August 7, 2011

Press It For Glory

Nakatitig lang ako. Nakaharap sa pisara. Hindi ko alam kung bakit nakaupo ako sa pinakaharap. Ang tanga. Talagang pinakaharap na row yung pinili ko. Bakit? Hindi ko talaga alam. Siguro kasi feeling ko babagsak ako kapag nasa likod ako umupo. Feeling ko wala akong matututunan kapag nasa gitna ako umupo. Baka kasi lumipad na naman yung utak ko. Kahit nga nasa harap ako lumilipad pa rin yung utak ko. Nasa harap na nga ako, kung anu-ano pa rin ang iniisip ko. Nasa harap na nga ako, naririnig ko na nga yung malinaw at dahan-dahang pagsasalita ng aking prof e wala pa rin akong naiintindihan. Mabuti na lang talaga at umaga ang oras ng klaseng 'to. Mahirap magklase sa hapon ng boring na klase. Hindi naman siya ganoon ka-boring kaso ang bagal niya talaga magsalita. Buti na lang talaga sa hindi ako malapit sa bintana tumabi, baka kung anu-ano pa rin ang makita ko, lalong lumipad ang diwa ko.

Wala pa rin siyang tigil sa pagsasalita. Suwerte at malayo sa mukha ko ang inis, inis sa kawalang-kuwentahan na ng kanyang mga pinagsasasabi. Hindi rin naman ako sigurado kung alam niyang hindi talaga ako nakikinig. Minsan, madaling makuha yung nararamdaman o iniisip ng isang tao sa mata lang. Ayoko makipagtitigan sa kanya. Hangga't maaari e patingin-tingin lang ako sa mukha niyang patangu-tango. Hindi rin naman tumititig mga prof. Umiikot yung mga mata nila. Totoo kaya yung sinasabi nilang kita nila lahat kapag nasa harap sila? Kapag nagre-report kasi ako, hindi ko makita lahat. Mas nakikita ko nga kapag nakatuon lang sa isang point yung mga mata ko, ewan ko na lang talaga sa mga guro. Siguro kasi, matangkad sila.


Panay tingin ako ng oras. Mag-iisang oras nang kinakain ng upuan yung puwet ko. Ito mahirap kapag nasa harap - hindi mo alam kung mag-aayos ka ng puwet. Yung tipong pasimpleng paghila lang ng brief na kinakain na rin ng puwet mo. Mahirap. Gusto ko nang mag-stretch. Nagsasawa na ako sa mga sinasabi niya. Isa pang mahirap sa harap e yung tumatalsik yung laway niya. Hindi ko alam kung napapansin niyang naliligo na ako sa laway niya. Kung mapapansin ko lang talaga kasi, halos malalaking patak na talaga yung mga pinipilit kong ilagan. Ayaw ko namang ipakitang umiilag ako sa laway niya. Unang-una sa lahat, itatanong niya kung bakit ako umiilag sa laway niya. Sunod na doon ang pagtawa ng buong klase, kasabay ng pagngiti ko. Sasabihin ko, "E, Sir, laway niyo." Hindi ko lubos na maiisip kung mapapahiya ako dahil tumawa ang buong klase sa sinabi ko sa pagka-obvious ng pagpapaulan ng aking prof o matutuwa ako dahil sa tumawa rin ang aking prof dahil alam niya at nakikita niya mismo sa harap niya na may binabaha na siya ng kalaputan. Hindi ko alam. Baka sumikat pa ako sa buong klase.


Alam ko naman yung feeling kapag kilala na ako ng buong klase. Alam mo naman siguro yung feeling. Alam naman nating lahat kung paano maging kilala sa klase. Dapat lang may nagawa kang malupit. Hindi natin alam kung anong lupit ba. Depende pa rin sa guro yung pagkalupit mo. Maaari natin sabihing gusto-ng-prof malupit o lagot-ka-nainis-yung-prof-kaso-natawa-yung-buong-klase malupit. Pero kahit alin man diyan, dapat malupit. Pinakamadali na yung pagpapatawa ng klase. Isang simpleng punch line lang sa tinatalakay ng guro, puwede na. Isang malupit na joke lang para pampagising ng klase, oks na, sikat ka na. Minsan din, kahit hindi mo alam na nakakatawa talaga yung nagawa mo, ang dami mo nang ngiting matatanggap pagkatapos ng klase. Maraming titingin sa'yo. Lahat pupuntahan ka, tumatawa pa rin dahil sa hindi maka-get over sa pinaggagagawa mo sa klase. Tapos ipaaalala pa nila yung nangyari sa Facebook, Twitter at Google +. Kailangang malaman ng lahat ng grupo ng indibidwal yung kalupitan mo. Pero dahil ibang tao ang nagkuwento ng tungkol sa'yo, sila ang sisikat. Maraming magla-like sa post niya at halos pantay lang siguro kayo ng kasikatan. Hindi mo alam kung matutuwa ka kasi sikat ka na sa mga taong hindi mo pa siguro nakikita, pero sa kabilang banda e maganda yung pagkakasalaysay ng taong nagbanggit sa'yo kaya siya yung kakausapin ng mga tao. Suwerte na lang kapag ikaw mismo yung piniem ng mga tao tapos tatawa pa rin sila. Kaso doon banda na talaga sila nag-uusap.


Puwede ring lumupit ang ihip ng hangin kapag ginalit mo yung teacher. Instant celebrity ka rin kapag pinalabas, sinigawan, pinahiya, pinatawag ang magulang, binato ng eraser o chalk, tinalikuran, binara, tinuro, hindi pinaupo, tinanong ng personal na tanong, pinagbasa ng mga linya, pinatawag sa harap ng teacher mo. Nag-eenjoy talaga ako kapag may mga ganitong eksena sa loob ng klase, lalo kapag hindi ako. Ang sarap talaga nilang panoorin. Yung tipong may bagong nangyayari para sa araw na iyon. Hindi yung ni-replay niyo lang yung ginawa niyo last week.


Kulang na lang talaga sabon pati tuwalya. Solb na solb na yung paligo ko. Kahit next rainy season na lang ulit ako maglinis ng katawan. Ang laput-lapot na ng mukha ko. Ang dami nang butil sa T-shirt ko. Gusto ko nang suntukin 'tong prof na 'to. Gusto ko ng isang malupit na uppercut. Isa lang. Tapos eksenang exit na expected ng excited ng klase sa eksplosibong execution ng eksperto kong pambo-boxing. Hindi ako siguro kung may tatalsik na pustiso o kung ano, basta ang gusto ko lang, masapak yung prof ko. Gusto ko na talaga siyang sapakin. Parang nasasayang na talaga ang oras ko. Hindi na talaga ako nakikinig. Paulit-ulit na lang yung naririnig ko. Nakakatuwa naman yung mga sinasabi niya, pero sa unang pagkakataon lang yun puwede. Kapag first time lang puwede. Suwerte na yung mga banat na nakakatawa pa rin sa second time. Legendary na kapag nakakatawa na siya sa third time to infinity. Pero kadalasan, kapag prof yung nagpatawa, o simpleng nagbigay ng astig na fact, sa unang beses lang siya malupit. Puwede mong ikalat sa ibang tao pero ibang bagay na iyon.


Nahihilo na ako. Sawa na ako sa laway at mga pinagsasasabi niya. Gusto ko nang magwala. Hindi ko na lang siya sasapakin. Ewan ko. Baka batuhin ko na lang siya, o kung ano man. Basta huwag lang ganito. Ayaw ko ng ganito. Gusto ko, kahit paminsan-minsan naman may bago. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil ang lapot ko na talaga. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil naaasar na ako sa pagmumukha niya. Baka gusto ko siyang sapakin dahil nagsasawa na ako. Baka gusto ko siyang sapakin kasi gusto ko ng bago. Ayaw ko ng normal. Ayaw kong walang nangyayaring malupit sa isang araw. Minsan talaga gusto kong manapak ng prof.


Paminsan-minsan,


gusto kong manigaw ng prof.

gusto kong mang-flip off ng mga tao sa MRT.
gusto kong nadidisgrasya yung mga nagp-perform sa circus.
gusto kong may nadadapa sa AS Steps.
gusto kong nakakikita ng nag-aaway.
gusto kong may nadadapa, natatalisod, natitisod, nasusubsob.
gusto kong mambalibag ng tray na puno ng pagkain sa CASAA.
gusto nating nasu-suspend ang klase kahit mahina ang ulan.
gusto kong mandapa ng joggers sa Acad Oval.
gusto kong sanggain ang mga ninja sa CASAA.
gusto kong may isang araw na walang ninja sa CASAA.
gusto kong maging ninja.
gusto kong may pumapasok na insekto sa loob ng classroom.
gusto kong nawawalan ng kuryente at tubig.
gusto kong yumakap ng di kilalang tao.
gusto kong mayakap ng ibang tao.
gusto kong hindi GM ang tinetext sa akin.
gusto kong nakukuryente.
gusto kong nagkakasabay kami ng tingin ng crush ko.
gusto kong may nababanggang kotse.
gusto kong nagkakamali yung mga aktor at aktres sa dula.
gusto kong pumipiyok yung mga nagsasalita sa harap.
gusto kong nakakalimutan ng guro sa harap yung dapat niyang sabihin.
gusto kong may sumasabay sa akin kumain ng malalaking bula.
gusto kong manipa ng mga nagp-plank.
gusto kong umorder nang galit sa kahit na anong restaurant.
gusto kong umorder ng Chickenjoy sa Mcdo.
gusto kong lumabas sa isang station ng MRT at papasok ulit sa susunod na tren.
gusto kong may nalalaglag na pustiso.
gusto kong makakita ng batang natae sa kanyang shorts.
gusto kong umutot sa elevator.
gusto kong naglalakad sa mga maninipis na kahoy, bakal o kung anuman.
gusto kong ginagawang adventure ang pagtakap sa iba't ibang kulay ng tiles.
gusto kong walang typo yung ginawa kong blog post.
gusto kong nawawalan ng mic ung emcee.
gusto kong may napapahiya.
gusto kong umakyat sa pababang escalator.
gusto kong bumaba sa paakyat na escalator.
gusto kong chine-check talaga ng guwardiya yung bag ko.
gusto kong nagha-hang yung PC, PS 3 o PSP habang naglalaro yung kapatid ko.
gusto kong may nauuntog.
gusto kong may nadudulas.
gusto kong may natatapong juice o kung anuman.
gusto kong may nakalilimutan ako.
gusto kong manapak ng paa.
gusto kong mangalabit ng di kilalang tao.
gusto kong makarinig o makakita ng malupit.

Hindi lang siguro ako yung nagsasawa sa mundong 'to. Hindi lang naman siguro ako yung nakikita yung pagkakapareho ng mga nangyayari sa paligid ko. Hindi lang naman na siguro ako yung nakakapansin ng mga gaya-gaya at lame na mga linya sa lahat ng mga teleserye sa prime time. Hindi lang naman siguro ako yung naiirita sa mga hindi realistic na scripts ng writers at pa-cute lang na pag-arte ng mga artista ngayon. Lalong hindi lang ako yung nakakita na maganda lang ang gusto ng mga manonood, na wala na silang paki sa talentong dapat na hinahanap sa isang totoong artista.

Paulit-ulit na lang naman na yung mga pinagsasasabi niyo. Hindi naman nagbabago mga ginagawa at pag-uugali niyo. Puro lang tayo protesta, pero sarap na sarap naman tayo sa paghiga sa kama habang yung assignment na kanina pa naghihintay e pinagpapabukas na ang paggawa.


Hindi lang ako yung nag-iisip ng ganito. Ayaw ko rin ng flat, ng pure, ng boring.

No comments: