May 4, 2012

Astig


Ang buong artikulo ay halata namang tungkol sa body language na naturang makikita sa maraming Pilipino. Mayroon naman kasing dalawang paraan ng komunikasyon: ang verbal, kung saan gumagamit ng mga salita ang makikipagtalastasan, at ang di verbal, kung saan walang kasamang salita ang pumapaloob sa nangyayaring o sisimulang pakikipagkomunikasyon. Nakapaloob na rin dito ang body language, na gumagamit ng alinmang parte ng katawan, basta madaling maihahatid sa iyong kinakausap ang nais na iparating na mensahe. Maaari ko na ring idagdag sa mga naunang nasabi patungkol sa body language na malaking nagpapatakbong bahagi nito ay ang kultura. Nakapaloob kasi ito, ang body language, sa kultura. Kung walang kultura, hindi magkakaroon ng ibig sabihin sa kahit na kanino ang alinmang inilalabas o ginagawa ng isang tao. Magiging lutang lamang ito kung wala itong pinaghuhugutang kultura. Nagkakaroon lamang ng ibig sabihin at katanggap-tanggap lamang ang isang body language o anumang verbal na komunikasyon, o sa madaling sabi, ang isang wika, kung may itinataguyod itong kultura.
           
Nakapaloob sa inilakip na artikulo ang pagkakaroon ng body language ng mga Pilipino mula sa pagbati, mga negatibong reaksyon o di katanggap-tanggap sa lipunang Pilipino at kinokonsiderang bastos sa kahit na kaninong Pilipino, tamang etiketa sa loob ng mga silid-Pilipino, pagkuha ng atensyon ng mga Pilipino, paggalang sa matatanda at ang usapin ng pagngiti sa pagitan ng bawat Pilipino. 

Ang pagbasa ko pa lamang sa unang bahagi ng pagbato ng mga body language ng isang Pilipino e napangiti na ako. Paano ba naman kasi, totoo nga namang madalas tayong bumati nang kilay lamang ang ating ginagamit, sabay ngingiti. Napatunayan ko na ito noong high school pa lamang ako. Mayroon kasi kaming gurong Hapon. Hindi ko naman namalayan agad na binati ko siya na gamit ang aking kilay. Napagtanto ko na lamang na hindi ito ginagamit sa mga hindi Pilipino nang ang aking gurong Hapon ay nag-bow, bilang sagot sa pagtaas ko ng kilay sa kanya. Nakakatawa man, mas madali kong naintindihang may mga bagay na ginagawa ang mga Pilipinong natural nga lang talaga sa atin, hindi natin madalas namamalayan at tanging sa Pilipinas lang talaga ginagamit. Ginagamit lang din natin ang pagtaas ng kilay na bating ito kapag siguro’y nagmamadali tayo at walang oras makipag-usap sa ating binabati. Maaaring ginagamit din ang pagbating ito kapag hindi tayo naging masyadong malapit sa nais nating batiin. Madalas ding gamitin ito sa mga kaedad lamang o may maiikling agwat lamang ng edad na binabati pero miminsan o hindi naman talaga na ginagamit sa mga matatanda sa atin. 

Mula rito, gusto ko nang ipasok ang binabanggit ng artikulo na may mataas tayong paggalang sa matatanda natin. Hindi man nabanggit kung anong tawag, pasok na pasok ito sa diwang Pilipino na pagmamano ang inilalarawan ng nagsulat. Ang pagmamano ay madalas pa ring makikita sa tuwing may nagkakasalubong na magkapamilyang Pilipino pero may iilan na ngayong humahalik na lang sa kanilang matatanda. Maaaring pinipili na lamang ng matatandang halikan sila dahil siguro’y ang pagmano ang nagpapaalala sa kanilang matanda na sila. Kung titingnan nating mabuti, ang pagkakaron marahil ng edad sa kontekstong Pilipino ay mabigat at malaki ang ibig sabihin sa bawat indibidwal kaya ang pagmamano ay maaaring maging simbolo na ika’y matandang dapat igalang at may pinagdaanan na. 

Sa mga negatibong pagkilos naman sa kontekstong Pilipino, nabanggit sa artikulo ang pamemeywang, pagtitig nang masama at panduduro. Uunahin ko na ang pamemeywang. Ang pamememywang, sa paningin ng mga Pilipino ay naghahatid lamang ng mensaheng nakatataas ka o nagpapahiwatig ng mas mataas na awtoridad sa iyong kinakausap. Magiging bastos lamang ito kung gagawin sa harap ng nakatatandang kausap dahil sa nagmumukhang mas maalam na ngayon ang namemeywang kaysa sa matandang kanyang kinakausap. Sumunod na ay ang pagtitig nang masama. Popular naman na ito sa mga batang may ginagawa mali tapos idinadaan ng kanilang mga ina sa titig para magtumigil ang kanilang mga musmos sa patuloy na pangungulit. Ang pagtitig sa kontekstong Pilipino ay madalas na nakatatakot at nakapagdadala ng mabigat na pakiramdam, hindi lamang sa gumagawa, kundi sa ginagawan, wala mang lumalabas na salita sa bibig. Ipapasok ko na rin ang, “Makuha ka sa tingin!” ng mga Pilipino. Ang panghuli, ang panduduro ay isa pa ring bastos na pagkilos sa kinokomunika. Bastos ang dating nito sa kinakausap sapagkat mukhang pinipigilan mo siya sa kanyang patuloy na pagsasalita, o sa kanyang ginagawa. Madaling makapagpatigil ito ng ginagawa. May nakatatakot ding dating tulad ng pagtitig. Isa pang nakapaloob na usapin dito ay ang usapin ng mga hindi nakikitang nilalang. Ang pagturo lamang kung saan-saan sa Pilipinas ay nakatatakot sapagkat naniniwala ang maraming Pilipino na maaaring may maituro kang hindi mo nakikita. Ang maaaring sagot sa pagkakamaling ito ay ang pagkagat sa ipinanturong daliri. Ang psst, o pangkuha ng atensyon ng mga Pilipino ay simbilis lamang ng ginagawang pang-ikot ulo ng pantawag na hoy. Ang psst at hoy ay bastos din ang dating ngunit wala tayong magagawa, kahit na sinong gumawa o sumigaw ng ganitong mga wika, madaling-madaling titingin ang mga Pilipino kahit na hindi kilala ang boses na narinig. Ipinagtataka ko lamang ay kung bakit nakapaloob ito sa body language na artikulo e lumikha na ng tunog ang nakikipagkomunikasyon. Maaari bang ibig sabihin nito e kaya isinama ng sumulat ng artikulo ang pantawag na ito sapagkat wala namang umaangat na depinisyon sa diksyunaryo ang mga pangkuha ng atensyon ng mga Pilipino? 

Sa pagngiti naman, natawa rin ako sapagkat sa lahat na lamang ng pagkakataon ay nakangiti na parati ang mga Pilipino. Hindi naman nito ipinararating na baliw tayong mga Pilipino na kahit kailanman, kahit saanma’y nakangiti na lamang tayo, na kahit nahihirapan na tayo, kahit galit na galit na tayo e nakangiti pa rin tayo. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay ganoon pero marahil ay may kaunting pinaghuhugutan pa rin ito sapagkat may mga nginingitian na lamang na problema ang mga Pilipino. Sabi nga ni Bamboo sa kanta niya na Noypi: “Sa dami mong problema, nakuha mo pang ngumit. Noypi ka nga. Astig.” Ganito man, may mas malalim pa akong pagtingin kung susuriing mabuti ang sinasabi ng artikulo na parati na lamang tayong nakangiti. Nais ko sanang ipuntong masayahin lang talaga tayong mga Pilipino. Pantulak na rito na madali tayong mapangiti. Mahilig tayo sa mga piyesta, sa mga kasiyahan. Madadaldal ang mga Pilipino sa ibang bansa, ayaw natin ng nakababasag na katahimikan. Ang katahimikan sa atin ay malungkot. Ayaw natin ng malungkot, mahilig tayong mga Pilipino sa maingay na paligid, sa maraming makakausap, sa maraming kaibigan, sa masaya.
           
Sa lahat-lahat, natuwa naman ako sa nabasa kong artikulo tungkol sa body language ng mga Pilipino. Nawa’y hindi na ito mabura sa ating mga Pilipino, lalo na’t ngayo’y bumibilis na ang daloy ng komunikasyon dahil sa internet at cellphone. Maganda na ring nakikipag-usap tayo sa labas ng bahay, nakikisalamuha nang nakikita at nakakasama ang kinakausap, nararamdaman nang direkta at walang hiya ang katawan at ngiting Pilipino.

No comments: