Alam kong walang Arkiyoloji 1 class last Friday kaya sumabay ako sa'yo paglabas natin ng classroom ng Geography 1. Sumama ako hanggang sa paghatid natin sa blockmate mong hindi kaya kapag mag-isa. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating dumaan doon sa mahabang ruta na inunahan ng iyong mga kaibigan pero sige, sasabay ako, basta kasama kita. Paghatid natin sa isa sa iyong mga kaibigan ay sumakay na tayo sa Ikot at napakasuwerte nga naman kasi libre ang nasakyan nating jeep. Gusto kong may kasabay pauwi. Hindi ko alam pero halos buong buhay ko noong High School ay wala akong kasabay umuwi. Masaya yung feeling kapag may kausap ako pauwi. Hindi mauubos agad yung battery ng cellphone at PSP ko. Marami akong makukuhang mga balita at may magagawa akong matino kapag may kasama ako pauwi. Hindi ako mababaliw, mahihilo, paghugot ko ng earphones sa aking mga tenga. Magaan sa pakiramdam kapag hindi ko minamadali yung driver sa pagmaneho, mahaba man ang pila ng mga sasakyan o hindi. Hindi ko na alintana ang oras, kung magkakasya man ito pag-uwi ko ng bahay para sa mas marami pang mga walang kabuluhang mga bagay. Hindi ko na maiisip na nag-iisa ako. Minsan masarap pag may kasama ako. Nagkita tayo sa waiting shed na malapit sa ating street. Dala-dala mo ang lalagyan ng iyong camera na may takip na tape sa ibabaw ng kanyang pangalan. Hindi ko alam kung paano mananakaw sa'yo yung lalagyan ng camera mo nang ganun-ganon na lang. Unang-una sa lahat, alam kaya ng mga lecheng magnanakaw na brand ng camera ang pangalan ng dala mong bag? Pangalawa, mukhang lunch box ang lalagyan ng iyong camera. Pangatlo, ang pangit tingnan kapag may tape, swear. Hindi ko na nileche ang buhay mo, ukol sa pagtakip ng pangalan ng lalagyan ng iyong camera, bagkus, sinabi ko na lamang na wala nang dadaang MRT na jeep. Hindi ko na maalala kung sino ang nagmungkahing magsimula na tayong maglakad at sumakay sa Ilang. Habang tayo ay naglalakad patungong Ilang ay may namataan na tayong jeep na maluwag kaya doon na mismo tayo sumakay. Una kong iniabot ang aking bente pesos para magbayad para sa aking sarili lamang. Isinunod mo naman ang iyong bayad na sakto sa pamasahe. Matagal kong hinintay ang aking sukli ngunit hindi na ako nabigyan agad. Inisip kong para kay Manong Drayber na lang yung sukli ko, hehe. Pero bigla mong sinabi na hindi ka nakapagdala ng pera pamasahe dahil inakala mong ililibre kita pauwi. Matapos mag-multiple facepalms ay tinawag ko na ang atensyon ni Manong Drayber para sa aking sukli. Tiningnan lamang ako nang masama ng driver mula sa kanyang salamin at nagpatuloy na sa pagmamaneho. Nagpatuloy ang biyahe hanggang sa umabot na ang sasakyan malapit sa babaan. Muli kong iniangat ang aking boses at hiningi ang aking sukli sa driver. Sinabi ng driver na dalawa raw ang binayaran ko, bakit pa raw ako humihingi ng sukli. Matapos mag-multiple facepalms sa aking isipan ay ipinagtanggol ko ang aking panig at mapayapa namang ibinigay sa akin ni Manong Drayber ang aking sukli. Ngunit hindi naman natigil si Manong Drayber na sumilip-silip at titigan ako, na hindi rin naman ako naawat sa pagtingin sa kanya kung nakatingin pa kaya siya sa akin. Bumaba na tayo sa dulo at naglakad patungong MRT. Na-badtrip lang ako lalo kasi hindi gumagana ang escalator at may lamang bedsheet at punda ang dala kong bag. Wala na akong magawa kundi mag-multiple facepalms sa aking isipan at inakyat na lamang ang walang hiyang Bundok Apo. Pagdating naman natin sa itaas ay hindi na tayo nahirapan sa pagsakay at pagbaba ng tren. Sumunod na ang isa sa mga pinakaayaw ko kapag bumibiyahe ako pauwi: ang paghintay at pagsakay ng bus. Pero dahil sobrang lupit ng tadhana paminsan-minsan para sa atin, nakasakay tayo agad ng bus. Pero na-badtrip lang ulit ako kasi halos puno na ang nasakyan nating bus at magkahiwalay tayo ng upuan. Wala na naman akong kasabay. Isinuot ko na lamang ang aking earphones at hinintay na dumating ang sasakyan sa South Station. Pagdating sa nasabing lugar ay lumipat na ako ng puwesto. Naghanap ako ng upuang may katabing bakanteng upuan, para hopefully, tumabi ka sa akin. Tumabi ka naman. Ang lupit ng feeling, masaya ako kasi, may katabi ako pauwi. Muli kong pinaalala na hindi pa ako kumakain sa araw na iyon at pinakuha ko ang Hello Panda na sinasabi mong magdadala ka. Pagbukas mo ng Hello Panda ay nagtaka ako kasi tinitingnan mo ang mga larawang nakaguhit sa bawat pagdukot na ginagawa mo, bago mo kainin ang panda. Nakakatuwa kasi gawain ko rin iyon noong maliit pa lang ako at nakikita ko pa rin ito hanggang ngayon, at sa'yo pa. Ang cute, promise. Naubos din ang pagkain at dumating na tayo ng Metropolis upang magsimulang maghintay para sa iyong kapatid. Pagdating ng Metropolis ay umakyat tayo sa 7 Eleven kasi nagugutom na talaga ako. Bumili ako ng cup noodles. Tapos siyempre kinain ko. Doon ko lang din nalamang libre sa ibang 7 Eleven ang disposable forks ngunit sa ibang branches ay hindi. Matapos ang siguro'y 20 minutes na paghihintay ay dumating na ang iyong kapatid. Nagtungo na tayo sa terminal at malamang, sumakay na sa jeep pauwi. Ang saya ko ulit kasi upuan sa dulo, malapit sa driver ang nakuha kong puwesto. Ipinatong ko na ang aking kanang braso sa upuan sa harap at iniyuko na ang aking ulo, matapos ilagay ang earphones sa aking tenga. Paggising ko, naramdaman kong nakapatong ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat. Hindi ko maipaliwanag nang maayos yung naramdaman ko, pero ang alam ko, hiniling ko na sana'y humaba pa nang matagal ang ating biyahe sa loob ng jeep. Sobrang astig ng feeling, yung tipong maaadik ka, kasi unang pagkakataon. Yung feeling na natuto akong maggitara o mag-Ragnarok tapos paggising ko kinabukasan iyong mga iyon ang inaasam ko. Yung feeling na bagong lagay yung braces sa ngipin ko tapos paggising ko kinabukasan, haharap ako sa salamin at titingnan yung sarili ko kapag ngumiti ako. Nakasasabik ng pakiramdam, nakapagpapatalon ng puso, nakapagpapabilis ng takbo ng isip, nakakaadik. Nakakaadik ka. Pero siyempre, dahil hindi naman totoo ang mga genies ay saka ko na lang namalayang malapit na tayo sa ating bababaan. Pinindot ko ang iyong ulo gamit ang aking daliri at medyo pabigla ka namang nagising. Naglakad lamang tayo pauwi, habang kinakausap mo ang iyong kapatid at ako nama'y nakikisabay na lamang sa inyo. Nagpaalam na ako sa inyong dalawa at dumiretso na sa aking bahay at kuwarto. Wala nang kuwenta yung ginawa ko hanggang sa sumapit ang Sabado. Hindi na masapawan ang galak na naramdaman ko. Natulog na ako ng Sabado ng gabi pagkatapos maglaro.
Maaga akong gumising. Ay, hindi pala ganoon kaaga, mga 9. Tapos natulog ulit ako, kasi ang sarap ng feeling pag matutulog ka ulit pagkagising mo. Luckily, nagising ako nang 10. Bumangon na ako at naghilamos na. Tinanong ko kung napaliguan na..
Maaga akong gumising. Ay, hindi pala ganoon kaaga, mga 9. Tapos natulog ulit ako, kasi ang sarap ng feeling pag matutulog ka ulit pagkagising mo. Luckily, nagising ako nang 10. Bumangon na ako at naghilamos na. Tinanong ko kung napaliguan na..
No comments:
Post a Comment