June 7, 2020

May humampas siguro ng kape
Sa elevator na aking pinaglamayan
Kasama ng aking opisina, damay,
At isinilid na mga hahagkang
Mamaya na pilapil,
Sintapang sa loob ng isang buwan,
Sa loob pa ng mga susunod na araw.

Takot sa kutis na tumaba
Dahil ang ehemplo'y natitilamsikan.
Ang bisa ng kunwari ay
Sadyang malinis kahit kabilaan
Pang magsipahid, may hangganan sa amin.

Ang pinababayaang kitid ng yaman,
Nasa pag-uwi na lamang na 'di laging
Nakikitaan, ni dinaraanan
Sapagkat ang una'y mas matulin,
Takot nang mabawasan pa.
Sa sumunod ay pagpapawisan,
May asim pa't magmumura
Kung hindi sasalubong ang inabangan.

Pangyarihan man sana ng tuwa
Kung sakaling bisitahin ng pag-iwan.

Matapos pa rin sa lahat ng ginising
Ng kapeng tilamsik sa hapon at gabi,
Sa dalisay na antok na pag-uusapan
Ay balisang kwenta sa kalye.

May 28, 2020

Ako ang minuto, ang oras
Kaya't manumbalik ka muna
Sa kung hanggang saan lamang
Arok ng maaari kang lumabas.

Makipag-isip, magkuro
Kung hindi pa lampas sa pangangapa.
May pag-ibig sa lasap na hanap
Ngunit ang tibay ng pangarap,
Magiging sakto lang
Kung ang saklay ay binabating
Kaibigan na lamang.

Iwan ang sadya, bawasan ang pakla.
Ang siyang tuklod ng mga animal,
Pagkakanulo kung tawagin.
Sapat lang na paikutin hanggang sa
Bumalik sa kung ano ang iyo,
Maging kung ano ang akin

Kaya't magsipag na humimbing muna't
Sakyan ang oras ng bayad,
Oras na para magbayad
At babalik ang oras para magbayad.

May 21, 2020

Kung makakakita ng asul ay
Anong banggit na agaran
Sa kung lahat ng langit ay ganito,
Siya ring kintab ng karagatan,
Lahat ng mga ilog, mga sapa,
Sa kung kani-kanino pang larawan
Ngunit kung sisirin mang lalim
Nito'y maraming tinatagong kakulayan.
May lumot na madulas,
Angking 'di gagamit ng dahas
Sa pagkupkop ng mga dayuhang
Madalas humanap ng malas.
At kung sa kabilang ibayo
Magmadaling sumigla pa,
Naghihintay ang mas malalim na
Pakipag-ugnay ng likas sa banta.
Mga pagbabagong ayaw patipon,
Hindi naman talaga lumilihis,
At kung sakaling 'di pagbigyan,
Tao ang siyang naiinis
Sa papalit-palit ng sinumang anyo,
O, bakit ayaw raw tigilan?
E kung sariling ayaw papatid
Ay siya ring 'di pahulaan
Sa mga singkupal at maramot,
Maraming 'di pinaniniwalaan,
Maraming 'di sinusunod,
Maraming pinagkakakitaan.
At kung sakaling malabo pa rin,
Bigyang hustiya na lamang sana
Mga lalang na pinaslang sa lisik
Ng mga matang maghusgang gana.

May 14, 2020

Kayo'y tila patotoong palatandaan
Galing sa inyong piniling pangalan.

Hindi nalalayong paghusayan
Mula sa baho at tambol na lumilindol,
Yumayanig sa aking kalamnan,
At sa pag-usig na manatili
Sa agos ng pandayan ng mga obra at kandili,
Maging masaya sa kalungkutan
Sa gitna ng malalakas na hangin,
Tila nagsasayawang mga puno sa disco.
Bahang kinaibigang tunay,
Ubod ng basura at amoy ng atraso,
Bagyong maya't mayang hinahanap,
Kay tamis na pamamatak sa kung miminsan.
Walang iwas sa lingon at paalam ngunit
Hindi papatabig kung pananahimik nang tulog,
Ituturing niyo ring kabaliwan.

Nakakapit sa gitara, anyong hihiling ng awit.
Akmang lirikong tatapusin
Kahit nagmamadaling sumikat sa hangin.
May tulak ang konsensya ngunit
Mas malakas lumibog ang husay.

Kung sakaling papanindigang tunay,
May hawig sa pagkaing inihanay ang sarili,
O maaaring sabihing ipinantay, ipinatong, inihain
Dahil sa yari ng pagkakaiba ng tunog at lasa,
Tulad ng pagkakaibang panuto at tsansa,
Sa mga tsambang kaya, mga ginamit na rekado,
Ang paghihiwalay ang siyang himig na nagdikit,
Bumisang lagkit sa entablado, radyo, at singit,
Sa kasuluk-sulukan ng mga tainga kong ganid
Sa 'di-maaagaw na meryendang inilatag
Sa bawat piyesang may-paksang dawit.

Aking ngunguyaing landasin pang
Umarangkada sa akin ang latik.
Maging masaya sa isang hapon
Habang nakasakay sa nag-iisang jeep
Papuntang aming tahanan diyan sa may
Minsan ko na ring nilakad pauwi.

May 7, 2020

Kailan ako mapahihintulutang
Magamit ang naiibang wika,
Malayo sa nakagisnan,
May pagtitimping kusa.
Takot pa rin akong mawalan
Ng gana maski papaano.
Ano na nga bang ginagawa ko
Sa malayang paglalaan
Sa mga bagay na dapat ay
Hinding-hindi pinababayaan?

Paanong magiging mayaman
Sa ritmo at kasaysayan
Ang mga himig ng bagsik,
Mga taludtod ng aking bayan
Kung ang pag-ibig ay salat pa rin
Sa kapangyarihang umunawa't
Magtanggol, maglagay sa alanganin?
Sinisiyasat ba nang maigi
Ang siyang ayaw umamin
Sa pag-ibig na nariyan naman,
Noon pa man di'y masigla.
May tapang, may isip,
Katuwang ng siyang dila
Upang huwag nang magpasakop
Sa hindi dapat kinilala.

Kaya ano na, ano na?
Ano pa ang siyang pumipigil
Kung ang sadyang kalayaan ay
Sanlang dusa't sa pangil.

April 28, 2020

Walang ibang puwersang lohika
Ang hinihingi ng pagbangon
Mula sa pahalikang pagbalik
Sa malayang kadiliman.
Hindi pinauumpisahan
Ang umagang mangyari
Nang walang hinihintay
Kundi pagbangong mag-isa.
May galit sa hapon,
Tatanghaliin ang pari
Ngunit kung magsarili siyang hamon,
Wala ring mangyayari
Sa mga pinauusad ng rosaryo,
Luluhod sa ilalim ng mga kahoy,
Mga alamat, at mga takot
Sa mga manggagamot.
Iniwasan na ang mga tinta
Nang makitang muli sa iba
Ang pinahihingahang kanta,
Natagpuan lamang sa mata
Mula sa pag-igting na tahimik
At paghihintay nang pagod.
Ang tanging puwersang ibig
Sabihi'y hinihingi nang tulog.

April 21, 2020

Ang akin lang,
Ang ganda mo.

Ganda mo lang ang akin.
Ang ganda-ganda mo.

Akin ang ganda mo -
Ang ganda lang.

Ang ganda mo lang.
Ang ganda-ganda.

Akin lang ang ganda.
Ganda mo ang akin lang.

Ang ganda -
Akin lang ang ganda mo.

Ang ganda mo, akin.
Akin lang.

Ang ganda mo, akin lang.
Ang akin lang, akin lang.

April 14, 2020

Noong silaba'y may pagkukunwaring
Lumiliwanag nang walang katapusan.
Sinubukan kong unawain
Ngunit hindi nararapat madaliin
Ang pagbabasa, ang paghahanap ng
Natutulog na pipa, pariwara,
Gunita ng pagpapaikot at matuling kislap.
May sumasambit sa napabayaang mga balikat,
Diyos mo ako, at ikaw ang bahala
Sa aking paglikha sa iyo, at iyong lilikhain pa.
Hindi niya mailatag sa akin kung nasaan
Ang mga propetang dapat tumulong
At magpakilala sa akin
Subalit dunung-dunungan pa rin
Ang mga takot sa dilim at puno ng pamumunga
Sapagkat anong magagawa ng pagsaklolo
Sa ilalim ng aking mga bintanang
Pinuno ng malalambot na pader ng kapatiran
Kung ang mismong nagpapairal
Sa aking binuong kamunduhan
Ay pinatatakbo ng siya ring sisira sa akin?

Iparating mong nagkakamali ka,
Saka kita sisibakin at ipanggugulat
Sa papalit-palit kong mga kaibigan.

At nang magalit, sinipsip pagulumihanan
Ang lahat ng bumuhay at tumuklas
Sa aking hindi nag-iisang kamalayan sa mundo.
Umiral ang kaba at sustansya ng pagkaunawa
Sa ligalig ng pagtawid sa kabila ng
Kanyang mga ipinaglalaban.

Pinalayas ako nang dahil sa galit at labo
Mula sa ipinahiram na piglas sa kuntento.
Inibig kong muli ang aking sarili,
Ang aking binuong kamunduhan,
Ang aking pinaagos na kaligtasan,
Aking bingit sa katalagahang pagtampok.

April 7, 2020

May pagtambad kang
Mahirap malimutan.
Bigla na lamang lalarga
Ang aking pagkamuhi sa sarili
Sa tuwing ika'y magpapamalas ng
Iyong sariling walang muhi.

Sa gitna ng sigawan at pawis ng
Mapangibabaw na katamarang tunay
Sa init ng hapon,
Papagitnaan ng mga titig
Galing sa mga dahong
Walang ibang inatupag
Kung hindi makipagtanungang
Tulad ng mga pagod sa silid na
Hindi na yata matatapos pa
Ang pagmamasid at pakikipagpalitan
Hanggang sa muling halik ng hibla,

Ipinaalalang panimula ng
Iyong mga mata
Ang hindi na makukuntentong
Paggiliw ko na tanging iyo.
Mahaplos sa akin
Ang iyong pakilig na tinig,
O, himig sa akin,
At ibig kong hamakin
Ang lahat-lahat ng papatol,
Lahat-lahat ng palibot
Silang lahat na walang malay.
Ikaw na nakapangingilabot,
At ikaw na walang malay.

Hindi ko na napansin pa
Ang paghila sa atin ng oras,
Pakagyat na matauhang
Makilalang muli kung sino ang dapat
Maghiwalay ng langit sa lupa,
Maging ng kuntento sa hindi.
Malayo na sa katotohanang
Makapagpapaalam pang pangako
Nang dahil lang sa pagkadapa sa dumi,
Sapagkat ano itong paraisong
Gumugulo sa aking guni-guni?
Ako nawa'y huwag nang balikan
At sulasukin pa ng sidhi ng malay.

March 28, 2020

Hindi na mahanap pa
Ang alanganing umaga
Habang nakikipaglaro ako
Sa iyo at aking mga usok.
Medyo manilaw-lungti,
At ayaw paubos
Kahit pa makipagpalitan
Nang paulit-ulit
Kung makikipagsapalaran
O tatabi nang muli
Sa nakakainis mong pisngi.

Mahal kita.

Aray! Hampas mong agad sa akin
Sabay talikod at humihingi
Ng pakiusap sa oras na
Mamaya na tayong sigawan.
Ang buhok mo'y dumudulas
Sa balat mong 'pag pinisil ay
Magsisiwalat ng pagtatagpong muli
Ng ating mga puso.
Babaluktot nang kaunti
Hanggang sa pumiglas sa ipit
Tungo sa isang panakaw na
Mahal mo rin sana ako.

March 21, 2020

Tuluyan nang umukit
Ang iyong pangalan
Sa akin na tila yata
Hindi patatalo
Sa sugat na ikaw rin
Ang nag-iwan.

Bakit hindi mo pa rin
Ako tinitigilan?
Bahagya kang dumaan
Ngunit bakit pailalim
Nang pailalim itong
Hiwang binulungang
Huwag sana maghilom.

Dahil kung handang muli
Ang pait bumaon ngunit
Sa hindi inasahang lunas,
Ikaw na mismo, pakiusap,
Ang tumapos sa'king danas.

March 14, 2020

Ikaw na nagsasabing
Hindi ka naging malibog,
E hindi ba't malibog din
Ang mama at papa mo
Kaya ka nila nabuo?

Pasensya ka na -
Binuo pala.

Saka ba't nasasabing
Maaari pa ring bumawi
Kahit na nagalit na,
E hindi ba't ang siste,
Hindi ka naman binawi ng
Mama at papa mo,

Hindi ba?

Pasensya ka na.
Ikaw naman din kasi
Ang nagsabing
Isa ka lamang
Inarugang palusot,
Pinakain ng masusustansya,
At busog na busog
Sa mga ideolohiya ng
Iyong mama at papa.

Pagpasensyahan mo sila
Dahil nauuna ang isip
Kaysa sa pagkain at pera.
Kung pagkakasyahin
Sa kainipang makasat ng
Iyong hiram na kandila,
Pasaan pa't matutukso rin
Sa ningas ng bumbilya.

March 7, 2020

Ay, basta't kung papayak ng isa,
Sunud-sunod na kung bibira.
Sa dadalas nang pagkilala,
Magbabalik sa umpisa.
Mangyaring sasalpok ang alon
Sa naglalakihang mga bato,
Tirik ng araw at yamot,
Mahilig pang umayaw sa limot.
Araw-araw mag-aabang,
Araw-araw kung makapansing
Ang mga ulap ay dumaraang
May ihip na iparating na
Sa kung sakaling bibira,
Hayaang manaig ang timpla
Nang maghalong muli ang saya,
Lungkot, galit, at pahinga.

February 28, 2020

Sa bawat sulyap,
May nililikhang pira-pirasong 
Alaala na kung ipuni’y
Kusang magkakabit-kabit,
Parang siksikan sa pila
Kung saan kita muli
At huling nakita.

‘Pasaan ka?’
Magaang tanong sa sarili. 
Hihiwalay na naman
Kahit hindi talaga nagsama,

Kahit pa pumagitan
Sa siksikan ng pila
Kung saan hindi na kita nakita.

February 21, 2020

Aakuhin ang lahat,
Gagalamayin bawat tagong tiklop
Umiwas man ang mga bantog sa dilim.
Ririkit nang hindi kailanman,
Humalika man ang hari.
Ang lahat ng mga alalay,
Maglilingkod nang hindi natatapos,
Hinding-hindi matatapos,
Hanggang sa kung may susundan pa
Kung sino ba ang bantog na
Umako ng lahat.

February 14, 2020

Pabigat nang pabigat na
Ang mga pagkakataon. 
Siguraduhin mong papalag pa
Hanggang bukas ay bumati sa’kin,
Bumating may paghangong
Piglas pa magwala tungong kanto,
Sa gilid, sa hapag,
Sa gitna ng galit at ganid. 
Patirapang may nagbabalak
Sumabak muli sa salimuot ng
Paghaharang sa mga sandaling
Inaasam-asam noong walang muwang
Sa pandaraya ng mundo,
Sa inis ng mga kahapon,
Sa sakit na hihiwang walang sugat
Pero kailangan pa ring indahin.

Ano pa man ang aking hingin,
Mamilit man sa dulas ng sahig
Ang lilim ng kumot,
Yumakap man ang init sa ginaw ng
Pagtigas, ang paghiwalay ng talulot
Sa natuyong sinimulan, magtatapos
Sa isang saglit na walang katapusan.

February 7, 2020

Sinlagkit ng nangagtutulong unahan,
Papauwi na namang pinanggalingan. 
May mga punong kay tatayog,
Kalsadang kinalakhan sa uma-umaga. 
May mga palasak pa ring
Ibinibida ang kanilang mga sarili. 
Hindi naman maikakaila
Ang panunumbalik sa dati-rating anyo.

May kung anong himutok-pagbabago.

At sa kabila pa rin ng mga naganap,
Nabubuong pamuli’t muli ang hugis. 
Pabayaan ang mga tinapakan ‘pagkat
Dumating sa wakas, ipinalanging luha,
Upang hugasan ang pagsalang-pait.

Ang huminahon ay paabuting saglit.

January 28, 2020

Pasensya ka na
Kung hindi ko iniibig
Ang ‘yong mga ibig.
Hindi ko man maipakita,
Maipakilalang maringal,
Hayaan mong palampasin
Ang mga ibig kong palagay,
Pasya, mga tanging kasya
Sa aking napaglumaang silid.

Pinagkaitan ng kausap,
Kulang sa mga danas,
Kulang sa mga sangkap.

Saan mo man ako palayain,
Tatanggaping may pasalamat,
At paumanhin pa rin
Kung hindi rin kita iniibig.

January 21, 2020

Siyang mali rin naman sa sakaling
Kay hirap bumalik at tumanaw
Sa mga utang at pagkakautang ng
Kung anong ipinakling paghiyaw.

Salamat na lamang, aking sininta. 
Araw-araw na paglimot sa lupit ng
Hirayang walang may ibang alam
Kundi ang usiyosong pintig ng langit,
Pariwarang may direksyon.

Kulang pa rin ang sukbit ng tensyon. 
Maagang panaglit, maayang sambit ng
Paalam, o paalam... Saka na lamang
Ang lahat ay isisilid sa paglakip.

January 14, 2020

Kumintal ang kislap ng kulit. 
Nakasasabik, nakagugulat
Ang mga ngiting bawat bitaw. 
Bintang sa akin ng kapalara’y
Magpatuloy sa mga ngiting
Ibinabalik sa akin.

Mananatiling mapagkubli. 
Sa mga ningning ng kislap mo’y
Mabuti pang hiyasa’t masawi.

January 7, 2020

Pahinging pahintulot,
Mangyaring maligalig,
Hungkag, nangagtatala,
Himyas tungong kahig.

Tulala siyang turingan,
Saka lamang makaalalang
Ang mga hamak na sobra,
May kung anong hiwaga.

Sundan ang mga balang
May liwanag at may dilim. 
May nagpapatawang
Kailangang maatim, intindihin,
Bigyang-paliwanag at kalinga.

Hindi sadyang maiintindihan
Ang pagtalikod sa hinaharap.

December 28, 2019

Nagagalit ka ba sa mga bagay na naisip mo rin, o kailan ba magtatapos itong mga patamang walang maitama kung hindi magtama ng mga sariling tama nang tumama naman nang tama sa tama at ng tama na rin? Tama na ba, o tama na ba? Tama na. Ah, tama na. Sana tama na para tama na.

Katamarang maituturing at huling pagpapaumanhin sa taon. Panibagong taon para sa akin at pagtatapos sa maraming hindi ko pa ring kinikilala at inuunawa. Paumanhin. Lahat ay kinakailangang baka sakaling bigyan ng panahon at bigyan pa rin ng pansin. May bahid ng pagkaluma ngunit totoong huwag na sanang palipasin. Hindi rin maiwasang matakot sa mga inilalapag na baraha pero sadyang binubuhat pa rin ng sariling mga paa at kakaunting mga ngiti nang makalampas at makisabay sa naaabutang sabay-sabay na paglipad ng tren.

Hahanapin ang pagbati ng umaga sa banggaan ng mga langgam na hindi masigurado kung paano nga bang maaayos ang iniwan nang mga bakas ng kahapon. Pabalik-balik pa rin ang mga kunot ng kawalan, at sinasaka na pa rin ang madali namang mapagbigyang sopas sa ginaw ng damong tinapakan ng mga nagsisigawang bato.

Malaya kung malaya, ang daigdig ay walang pakialam. At sa pagtatapos ng dekada'y magkakamali na ang mga simbolong itinama.

Salamat!

December 21, 2019

Dala ng makasat na libog at uupuang umaga, sasambulat nang deretsahan ang kalam sa sikmurang makagagalit sa karamihan, ngunit pagkain at pepera lamang sa akin. Sa mga patihulog ng mga kumakalansing ay mistulang awiting matagal pa bago ako’y tuluyang mayamot at makalimot na kailangan ko nang matanggap na hindi nga pala ako katulad ng karamihan.

Mag-isang namumuhay, nagdidikdik na lamang at makikipag-usap nang magkaespasyo naman ang mga banig-banig na itinagping mga dahong pinaglipasan na ng tubig-ulan at halik ng sari-saring umaga. Ang kabunduka’y kaibigan pa ng aking mga kaibigan at magiging (at naging) kaibigan. Sisikatan ng liwanag at papuri. Hindi na makapagpipigil pang makinig sa papuri ng iba liban sa kanilang mga sarili at sarili ring mga kaibigan pa.

Paraiso ang sadya ng marami, katahimikan ang iilan. Sa pabugsu-bugsong bigla ng bagaheng bigay ng bagot, bagay sa gubat gumambala sa gabing ganado sa gabay ng bobo at gigil. Parating ihahambing ang nagkakasalubong namang mga araw. Sa huli’t huli’y sapat nang magpakawala ng mga eksenang magpapahina sa pag-ungol ng mga nagbabanta sa dilim.

December 14, 2019

Tanggap kayâ sa gilid ng mga párang at lipunan ang pagtitig, maligalig. Mukhang ayaw iwanan ng mga nakaw kong saglit, hinihingi mula sa iyo. Patawad, aking giliw, ‘pagkat mahina itong puso sa magayóng timpla, sa sirám ng hinahon ng iyong mukha, sa pagligpit sa akin ng mga panahon kong nawawala, nabibigla sa angkin mong hiwaga. Siya nga’t itong pusong mahina, tanggap mo rin kayâ?

December 7, 2019

Ay anupa't nalalapit. Hindi sukat-akalaing maaatim ang mumunting pangarap na sinipat. Sa bawat pagsipag ng umaga, hindi miminsan maiiwasan ang mga pakunwaring yamot, pag-aalalang kamalian, at iidlip na lamang sana.

Sumiklab papalayo sa nauna nang mga hugis, ngunit unti-unti ring binuo ang siyang tipa ng kasalukuyang sinusundan. May mga nagpapakilala pa ring mga parirala subalit tinuturing nang mga kaibigan. Paalam na sa galit, sa galit sa mundo, at sa galit sa sarili. May yapos sa pagtanggap sa kung anuman ang pagbigyan ngunit may yabang sa tuwina nang paglikha. Ang makalimot sa dating mga sarili ay hindi nangyayari bagkus ang sarili'y nakauunawang totoo na ang pag-alala'y pagbabalik-loob sa sarili.

Bawat titik ay bahagi na ng kasaysayan, at magiging bahagi pa. Sa takbo ng utak na makasat-kasat sa kahingian ng mga arbularyo at ermitanyo, ang manunulat ay walang takot na nakikisabay kahit na makitid ang dinaraanan. Ang malabo'y patuloy na palalabuin, huhugasan ang mga platong pinagkainan, sasabunin ang mga punyeta, at matutulog nang mahimbing 'pagkat ipinataal sa sariling hindi mabubuo ang danas kung ang danas ay hindi sisimulan.

November 28, 2019

Pagkarikit ng usok tuwing magdirilim. Tila sumasabay sa naalimpungatang kumot at mga unan. Bahagyang aagos ang paiba-ibang timyas ng hangin. Nag-uumpisa na namang guminaw. Mararamdaman ang mapagkubling pag-iisa at pakikiisa, ngunit ni hindi minsang dadapuan ng hinagpis. Ang pagpapasyang makalayo muna sa ingay ng mundong paulit-ulit ay matagal na ring kinasabikan.

Hindi maisipan pa kung paanong sisimulan ang napipintong pagtatapos. Aayon na muna sa hagod ng kamuntikang masirang pagpapasahan. Laway ang nag-umpisa at sa laway rin magpapaalam, kapuwang nagkukuwetuhan ang mga pinagtapunan ng mga bangkay, pinagtaguang mga hibla, at babalikan pang mga pangungusap.

Ang galit ay napawi, ginusto nang makasakay muli. Isasarang dahan-dahan ang mga mata hanggang sa hilahin nang pailalim ng namumuting kakampi. Kaagapay ng mapanghusgang mga tala, ikaw na mismo ang maunang tumapos sa atin.

November 21, 2019

Masahol na naman ang kurot ng anyaya, pausok tungong pantayo mamaya. Hilig pa rin kung miminsan ang paglagok sa gabi-gabing kinasanayan na noong araw pa man. Sa mga sementadong tambayan at papahilagpos nang liwanag, naiinis na maya't maya ang guwardiyang limang beses nang inuutangan ng yosi, Marlboro nga po, pula.

Ha? Pula? Para ka namang ama niyan?

Gago, hindi ako taxi driver! Saan ba tayo mamaya?

Ahh, nagsisimula ka na naman ng kaputang inahan mo ah. Ano na bang natapos mo kanina?

Marami na rin, gago. Kanina pa ako pagod mapagod. Siyang saan nga ba tayo, putang ina ka?

Saglit, magyayaya pa ako sana.

At sa gayo'y maliwanag na maliwanag na nga. Kapuwa na naman nag-aabang ng kanya-kanyang pagpipitikan ng makasariling upos at baga. Ang sisig ay kakantiyawan kahit na babalik-balikan pa rin. Masasamid sa mga nakapalibot na anghang ngunit yayakapin ang bawat sandaling sasagi na lamang kung maaalala pa.

Ay sa kung minsan nga bang mga gabing bakit hindi pa pinagana ang pag-umpog sa mapakla! Sana'y puno pa rin ang langit ng ating mga pagtingala at pinagpag nang mga balat at asin ng mani, ng mga natapong bula, mga pinabayaang usok ngunit nauuwing luhaan, mapagpaumanhin, at umuunawa.

Gabi na naman, kaibigan. Saan na nga ba tayo?

November 14, 2019

Strukturalismo

Strukturalismo.

Hanep. Ano 'to? Sa pagkakaalala ko, una ko 'tong narinig sa subject tungkol sa mga teoryang pampanitikan noong nasa college pa lang ako. Sa pagkakaalala ko lang ulit, ang natatanging umukit sa akin mula sa mga binanggit ng prof ko tungkol dito ay yung (non-verbatim), "Kinakailangan nating malaman ang struktura ng isang akda nang madeconstruct natin ito at muling makapagreconstruct. Deconstruct and/to reconstruct."

Sa isip-isip ko, mukhang malabo? Nauunawaan ko yung puntong kailangan kong baklasin sa iba't ibang parte ang isang sulatin nang masuri nang mas maigi ang bawat bahagi pero bakit kailangan ko siyang buuing muli? Kailangan pa bang buuin ang siyang buo na?

Doon ako nagkamali. Saka ko lamang napagtanto yung maaga kong katangahan noong papalapag na galing Skyway yung sinasakyan kong bus, ilang linggo lamang din ang nakalipas...

Strukturalismo na yata yung isa sa mga bagay na nakakatakot pakinggan pero magagamit kung tutuusin. Baka hindi natin namamalayan, araw-araw o may mga panahong nagamit natin ito nang hindi natin namamalayan. Hindi lamang mga alagad ng panitikan, pilosopiya, etc. ang maaaring makinabang sa mga ganitong paraan ng pagtingin sa mundo at iba pang mga nasa paligid natin.

Sa ibang sabi, strukturalismo ang lenteng nagagamit sa tuwing hinihimay natin ang isang bagay nang baha-bahagi (struktura) na mababakas pa rin sa kapuwa o kapareho nito. Nang maipaliwanag pa nang mas mabuti sa sarili, sabihin na lamang nating kailangan mong maranasan ang isang bagay nang paulit-ulit bago mo mapansin ang mga nauulit nitong taglay na katangian.

Halimbawa na lamang, nagkataong nakakain na ako ng iba't ibang spaghetti sa buong tala ng buhay ko hanggang sa ngayon. Sa bilog ng partikular na danas na ito, nalalaman kong ang isang spaghetti, saan man nanggaling o sino man ang nagluto, ay mayroong (1) pulang sauce na may karne, (2) noodles, at (3) cheese (optional). Mayroong mga bahagi. Sa isip ko, bilang din namang pakilala ng realidad na kinabibilangan ko, lahat ng spaghetti na makakasalamuha ko ay mayroon dapat na ganitong struktura.

Ayon sa isang tropa noong araw (non-verbatim), "Mayroon lamang dalawang uri ng manunulat. Yung isa, naghihintay at nagbabasa ng marami bago magsulat. Yung isa naman, nagsusulat lamang nang nagsusulat."

Alam ko, walang koneksyon sa spaghetti pero makakarating din tayo roon.

Siguro, hindi lamang ako ang may ganitong pagtingin sa spaghetti. Malamang ay yung iba diyan, sinisiraan yung sauce ng birthday ng kapitbahay nila. Yung iba, dadagdagan nila ng cheese yung inilagay nila sa kanilang plato. Minsan, iba-iba ang karne, iba-iba ang timpla, iba-ibang opinyon, ngunit may iisa pa ring struktura.

Ngunit hindi tayo natatapos na lamang sa pagtikim o pagkain na lamang ng spaghetti. May ibang mga taong umaabot sa kanila mismong paglikha ng sariling version ng spaghetti. Maaaring mula sa pagkain nila ng maraming-maraming spaghetti, nagets na nila ang pinakastruktura nito, at sa tulong na rin ng simpleng pagtatanong at research ng recipe, lulutuin na nila ang spaghetti na gusto nila.

Ngayon ay maaari niyang matsambahan sa unang lagpak ang lasang hinahanap niya. Pero sa madalas ma't sapul ng mga tala, dadaan pa rin siya sa paulit-ulit na pagluluto ng spaghetti bago pa man makamit ang ninanais na timpla.

Bago pa man nating maunawaan nang buo ang isang bagay, kadalasa'y kailangang paulit-ulit nating maranasan ito. Sa panahon ng memes ngayon sa social media, halimbawa, madali nang mapansin at mabuo ang pattern na ipinakikita ng isang unique na meme. Sa paulit-ulit nating nakikita ang iba't ibang teksto ng iisang meme, paminsan pa'y nagagamit na natin ito sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Mula sa mga ito, hindi na masamang sabihing mayroong mangilang paraan para maibilad ang ating sarili sa isang bagay bago natin mapansin at buuin sa ating mga isip ang struktura nito. Puwedeng paulit-ulit tayong makakakain ng iba't ibang spaghetti, o paulit-ulit tayong magluluto ng sarili nating spaghetti. Puwedeng makakakita at makakakita tayo ng memes na may parehong dalumat, o puwede ring bubuo at bubuo tayo ng sarili nating meme ayon na rin sa dalumat na ating nakita.

Ngunit ang isa sa pinakamadadalas mangyari ay yung makakailang ulit ka munang makatitikim ng meme bago mo pa man subukang gumawa ng iyong sariling likha.

Mag-uumpisa 'yan sa paghahalaw, pangongopya nang walang pag-aangkin. Matutuwa ang sarili dahil kinakayanan sa mga unang hakbang pa lamang. Kung magiging pursigido pa, aabot sa antas na makakalikha na ng isang obrang malayo nang mabakas pa't maihawig sa mga inspirasyong pinagkamulatan.

Maigi kung nalalaman muna ang pagkakahimay ng struktura ng isang bagay dahil magagamit ang mga makikilalang katangian sa paghihiwalay ng dapat mula sa hindi, ng mahusay mula sa kailangan pa ng paglinang, ng karaniwan sa hindi karaniwan, at nang maging mas madali ang pansariling paglikha ng mismong bagay na pinaglaanan ng oras.