January 25, 2012

Buhat


Em,

Feeling ko, gusto mong magsulat. I mean, hindi mo siya hobby, pero from time to time, siguro, kapag may hindi ka ma-express sa pagdo-drawing, isusulat mo na lang. Katulad ng ginawa mo ngayon, sinulat mo. Ang sarap ng feeling di ba? Ang sarap ng feeling ng may inilalabas ka ng sobrang bigat sa feeling kapag patuloy mo siyang dinadala. Parang utot lang yan e. Sasakit tiyan mo kapag hindi mo ilalabas, mahihiya ka pa, e lahat naman ng tao umuutot. Malakas ang impact ng utot kapag walang tunog – na kadalasang nangyayari kapag matagal mo nang pinigilan o kaya masakit talaga sa tiyan. Tulad ng utot na mabahong iyan, napakalaki ng impact sa akin ng ginawa mong paglalabas ng saloobing ito. Hindi ko man inaasahan mula sa iyo, kasi nga, ayaw mong nagsusulat, hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Para sa akin kasi, ikaw, okay pa yung pagsusulat mo, natutuwa pa ako sa mga sinasabi mo. Kapag ako na ang nag-drawing, baka tawanan mo na lang ako. Kunwari, gusto ko talagang ipakita kung gaano ako kasaya sa tuwing kasama kita, sa pagguhit ko gustong ipakita kasi nga sinulatan mo ako, baka mag-drawing na lang ako ng smiley face.

Iba rin kasi yung nakakapag-express ka sa salita, right? Marami kang puwedeng isingit nang isingit, makikita ng kausap mo yung mga gusto mong sabihin. E napakagaling mong visual artist, itinatago mo sa mga pagguhit mo ang iyong mga nais sabihin. Kailangan ko pang magtanong o di kaya ay titigan pa nang mabuti yung drawing mo. Kapag nag-drawing ka kasi, may memories agad yun. Isipin mo, after many years, kapag nakita ko ulit yung drawing mo sa ating dalawa na may hawak akong gitara at yung iyo naman ay drum sticks, marami na tayong maaalalang gunita. Siguro, nandun na yung a picture with a thousand words. Yung iyo, maraming kulay, mas masayang tingnan. Kapag ako nagsulat, black and white lang malamang, tapos babasahin mo pa bago ka makaalala. E ang drawing, isang tingin mo lang, BOOM! Sasabog agad lahat sa utak mo. Masuwerte akong nakilala kita, kasi magaling ka mag-drawing. Kapag may natuwa sa’yo em, ibig sabihin nun, magaling ka, at may igagaling ka pa.

Sa mga iniisip mo sa buhay, pareho lang naman tayo e. Gaya-gaya ka na naman. Pero dahil nagmamahalan tayo, siguro sasabihin ko na lang na mutual ang pag-iisip natin, o pareho, magkatuwang parati yung iniisip natin. Masaya sa pakiramdam yung nagkakasabay tayo ng sinasabi paminsan-minsan, tapos ngingiti tayo, tapos kiss na. Pero sa susunod na panahon na yung kiss. Pag-usapan natin yung nagkakasabay tayo magsalita, ng parehong pangungusap, ng parehong tono, ng bilis. Yung epic moment na ganyan, ang saya alalahanin, kasi ang dating sa akin, pareho tayo mag-isip, hindi mahirap kuwestiyunin kung para nga tayo sa isa’t isa.

Maaalala ko lang, noong una kitang nakita, noong grade school, sinabi ko agad sa sarili kong crush na kita. Maliit pa lang tayo non. Tapos ngayon medyo maliit na lang. Pero ang tagal-tagal na non em, many, many years ago. Ipapasok mo pa yung fact na 4 years tayong hindi nagkakausap noong high school. Simpleng chat lang. Simpleng text lang. Simpleng paglalakad lang sa Festival. Pero kung susumahin, halos hindi talaga tayo nagkakilala. Pero last sem, nung nakita kita, iniisip ko, bakit gusto kitang kausapin? Bakit gusto kitang makatabi? Bakit gusto pa rin kitang makasama kahit na alam kong anim na taon tayong halos hindi nakapag-uusap? At sa tinagal-tagal nating panahong hindi man lamang nagkakilalahan ng bawat isa, sa anim na taong paggawa at pagpapakita ng wala sa isa’t isa, bakit may gusto pa rin ako sa’yo?

Gusto ko na sanang magbago. Gusto ko na sanang makakausap ng babae initially nang harapan. Ayoko nang magkamali sa chat, sa Facebook, sa text. Ayoko na ring magkamaling tumingin sa iba. Ayoko na ring mang-iwan, manakit, madapa, hindi mamansin. Noong nakita kita, hindi lang iyong simpleng pagtingin lang kung okay ka ba maging girlfriend. Hindi. Inuulit ko, gusto kong magbago. Gusto ko nang gawin yung hindi ko nagawa sa iyo noong grade school, yung mga dapat na ginawa ko na agad, yung mga bagay na hindi ko dapat gawin sa mga panahong nasa high school na tayo. Noong nakita kita ulit sa Geog room natin last sem, inisip kong gusto ko nang magbago. Ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong magbago. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng kakaibang mundo mo. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng pagbalik, muling pagkilala sa sarili, muling paglasap sa sarap ng pag-ibig at yung feeling na may kaisa-isang nakaaalala sa’yo na kaedad mo.

Alam mo, mabilis din kitang ma-miss. Yung tipong alas diyes na, ay, time na. Kahit na naririnig mo akong ‘Hoy, alas eight na. Malapit na ang curfew mo.’ Hindi ako nagmamadaling umuwi. Kung puwede nga e, iuuwi kita. Haha. Pero many years from now pa iyan. Let’s not break the trust our parents have given us. Kaya kapag naaatat na akong umuwi ka na, e para rin sa ikabubuti natin. Para rin sa mga tao sa boarding house mo, na umuuwi ka naman before 10. Ayoko lang na magsumbong yung mga tao riyan sa boarding house mo sa mommy mo. Kapag nangyari yun, mas malala. Ayokong pagbawalan tayo. Ayokong paghiwalayin tayo. Ayokong mailayo ka sa akin. Ayokong pigilan nila ako para sa’yo, kasi ikaw na talaga yung gusto ko. Ikaw na yung gusto kong makasama. Ikaw yung gusto kong pakasalan. Ikaw na yung magiging purpose ko sa buhay paglaki ko. Ikaw yung gusto kong makasama sa mga karanasan pang dadapo sa akin. Ikaw na talaga. Ikaw na nga. Ikaw na.

Sana alam mo rin na magaling kang tao. Kaya parang ayaw kong sumagot kapag sinasabi mong hindi ka magaling, minsan kapag dina-down mo sarili mo, ngingiti na lang ako, kasi alam ko namang hindi totoo. Napapangiti rin ako kasi, kapag dina-down ko sarili ko, ayaw mo, tapos biglang ida-down mo sarili mo. Baliw ka ba em? Haha. Uulitin ko, kapag naelibs ako sa gawa mo, magaling kang tao. E ako nga na hindi visual artist, elibs na elibs na sa’yo, paano pa kaya yung mga naeelibs na mga ka-course mo sa’yo? E di hamak namang mas magaling silang mag-drawing sa akin, natatapakan nila yung mga comments at reactions ko sa mga gawa mo. Maging masaya ka na dahil magaling kang gumuhit. Ako ang kaya ko lang i-drawing e... ay... wala pala.

Naging malaking bagay ang pagkakakilala ko sa iyo. Ikaw yung nagbigay sa akin ng bagong pagtingin sa mundo. Naging iba ang tingin ko sa mga walang buhay na stuffed toy. Natatawa pa rin ako, sa tuwing binubuhay mo ang mga walang buhay na bagay. Ikaw ang nagpakita sa akin na hindi lang tayo ang maaaring mabuhay sa ating mundo. Maaari tayong magbigay-buhay sa iba. Ikaw ang nagpakita sa akin nun. Ikaw ang nagpakita sa akin na may mata ang mga kotse, na tamad ang mga pusa at aso. Noon, ang tingin ko lang sa paligid ko, background. Hindi ko na tinitingnan. Yung mga bagay na wala akong pakialam, bahagi na sila agad ng background sa akin. Ngayon, dahil sa mga simpleng pagturo mo lang sa mga bagay-bagay dahil sa nakyutan ka, dahil sa mga simpleng pagbibigay-boses sa mga stuffed toy mo, nag-iba ang pagtingin ko sa mundo. Lalong naging maliwanag sa akin, mas makulay, mas masayang tingnan. Masaya ka parati. Masaya ka kasama. Parati kang masaya. Nagdadala ka madalas ng kasiyahan sa mga taong kasama mo. Ikaw ang nagbigay sa akin ng bagong mata sa pagtingin sa, akala ko, boring na mundo natin.

Hindi mo na kailangang subukang maging karapat-dapat para sa akin. Kahit na anong gawin mong aksyon, magiging okay sa akin. Tanggap na kita. Hindi na tayo nagkakahiyaan, wala nang ilangang nangyayari sa pagitan nating dalawa. Wala na ring bilangan. Sana tanggap mo na rin ako. Alam kong hindi ko kaya ang isang araw nang hindi kita nakikita, or nakakausap. Kumpleto ang isang araw ko dahil lang sa iyo. Sana, magawa ko yung mga gusto mo. Sana, hindi kita masaktan. Sisikapin kong pasayahin ka, higit pa sa pagpapasayang ibinibigay mo sa akin sa tuwing magkasama tayo. Gusto ko, parati tayong masaya, nagbibigayan, nagtutulungan, nagkakaunawaan. Sa’yo ko na lahat gustong gawin lahat ng gusto kong pagpapasaya. Sisikapin ko ring alagaan ka, pasayahin ka, tulungan ka sa abot ng aking makakaya at tawag ng oras. At dahil ikaw lang ang best friend, girlfriend, friend ko rito sa UP, sa Mandarin, at sa kahit saan pa mang sulok ng universe, iingatan kita. Nag-iisa ka lang para sa akin. Alam kong hindi na ako makakahanap, AT HINDING-HINDI AKO MAGHAHANAP NG IBA, at NEVER DIN AKONG TITINGIN SA IBA, dahil masaya na ako sa’yo. Alam kong mahalaga ka sa akin. Alam kong kailangan kita. Alam kong isa kang malaking bahagi ng aking buhay. Iingatan kita hanggang sa makakaya ko – ay, iingatan na lang kita hanggang sa maubusan ako ng lakas – ay, iingatan kita kahit ubos na ang aking lakas. Handa kong ipaglaban yung nararamdaman natin sa isa’t isa. Hindi ako nagsisisi at sinubukan kitang yayaing manood ng Transformers 3.

Hindi pointless yung mga sinabi mo. Tulad ng sinabi ko kanina, matindi ang impact nito sa akin, dahil ang dami mo palang gustong sabihin, at marami rin akong gustong sabihin. Nagalak ako nang labis sa mga sinabi mo sa iyong sulat. Ang daming ngiti ang inihatid sa akin ng bawat pangungusap na pinagsilbi mong bahagi ng iyong mga nais sabihin sa akin. Masaya ako dahil masaya ka rin sa piling ko. Masaya ako dahil ako ang gusto mong makasama, dahil ikaw rin ang gusto kong makasama habambuhay. Masaya ako dahil masaya ka rin.

Ayoko na rin ng ‘sana’. Sabay nating ipaglaban ang pag-ibig na nararamdaman natin. Ang korni mang pakinggan ng pangungusap bago ito, seryoso ako. Sana, matutunan nating posible kung gusto natin. Ayokong magkahiwalay pa tayo.

Sorry kung inaasar kitang maliit ka. Ang cute mo kasi e. Iniisip ko, wala namang cute na matangkad. Kaya bagay yung height mo sa’yo kasi napaka-cute mo talaga. Lagi mong napapatalon yung puso ko sa tuwing nagpapakyut ka, sa tuwing sinasabi mong iyo lang ako, sa tuwing niyayakap mo ako, sa tuwing hinahalikan mo ako, sa tuwing napapaligaya mo ako.
Mahal na mahal kita.

Yung tipong inuna ko pa 'tong sulat na'to kaysa sa mga kailangan kong isalin pa sa Tagalog at kakaibang mga payo ng isang upperclass man sa isang freshie sa bagong pasok na Catholic private school na scripted. Wala na. Tinamad na ako mag-acads ulit. Ang sarap magsulat ng hindi required.

No comments: