July 7, 2012

Samtotyudunwanahir



Ang diglossia, ayon kay Ferguson (1959), ay isang uri ng bilingualism sa pagitan ng magkalapit at genetically na magkaugnay na mga wika o mga variety ng wika.[1] Sa madaling salita, ang diglossia ay nangyayari sa isang lugar kung saan mayroong dalawang nakahihigit na wika ang ginagamit. Halimbawa na lamang sa Pilipinas, mayroon pa ring pag-aalinlangan at mayroon pa ring mga debate tungkol sa kung mayroon nga bang diglossia sa ating bansa dahil sa kalituhang dinadala ng kung ang Filipino nga ba at Tagalog ay dalawang magkaibang wika. Hanggang sa ngayon, pinipilit na linawin ng Komisyon sa Wikang Filipino na ang Filipino ay hindi Tagalog, kundi malaking bahagi lamang nito ang ibinase sa Tagalog at ibinase pa rin naman daw ito sa iba pang mga wika sa Pilipinas.[2] Kung ako ang tatanungin, hindi naman talaga malalayo ang Tagalog sa Filipino sapagkat grammar pa lang ng Tagalog at maraming wika sa Tagalog ang ginagamit sa Filipino. Kung sasabihin nating isang malaking salik ng wika ang grammar na ginagamit nito, hindi talaga maitatangging tunog Tagalog talaga ang Filipino. Sa pagiging buhay at dinamiko naman ng wika, sa kanyang pagbuo ng mga bagong salita at panghihiram pa sa ibang mga wika, maaari kong sabihing nanghihiram lang naman talaga ang Tagalog, gamit pa rin ang kanyang sariling grammar, mula sa iba pang mga wika. Kung sasabihin kong nanghihiram ang isang wika sa iba pang mga wika, bilang isang likas na katangian ng iba pang mga wika, bakit pa kailangang ibahin pa ang tawag sa Tagalog at tawagin pa itong Filipino kung Tagalog na Tagalog ang tunog nito sa ating mga pandinig? Pagbabase nga ba ito sa iba pang mga wika ng Pilipinas kung manghihiram lang ng mga salita at iba pang mga termino mula sa iba pang regional languages, ni walang grammar na malayo sa Tagalog ang ginagamit ng nakararami? Sa kabila ng lahat ng ito, nalilito o nag-iiba pa rin ang aking mga isasagot sa kung ano talaga ang aking wikang ginagamit: kung Filipino nga ba, na natutunan ko sa paaralan, o yung kinalakhan kong Tagalog-Cavite, na hindi naman nalalayo sa mga naririnig kong ginagamit ng aking mga guro at propesor na “Filipino.”

Ayon pa sa Keywen.com, ang diglossia ay isang sitwasyon kung saan ang mga dialectal variety ng isang wika ay nagfafunction nang hindi magkapareho.[3] Dinagdagan pa nila ito na katulad pa ng maraming wika sa Timog Asya, ang wikang Bengali ay nagpapakita ng isang matinding kalagayan ng diglossia sa pagitan ng pormal o nakasulat na wika at bernakular o binibigkas/sinasalita na wika. Gaya ng napagkasunduan noong huling discussion naming noon sa Fil 115, na ang bernakular na wika ay ang mother tongue ng isang indibidwal, malilinaw na hindi naman natutunan ng isang tao ang kanyang unang wika (kung nakapagsasalita at nakaririnig man siya) sa pasulat na paraan, ni hindi ito itinuturo sa kanya. Natututunan lamang ng isang tao ang kanyang bernakular na wika o mother tongue sa hindi sapilitang patuloy na pakikinig at paggamit nito. Malamang sa malamang, alam niya agad kung mali ang kanyang napakikinggan sa wikang kanyang kinagisnan, pero hindi niya maipapaliwanag nang mahusay at malinaw kung bakit. Dito na pumapasok ang sinasabi kanina tungkol sa pormal o pasulat na wika. Kung ang paaralan ang may tungkuling ituro na sa mga mag-aaral ang kanilang wikang natututunan at ginagamit sa pang-araw-araw, bakit Filipino ang itinuro nila sa kanila. Okay lang sana kung Tagalog/Filipino ang bernakular na wika ng isang bata pero paano kung hindi? Isa pang magandang punto sa depinisyong ipinahayag sa talatang ito na iba ang wikang pasulat sa wikang pasalita o pagbigkas. Mangyari lang din lamang, ayon sa depinisyon ng register na nag-iiba ang wikang ating ginagamit depende sa sitwasyong ating kinapapalooban: kung tayo man ay nasa loob ng silid-aralan e pormal, at kung kasama ang ating mga kaibigan ay di pormal. Magkaiba talaga. Bakit nga ba, sa kung isang wika lang naman ang ginagamit, e bakas pa rin ang malinaw na pagkakaiba sa wikang ginagamit sa pasulat at pabigkas ng mga tao? Mula rito, maaari kong sabihing nagkakaroon pa rin ng mga variety ang wika, hindi lamang base sa lokasyong heyograpikal, hindi lamang base sa uring kinapapalooban sa lipunan at hindi lamang sa bawat nag-iisang indibidwal, kundi mayroon ding variety ang wika depende sa kung sino ang iyong gustong padalhan ng mensahe. Sa kabila ng kaliwanagang ito, may tanong pa rin akong susubukang sagutin. Bakit magkaiba ang wikang pasulat at wikang pasalita? Laganap na, lalung-lalo dito sa unibersidad ang sinasabing ponolohikal na variety ng wikang Filipino na nagsasabing ‘kung ano ang bigkas ay siya ring baybay.’ Kung pasalita lang naman ang pag-uusapan, hindi naman na talaga kailangan pang magtalo dahil sa nagkakarinigan at nagkakasagutan lang naman ang mga tao sa bawat pakikipagtalastasang kanilang gagawin. Pero kung ipapasulat mo na sa kanila ang kanilang mga sinasabi, lalu na sa wikang Filipino, at kung may susunod pa sa ponolohikal na variety na nabanggit, magkakaroon pa rin ng maraming pagkakaiba mga isusulat na salita. Halimbawa na lamang, maaari kong isulat ang salitang phonology sa wikang Filipino sa dalawang magkaibang paraan: maaari itong maging fonoloji o ponolohiya. Kung talagang ayaw pang manghiram, tulad ng ilang mga puristang Filipino, gagamit pa ako ng isang salitang “malalim” na maaaring katumbas ng nabanggit na salita. Kung susumahin, nagkakaroon pa rin ng mga pagkakaiba sa mga pagkakaiba ng wikang ating ginagamit. Nagkakaroon ng pagkakaiba sapagkat nagbabago ang kalayaan ng isang tao kung hindi niya ramdam sa isang sitwasyon kung kailangan niyang pansining maigi ang wikang kanyang ginagamit.



[1] “Diglossia,” huling binago noong Hulyo 01, 2012,
[2] “Diglossia in the Philippines,” huling binago noong Hunyo 05, 2007,
[3] “Diglossia,” huling binago noong Hulyo 01, 2012,

No comments: