March 25, 2012

Ranprawri

At dahil gising na gising na ako sa sarili kong paraan ng pagsusulat, hindi na rin siguro masamang pagpraktisan dahil sa naghihintay na lang siguro ako. Ako? Bakit nga ba ako naghihintay? Marami naman tayong naghihintay. Lahat naman yata tayo may hinihintay. Kapag natatapos na yung hinihintay natin, bakit parang naaatat pa rin tayong maghintay para sa isa pa ulit? Bakit atat na atat tayong matapos ang ating paghihintay pero parang atat na atat din tayong maghintay pa ulit? Hindi ko rin alam. Parati na lang hindi ko alam. Bakit ikaw? May nalaman ka na ba? The fact na nagbabasa ka rito e baka wala ka nang ginagawa. May gusto ka bang alamin? Kokontrolin na lang ba kita? Joke lang. Hindi ko kaya yun. Ni hindi ko nga mapatagal nang matagal na matagal ang mga mambabasa ko. Ni hindi mo nga ito matatapos. Oo. Makapangdaya naman ako. Hindi ko kayang basahin ang iniisip mo. Tss. Hindi ko talaga kaya. Nag-iisip ka na lang ng iba pang ibabato ng mga hinayupak na halimaw kapag babatuhin mo sila nang makailang ulit ng tinapay. Bakit nga ba ang liit-liit ni Godzilla? Bakit nga ba ang liit-liit ko?

Sabi nung mga tinanong kong matatangkad, kailangan ko lang daw magstretch araw-araw paggising ko sa umaga. Nakakatamad kaya magstretch paggising sa umaga. Pusa tsaka aso lang gumagawa nun. Ako kasi, paggising ko sa umaga e sumisinghot na agad ako ng maaamoy kong ulam. Puwedeng sinangag, itlog, hotdog, longganisa, tosino, pagkain kagabi, pizza, spaghetti, kanin, scrambled egg, kamatis, itlog na maalat, at marami pang iba. Kakaiba rin naman yung amoy ng pandesal, ng kape, ng kape ko, ng kape ng iba. Masarap ako magtimpla ng kape. Kung hindi ka naniniwala, wala akong pakialam sa'yo. Wala naman talaga akong pakialam sa'yo. Mambabasa lang kita. Pero dahil mambabasa kita, babalik na ulit ako sa'yo. O, nandiyan ka pala. Hindi ko naman sinasadyang huwag kang kausapin ulit, kahit na kanina pa kitang kinakausap. Alam mo yung matatanda, kapag nagkuwento, paulit-ulit. Hindi mo naman sila mapigilan magkuwento kasi para bang maaawa ka. Minsan na lang siguro sila may makausap e babarahin mo pa. Kung titigil lang din naman ako sa pakikinig e isasara ko na lamang ang tab na ito. Hindi. Hindi ka pala nakikinig. Hindi na rin naman ako nakikinig. Kanina pa kita pinagtitripan. O baka naman kanina ko pa pinagtitripan ang sarili ko. Mahirap din maghanap ng sarili e no. Minsan nga naiisip ko, kapag siguro may nawala sa iyo na napakalaking bahagi ng buhay mo, saka ka lang din mapapaisip para sa sarili mo, kung bakit, o bakit nga ba? Bakit daw ang huling tinatanong ng mga bata. Gets mo? Nauuna raw kasi yung ano, sino yang mga bagay na iyan pero ang huling matututunan ng bata e yung bakit. Bakit nga ba? Hindi ko rin alam. Kita mo, marami akong hindi alam. Suspetsa ko ikaw rin. Ikaw na nagbabasa nito, bakit ka pa rin nagbabasa? Wala ka bang dapat na atupagin? Wala ka bang hinihintay? O naghihintay ka ng susunod na hihintayin?


Sabi naman nung iba e uminom na lang daw ako ng gatas. Gusto kong gatas e yung sa Cowhead. Masarap yun. Yun yung paborito kong gatas. Kaso mahal. Kaya yung Nido na tinitimpla na lang yung gusto ko. Pero kasi, hindi na nakakatamad magtimpla pero pinapapak ko lang din yun bago ako magtimpla. Kapag nabusog na ako kapapapak e hindi na rin ako nakakapagtimpla. Masarap ding maglagay ng gatas sa kape. Masarap magkape. Gustung-gusto kong nagkakape. Ayokong nagigising, ang sarap-sarap matulog no. Minsan, ayaw ko ring natutulog, ang sarap-sarap nang gising no. Pero mas masarap pa rin ang kape. Masarap ang kape talaga as in. Kung hindi lang madalas nakakabad breath yung kape o kung hindi naman nakasasama ang sobra e parati na siguro akong nagkakape. Kape. Kape. Kape. Minsan sawsawan ko yan ng pandesal. Minsan sa tasang puno ng condensed milk ang sinasawsawan ko ng pandesal. Mahirap kumain ng pandesal na hindi bagong luto nang walang sinasawsawan. Hindi masarap yun. Walang masarap na hindi bagong lutong pandesal.


Kung ipinanganak ka e bakit nga ba sa Pilipinas? Hindi ko na lang maisip kung bakit bigla ko na lang naiisip ang mga ganitong bagay. Malamang noong high school, elementary, pre-elem e walang kabuluhan sa akin ang buhay. Ang buhay ko lang noon e manood ng cartoons, mag-aral, magbasa, kumain, umutot tapos tatawa. Wala na akong pakialam kung paano kami itinataguyod na tatlong magkakapatid ng aming mga magulang. Kahit nung nag-entrance test pa ako sa universities e pag-aaral pa rin sana yung gusto ko lang atupagin. Hindi naman ako naghihintay na magkaroon agad ng pamilya kahit na gusto ko nang pakasalan yung girlfriend ko. Ayaw ko pang lumayo sa mga bagay na nakasanayan ko na. Kapag sanay ka na e mahirap din palang maghintay. Mahirap ding magpigil na hindi maghintay. Masarap maghintay ng hihintayin. Nakasasabik paminsan-minsan ang bago pero huwag naman masyadong mabilis. Sabi nga sa isang opening episode ng South Park, ang bilis magpalabas ng bago ng Apple Mac. Bakit ba sila ganoon? Kung bakit may iPad 2 na kalalabas lang na hinintay mong mabilis, tapos pagkabili mo e iPad 3 na ang inilabas. E di ba nakakaleche din yung ganun? Parang napupunta lang din sa wala yung paghihintay mo. O kung gusto mong pagaanin ang iyong dinaramdam e mahirap naman talaga raw magpakasosyal. Kung gusto mong mapansin syempre kung wala kang talent, magpakasosyal ka na lang.


Tinatanong ko na talaga yung sarili ko ngayong mga taon lang. Bakit nga ba ako ipinanganak sa Pilipinas? Bullshit agad ang naisip ko. Bakit nga ba sa Pilipinas? Hindi mo ako kayang labanan kasi lahat naman ng bansa e tama ang kultura. Hindi mo maaaring itapon sa akin na maganda naman sa Pilipinas di ba? E bakit sa Japan hindi ba? Oo na, sige na, sa Japan siguro, gusto ko ring maipanganak some time. Pero kung nasa Japan na ako, itatanong ko ba sa sarili ko kung bakit ako ipinanganak sa Japan? O matutuwa ako kunwari gaya ng ginagawa ko ngayon dito sa Pilipinas na ang saya-saya? Hindi ko ba hihilingin na lang parating ipanganak sa ibang lugar? O kaya lang naman ako nagtatanong ng aking existence e dahil sa ramdam na ramdam ko ang kamalasan? Nag-iisip na lamang ako ng magagandang bagay para lamang makalimutan ang aking sarili? Iniisip ko na lamang ba na sana ganito, sana ganyan, sana ginanito ni ano si ganyan kasi ganon? Bakit? Dahil ba sa feeling ko e mali ang nangyayari sa akin o hindi ko gusto ang mga nangyayari sa akin e gusto ko na lamang ipanganak sa ibang lugar? Kung ipapanganak lang din ako sa ibang lugar, gusto ko lang dala-dala ko pa rin yung past memories ko. Tipong reincarnation na may cheats. Madaya. Lahat naman yata tayo gustong mandaya. Yung mga hindi nahuhuli siyempre mayayaman. Kapag nahuli mo naman, dadayain ka pa rin. Magaling masyado. Kapag may puhunan ka rin man lang, kung mamamatay ka rin man lang nang walang pag-iiwanan o maraming naipon e bakit ganun pa rin kababaw mag-isip ang mga tao? Bakit ganon na lang tayo kadamot? Kapabaya? Kawalang respeto sa sarili?


Wala. Hindi. Mabilis din naman tayong mabulag. Kung naghihirap lang din naman akong hanapin ang sarili ko, kailangan ko lang namang magdesisyon. Desisyon ang tatapos sa lahat ng paghihintay.

No comments: