December 28, 2019

Nagagalit ka ba sa mga bagay na naisip mo rin, o kailan ba magtatapos itong mga patamang walang maitama kung hindi magtama ng mga sariling tama nang tumama naman nang tama sa tama at ng tama na rin? Tama na ba, o tama na ba? Tama na. Ah, tama na. Sana tama na para tama na.

Katamarang maituturing at huling pagpapaumanhin sa taon. Panibagong taon para sa akin at pagtatapos sa maraming hindi ko pa ring kinikilala at inuunawa. Paumanhin. Lahat ay kinakailangang baka sakaling bigyan ng panahon at bigyan pa rin ng pansin. May bahid ng pagkaluma ngunit totoong huwag na sanang palipasin. Hindi rin maiwasang matakot sa mga inilalapag na baraha pero sadyang binubuhat pa rin ng sariling mga paa at kakaunting mga ngiti nang makalampas at makisabay sa naaabutang sabay-sabay na paglipad ng tren.

Hahanapin ang pagbati ng umaga sa banggaan ng mga langgam na hindi masigurado kung paano nga bang maaayos ang iniwan nang mga bakas ng kahapon. Pabalik-balik pa rin ang mga kunot ng kawalan, at sinasaka na pa rin ang madali namang mapagbigyang sopas sa ginaw ng damong tinapakan ng mga nagsisigawang bato.

Malaya kung malaya, ang daigdig ay walang pakialam. At sa pagtatapos ng dekada'y magkakamali na ang mga simbolong itinama.

Salamat!

December 21, 2019

Dala ng makasat na libog at uupuang umaga, sasambulat nang deretsahan ang kalam sa sikmurang makagagalit sa karamihan, ngunit pagkain at pepera lamang sa akin. Sa mga patihulog ng mga kumakalansing ay mistulang awiting matagal pa bago ako’y tuluyang mayamot at makalimot na kailangan ko nang matanggap na hindi nga pala ako katulad ng karamihan.

Mag-isang namumuhay, nagdidikdik na lamang at makikipag-usap nang magkaespasyo naman ang mga banig-banig na itinagping mga dahong pinaglipasan na ng tubig-ulan at halik ng sari-saring umaga. Ang kabunduka’y kaibigan pa ng aking mga kaibigan at magiging (at naging) kaibigan. Sisikatan ng liwanag at papuri. Hindi na makapagpipigil pang makinig sa papuri ng iba liban sa kanilang mga sarili at sarili ring mga kaibigan pa.

Paraiso ang sadya ng marami, katahimikan ang iilan. Sa pabugsu-bugsong bigla ng bagaheng bigay ng bagot, bagay sa gubat gumambala sa gabing ganado sa gabay ng bobo at gigil. Parating ihahambing ang nagkakasalubong namang mga araw. Sa huli’t huli’y sapat nang magpakawala ng mga eksenang magpapahina sa pag-ungol ng mga nagbabanta sa dilim.

December 14, 2019

Tanggap kayâ sa gilid ng mga párang at lipunan ang pagtitig, maligalig. Mukhang ayaw iwanan ng mga nakaw kong saglit, hinihingi mula sa iyo. Patawad, aking giliw, ‘pagkat mahina itong puso sa magayóng timpla, sa sirám ng hinahon ng iyong mukha, sa pagligpit sa akin ng mga panahon kong nawawala, nabibigla sa angkin mong hiwaga. Siya nga’t itong pusong mahina, tanggap mo rin kayâ?

December 7, 2019

Ay anupa't nalalapit. Hindi sukat-akalaing maaatim ang mumunting pangarap na sinipat. Sa bawat pagsipag ng umaga, hindi miminsan maiiwasan ang mga pakunwaring yamot, pag-aalalang kamalian, at iidlip na lamang sana.

Sumiklab papalayo sa nauna nang mga hugis, ngunit unti-unti ring binuo ang siyang tipa ng kasalukuyang sinusundan. May mga nagpapakilala pa ring mga parirala subalit tinuturing nang mga kaibigan. Paalam na sa galit, sa galit sa mundo, at sa galit sa sarili. May yapos sa pagtanggap sa kung anuman ang pagbigyan ngunit may yabang sa tuwina nang paglikha. Ang makalimot sa dating mga sarili ay hindi nangyayari bagkus ang sarili'y nakauunawang totoo na ang pag-alala'y pagbabalik-loob sa sarili.

Bawat titik ay bahagi na ng kasaysayan, at magiging bahagi pa. Sa takbo ng utak na makasat-kasat sa kahingian ng mga arbularyo at ermitanyo, ang manunulat ay walang takot na nakikisabay kahit na makitid ang dinaraanan. Ang malabo'y patuloy na palalabuin, huhugasan ang mga platong pinagkainan, sasabunin ang mga punyeta, at matutulog nang mahimbing 'pagkat ipinataal sa sariling hindi mabubuo ang danas kung ang danas ay hindi sisimulan.

November 28, 2019

Pagkarikit ng usok tuwing magdirilim. Tila sumasabay sa naalimpungatang kumot at mga unan. Bahagyang aagos ang paiba-ibang timyas ng hangin. Nag-uumpisa na namang guminaw. Mararamdaman ang mapagkubling pag-iisa at pakikiisa, ngunit ni hindi minsang dadapuan ng hinagpis. Ang pagpapasyang makalayo muna sa ingay ng mundong paulit-ulit ay matagal na ring kinasabikan.

Hindi maisipan pa kung paanong sisimulan ang napipintong pagtatapos. Aayon na muna sa hagod ng kamuntikang masirang pagpapasahan. Laway ang nag-umpisa at sa laway rin magpapaalam, kapuwang nagkukuwetuhan ang mga pinagtapunan ng mga bangkay, pinagtaguang mga hibla, at babalikan pang mga pangungusap.

Ang galit ay napawi, ginusto nang makasakay muli. Isasarang dahan-dahan ang mga mata hanggang sa hilahin nang pailalim ng namumuting kakampi. Kaagapay ng mapanghusgang mga tala, ikaw na mismo ang maunang tumapos sa atin.

November 21, 2019

Masahol na naman ang kurot ng anyaya, pausok tungong pantayo mamaya. Hilig pa rin kung miminsan ang paglagok sa gabi-gabing kinasanayan na noong araw pa man. Sa mga sementadong tambayan at papahilagpos nang liwanag, naiinis na maya't maya ang guwardiyang limang beses nang inuutangan ng yosi, Marlboro nga po, pula.

Ha? Pula? Para ka namang ama niyan?

Gago, hindi ako taxi driver! Saan ba tayo mamaya?

Ahh, nagsisimula ka na naman ng kaputang inahan mo ah. Ano na bang natapos mo kanina?

Marami na rin, gago. Kanina pa ako pagod mapagod. Siyang saan nga ba tayo, putang ina ka?

Saglit, magyayaya pa ako sana.

At sa gayo'y maliwanag na maliwanag na nga. Kapuwa na naman nag-aabang ng kanya-kanyang pagpipitikan ng makasariling upos at baga. Ang sisig ay kakantiyawan kahit na babalik-balikan pa rin. Masasamid sa mga nakapalibot na anghang ngunit yayakapin ang bawat sandaling sasagi na lamang kung maaalala pa.

Ay sa kung minsan nga bang mga gabing bakit hindi pa pinagana ang pag-umpog sa mapakla! Sana'y puno pa rin ang langit ng ating mga pagtingala at pinagpag nang mga balat at asin ng mani, ng mga natapong bula, mga pinabayaang usok ngunit nauuwing luhaan, mapagpaumanhin, at umuunawa.

Gabi na naman, kaibigan. Saan na nga ba tayo?

November 14, 2019

Strukturalismo

Strukturalismo.

Hanep. Ano 'to? Sa pagkakaalala ko, una ko 'tong narinig sa subject tungkol sa mga teoryang pampanitikan noong nasa college pa lang ako. Sa pagkakaalala ko lang ulit, ang natatanging umukit sa akin mula sa mga binanggit ng prof ko tungkol dito ay yung (non-verbatim), "Kinakailangan nating malaman ang struktura ng isang akda nang madeconstruct natin ito at muling makapagreconstruct. Deconstruct and/to reconstruct."

Sa isip-isip ko, mukhang malabo? Nauunawaan ko yung puntong kailangan kong baklasin sa iba't ibang parte ang isang sulatin nang masuri nang mas maigi ang bawat bahagi pero bakit kailangan ko siyang buuing muli? Kailangan pa bang buuin ang siyang buo na?

Doon ako nagkamali. Saka ko lamang napagtanto yung maaga kong katangahan noong papalapag na galing Skyway yung sinasakyan kong bus, ilang linggo lamang din ang nakalipas...

Strukturalismo na yata yung isa sa mga bagay na nakakatakot pakinggan pero magagamit kung tutuusin. Baka hindi natin namamalayan, araw-araw o may mga panahong nagamit natin ito nang hindi natin namamalayan. Hindi lamang mga alagad ng panitikan, pilosopiya, etc. ang maaaring makinabang sa mga ganitong paraan ng pagtingin sa mundo at iba pang mga nasa paligid natin.

Sa ibang sabi, strukturalismo ang lenteng nagagamit sa tuwing hinihimay natin ang isang bagay nang baha-bahagi (struktura) na mababakas pa rin sa kapuwa o kapareho nito. Nang maipaliwanag pa nang mas mabuti sa sarili, sabihin na lamang nating kailangan mong maranasan ang isang bagay nang paulit-ulit bago mo mapansin ang mga nauulit nitong taglay na katangian.

Halimbawa na lamang, nagkataong nakakain na ako ng iba't ibang spaghetti sa buong tala ng buhay ko hanggang sa ngayon. Sa bilog ng partikular na danas na ito, nalalaman kong ang isang spaghetti, saan man nanggaling o sino man ang nagluto, ay mayroong (1) pulang sauce na may karne, (2) noodles, at (3) cheese (optional). Mayroong mga bahagi. Sa isip ko, bilang din namang pakilala ng realidad na kinabibilangan ko, lahat ng spaghetti na makakasalamuha ko ay mayroon dapat na ganitong struktura.

Ayon sa isang tropa noong araw (non-verbatim), "Mayroon lamang dalawang uri ng manunulat. Yung isa, naghihintay at nagbabasa ng marami bago magsulat. Yung isa naman, nagsusulat lamang nang nagsusulat."

Alam ko, walang koneksyon sa spaghetti pero makakarating din tayo roon.

Siguro, hindi lamang ako ang may ganitong pagtingin sa spaghetti. Malamang ay yung iba diyan, sinisiraan yung sauce ng birthday ng kapitbahay nila. Yung iba, dadagdagan nila ng cheese yung inilagay nila sa kanilang plato. Minsan, iba-iba ang karne, iba-iba ang timpla, iba-ibang opinyon, ngunit may iisa pa ring struktura.

Ngunit hindi tayo natatapos na lamang sa pagtikim o pagkain na lamang ng spaghetti. May ibang mga taong umaabot sa kanila mismong paglikha ng sariling version ng spaghetti. Maaaring mula sa pagkain nila ng maraming-maraming spaghetti, nagets na nila ang pinakastruktura nito, at sa tulong na rin ng simpleng pagtatanong at research ng recipe, lulutuin na nila ang spaghetti na gusto nila.

Ngayon ay maaari niyang matsambahan sa unang lagpak ang lasang hinahanap niya. Pero sa madalas ma't sapul ng mga tala, dadaan pa rin siya sa paulit-ulit na pagluluto ng spaghetti bago pa man makamit ang ninanais na timpla.

Bago pa man nating maunawaan nang buo ang isang bagay, kadalasa'y kailangang paulit-ulit nating maranasan ito. Sa panahon ng memes ngayon sa social media, halimbawa, madali nang mapansin at mabuo ang pattern na ipinakikita ng isang unique na meme. Sa paulit-ulit nating nakikita ang iba't ibang teksto ng iisang meme, paminsan pa'y nagagamit na natin ito sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Mula sa mga ito, hindi na masamang sabihing mayroong mangilang paraan para maibilad ang ating sarili sa isang bagay bago natin mapansin at buuin sa ating mga isip ang struktura nito. Puwedeng paulit-ulit tayong makakakain ng iba't ibang spaghetti, o paulit-ulit tayong magluluto ng sarili nating spaghetti. Puwedeng makakakita at makakakita tayo ng memes na may parehong dalumat, o puwede ring bubuo at bubuo tayo ng sarili nating meme ayon na rin sa dalumat na ating nakita.

Ngunit ang isa sa pinakamadadalas mangyari ay yung makakailang ulit ka munang makatitikim ng meme bago mo pa man subukang gumawa ng iyong sariling likha.

Mag-uumpisa 'yan sa paghahalaw, pangongopya nang walang pag-aangkin. Matutuwa ang sarili dahil kinakayanan sa mga unang hakbang pa lamang. Kung magiging pursigido pa, aabot sa antas na makakalikha na ng isang obrang malayo nang mabakas pa't maihawig sa mga inspirasyong pinagkamulatan.

Maigi kung nalalaman muna ang pagkakahimay ng struktura ng isang bagay dahil magagamit ang mga makikilalang katangian sa paghihiwalay ng dapat mula sa hindi, ng mahusay mula sa kailangan pa ng paglinang, ng karaniwan sa hindi karaniwan, at nang maging mas madali ang pansariling paglikha ng mismong bagay na pinaglaanan ng oras.

November 7, 2019

Malibog pa sa gabi ang pagtiwangwang sa akin ng araw. Ngingitian pa akong nangingirot sa aking kalamnan. Nagpapaalalang tila huwag ko lamang makakalimutang, ang aking paninilbihan ay saka lamang makapagpapabilang kung ako na ang tanging mayayamot sa buong panahong pakikipagpalitan ng kapaitan.

Pinalalapit pa ako't saka pupuluputan kung hindi pangganahan ng malakas na balandra ng tumutulong ginaw. Palilipasin kong maringal ang aking gutom at galit habang dahan-dahan akong dadapuan ng tuwang minsan ko na lamang makilala. Sa mga sandaling ito'y hihilingin kong maging pagong na lamang akong lalangoy kung hindi mapagbibigyan, maglalaslas kung madudulas, at mangingiyak na rin kung sinubukan na ang lahat ngunit pawi pa rin ang katapusan.

Magsisindi na ang nag-iisang bintana, maririnig ko na ang usok na tutuldukan ng payak na pintig. Bahagya nang lumalakas ang kasintunaduhang nagmamay-ari sa mga idinikit na't paulit-ulit na lamang na tinatapalan. Magmumura ako nang papaurong nang masimulan ko nang tupiin at gisingin ang kung ano pa mang mga natira sa aking mga tinira.

Hindi mapipigilan ang ragasa, ngunit hindi ang ibig kong sabihin. Magsasagutan ang aking mga kapuwang malayang intindihin ang init ng paglaya pero pinilit na lang na pumirma sa kalikasang mayroong naghahari-harian. Ano man ang isugod sa mga diwa ng naglilingkod at wasto, mahusay na makikiigi pa rin ang pagmamanmang panguna ng kamangmangan.

October 28, 2019

Bastardo. Malapot na putikan. Kagaya ng mga ulap na walang sabit, ang paghinga ko'y pagbabalik sa kung anumang ipinakilala sa akin ng mga nakatatanda. Hindi ko alintana kung ano pa man ang muli't muling ipinaaalala ng mga hampas-lupa sa akin. Ang sa akin lang, mabigyan ako ng kahit na kaunting oras para makipag-usap sa mga kapuwa kong nagliliwaliw sa gabing ubod ng takot at pag-iiba ng anyo.

Mabisa ang liwanag dahil ito ang nagtatago sa ating mga tunay na pinagpapaguran kung kaya't mas mukhang pinagpapaguran pa nga silang mga nasisinagan ng tuluy-tuloy na panghihingi ng saplot at makakain. Sila, na walang ibang ginawa kundi makipag-usap sa mga lalang ng mahihirap ngunit nakakikita kahit na sabihan pa nang makailang ulit. Sila, na hindi na matatapos pa ang pagsasakripisyong maging iba, maging hindi totoo, maging maalam sa mga bagay na wala naman silang pakialam. Sila, na sa kahit na anong hamong iabot at ialay ay mabubulag at mabubulag pa rin sa liwanag.

Sa liwanag lamang tayo tunay na makapagtatago, ang liwanag ang siyang panadyang tumututol sa ating mga pagkakakilanlan. Sa bawat masikatan tayo ng bumbilya't magsimula nang mabigyan ng pansin ng mga mata, saka lamang tayong nag-uumpisang tumiklop at maging ahas nang muli. Hindi tayo naitatago ng kadiliman sapagkat dito lamang tayo masasanay na buuin kung anuman ang ipinagkalayo sa atin ng mga matang mapanghusga, mapangmatyag. Nang mapalayo sa pakpak ng mas mabibilis pa sa alas sais kung magsipagwalis ng alikabok sa kalsada, mas naiibsan ang kalbaryo kung hindi na sila makikita pa.

Masikip, masalimuot, ngunit aanhin kung ang babati'y wala, kung ang pawis ay pansariling pagod na lamang, kung ang malapot na panganib ay sinadya nang suungin. At katulad ng mga ulap na wala ring pakialam kung magsipagbadya ng pagpitik sa mga nakasabit, kung makaranas nang muli ng kay gaan sa alaalang kulimlim ay malinaw na malinaw para sa akin.

October 21, 2019

Ikaw ang paborito kong tao. Ang pinaka. Sa lilim ng unan at paglimot, akayin mo ako tungong paraiso, tungong pag-iwan sa mga dapat kaiwan-iwan. Sa iyo lamang ako, o aking paborito, aking pinakamatatamis na halik, aking pinakamasasayang ngiti, aking pagkakaiba sa panatili at panaginip.

Hindi nga ba akong nagkakamali? Wala naman sigurong nakapapansin kung hindi ako, ako na iyong malayo, ako na iyong kagalit sa pagpili ng ikatutuwa at kapaparisan ng pagtanggi sa mundo. Hilumin mo ako. Ako na nakikipagsapalarang minsan sa sarili, sa sarili kong walang kakulay-kulay ang laman.

Saan tayo pupunta? Yakapin mo na lamang ako. Mamaya ka na umalis, mamaya na tayo bumangon. Maaga pa ba? O kay aga pa. Ipag-iinit na kita ng tubig para sa iyong kape. Ako ma'y nais pang matulog sa himbing mong kay payapa. Halika, halika na. Lumayo ka diyan! O dapat ay dumito ka lang, dito ka lang. Pakiusap.

October 14, 2019

Ang sabi nila'y mag-aral lamang daw ako nang mabuti sapagkat ako ang siyang may bahala sa aking kapalaran. Pagtanda'y kaagapay ang mundo't uunawain, mapasaang karimlan, mapasino ang kasinghubdan. Matatalino ang sumasabak sa hindi matatakot na madla. Ngunit paano kung ang natatanging maaaring umunawa sa iyong mga pinakadadalhin at dinadala ay siya ring huwad na harang na huwag padarang?

Nakakapagod ang buhay. At dahil kilala ang pagod, kikilalanin din ang pahinga. Ang buhay ay puno ng pagod ngunit sa pamamagitan lamang ng pamamahinga muli't muling nabubuo ang sariling nabubuhay. May iisa lamang na nagsasarili, at iisa lamang ang sarili. Bukurin mang pagalit ang iba't ibang mga katha, magtatagpo pa rin sa ilalim ng pamamahingang anino ang paghahanap sa nagsisikalmahang mga ulap.

Huwad ang iyong sarili. Mapanira ang siyang kalikasan. Nasa likas na pamamaalam ang pagiging mabuti ng iilan. Sa mga maiiwang alaala at kunwa-kunwaring pag-asa, manghihinayang ang mga hindi pa sa tunay na pamamahinga'y nakauunawa. Ang lahat ay mapapagod, mumurahin ang kalangitan 'pagkat ang mamagitan sa pakawala ng gising at pagluhod ay paghihintay sa hindi na matatapos pang pag-aaral nang mabuti.

October 7, 2019

Panibagong anghang ng mga sansaglit na pagsilip sa tahimik na paraisong dala-dala ng iyong pagtingin. Ang iyong labi'y tila naghahanap ng kalam, tatagos sa aking pusong takam lamang din ang nalalaman. Mahirap mahulog pailalim sa hindi na mawawari pang dulo ngunit hindi ko rin masasabing ayaw ng aking paglayang nanakaw-nakawin mo nang makailang ulit.

Sa iyo na muna, ang mga ulap at dahong may kanya-kanya ring kuwentuhan sa tuwing titilamsikan ng apuhap. Kapuwa kaming ngingiti ng aking pakiramdam, magiging parayang magkakaunawaan sa mumunting katotohanang kami lamang din ang may pagsubok.

Isa kang pagsubok, aamining sumalangit. Ang aking paghahanap sa ligayang matutupad lamang kung kikilalanin ako ng sarili kong mga multo sa buhay. Huwag na sana pang magpakita ang takot, ang paghila ng aking aninong may sarili ring mga pabigat na alaala. Sa'yo lamang ako natutuwa, ay siya't bakit pa ba may ganitong mga pagtutuos!

Halika, at humalina, hindi alintana ang ingay nila, ang pagtatagpong saglit lamang ng ating mga lihim na saglit ang silbing patunay na sa buhay kong sa pag-ibig na lamang kinakayang maniwala. Salamat sa iyo, sa iyong panibagong tamis at pait, halong nag-aalis sa akin ng bagot, dulot ay karaniwang sayang hindi na sana masayang pa.

September 28, 2019

Mayroon na namang mga nawawaglit na sandaling hindi na maibabalik pa. Unti-unting mamamatay sa masasayang mga pagngiti ng araw. Ni isa ay babawian ng makamandag na pagkakaroon ng pakialam hangga't hindi pa nilalagutan ng hininga. Pahinga. Ang paghingi ng kaunting pagluwag sa aking paghikab at pagpanaw sa mga sandaling nanakawin pa para lamang maging taong muli, dinadala pa sa kabilang ibayo ng hanging may kung anong pagpariwara laban sa init.

Mabangu-bango sa tuwing magbubukas na lamang ng pamilyar na mga lalang. Sa may mga araw na titindig ang bagong yamot na ring makipagbanggaan ng mga paningin at pagtingin ngunit aayon pa rin nang makapagsabing sa puntod na hindi nasasayang ang anumang itinumbang botelya at sininghot na panggamot sa plema.

Magdurugo nang magdurugo, ngunit hindi papansinin o mapapansin. Uulit na namang pagdidisketahan ang dilim. Mahahalatang inililindol ang looban, magtago man sa talukbong ng mga hindi nakakikita ngunit taong kapuwang pareho lamang din ang pakiramdam sa kahit na sino. Sino ba naman ang may pinakatotoong tapang na ititiwalag ang katanyagang tapyas sa titulo kung sa tantyang tirapa'y talagang titira at titira pa rin naman?

Mag-isa lang tayong lahat ngunit kahit na ganoon, ang mga buhangi'y kumpol pa rin ng nag-iisang pangarap na tupdan at tupdin ng magpapahingang mga paa ng pagod na mga gasera.

September 21, 2019

Bawat isa ay may isinusuksok, itinatabla. Tila mga kandilang ayaw patinag sa ihip ng mas masiglang liwanag na sinasabayan ng mga halamang hindi pa rin natutukoy ng kahit na sino. Mapapaso nang maraming beses ang paulit-ulit na tumanggap na sa pamamaalam. Lahat ay may kanya-kanyang simbolong pilit na binibigyan ng kahulugan kung kaya't nagkakaroon pa rin parati ng hindi na mamamatay pang paniniwala sa kung anu-ano.

Wala namang masama. Wala naman ding mabuti. Sa pagkakapantay-pantay ng mga kandilang kahit sabay-sabay binuhay, mayroon pa ring kanya-kanyang pagkadehado, lalo pa't ikinubli ang lahat sa nag-iisang kahon ng kakarating lamang lagi na pag-asa. Matitinik ng mga halos hindi na maipapaliwanag pang mga gagamba, mumunting mga halimbawa ng may sariling pag-akap sa kanilang ipinagkamalang tadhana. Madalas, maraming maniniwala, at madalas din ang pagkausap sa sariling nasa tamang desisyon ang hindi magdesisyon sa sarili.

Nabubuo na ang panibagong mundo ng makataong liwanag. Mapuri at banal, mapuputian ang lahat ng hindi mananampalataya sa natutunaw na hindi naman masama at mabuti dati. At hindi porke't pinagalitan ng kultura'y hindi na maaaring bumalik pa sa mas o pinakatangang posisyon sa kasaysayan. Ang paghamak sa makabagong saysay ng mga kinalimutan na'y pagdiriwang ng matatalinong ang alam na lamang ay maghintay maiputan ng mga uwak sa pagtakip-silim. Maagang matutulog nang walang laman ang saysay dahil bakit ba at bakit pa.

September 14, 2019

Hindi ko na nga rin ba malaman kung gusto ko pa yung sarili ko. Nagbukas ako ng lata ng sardinas kagabi, thinking na malabo pa ring makahuli sa lalim ng mga tarak, only to notice na kalahating isda lang yung isinalampak ng may-sala sa tambad ko. Take note: Kalahati. Lang. Putang. Ina. Sinubukan kong magtimpi, magalit nang payumi. Saglit lang ako makuntento at hindi masamang humuni ng mga kagyat at sinabi, malabo pa rin ang tsansa. I have never felt this lonely ever since binigyan mo ako ng pag-asa.

Lumaya na sana ako, maging maringal, ngunit may dusa rin. Ang aking paghingi ng kasarinlan ay huwag sanang makitang imburnal na pupunuin ng pait, ng pasakit, lalung-lalo na ng inggit. Normal lang naman sa akin ang magalit, at itanggi mo man, ikaw rin ay nagkakasala. Madalas akong makatsamba ng mga pagtinging sinadya, mga sinadyang husgang mapanikip lamang ang pandudusta. Mapapalad ang mga patay sapagkat wala na silang panahon pang makipagtalo sa mga walang kuwentang pagpapabango.

Ako ma'y simple lamang na tao. Simpleng pamumuhay lamang ang aking hinihingi. Makapanigarilyo nang may tama, makahimlay nang walang sakit ng ulo. Kaya nga lang, maraming pumapalibot na katangahan at mababagal na kuneksyon sa bawat patak ng aking luha. Pagpapawisan ang mga lubid saka magiging kumpleto ang lahat ng aksyon sa plano, ng kanilang mga plano.

Magayong nagtitiis ako para sa kanila ngunit hindi pa naman doon nagtatapos ang lahat. Pabalik-balik pa rin kung tisod na ang lahat o magbabago pa ba ang mga kumakain ng apoy. Nakakagulat ang mga bigla na lamang nagtatapon ng tinapay na may matatamis na palaman. Hindi man lamang ako inanyayahan kahit kailan para sa nag-iisa kong tasa ng kape. Mabuti na lamang at may natitira pa akong tatlong kaha ng sigarilyo.

Naiinis ako pero ayaw ko rin namang magbilang. Masamang manumbat ngunit nakakairita ring maunahan ng mga wala rin namang malasakit. Panuyang makaaamoy pa pala ako ng mga ganito kasarap na palaisipan. Titingin ako sa kabila, kunwaring magmamasid, at lulunok ng laway nang matiwasay. Iisipin kung dapat pa bang magpigil o yakapin na nang husto ang pinili kong kamatayan.

Bahala na.

September 7, 2019

Hindi na naman kita maalis sa isipan ko. Sa mga gamit na may kakayahang makapagpabago ng ihip ng hangin, huwag aasahang marating magkakaroon ng suwerteng sasalitain sa mga darating na pagkayakag. Hinahamapas ang siyang lagpas sa tantya ng kung anong nais na patunayang pandaraya. Makasisira lamang ito, mula pa umpisa hanggang dulo, dahil lang din sa pababang pagtiwala sa kinagisnang malapit na yatang mawala.

Hindi pa tapos hangga't hindi pa nalalagutan. Paulit-ulit na ipaalala sa katauhan. Malabong mangyaring muli ang mamaya ngunit ang mamaya'y wala namang ding may nakatitiyak. Agahan ang mga simula nang makapag-ipon ng puwersang isasambulat sa mga kalaban, kaaway, kakampi, kaibigan, dahil sa puno't dulo ng mga halaman at nagkakaliwaang kapatiran, hindi maitatangging kasiyahan lamang din ang hinihintay ng kahit na sinong sasabak sa digmang sinilaban ng ngiti at tagumpay.

Hindi mali ang magkamali. Unawaing unawain ang sarili. Malilinang lamang ang bugso ng puso sa tuwing mayroong kakausap. Sa madalas ay kakausapin ang iba, sa kapares na pagkausap, sa pakikipag-usap nang walang ginagamit na mga salita maging ng mga alipores at pasensyang nagtataglay ng hiwaga na dapat ay tratuhin na ring mga kasambahay.

Hindi nalalayo ang paisa-isang pagtapak. Kung matanaw ang paligid, huwag kakalimutan ang pangunahing gusto. Makipag-isa sa iba, makipaglaro sa kasaysayan, paibabawin pa rin ang paghingi ng tawad at oras maging malaya. Ang galit ay karaniwan sa padayong nagpapalakas, siguruhing may tipo pa rin ang baga nang hindi naman masulit ng iba ang pagbabaliktad ng sinindihang tiyempo.

Hindi ka nag-iisa. Sino man ang mangapahiyang itumba ang puno ng mangga, asahan muna ang sariling makapagpapausok din ng mga tangang langgam kapagka humapon na at mamaalam.

August 28, 2019

Pasensya na at hindi na makapagpigil. Sinadya ko nang may pag-unawa, saglit. Paumanhin nga. Agh! Teka, teka sabi. Maghintay ka! Ano ba naman yung saglit na pinakawalan ko sa kalawakan ng iyong kalawakan? Nasa ilalim ka lang din ng parehong kalawakan kaya manahimik ka!

Pwe!

Sakal na sakal na ako sa mapanukling puwersang bumabalot sa tuwing aararuhin na lamang ako ng araw. Pinigilan ko, oo, ngunit sa likas na itinagay ng may-ari sa aking minamayang hapunan, sa mas maliliit na kalawaka'y hindi na rin ako nakaiwas pa.

Pasensya na nga.

Sa iyong mga hindi nilikhang timpla, ayos na rin sapagkat baha-bahagyang lumulumanay ang aking maya't mayang pagbirit. Hindi ko inaayon ang aking pagsabay ngunit tila lalong sumasabay ang siyang pag-ayon. Ramdam kong ramdam mo ngunit umilalim ka na bang totoo sa kung ramdam mo ba ang ramdam ko?

Hindi naman mahirap ipaliwanag. At sa kung sakaling karimlan ay nadadaya ng iba ang sumusulpot pang tumataya, magpatihulog na nawa tayo sa kawalan ng tiwala sa mga susunod pang hindi makatotohanang pagpupugay sa iyong, siya nawa, walang kalayaang paghingi ng pansin.

August 21, 2019

Narito sa aking dinadala ngayon ang patunay ng hindi pantay na antas ng karangalan. Ang dangal ay makitid, mailap, at mabangis. Hindi pumapalag kung susuyuin ngunit kung bumalak ay sagad ang pagsugod sa aking mataimtim lamang.

Nalalabi na lamang ba ang aking panahon? Wala sigurong may nakasisiguro. Magtatakda lamang ang oras kung iibahin ang tiyempo ng naghahanap pa rin sa akin na madla. Makakailang ulit pa rin ako sa aking mga kasalanan, pag-iibahin ko pa rin kung ano ang wasto at kung ano na lamang ang mali sa aking mga hinaharap, ngunit sa pagmatyag sa dilim ng pagpipigil ng aking isinukang pangarap, hindi na rin masamang pumayapa kung minsan ang hinihinging paalam.

Diyan na muna kayo, o dirito muna ako. Paparayang hihinahon din naman ang aking mga rumaragasang alon. Mag-ingat ka, dahil ang pagbabago'y iihip sa mga talampas, sa galit ng matatatag, sa luntiang sumusuroy lamang kung makalanghap ng panibagong kulimlim. Maaaring nag-iisa lamang ako ngayon, o magpahanggang sa kawalan, subalit titipo, iindahin ang mga kaunting pagtingin nang makabalik muli sa aking upuang pinanggalingan.

August 14, 2019

Kakarampot na lamang ang tikas sa mga sandaling nalalabi ng isinumpang pagkahig sa lupa. Hindi ko ginusto ang kanilang mga ginugusto ngunit tila ipinapabatid na lang sa aking wala na akong magagawa. Kailan nga ba ako muling nagkaroon ng tumitiwalag na boses?

Isang hampas sa bawat kumpas, bahala na ang mga sandaling ipinapaubayang wala naman akong kontrol. Hindi kinakaya kung sakaling pagbigyan pa ng hamon ngunit iniinda pa rin ang init sa mga saka na kung hindi palarin, magkakaroon pa rin naman ng bukas.

Maging bukas man, o bukas pa, ang mga alon ng pamimilit sa aking kumuha ng paulit-ulit na silbi sa aking inagaw na sandali ay mananatiling hangganan pa kung ibabalik pa ba sa akin ang hinihingi kong pag-unawa. Tila lalo pa yatang lumalabo kahit patirik na ang sikat ng salamin sa aming mga paningin. Kahit subukan pa mang ipakilala ang sinumang magpahayag ng katanyagan, walang-wala kung maghugas ang mga itinalagang kahayupan.

Ngunit ang wika'y sadyang huwag magmamaliw. Sa mga saglit na iindahin pa, sa mga pagtiwalag na walang tiwala, nariyan ang pekeng hidwaang nagpapaagos sa alon ng papalayong kinabukasan.

August 7, 2019

Makakailang irap lang din ang hanap kong maikintal nang hindi na maubusan pa ng hininga kung hindi lang din naman kailangan pang magpahinga pa mula sa mapang-igting na salapi at kahusayan. Mahusay nga bang talaga kung ang siyang salimuot ng pagkaladkad sa aking sarili sa araw-araw ay maghahatid lamang din sa akin sa kapahamakan?

Ako ang itinuturing na pahamak ng alon, ng galit sa aking makikintab na kilay, ng paso ng sigarilyo at kape, ng hindi na maibibigay pang ngiti hanggang sa kahapon. Sa angking liwanag na minana lamang sa bundok ng mga papuri, simple lamang sa akin ang magpakilala ng ilan pang mga anyo. Ang disenyong binuo mula sa sari-saring bagay na nagdudulot ng magkakaiba ring init, ang hindi pagtugon nang agaran ay badya ng hindi na maipapadala pang pamamaalam.

Galit ako, oo galit ako, ngunit hindi sa inyong mga hampas-lupa lamang na mga alipin. Gabi-gabing tinatapos ng mga higad ng mga kung anong pagtingin sa aking akalang hindi ko namamalayan. Sanay na ako, sanay na sanay, sa pagkagat ng inyong mga pustisong pursigidong makapalunod ng sira at bait na hindi naman ako mismo ang lumikha.

Sa akin lang ay, ako ang nasa akin lang. Akin lamang itong mga akin, at siyang ako ang magiging ako, ilang ulit mang siya o kayo ang hindi mapasaakin o akin.

July 28, 2019

Sino ba 'tong nagsasalitang 'to? Baon na naman ba ako sa limot? Magbibilang na naman 'yan, maraming beses sa iisang pagpusta. Tatamaan na naman ng maraming suntok mula sa paulit-ulit na pagbatikos sa makailang tatlong pagsara ng pinto. Mamaya na. Hindi pa naman ako inaantok... ulit. Teka, huwag muna kayong makulit. Saka na munang makipagtagisan sa mga hindi naman gaanong katanyag, panggagong paglapag, malayong sumikat, bandidong hindi mahagilap.

Oo nga, oo na, pero huwag niyo muna akong hagilapin. Andito naman ako, at andito naman tayong lahat. Pasensya na sa lahat ng hindi na maiari pang kayamanan. Lahat ng aking sinusundang kapag malayo ring tingnan ay siyang titibag sa mga umaawit nang malumanay sa ilalim ng dilim ng nagsasayawang tugtog at laya.

Hinog na naman ang amoy ng musika. Ako na, ako na nga, at ako naman talaga ang bahala sa aking sarili. Huwag na huwag mong kukuwestyunin kung saan pa nga ba manggagaling ang nag-iisa, at minsang lahat-lahat ng aking mga pakialam. Tumigil ka dahil nakapirmi naman ako. Saka na ang iyong pagbalikwas sa aking mga pangarap 'pagkat nasa pagitan pa rin tayo ng panaginip at alimpungat.

Pakalabit ng bisyo.

July 21, 2019

Nagkamali ba ako ng spelling? Nasaan na? Nawawala na yata. Teka... Ano na namang nangyari. Mayroon na naman bang nagawang hindi sinasadya o hindi inaasahan? Isa, dalawa, wala. Mayroon na naman bang hindi naunawaan o sadyang mayroong pilit na iniintinding kasaysayan sa pagitan? Hinding-hindi mawawala sa pagtayog ang gabing sinalimuot ng hapong gin at yosi. Nasa dulo na ng pag-idlip ang mumunting mundong nagpaalam kung kaya't itinulak na nang sagad ang hinaharap.

Wala namang may hawak sa tanikala, ibig din naman ng buwan ang magkatabi simula pa lamang. Ang tanging dahilan ng mga paulit-ulit na pagbanggit ng mga linyang ipinahid sa sahig at gitara'y malinaw na malinaw na gumuguhit sa ating mga alaala.

Alaalang mawawaglit nang dahil sa kapirasong karipas.

Tama na, tama na sa paghahanap kung ano nga ba ang siyang unawa ng hamog sa usok na ibinuga nang makailang ulit. Saan ako puwedeng pumuwesto? Sa paligid ng mga pangkatang salaysay ng mga makaluma, payapang nanggugulo sa kapuwang nag-iisip kung tama pa ba ang paghihintay nang sagad. Bahagyang sisilip sa kabila ng mga ngiti, aakyat hanggang makahirit muli ng isa pang pagkasat.

Ipinares sa magkabilang dulo ng gabi. Lahat din nama'y itinatapong upos sa sementong hinalikan ng mga minsan na ring pinausad ng halika, halika.

July 14, 2019

Kabi-kabilang pag-arte mula sa simula't sapul na pag-inda. Samakalawang pag-indak tungong aparador ng pagsindak. Mamaya ang umpisa kung magpapailalim sa diskusyong kailangang magpaimbabaw hanggang sa maging malayang tunay na ang diwa, ang diwang makabayan, ang diwang sadyang iniipon na lamang kung hindi pa kayang kumaripas papalayo sa makamundong mundo.

Kung susumahin, ang kagyat ng bawat kinaligtaang kape'y magkakaroon pa rin ng hindi na baleng plataporma, at sa mga dalumat na ito'y hahadlang na ang iba't ibang demonyong nais na sumimple't umayon sa hindi naman din dapat na arangkada. Dodoble ang bawat panuto, iindahin ang bawat sapak. Saka lamang kakagat muli pagkaraan ng ilang beses na pagpilit sa sarili na ang tama ay tama na, ang mali ay magiging tamang muli.

Kukunot ang noo sabay tilapon ng kumento. Galit na galit sa mga sistemang alam na alam na noong nagkakasunduan pa lang ang mga batas at datu. Ah, hindi naman tula iyan. Mangyaring may ipinangyayari ang pagkakayari. Yari na naman. Yari sa yari, yari ang yari kung mayari.

Yari.

Hindot at malakas, sisigaw nang mahinahon dahil hindi naman imposible ang tula. Nasa tula ang pagiging imposible, at tula ang magpapaposible. Ang tula ang imposible. Imposibleng maging posible ngunit ang tula ay ang makata. Ang makata ang tula para sa ikaliligtas ng mga posible at imposible.

Imposible.

July 7, 2019

Hindi na naman tumigil ang pagtikhim sa lalim at lilim ng dilim. Kalimitang iniaangat lamang ang sariling pagtapak sa hulog ng paanan ng iba ngunit hindi na bale pang makapangutyang walang silbi ngunit kumakalas sa buto ng lalang. Sisikaping makipag-unahan sa hindi naman nakikipagkarerahan, at imbes na pumatol sa mga kapuwang nakatayo, ang kakayahang magmulat ay muli't muling itinatagay sa kakarampot na yari ng yelo.

Mag-ingat ka. Ang lubha't pagkitid ng iisang martir ay pinagbibigyan lamang ng isang anghel na hindi kailanman nakidapo sa kanyang mga kapatid. Ang nakaraa'y may sariling silbi at wala nang iba pa. Hahapo ang mga anino't pupuksain ang pagbandehado ng mga kalat-kalat na pighati. Makakalimutang magpasalamat sa hari dahil hindi naman ang ugat ang makinarya sa paulit-ulit na pagsimpatyang ikinalulugod naman ng karamihan.

Ang akala'y kapag sumikat na araw, saka lamang mag-uumpisa ang dapat nang tirikan ng kandila. Maharot ang tadhana kung araw-araw ring kinakausap. Isarado nang mataimtim ang mga palad nang hindi makita nang lubos ang mga kunwa-kunwaring linya. Dito tayo, dito tayo dali. Hila-hilang paluwag, saka na muna ang pagtabig. May dala-dala akong sibat na pangaso, pangkaladkad sa mga natitira pang may balak na kumagat sa yamang ating isisiwalat.

June 30, 2019

At ngayon, magtatagpo na ang dilim at liwanag, sa malayong ibayong ipinagkanulo sa may-likha. Ang sansinukob ay muling magbabalik, magkakaroon nang muli ng pagninilay sa ilalim ng mga talampad, habang naghihintay ng pagkulo ng mga isinalang na kailanma'y agos lamang sa disyerto't pagngiti sa gitna ng masusukal na damuhan.

Patuloy pa rin namang makikipaglaro sa mga insekto, sa makukulay na kadiring hindi nalalaman kung may pasya pa rin nga ba kung magpapatihulog at sasadyaing ibahin ang kulay ng kalawang sa mapuputing silya't mesa. Saka na itatayong muli ang mga itinumbang hapon dahil sa katamaran ngunit (at ito ay isang mahalangang ngunit), makapag-ipon sana ng sapat na atensyon sa mga bulaklak na matitira at titirhan ng ating, aking mga insekto.

Paraya, susubukang isa-isahin ang ikalawang pagsubok na ipinagbigay-tahak ng isa sa mga kagrupong hindi makikipantay kahit kailan. Ang buong bahaginan ng iba't ibang pangkat ay magugustuhan lamang ng iisang may alam. Siyang sumipang muli ang kahapon, aakyat nang nakaturo sa ilalim ang matagal nang naghihintay na huminay.

June 29, 2019

Karumal-dumal na tugtugan ang siyang magsisiwalat ng itinagong bagsik. Lahat ng humahanga'y humahanga pa rin. Isama mo pa rin sana ako sa mga mapanlisik na halamang ayaw na ayaw mong tantanan. Hahaluin pa mismo ang ating mga karakas na iniwan na lamang din sa ere ng hindi na maipaliliwanag pang karisma.

Gawin mo, gawin mo na ang mga pagsaklay sa mga makabagong imprentang pandigma sa ibang mga planeta. Nitong mga gabi lang naman ay sadyang kay ginaw. Ang ginaw ng langit ay pumapaimbabaw na naman sa aking, at ating mga labi. Hagkan mo akong kay lupit, huwag mo akong pakawalan. Mistulang pulupot sa mga pagkalamiyardang kumot at unan, tunghayan nang nawawala sa sarili.

Sa gabing hindi kailanman tayo kukupalin, sa pagtitig ng puting kaagapay sa mga kasalanan, ang mumunting bumbilyang nakikisalo sa lagok ng kalasingan, patuloy pa rin sa likuran ng ating mga kahapon ang tugtog ng reyalidad, ng mga pinekeng eksena para sa ating mga panyapak. Buong-buo na namang muli, nawa'y hindi na umabot pa sa dulo. Kung mangyari man ang palagiang pagtibok ay siyang maglilinis sa ipinahintulot lamang ng baho.

June 28, 2019

FlipTop - BLKD vs Marshall Bonifacio

Round 1

BLKD

Iba ang pagnanakaw, iba ang paghahalaw pero masasabi ko lang, galit ang magnanakaw sa kapwa magnanakaw. Dati, tawag mo sa ’kin idol. Ngayon, choke king na lang? Mas mabigat pa rin ako, mas bondying ka lang. 

Marunong kang bumattle kaso bano kang magrap. Kung mahal mo ang larong ‘to, dapat mong matanggap, walang karapatang magkampyon ang kapos ang sangkap.

Panggap na Bonifacio, Joel Israel Mabayo. Madali ka lang mabiodegrade ng mga dura ko ‘pagkat played out na ang fake at pangstage mong pagkatao. sa tunay na buhay, wala ‘tong sungay, may breeding ka rin. Magalang, malumanay, walang sisindakin. ‘Pag may camera, salbahe ka? Scripted ka, men. Pabidang kontrabida, pagkasick, pinapel. Aktor ka lang na gumaganap na dick, Israel.

Oo, may sulat kang brutal kaso replika ang teknika. Sina Bigg K, Danny Myers, Ram, Mitty, et cetera, ginagatasan mong leche ka. Marshall, copy-peste ka. Akala mo lang, emcee ka. Rap translator, puwede pa.

Israel kang talaga pero ‘di dahil sa giyera, deadly ka pero dahil mga armas mo, kuha lang sa Amerika. Marshall B, kopyang-kopya ang rap, Apoc wannabe. Lahat ng hatol mo sa estado ko ay fallacy. Wala kang awtoridad parang anarchy. Hangga’t ‘yang pagkahip hop mo, stuck sa 2003, tayo’y malabong magtie, I guarantee ‘pagkat pormal kita ngayong gagawing casualty.

‘Tong si Marshall B, may allergy sa subtlety. Pilit na pilit magwordplay, ako, hassle-free. ‘Di porke’t kasya pa ay bagay na, parang muscle tee. Dapat matuto kang magregulate kay Warren G. Naglilista ka lang ng references randomly. Alam ko, ganyang-ganyan ako nung Ahon 3. Ngayo’y nagpapamalas ng gravity, no apple tree kaya, "Bang!" Patay on cam ka parang Brandon Lee.

Hindi basta naaapula ang aking fire, Marshall. ‘Pag ang buong Gubat, abo na, you can fire Marshall. Sunog buong siyudad ‘pag nagsunog ‘to ng kalaban. Maaalala ng Cebu pinagmulan ng kanyang ngalan.

Round 2

BLKD

Gusto ko lang humingi ng tawad sa mga choke at panghihina ko. Seryoso. Mabuti pa si Marshall, memorize yung lyrics ko.

Mr. Battle of the Year, ‘pag sa Battle of the Year, matalo ka, ang tawag sa ’yo, Loser of the Year? Parang Isabuhay last year, kanyang yabang sagad. “You’re all dead!” sigaw niya. Ayon, laglag agad. Ibinuhos mong lahat para kay Invictus, umangat. Yung akala mong enough na, hindi pala sapat. 

Noong unang panahon, nakalaban mo si Sak Maestro. Alam na alam na ng lahat, once a month mong kinukuwento. Hindi ka na ba gagraduate sa lumang testamento? Ginawa mong claim to fame ay pinaframe na sertipiko ng death mo. Yung pinagyayabang mong laban, kay Sak, laru-laro lang. Yung ‘di mo kinayang idol, sa ’kin, nagtatago lang. 

Dahil ako ay parang Moises sa bible, sumusunog ng idol. Bagsakan ng mga rap ko ay parang pag-ulan ng fire ball. Rounds ko, mabigat, parang edipisiyo ng Ehipto. Kay Israelite, ako’y salot mamerwisyo. Modus, Exodus, ‘pag Eagle, ibinaril. Mga balang mula sa desert ay tutungong Israel. 

Inaral mo ang Kampo, kinopya pagkatero kaso kulang ka sa ritmo kaya iwan sa metro. Nawawala sa tiyempo, rap mong patsamba-tsamba. Bigkas mong matigas, sa groove, bumabangga pa. Tunog ref na pinagulong sa hagdan, pabanda-banda. Sobrang wack ng flow mo, gumanda yung kay Plazma. Nag-English rap ba naman, mamatay-matay niraos. Sulat at delivery, hindi man lang inayos. Ang sarap sampal-sampalin gamit kamay ni Thanos. ‘Yang English mo, matigas pa sa mukha ni Imee Marcos. Hindi madodoktor degrees ng burns na dulot ko. Congrats, tapos ka na sa kurso ng pagsugod ko

Round 3

BLKD

Yung round niya mismo ang parang tribute niya sa ’kin bilang fan dahil veteran nga. Wala na ’kong masasabi sa ’yo kasi irrelevant ka. 

Ikaw ang personipikasyon ng one-dimensionality. Hindi ka na nga personality, wala ka pang personality Walang charisma, walang identity, sa pag-eemcee, pulpol. Paano pumasang marshal ‘tong walang crowd control?

May silbi ka lang ngayon, Marshall, kasi may VIP. Nagkamali ka ng inismall, be ready to D-I-E. Kung ‘di, patay kang bata ka sa utak kong B-I-G. 

Ang B sa BLKD ay balakid ‘pagkat walang hanggang inception ‘tong napasok mong panganib. Ako ang bukal ng dunong na sa tuyong utak mo napahid kaya anumang kargada mong damo, talahib lamang sa ’kin. Dapa sa pagbagyo ng mga bara kong mahangin. Babaha lang nang bahagya para babaw mo, maamin. Kung ako, karagatan, ikaw, marsh ka lang sa lalim. 

Baon ka sa putik mo, at masaklap ang aabutin mo sa clap ng mga uzing ‘to sabay sa clap ng mga using ‘to. Brrra-ta-ta-tat para sa barat at atat. Barya ang ambag ta’s hangad na agad, tumapat, umangat sa mga alamat? Kaya hindi titulong pandakila, tinutukoy ko pangratrat kapag sinabi kong si Bonifacio, ginamitan ko ng gat. Marshall na Bonifacio? Gets niyo konteksto? Mababa lang ang ranggo, fake ‘tong Supremo. Sa ’ting pagka-Bonifacio, kasaysayan ang patunay. Nagawa mong ipangalan, nagawa kong isabuhay. Giba!

June 27, 2019

FlipTop - BLKD vs LilJohn

FlipTop - BLKD vs LilJohn

Round 1

BLKD

Sa wakas, nangyari na ang inaabangan ng lahat. BLKD versus Little John. Prank ba 'to? May hidden cam? 'Di naman sa pagmamaliit, wala bang bigger diyan? At nacheck niyo lang ba kung sara ang zipper niyan? Eww.

Little John, ako na magpapakabigger man. Dadakdak 'yang pangshot parang Diesel Slam. Aattack nang mas barbaro pa sa English niyan. Pagtalak, sapak agad, tanggal ngipin niyan. Bukas, mangangayaw sa breakfast parang Eagle Man.

Taga sa bungo sagarin hanggang ang bungo ay matuklap na parang Pringles can. Kakayurin, hahaluin ko pa'ng isip niyan hanggang yung utak maging mayo, parang sisig lang.

Sabi ng teacher niyan, repeater 'yan nung Kinder 1. Nung pumasok siyang may bigote na, children ran. Mga single mom, 'wag 'tong titignan. Nanghahawa ng herpes ang titig niyan. Mukhang bulldog lang 'yan, walang breeding 'yan.

Kaya nga 'yoko kay John parang Beatles Stan. Basa ko kalooban mo parang CT scan. Walang pinagkatandaan na parang Peter Pan. Kaya patay ka na, iwan ka pa - hit-and-run. Ako'y nadala na kay San Pedro kaya chicken 'yan. Hindi mo 'ko masusundan parang fitness plan. Ako'y gumagawa ng kasaysayan, ikaw, witness lang. Walang tsismis 'yan, mga tira ko, business lang pero pasok lahat kay Dick na parang trigger man.

Hindi naman ako mayabang, makisig lang. Kaya walang pangontra 'tong pabida sa leading man. Tumatatak ang aking letra parang makalumang imprenta. May punto bawat linya, coordinates, panggiyera. Tumutuldok ng buhay basta tama ang sintensiya. Kaya mahina mang magrima, kumalas sa 'king sistema. 'Di tugma pangalan mo sa 'kin kaya dinaan ko sa iskema. Giba!

Round 2

BLKD

'Pag nagchoke raw siya, mag-ooutline siya ng bangkay pero sa'n ko nga ba narinig 'yan? Ah, nasabi ko na nga pala 'yan nung battle namin ni Shernan. Shernan? Ops, issue. May pinapasabi nga pala si Shernan. Magbayad ka ng utang.

Hindi mo alam pinasok mo parang bininyagang sanggol. Klaro na 'kong victor dito kahit 'di na magtanggol ng sarili, 'wag mawili sa nakaraan kong pagkakalat. Ako'y marunong magligpit, pangwalis ko ay tabak. Pero kung punto natin ay asaran, wala 'kong pang-angat 'pagkat pinakamalaking insulto na sa 'king tayo'y nagtapat. Isang wack! Ako'y natalo, nalampaso, nagkulang sa baga. Parang utak, nalaga, natunaw talata. Ayun, nakawawa. Kung nagtapat man tayo, ganun ka kababa.

Kaya bawat joke mo sa choke ko, patunay lang ng ating gap. Kailangan ko pang mabody bag para lang tayo'y magbattle rap. Ako'y K-in-O ng boksingero kaya binalik sa punching bag. Still, I'd rather say nothing than say something wack. Ako'y lalo lang nagutom kaya mga idol, nagtago na. No choice na 'ko e kaya nakuha, basura. Para sa 'yo, break 'to, para sa 'kin, parusa.

'Pagkat 'yang wack mong batayan ang siyang harang sa daan sa pag-angat sa salaan ng alyas mong magaan. 'Di ka na magkakapangalan, hanggang diyan ka na lang. Sobrang halimaw ko, talambuhay ko, inaakalang mito. Kayo mismo ang nagbisto, sulatan kayo parang Tito. Wala ka sa antas mo, maya-maya, laglag 'to rito. 'Tong nagfeefeeling Oyo Boy, gagawin kong Miko. Bagsak parang grado, talo ka sa sing ko. 

Kung ikaw, Little John, ako, little friend ni Al Pacino. Ratrat lang nang ratrat. Ito ang bago kong edition. Epal ka lang na intermission. Hindi ka competition. Wala kang laban, John. Ito'y BLKD exhibition.

Round 3

BLKD

Rap mo, saks lang, all hype, no brain kaya walang ibubuga yabang bars mong lame. 'Pag ako ang naghangin, husay, John Coltrane. Ano, bad trip ka na naman sa reference na buhat ko? Wala namang nagpipilit at nag-eexpect na makuha mo. Kaysa maasar ka pang mag-Google ng mga laman ng sulat ko, tanggapin niyo na lang na 'di mga ka-IQ niyo kausap ko.

May husay ka nga kaso sa old school nabitin. 'Di ko kayang bawiin freestyle era mong achievements pero 'di mo man aminin, hindi na kaya pang baliin, maraming harang sa freestyle, isa lang BLKD sa written.

Kaya oo na, nagchoke na 'ko, naaalala ko. Kaya nga mag-alala ka na, paalala ko sa 'yo. Ang kalaban ko, kalimot. Ang kalaban mo, ako. Kaya nga ayoko ng mga katulad mong mag-isip. Ang ganyang mga makitid, dapat lang tinatapik na nang humandusay sa daan. Kahit ano pa ang paraan, gagawin lamang excuse kaya hanggang diyan ka na lang.