July 24, 2010

BAUL: Pan Pil 12, Matandang Panitikan

07/17/2010

Ang Ating Panitikan


Ang ating panitikan ay hindi na tumigil sa pag-unlad simula nang ito ay sumibol panahong wala pang nananakop sa bayan. Simula sa mga awit, matatalinghagang mga pahayag at mga kuwentong bayan, hindi naawat sa paglawak ang imahinasyon ng mga mapag-isip at mapaglarong mga utak ng mga Pilipino. Nagkaroon man ng pagbabago ng lenggwaheng ginamit, tuloy pa rin ang malusog na agos ng ating mga nauuhaw na lapis at bolpen sa bawat papel.


Ang mga sinaunang Pilipino o sanay tayong tawaging mga katutubo ay mayroon nang mga diyos at espiritung mga sinasamba bago pa man tumapak ang Katolisismo sa kanilang mga lupain. Nagkaroon sila ng sinasambang ideya sa bawat trabaho o gawaing kanilang ginagawa at may katumbas na awit ang bawat pagsambang iyon. Nakatutuwang isiping sa simpleng pamumuhay noon ay napakahalaga na sa kanilang kausapin ang nakatataas sa kanila. Naging napakasagradong tulay ng panitikan para sa kanila para maiugnay ang kanilang mga saloobin sa kanilang mga espiritu at diyos. Sa panahon naman ng pananakop ng mga dayuhan, nakalulungkot mang isiping maraming nasawing kaunlaran, hindi pa rin nagpatalo ang mga manunulat na Pilipino. Nakita man nating gipit ang ating mga kababayan sa paglaban sa mga dayuhang walang habag, idinaan na lamang ng mga nakararami ang pagsulat at pagsisiwalat ng mga kawalang-hiyang ipinataw sa ating lahi lalung-lalo na ng mga Kastila. Ang mga taong alam na wala silang laban ay humawak na lamang ng mga panulat at nagsimulang ilabas ang kani-kanilang mga pasakit, saloobin at kahirapang dinaranas. Takot mang dumanak ang sariling mga dugo, buong tapang nilang iminulat ang mga paninira at panlilinlang na ibinabato sa kanilang mga kababayan. Nagsuot man ng iba’t ibang mukha ang gamit na wika, nagsilbing sandata pa rin ang ating panitikan ng mga bayaning Pilipino upang sugatan ang mga moral at konsensya ng mga dayuhan.


Nabanggit sa itaas na maunlad na ang ating panitikan kahit noong wala pang mananakop sa ating bansa. Nagsimula lang naman tayong makibagay sa ibang wika (ibig sabihin ibang mga titik ang ginamit) nang sakupin tayo ng mga Kastila, Amerikano at Hapon. Bagamat napakakaunti na lamang ang gumagamit ng lumang alpabetong Pilipino ngayon, may kasiguraduhang halos lahat ng mga sinaunang Pilipino ay gumamit ng kanilang sariling alpabeto. Kung ating palalawakin, may mga dalubhasang nakahanap pa ng mga pangkat-etnikong napanatili sa kanilang mga isipan at kultura ang ating lumang tradisyon ng pagsusulat. Nakalulungkot sapagkat halos nawala na ito at napalitan ng modernong alpabetong ginagamit sa kasalukuyang panahon. Hindi gaya ng mga bansang Tsina, Japan at Saudi na may sari-sariling pagsulat, nabawasan ang napakalaking bahagi ng ating kultura sa pagsulat gaya ng mga katutubo. Napakasaya sanang isiping may sarili tayong paraan ng pagsulat at maging mas makulay pa ang nasimulang kultura noong unang panahon.


Kaugnay ng matandang pagsulat na ito, may mga napakatanda nang sibilisasyon at pangkat-etniko ang naninirahan sa ating bansa sa Banaue – ang ating mga kaibigang Ifugao. Ang kanilang nakamamanghang hagdan-hagdang palayan ay hindi lang basta-bastang ginawa. Naging mabusisi ang pagbuo sa pinakamainam na taniman ng palay sa buong mundo. Mayroon din silang mga ritwal na ginagawa sa bawat panahon – panahon bago magtanim, pagtatanim, paghihintay at pag-aani. Bawat nilalang, lalaki man o babae ay may sari-sariling mga parteng kailangang gampanan sa bawat panahon. Sa mga pahayag na ito, masasabing ang kanilang pamumuhay ay umiikot sa kanilang mga pananim – sa kanilang napakagandang likha.


Nawalan man tayo ng napakalaking puwang sa kultura, dumaan man tayo sa hirap at hinagpis, naging makulay pa rin ang ating panitikan. Ang papel natin ngayong mga Pilipino sa kasalukuyang panahon ay hindi lamang ipagpatuloy ang napakagandang simula ngunit magkaroon din ng utang na loob sa mga nagtaguyod at nagligtas sa ating napakagandang panitikan.

No comments: