May 5, 2012

Luc

Ang pelikula ay tungkol sa isang lalaking nangarap maging isang ganap na babae. Hindi man niyang napansin agad, at hindi niya rin naman ginusto, naging daan ang kick boxing para matupad ang kanyang pinakapinapangarap. Naging isang magandang ironiya ito para sa akin sapagkat kung sino pa ang mas madalas na makitang mahina ng lipunan ay siya pang mas nakapagtaguyod ng tunay na lakas, hindi lamang sa mula sa panlabas ngunit pati na rin sa panloob na pagpapakilala ng sarili. Isa si Toom sa mga nabubuhay na tao lamang din, ngunit sumisira sa mga “pinagbabatayan at kinokondisyong” pamantayang nakadikit sa pangangatawan ng isang nilalang, na magsisilbing hantungan ng kanyang magiging papel at responsibilidad sa buhay. Nagustuhan ko ang palabas sapagkat nagamit ni Toom ang pangangatawang nagkataon ay napunta sa kanya para makamit ang pangangatawang ginugusto niya talagang panatilihan. Kadiri man para sa akin ang pagpapasex change dahil sa operasyong pagtatanggal ng ari, nakatutuwang isiping may mga tao bumabalikwas sa idinidikta ng lipunan kaugnay ng matinding pagbase sa pangangatawan. Isa akong malaking tagahanga ng mga taong inaabot ang mga gusto nila at hindi nagpapatalo sa mga “tama” sa lipunang kanilang ginagalawan.

Nais ko ring pansinin ang sinabi ng kanyang ina sa simula na hindi dapat nagpapahaba ng buhok ang lalaki. Hindi rin daw dapat nagsusuot ng pambabae ang isang lalaki dahil sa pagtatawanan lamang siya. Mula rito, sa isang mababaw na pagtingin, mukhang ayaw lang mapahamak ng ina ang kanyang anak. Tama nga namang tingnang ayaw ng isang ina na nahihirapan at pinagtitripan ang kanyang anak. Kung nasasaktan ang anak marahil ay masakit din ito para sa kanyang mga magulang. Maganda na rin namang hindi pinahihirapan at nagagawa ang gusto ng mga magulang, ngunit sa mas malalim na pagtingin, sumusunod sa social construction ang ina. Marahil ay hindi pa nila tanggap ng kanyang asawa ang ninanais na kasarian ng kanilang anak. At dahil nga sa madalas na pagtuunan ng pansin ang mga bakla o bading, mas pinipili nila ang direksyong makabubuti para sa kanilang anak. O makabubuti nga ba talaga? Makabubuti ba ang pagpigil sa gusto ng anak kung wala naman itong halos na panama sa kanyang kinabukasan? Makapagpaphirap ba ang kanyang pagiging bakla sa pagkamit niya ng kanyang pangarap? Pinaghirapang sagutin ni Toom ang mga katanungang ito ng kanyang mga magulang. Ipit man sa ilang mga diskriminasyon, naitulak pa rin ng tinaguriang Beautiful Boxer ang kanyang sarili sa dulo ng kanyang minimithi.

Sa huli, nais ko na ring pansinin ang isang linya ni Toom, “In the ring, you have no choice.” Sinabi niya ito dahil sa kailangan niya talagang talunin ang kanyang mga kalaban. Kahit na sa paminsan-minsa’y nakikita niyang nahihirapan siya sa paghihirap ng kanyang kalaban, kailangan niya pa ring ituloy ang laban. Hindi niya lamang ito ipinakita sa ring kundi maging na rin sa labas ng stadium, sa kanyang buong reyalidad. Ang ring na iyon ay hindi ang pagkulong ng lipunan sa mga nararapat mo lang na gawin kundi wala kang ibang puwedeng gawin kundi ipaglaban mo ang gusto mo kahit ano pa mang idikta sa iyo ng iyong mga manonood.

No comments: