilang ngiti ng pagod. Hindi ko pa rin nakalilimutan ang mga liwanag na sinadya yatang magpundi nang umangat-angat naman ang iyong pagkakasiya sa akin. Maya't maya ang pagtatanong sa langit, maya't mayang magpipigil ng luha. Ang lahat ng pinagkakamala'y ipinalulusot hanggang sa mayakap muli ang kulubot. Ano na naman ba itong nangyayari?

March 12, 2019

Amoy French toast na malapit nang masunog. Hahapit na naman sa akin ang paglanghap sa kakaibang turing. Paglaanan mo naman ako ng ibang sakyang may ibig sabihin. Karma ang pag-usog ng mapanlinlang na pagmamaliit. Nag-iisa na lamang muli ang malungkutin, at isa-isa na naman siyang pinagkakaisahan. Sa gilid ng matapobreng imbakan ng salimuot at alingasaw, wala pa ring natututong makinig.

Saka na lamang ang iba, punyagi ang pagpapakamatay sa kulimlim at ginaw. Maglalakad akong mag-isa, sa aspaltong kaluluha lamang muli ng langit. May pagkindat ng kislap sa may kalayuan. Sumisimoy ang mga nagyayakapang molave at akasya. Saka na lamang kita aalalahanin. Malamig pa rin sa gilid ng aking mga pisngi ang pag-alalang nag-iisa na naman ako. Mahimbing ang mga sumunod pang pagkilala sa pulu-pulong hamog at alitaptap.

Hindi ko mapipigilan ang aking ngiti.

Sa akin ka lamang, pakiusap. Dito ka lamang sa aking tabi, at sa gabi'y ikaw pa rin ang iisipin bago ang magpakatiwasay sa panaginip. Aanhin ko ang itinimpla kong kape? Ay, kung nariyan ka lamang pala. Mapagpala ang umaga, sa halip na pagmamadaling ikikibit sa aking mga unan. Hihimasin kong may libog at lamig. Dudulas ang aking pagsinop sa kabi-kabilang pag-aalala. Naguguluhan na ako sa aking mga uunahin.

Huwag kang magtitigil. Ikaw lamang ang aking sinag sa umaga, siyang tatagos sa bintanang inaalikabok na ng katahimikan. Ang kahoy na matagal na ring hindi pinasisilay ay kikintab sa pagbati ng liwanag. Hihigop na ako sa kapeng iyong tinimpla para sa akin. Ako na lamang muli ang iyong iniwan.

March 11, 2019

Isa kang plato ng bullshit, kahit sa kabila pa ng lahat ng mga banda. Sa pagkakamali ng iba't ibang panahon at pagkatuto ng iilan, marami pa ring hindi maitindang kinakailangan nang maipaanod. Kung mayroong sariling pagtuklas sa marami pang magsisipang-abot na banyuhay sa gitna ng mga tinig, sasalaminin ng mga ito ang madalas na paglayo sa kalikasan.

Ipipilit sa magkakaibang anyo ang mga panganib na ipinanghahalik sa tumbong. Aaray, at hindi dahil sa pasakit, ang magiging hudyat na lalago na ang matatagal nang nag-iipon ng panrehas. Ang inis ang mananaig, ang pagkilatis ay patatanyagin. Mata-sa-matang pagtatagumpayan ang himig ng nawawalang kahapon.

Ang kahapon ay nandiyan na, pinagsawaan at dinilaan. Isinantabi, binago, at palaging nagmamalinis. Sa bawat kumpas ng kontemporaryong kultura, kahina-hinala pa rin ang mahihinang boses na aalingawngaw. Kokontrahin ang mga bumabaliktad. Pag-iisahin ang mga pantal na madaling mawasak. At sa kahapon ng kabi-kabilang plato ng bullshit, isasabuhay na ang pagpapatapon sa mga alipin ng pagsubo at pagsuka.

March 10, 2019

Hindi ko na minsan maunawaan ang iyong mga tanong. Ang iyong panghihikayat na walang kabuluhan. Sa aking paghigop mula sa tasa ng tsaa, mapapansin kong lalo ang mga linya sa aking noo. Hindi pa rin kita makilala nang lubusan. Paano ko ba itong sisimulan? 

Tulungan mo akong mapigilan ang walang katapusang pagpitik ng aking daliri paibabaw sa himpapawid. Bakit ba ay hindi matikum-tikom ang bibig ng mga alikabok na hindi na sinubukang managinip pa? Dalawang beses na akong nagsasalin ng tubig sa pulot at asukal. Nais ko na sanang mabigyan ng hustisya ang lahat ng paglanghap na ikaw lamang ang nagsasayang. Matuwa ka pa nga sa aki't ako ang kinakabahan! Hindi na biro ang minu-minutong paglampas ng diwa. Ang tyempo ay madalang, maaari pa ring kumurap. Ngunit ang hindi pangangalaga sa pag-iisip ay makasisira lamang ng bait.

Magkakasakit na naman ako sa aking mga medyas, patawarin mo na ako. Hindi ko naman sinadyang magalit ako sa iyo. Ang intindihin mo na lamang ay ang pag-intindi mo kung naiintindihan mo pa ba ako. Sa halip na tumingin sa kawalan, pakawalan ang pagtingin. Malalaya ang mga nararapat na pasukin ang tagubilin dahil kung nagagalit at lumuluha din ang kalangitan, hinding-hindi dapat tayo pauuto sa palakad ng salubsob na minantsahan ng dugo.

March 9, 2019

Nakasabit na ang mga balat ng pagpulupot at kantot. Palihim ang pagdagya sa ilalim ng tukol. Makisasayaw ang talulop ng hingal at init. Maya-maya pa’y kung anu-ano na naman ang pinaghahahanap. Sumayaw kang kasama ako, tulad ng pamingwit sa galit na galit na alon ng mga buha-buhanging basura at dura. Hindi ko ipakikita sa iyo ang paglagok ng palagay ngunit iindayog kang pabalik sa pagsabunot ng saya, ay anupa’t tanging saya.

Bubunutin ang mga kristal. Pakikinanging may tagay. Humaling ng pusang malambing lamang at malandi sa tuwing nagugutom, hahaluan nang kaagad ng remedyo ang pait ng matagal pang pinatanda. May pupulupot muli, sa bagong anyong pagpapakilala at pagkilala. Iindak sa trumpeta at mga matang mangapang-lisik ang husga. Tama na, pakiusap. Hindi naman kami gumaganti. Malayo ang ihip ng hangin sa mga nakakasunod sa pagpalo.

Mahuhulog tayo pailalim. Mahihirapang makasagap ng buhay. Maiinitang patuloy hanggang sa may maglalambing na namang muli, noon nang kilala ngunit magpapakilala. Kikirat ang mga ugat, magpapatiwakal ang mga nauna. Mananalangin nang sabay-sabay ang mga pinaitim ng tadhana ngunit sabay-sabay ring sisigaw para sa kanilang mga sarili, sa ating mga sarili, at sa atin lamang.

Maluwag ang kapit, sisikip sa ating dibdib. Tutunggali ang pagtanggi sa limasak ng laway. Aagaran ang puntirya sa pagdadasal ng mga nakaitim. Lahat ng naipong pagod ay babaluktutin ngunit hindi mababali. Kakalimutang pangiti ang mga pari ng pag-asa at gahasa. Magsusumindihan ang lupun-lupong galit, hirap ang mga patay na kaibigan. Sa saglit na papapasukin ang mga uuwi, ang layunin ay maipagpapaabot sa huntahan ng kandila.

March 8, 2019

Umaga na naman pala. Hindi pa rin ako aamin. Saglit lamang akong magpapaalam, saka na lamang kitang mababalikan. Saka na nating tapusin ang mga balakid na makapagpapasasa talaga. Kikirot at babalandra ang mga ulap sa bilis ng mga tagisan. Sa halip na magpaliwanag, lalong gumugulo ang mga nakagisnan. Malabong matapos ang lahat pero susubukang makipagpakitaan ng sari-sariling halimbawa.

Sapagkat may pag-aaral, hindi na mamasamain pa. Nakapandidiri ang mangilang paglalakbay tungo sa kaunlaran ng parang. Paalam na muna, kapatid, paalam. Hanggang sa muling pagkikita, kumutan mo muna akong sinag ng himbing at payapa. Malayo pa ang pagkai'y nagluluto ka na naman ng panibagong amoy.

Suliranin ko'y sa iyong mga palagay ang sadya. Hindi pa rin maiibsan ang pagtilaok ng mga niyaring demonyo. Kaunti na lamang, kaunti, ngunit hindi pa rin patitibag. At hanggang sa muling pagkikita, muli, at muli't muli, umaga pa rin naman pala.

March 7, 2019

Baka hinahanap lang kita mula rito sa kuweba kong papayuko. Aakagin ko ang lahat, huwag lang mahalata kahit na gusto kong mahalata. Hindi babagay ang ibang bagay sa akin. Tanggap ko naman na iyon. Ako yung tipo ng tao na hindi tipo ng tao. Baliktad ang aking pagsukat, at mayroon akong sariling panukat. Sa kabila ng pagmamagaling ko, sumusunod pa rin ako sa parang.

Tila nawawaglit na naman ako. Nasaan na nga ba tayo? Hindi naman ako naiinis sa iyo. Sadyang makitid lang ang aking utak. Pabalik-balik na magkokontrol ng sariling galit. Nagugutom din paminsan-minsan. May mga umagang may kaligtang kape. Bibilisan ko ang pag-arkila sa lahat ng magpapakarayom ng pintas. Kayang-kaya ang mga hindi pa nakakikilala sa akin. Sakaling makatsamba ng pananakot, ang alalay ng mga kubyertos ang paaanurin. Walang hiya naman sa walang hiya. Maaaring maging bato pagkatapos. Ginabing palad ang pagpapalaya, ihahatid naman lahat sa pininturahang mga puntod.

Nahihilo ako sa ngayon. Pakiramdaman mo ang aking init. Hindi naman sa pagmamasid pero matikas pa rin ang pag-aalalay ng panahon. Huwag ka nang magalit, hindi naman tayong buo lahat, at patuloy tayong magkukumpunihan. Ang mahalaga'y naaagapan ang pagkasira, at hindi magpapahila sa katotohanan. Hindi madaling umahon sa ilalim ng sariling pinagbungkalang hukay. Silaban ang pagbuo sa loob, makararaos din sa pagkalimot. At sakaling hanapin man ulit kita, babatiin mo na akong karaniwang kaibigan.

March 6, 2019

Nabubuhay ka na lamang para magalit. Ang mundo ay puno ng reklamo. Ang reklamo ay bunga ng hindi mo inaasahan. Sa lahat ng bagay na perpekto, may kakulangan ang iyong paglingat. Magtatampo sa'yo ang mga paruparong hindi mo naman talagang mga kilala.

Sa ilalim ng hangin, sisimoy ang dagat. Nakakabit ka pa rin sa lupang kinamumuhian mo. Babalikwas kang madalas sa kawalan ng tinta. Mahirap nang magpatuloy. Mag-iingat na lamang lagi sa bawat pagtapak. Ang mga nakapalibot ay unti-unting mababawasan ng laman. Hindi na lahat ng bagay ay pawang mga kunwari na. Sa katotohanang araw-araw mo nang iindahin, ikaw na mismo ang naglilimita sa iyong sarili.

Magmamalinis ang mga makasalanan. Ang mga mapagkumbaba ay madalas magsisi. Sa reyalidad ng mga pagtawid, pare-pareho lamang ang antas sa pagdating. Hindi ito kawalan ng tingkad sa titig o pulmonya ng saring dalumat. Sa magkakaibang bahagi ng lupon, sa iisang puntod ang nais at ang ayaw.

March 5, 2019

Nilasing na naman ako ng boses mo. May pagngisi akong nakagugulo ng isip. Nahihilo bang talaga ako? Hindi ako sigurado sa mga iniisip ko pero masarap sa pakiramdam. Kinakausap na naman ako ng mga pagbulong. Hindi na naman pantay ang mga tala. Dudungaw ako sa bintana ng kailanmang kulimlim. Hinahanap na ako ng aking sigarilyo. Uupo na akong saglit sa aking kastilyo. Wala na munang manggugulo. Ikaw na lamang muna ang gumising sa aking napipintong mga desisyon.

Bahala na, pero ayaw ko rin. Gusto ko ng kulit kahit na mas maiging nakatalukbong sa akin ang aking sariling mga unan. Yayakagin ako ng kahapong may balat ng pighati. Sinasanay ko na naman ang sarili kong huwag masanay. Gutom ako at gusto kong kumain, totoo. Umiinit na naman ang aking kalam. Mag-uumpisa na naman itong magyaya ng sigarilyo. Hindi ko siya papayagan at ng isa ko pang sarili. Maya-maya'y nag-uudyok na naman ang mga residenteng bulong.

Tatayo na ako. Papayagan ko nang pumalag ang langit. Sa tirik ng araw ay may hihigit pa ba sa dinala kong sariling mga pighati? Sigurado na naman ang aking mga susunod pang pagtatanong. Hindi na naman ako pinayagan ng aking mga pakiramdam. At sa pagbabalik ko sa aking sariling mga pag-ikot, hahalikan na lamang muli ng kulimlim ang aking paghimbing.

March 4, 2019

Magigising na lamang ako bigla at mapagtatantong nagising na lamang ako bigla. Magugulat ako sa lahat ng nangyayari habang nagpipigil sa hindi ko malaman kung ano. Huwag mo muna akong titingnan kahit ayos lang sa akin. Huwag mo akong patatawanin dahil baka makatikim ka. Masarap pa naman akong magparamdam ng simpatiya at halu-halong galit. Gutom na gutom ang aking isip. Huwag mo akong palalamunin ng ginto. Lahat ng makikita ko ay simbolo ng mga gagamba. Hihigpitan ko ang bawat sapot na pupulupot sa akin. Hihinga na lamang ako nang marangal.

Ilayo mo sa akin ang kape. Usok ang aking hahanapin. Ang pagbuka ng bukas ay hihintayin ko. Ilayo mo muna ang kape. Huwag mo akong iinisin. Makati pa rin sa lalamunan ang mga hindi ko naipinta kagabi. Kaunti na lamang parati ang hudyat ng pag-aangas. Limang beses akong bubuwelo ngunit kalahati lamang ang padyak. Mauurat ako sa pagbibilang ngunit ang pagbibigay ng galang ay mas mahalaga. Iiyak ako sa tabi habang pinipigilang mabigyan ng tamang paalalang may kalalagyan lahat ng mga parirala.

Kakayanin ko ang lahat, banggit sa lahat ng pipihitan. Ang kalampag ng mga paningin sa akin ay bahagyang magbibigay ng ingay. Hindi ako galit pero huwag niyo akong gagalitin. Kalat-kalat lahat ng harayang makipagbuno sa bawat maglalagay ng palag. Kung sakaling kumanti ang kidlat, uusog pailalim. Mag-umpisa ka nang magpaalam sa kahapon dahil paparating na ang dilim. Kukulimlim ang langit. Malulungkot ang umaga. Hindi sinasadyang aalarma sa kagubatan ang senyas ng iisang dahon. Maaalala mo akong muli, mapapangiti kang may kilabot. Sa bandang huli ng mga pariralang hindi sukat, susubukan mo nang gumising.

March 3, 2019

Takot ako sa iyo. Takot akong makita kang galit. Takot akong makita kang nasasaktan. Pakiusap, huwag mo akong sigawan. Hindi mababakas kung minsan pero mahina akong tao. Huwag mo akong tingnan nang ganyan, nahihiya ako. Mahiyain ako, totoo. Lumalakas lamang ang aking paghikab kung sakaling maalala pa ako ng mga tao nakaligid lamang sa akin. Bahagi lamang ako ng paligid nila, at sila'y nakikita ko lamang sa likod mo. Kapag sinubukan kong magpakilala, lalo akong kinakabahan. Hindi naman ako mahihiligan ng kung sino lamang dahil sa hindi naman din akong karaniwan katulad ng lahat ng tao.

Mabigat para sa akin mag-iba ng anyo, pero hindi ko naman ito pinagsisisihan. Sa lahat ng beses na magpapakilala kang muli, huwag mo akong antabayanan. Narito ako, kung iyong lalapitan o kakausapin. Mabilis sana akong tumugon dahil sa ayaw ko ring naghihintay. Natatakot akong makita kang may pinagsisisihan o sinisisi kahit mahirap naman talagang pasunurin lahat ng bagay sa mundo. Kalkulahin man natin ang mga pagkakataon, babagsak pa rin ang ilan sa mga nag-aral.

Nawa'y palarin lahat ng mga tambay sa mundo. Nabubuhay pa rin sila kahit na halos wala na silang ginagawa. Kung mayroon man, pinagpapala pa rin sila ng masarap na tulog at talukbong ng sariling kaba at ngiti. Babalik sa nakaraan na para bang tinatakot ng kanilang sariling mga anino. May pagpapaalala sa bawat tugtog na papakinggan hanggang sa bumili na lamang muli ng panibagong dismaya sa sarili.

Itulad mo ako sa kanila, matapang lamang kung walang pakialam sa sarili. Sa pagpapadausdos ng kapuwa, hindi na ako magmamagaling. Pagpalain nawa akong may sariling oras sa pagbibigay ng pakialam. Hindi naman ako kayang pasunurin ng mundo.

March 2, 2019

Pagtunggaliin mo na kami, pakiusap. Matagal na kaming nagtititigan. Galit na galit na akong magalit. Sa kanya'y may pag-amba pang malayo ang pakiwari. Gusto ko nang masuntok ang kanyang kaluluwa nang makilala niya ang tunay na bakit. Sa tuwing magkakaroon ng badya, sisikmurahan ko agad hanggang sa ako naman ang makaramdam, na ako naman ang makaramdam ng eksaktong pagpalag na hindi ko mapapantayan.

Umiikot na naman ako. Hindi ko naman sinasadya. Lahat ng ito'y hindi naman para sa kanya ni para sa iyo, ni para sa inyo. Ang pare-parehong halaga ng iba't ibang bagay ay likha lamang ng mga maiinit ang dugo. Kumalma ka lamang muna, hindi tulad ko. Hilaw akong matatag na aamin. Hindi naman kita pinipilit, at wala namang pumilit sa iyo. Kung mayroon mang pumilit sa iyo, ikaw na mismo iyon. Pareho lamang tayong naghihintay sa wala.

Banggit ng iba, mas matagal kung hihintayin, ngunit ang pagbalik sa kung anong surpresa ay kapana-panabik nga naman. Magkatuwang ang paghihintay at sining, at hindi ko pa rin sinasabing may husay at nagpapaalam. Ito'y pagtalikod sa nakaraan, ngunit maya't mayang may paglingon. Kung sa uulitin, ako lamang muli ang aking babalikan. Masaya na sa bawat pag-ambang may galit at tuwa, may pagsilip at hintay, may ngiti at irap. Magkasunod at magkapatong ngunit hindi pa rin nagkikita.

March 1, 2019

Google Docs Anonymous List

Alligator, Anteater, Armadillo, Aurochs, Axolotl, Badger, Bat, Beaver, Blobfish, Buffalo, Camel, Capybara, Chameleon, Cheetah, Chinchilla, Chipmunk, Chupacabra, Cormorant, Coyote, Crow, Dolphin, Dingo, Dinosaur, Dragon, Duck, Dumbo Octopus, Elephant, Ferret, Fox, Frog, Giraffe, Goose, Gopher, Grizzly, Hamster, Hedgehog, Hippo, Hyena, Ibex, Ifrit, Iguana, Jackal, Jackalope, Kangaroo, Kiwi, Koala, Kraken, Lemur, Leopard, Liger, Llama, Loris, Manatee, Mink, Monkey, Moose, Narwhal, Nyan Cat, Orangutan, Otter, Panda, Penguin, Platypus, Pumpkin, Python, Quagga, Quokka, Rabbit, Raccoon, Rhino, Sheep, Shrew, Skunk, Squirrel, Tiger, Turtle, Unicorn, Walrus, Wolf, Wolverine, Wombat, Zebra

February 28, 2019

Sa inaakalang ang paghikab ay sagisag ng kakulangan sa gabing mapungay, magsisilbing panggising ang huling pagtipong may kakulangan din ang binyag na pag-akala. Hayaang magtipon ang waring mga piniling inis na mas madaling ibato hanggang sa maging kumpleto ang iyong araw. Hindi ko hinangad na maging tabla sa'yo o maging panabla sa tantya mo lamang na turing. Inaasahang ang lahat ng mangyayari ay mangyayari. Hindi ako kuntento sa pagpayag na ang desisyon ay tungong payak ngunit daig ng hulmahang ipinagpapasalamat. Tiyak ang pagtuloy kung aakapin ang pinadaan. Kung iisipin, hindi ka naman dapat nakikinig sa akin.

Maikintal man lang, malabo ang siyang kabila. Maghihintay ng paliwanag ang mga may nais na mansadlak. Ang totoo'y mapanganib kung susundin ang nais. Sa kabila ng lahat ng galit, hihintayin na lamang ang bagong makasasagip. Wala namang mamamatay, mayroon lamang ipinanganak. Maaaring labas-masok, at may hindi pagpansing abang. Sa timplang sobra sa alat at kulang sa tamis, may kung anong saya sa bawat tumitikim.

Hindi na baleng hindi maubos, puntirya'y sarili lamang. Ang paghapo'y sa akin at sa akin lamang.

February 27, 2019

Iba ang iyong lula sa aking lula. Magkaiba tayo ng tatawiran. At maniwala ka man sa hindi, naniniwala pa rin ako sa oo. Babalikan mo ang dati, kikilabutan ka sa ayaw mo na talaga. Maiisipan mong kumawala, at hindi mo na ako muli pang maririnig.

Tumigil ang lahat.

Ako na lamang muling mag-isa. Pagkagaan ko'y nakasalalay pa rin naman sa akin. Bawat buga ay manggagaling sa marunong humarana. Hindi natatapos ang lahat sa pagtingala sapagkat walang katapusan mo akong iisip-isipin. Sa bawat kalyeng iyong madaraanan, ang usok ng kable ay madaling maaamoy. Mag-aanyaya ang iyong mga kaibigang suwaying muli ang iyong pani-panibagong pangako sa salamin. Madali kayong uupo, maghihintay sa ginaw ng gabi. Ang tugtog ng mga tala ang magsisilbing gabay tungo sa kinabukasang madali mo lang ding makalilimutan.

Hindi tulad ko o tulad ng mga inamin ko sa iyo. Maghahatid sa atin ang maya't mayang pagbabalak ng diwang may hilig sa simpleng pagsilip sa iyong mga ngiti. Ang marinig kang tumawa'y nandiyan lamang nagkukubli. Hindi paaawat ang bawat ganting pagtatago. Susulitin ang mahulog nang paulit-ulit sa mapangatwirang mga lula sa iyo lamang ang puwersang kakayanin.

February 26, 2019

Kung pagbibigyan lang ng mangilag mong mga mata ang pagsilay sa kung anong hindi mo gusto, lalabis nang maaga ang hinihinging pag-asa. Aantukin lamang ako nang agaran, hindi mo ako maaabutan. Sa iyong pagsubok na sumingit, kakailanganin mo munang maalala ang iyong inay bago ka mapagalitan.

Wala munang magbabalak na akuhin ang pagbabayad. Mapagkakamalang sintunado ang disiplina kung bumulagta ang inaasahan. Sa bawat gurang na magagalit, ganti'y paumanhing may pasubali. Pasenya, pasensya. Iparirinig nang maigi. Dahan-dahang aatras, hindi naman animong tatakas. Magpupumiglas sa hindi naman nakabuhol sa rehas. Kakabahan sa walang totoong kathang-isip. Ipagpupumilit ang waring tila kunwari.

Iihip nang maginaw ang hangin - ang hindi kailangang hinihingi ng iyong katawan. Sisiklab ang init, magbabalik ang katayuan. Titingala kang muli sa talampad na pare-pareho lang din naman ang kalalabasan. Mag-ingat ka sa pag-iingay, at hindi lahat ng mahuhusay ay matatapang. Babatiin ka ng iyong kape ngunit galit pa ring maghihintay sa pagsilay mong hindi ko na gusto.

February 25, 2019

Matagal na akong naghihintay na may mangyari sa aking wala. Dadanasin kong bumalik sa himyas ng alapaap at keso. Masarap ang pagbaluti sa akin ng kawalan ng pakialam sa kung ano pa nga ba ang bukas at ngayon. Lahat ng dumadaan ay nagiging kahapon, bawat segundo, bawat minuto. Magagalit ako sapagkat ang tanging masasabi ko ay hindi na lamang para sa akin. Patuloy itong umiikot hanggang sa tumumba na akong walang malay.

Bawat pagdukot ko sa hindi ko kailangan ay panibagong adya ng matamis na perspektiba. Isa-isang dumedepende ang pagsigaw sa aking likuran maging sa kaligiran ng aking pandinig. Ipagkakamalan kong totoo kahit na alam kong may makabibingwit. Tatratuhing salapi ang bawat daliring iigpaw. Malimit na tatanggapin ang sarili ngunit tatanggapin ang pagtanggap ng iba. Mahina ako sa palagayan ng loob pero hindi ako makalilimot magbukas muli ng aking pinto.

Nagsisimula at nagtatapos ang pakikinig. Pagbibigyang muli ang nagtanghal. At sa kung sakaling nasa mabuti akong kalagayan, lilipad na lamang ako sa mainit na hangin. Ang paglutang ay masarap, sinsarap ng alapaap. Unti-unti akong lulutang hanggang sa gumising akong muli sa wala.

February 24, 2019

Masyado ka nang mataas, tingnan mo naman kami. Ang sabi ko, tingnan mo naman kami. Sarili mo na lamang ang nakikita mo. Nakakatawa na lamang kasi kung anong taas mo niyan, siya ring kabaliktaran ng pangarap mo dati. Mayabang ka na kahit na ipinapakita mong mabait ka pa rin.

Ang pag-aaruga ay tunay lamang sa mata ng iilan. Pinipili ng mga hindi kumukurap ang nais na mabigyan. Ang pagsadya ay tatagos, tiwakal sa pagsaglit. Pipilantik ang hindot kung sakaling mabigyan pa ng silbi. Hindi lahat ng bagay ay nakalilito, sa'yong gana ay halimbawa. Kung makasumbat ay wagas, hindi naman nagbabanat. Ang pagdampot sa libro ay katumbas ng pagdampot sa ibang bagay. Nasa iisang utak lamang ang pagsaboy ng karangyaan.

Huwag mo kaming himuking may sapi ka ng henyo. Tandaang malikhain ang kuneho kahit na napipinto na ang kanyang kamatayan. Baliktad ang oras, itabi man sa mga salamin. Patay-sindi kang papatayin ng iyong pansariling pagpasok sa mga iginigiit mong kayabangan. Ang hangin ay hangin, hindi dapat pakawalan. Kung sumirit man ng hikayat ay kibit-balikat na lamang. Hindi lahat ay iyong maloloko. Madali lamang sumuway kung walang bahid ang siyang polo.

Putang ina mo, mahangin.

February 23, 2019

Sa ganang akin, ihihiga ko na lamang iyan sa unan. Madaling araw na naman. Hihigad na naman ito sa akin. Hindi madaling magkaroon ng ibang mga boses sa aking lalamunan. Bawat pahinga ay paghinga. Iikot nang iikot ang aking mga mata. Ang aking pagbaluktot ay mekanismo ng galit at pangamba. Hindi ko tatanggapin ang lahat ngunit ang lahat ay hindi ko rin palalampasin. Magkalat na ang kayang magkalat, hindi ako matitinag. At sa iba pang mga pagkakataon, may kung anong salag itong aking paghimok.

Isa na ito sa mga pangarap na hindi kailanman matutupad. Maaaring magkaroon ng hindi pagkakatagpo. Ang liwanag ng langit ay minsan na lamang inaasam. Ang pagpapakasakit sa ibabaw ay aabot sa pagiging karaniwan hanggang sa ipaubaya na naman sa langit. Bibigkasin ang bawat titik na parang normal at hindi matatakutin. Sagana ang ulirat sa hindi totoo sapagkat araw-araw pa rin naman ang pamemeke ng mundo sa akin.

Yayakap ako sa akin, ako lamang ang tangi kong kilala. Makararating ang matitira, bubulasawin ang lahat ng akin. Maabutang ang paggana ay siyang magpapatikom ng ibang mga bibig. Boses ang siyang magdadala sa lahat ng hindi kailangang malaman. Ang pagngiti sa huli ang siya ring bibihag sa pansiriling kamalayan.

Magpapaalam nang paulit-ulit. Hinding-hindi makukuntento. Iikot nang iikot sa sariling mata ng bagyo. Ipapaubaya na lamang muli ang pagpapalampas ng galit. Ihihiga ko na lamang ito sa unan kung maging sa ganang akin.

February 22, 2019

Gusto mo bang maging pagmamay-ari ng karimlan, ng saluksok ng usok sa gilid ng putikan? Walang kuwenta ang mga abo kung sa mga aso lang din manggagaling. Lahat ng iyong malalaman ay kusang ipatatapon sa hindi mo pa tabi. Hindi lahat ng ibinibigay, kusang maglalaan. Hindi lahat ng nanghihimasok ay magkakaroon ng kuwenta. Ang aking paghimay ng bawat tunog, libre lamang at makisig, huwag kang titiklop.

Aaminin ko ang lahat, hindi ako matatakot sa iyo. Sino ba naman ang mangsino, kung sisinuhin ka ring todo. Hindi bakas ang malumanay bagkus ay bigyang-halaga. Malakas ang biglang pugay kung mag-aarkila ng bangka tungong pampang. Kung tanawi'y nag-aabang pa minsan ng pansiteria sa tindahan. Maaamoy ng tiyan ang panghimagas na tinapay. Papayagan pa ang sariling umisa ng pagsawsaw, sa pagsimot ang siyang tunay na aking ligaya.

Ngayo'y magtataka kung magtitino pa nga ba. Ang matino ay pagpapahalagang siyang may angking karga. Susunduin mula sa langit, sa lupa din lang ang dating. Makarating man sa paroroona'y may kung anong katuwaan sa pagsampal. Maglolokohan sa pagitan ng himala at taimtim. Aawit nang sabay-sabay sa mumunting palabas na pag-aalay. Ang paglibing sa kaba, walang may tikom na magsasabi. Sabay babalikwas sa tabi, ang puso'y siyang tataba pa rin.

Ang paghihiwalay ay may pag-akit na tunay, huwag kang mangangamba. Lahat ng ito'y kunwari lamang, magpapaari ka pa ba?

February 21, 2019

Nag-aabang ako sa tabi ng motorsiklo. Lamok na lamang ang aking mga kausap. Ang kanilang pagkagat ay nagmimistulang halimbawa sa pagkitid ng iilan. Hindi kita kinakailangan. Ang aking sariling hibla ay may paninindigan. Walang pumipilit sa iyo kung kaya't ang paglisa'y mas madali pa sa inaasahan.

Hindi ka naman nagagalit, ngunit may nakikitang kung ano. Hindi naman sa pagmamagaling ngunit hindi ko kaya ang kaya mo. Sa lahat ng ibinabagsak ng langit, tanging pluma ang may gana. Aanhin ko ang motorsiklo sa ganang akin ay walang gana. Ang lahat ng aalikbo, siyang bibigyan ng tsansa. Kakagat ang nais tumerno, lalapit ang gustong magisa. Hindi papalarin ang lahat, kaunti ang makasasakay. Babatyain ang paghampas sa kunwaring kisig ng ulikba.

Huwag kang matatakot, patuloy na pagbanggit ng iilan. Lahat ay matatapos kung sakaling pagbigyan. Ang lahat ay nararapat, paumanhin kung maiwan. Simple lamang ang gusto, ang nais ay talikdan. Hindi habol ng makata ang magpasikat, kumirot. Pipikit ang mga mata ngunit imposible nang umikot. Pagbibigyan ng madla, pagbibigyan ang madla. Ang bahagyang pagsara ng pintua'y hindi halos katapat ng pagpatay-sindi ng kabastusan. Hindi magpapaawat, kakayaning maghintay hanggang sa luminang na ang kintal.

Kape na ang isusunod sa pamamaalam na diretso sa paghahalo.