April 21, 2013

Stative Verbs & Dynamic Verbs

Stative Verbs

Ang papel na ito ay nais sanang talakayin, at susubuking kuwestiyunin ang ikalimang kabanatang may pamagat na Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative. Nilinaw ng artikulo na nagkaroon na ng iba’t ibang pag-aaral tungkol sa mga pandiwa na humantong sa pagkakaroon ng klasipikasyon sa mga ito. Mula sa case study ni Blake noong 1906 hanggang sa syntactical derivation study ni De Guzman noong 1978, ang iba man ay kumplikado, nakatulong umano ang mga tarok ng isip mula sa mga pag-aaral na ito sa pagpapasimpleng bumuo ng klasipikasyon ng mga pandiwa ang may-akda. At iyon na nga ang Stative at Dynamic verbs. Inunang talakayin ng akda ang tungkol sa mga stative verb na nauukol sa kondisyon. Mula sa walong klase, gusto ko munang talakayin ang unang dalawa. Pumili ako ng isang halimbawang maaaring bigyang-suri mula sa unang klaseng (1) mga pandiwa na nauukol sa pagbabago ng condition o pagiging:

            10. Naging maliwanag ang paningin niya.
            ‘His/Her vision became clear.’

            11. Naging prinsipe ang palaka.
            ‘The frog turned into a prince.’

           
Nilinaw sa mga paliwanag na nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng paningin ng nauna, at pangangatawan at hitsura ng sumunod. Nagkaroon ng pagdidiin sa pandiwang naging bilang pagpapaalala na ito ay para lamang sa unang klase. Nagbago ang paningin. Nagbago ang pangangatawan ang hitsura. Nagkaroon diumano ng pagbabago sa kondisyon o becoming, tulad ng isinasaad ng artikulo na kahulugan. Ngunit tingnan naman natin ang mga halimbawa ng ikalawang klase (2) Destructive Verbs, na isang klase ng pandiwa na nagtatanda ng pagkagunaw o pagkawasak sa pamamagitan ng insekto, ng natural na puwersa, o ng aksidente, o sa madaling salita ay mula sa isang normal na kalagayan patungo sa pagkasira. Narito ang ilan sa mga halimbawang ginamit:

            15. Kakalawangin ang kutsara kung ibabad sa suka.
            ‘The spoon will turn rusty if it is soaked in vineger.’

           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

           
Simpleng-simple. Nasira ang kutsara. Nasira ang bahay. Nagkaroon din ng pagbabago sa kalagayan, tulad ng nauna. Mayroong negatibong epekto, bilang kaibahan, para sa ikalawa. Kung titingnang mabuti, mayroon ba itong ipinagkaiba sa ikalawa? Paano kapag bumuo ng pangungusap na ‘Naging makalawang ang kutsara.’ o ‘Naging sira ang bahay.’? Malinaw na sinabi ng akda na ang kahulugan ng unang klase ay nauukol sa pagbabago ng condition o becoming. Ang ikalawa naman ay nagbago ang kalagayan patungo sa pagkasira. Sa aking mga ibinigay na halimbawa, paano nang maihahanay ang pandiwang naging? Bakit ihiniwalay pa ang Destructive Verbs sa unang klaseng tungkol sa pagbabago naman pala ng kondisyon o becoming? Hindi ba’t ang pagkakaroon ng kalawang ng isang bakal na bagay ay pagbabago rin ng kondisyon kung titingnang mabuti? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang halimbawa mula sa unang klase na ‘Nangitim siya sa init.’ na mayroong pagbabago sa hitsura katulad ng pagkakaroon ng kalawang? Ano rin ang pinagkaiba nito sa ‘Namutla siya.’ na mayroong pakiramdam nang may sakit, at kung may sakit ay mayroon ding paunti-unting pagkasira ng katawan ng isang tao, ano pa’t nagmamarka ng pagiging destructive verb nito? May pinagkaiba rin kaya ito sa ‘Nagutom ang pusa.’ bilang pagkasira ng kalusugan? Paano kung sinabing ‘Nawala ang bubong ng bahay dahil sa bagyo.’ na maaaring magsabi ng pagkasira?

Nagbago ang kondisyon. Ito ang kahulugan ng unang klase. Nauukol sa kondisyon naman ang kahulugan ng stative verb. Kapag kinalawang ang isang bagay, hindi naman ito nalalayo sa pagkakaroon ng pagbabago ng kondisyon. Tama lamang na ikinategorya ito sa ilalim stative verb dahil sa nauukol nga naman ito sa kondisyon ng bagay na yari sa bakal ngunit nakalilito lamang isiping maaari itong ihanay sa unang klase (pagbabago ng kondisyon o becoming) dahil sa nagbago nga naman ang kondisyon. Mas mabuti kayang tanggalin na lamang ang ikalawang klase na destructive verbs dahil halos pareho lang din naman ang pinag-uukulan ng mga ito sa unang klase? Mula sa ‘Nabago ang tanawin.’ ng unang klase, magiging destructive pa ba ang ‘Nabago ng lindol ang tanawin.’? Nakabase na lamang ba sa konteksto ng pangungusap ang pagkakahanay ng pandiwa sa kanyang nararapat na klase? O ang pagdidiing ginawa sa mga pandiwa ay nakapaloob na sa kanya mismong kahulugan sa diksyonaryo?

Pareho namang nagbabago ang kondisyon sa dalawa, mayroong pagbabago sa hitsura at ang ibang pandiwa mula sa unang klase ay maaaring gamitin bilang destructive. Mas maigi siguro kung pagsamahin na lamang ang dalawang klase para maging iisa na lamang. Ang ganitong pagmumungkahi ay para sa mas kaunting mga kategorya para maiwasan ang pagkalito kung may mga nagkakahawig sa halimbawa at posibleng sa mga kahulugan

Isa pang klase ng klase ng stative verb na nais kong kuwestiyunin ay ang phenomenal verbs. Base sa artikulo, ang mga pandiwang ito ay may kaugnayan sa kagagawan ng kalikasan, tulad ng pagsikat ng araw, pag-ihip ng hangin at pagkislap ng mga bituin. Narito ang ilang halimbawa:

36. Inulan ang parada kahapon.
‘The parade was rained upon yesterday.’

37. Bumaha ng dugo sa digmaan.
‘There was bloodshed in the war.’


Malinaw naman sa lahat na ang klima at panahon ay dulot o natural lamang na gawa ng kalikasan. Hindi ito mapipigilan. Ngunit paano kung sinabi ko namang ‘Binaha ng bagyong Ondoy ang maraming kabundukan na nagdulot ng landslide.’? Nagkakaroon ba ito ng destructive na katangian dahil sa pagkasira ng lupa? Hindi ba’t dito sa konteksto ng Pilipinas, malimit na nakasisira ang baha, lalung-lalo na kung napakalakas nito? Maaari itong makasira ng lupa, ng mga daanan, ng mga tahanan, dahil lamang sa umaagos nitong tubig. Kapag nagkaroon ng baha, negatibo agad ang konotasyon para sa ating mga Pilipino, marami kasing nasisira o nababalitang nasisira. O mapupunta pa rin ito sa kategoryang phenomenal dahil sa natural namang umuulan kahit na maraming nagsasabing maaaring maagapan ang pagbaha? Maaari rin namang bumaha sa mga lokasyong walang nakatirang tao kaya pupuwede kayang maging natural na sakuna pa rin ang pagbaha?

Hindi naman lahat ng phenomenal na pandiwa ay destructive pero may mga iilan pa ring maaaring isama sa destructive verbs. Maaarin umulan ng acid rain na destructive, maaaring humangin nang pagkalakas-lakas na makapagpapalipad ng mga bubong at makapagpapagalaw ng malalaking tangkay, maaaring umaaraw lang pero pagkainit-init na maaaring makapagpatuyo ng lupa at makasira rin. At papaano pa ang mga pagputok ng bulkan, paglindol at pagbagsak ng bulalakaw galing sa kalangitan na kapwa mga natural na sakuna? Lahat ng mga ito ay destructive at hindi rin naman mailalayo sa pagiging phenomenal. Paano na lamang silang maihahanay? Dedepende na lamang ba ang pagkaklase ng isang pandiwa sa  antas o grado ng pagkasirang idudulot nito? Maaari rin naman kasing bumaha o lumindol ngunit walang nasira. Kaya ba ihiniwalay na lamang ang mga natural na kalamidad para hindi na lamang pag-usapan pa ang antas ng pinsalang maaari nitong dalhin? Nagkakaroon kasi ng pagkakatagpo o pagkakapareho sa ilang mga pandiwa katulad ng mga nabanggit kong halimbawa sa pakahulugan ng destructive verbs. O babalik na naman tayo sa konseptong ang pagkakategorya ng isang pandiwa ay nakabase pa rin sa konteksto ng pangungusap at hindi na lamang sa kanyang kahulugan?

Atin namang pag-usapan ang tungkol sa mental at psychological verbs. Ipinakahulugan ng artikulo na ang mental verbs ay nauukol sa mga prosesong nangyayari sa loob ng kaisipan, tulad ng pagkatuto, pagkaunawa, o pagiging maalam. Isinama pa rito ang pagkukunwari bilang ibang tao ay isa ring mental na proseso. Para naman sa psychological verbs, ito raw ay mga pandiwang may kaugnayan naman sa kalagayan ng mga damdamin tulad ng galit o lungkot. Kapag mayroon ding kinokonsidera ang isang tao na bagay bilang mabuti o madali ay sinasabi ring isang psychological na pangyayari. Nais kong kuwestiyunin ang bahaging ito sapagkat ang sikolohiya ay hindi lamang nalilimitahan sa takbo ng damdamin. Hindi rin naman maitatangging ang mga nararamdaman ng isang tao ay may kaugnayan din sa kanyang mga iniisip. Kaya paanong maiihiwalay ang damdamin o pagkokonsidera ng isang bagay na mabuti sa mga proseso ng kaisipan? Ang sikolohiya ay mayroong malaking sakop kung saan nakapaloob din ang mga mental na proseso. Maaari sigurong palitan ang katawagan ng psychological verbs o kaya naman ay pagsamahin na lang din ang dalawa at ikategorya na lamang bilang simpleng psychological na mga pandiwa bilang nasa ilalim din naman ang mental na proseso sa larangang ito.

Mayroong mga pagkakahawig sa kahulugan. Mayroon ding mga pandiwang maaaring ihanay sa dalawang klase, at depende rin ito sa kung gaano katindi ang nakapaloob sa konteksto ng pangungusap. Hindi malinaw sa mga ibinigay na kahulugan at halimbawa kung ibabase ba ang paghahanay ng isang pandiwa sa kanyang kahulugan o sa kontekstong kanyang kinabibilangan. Ang mga ito ay nagdudulot lamang ng mga pagkalito na maaaring makasira sa nabuong mga klasipikasyon. Magkaroon sana ng mas malinaw o mas detalyadong pagpapakahulugan. Subukan ding gumamit ng ibang bagay bilang object kung magbabago pa ba ang klase ng isang pandiwa. Maaari ring tingnan ang mga posible pang mga halimbawa kung maaaring ihanay o tumutugma ang pagpapakahulugan sa bawat depinisyon ng bawat klase ng stative verb.

Dynamic Verbs

            Kaiba naman sa stative verbs, ang dynamic verbs ayon sa artikulo ay sinasabing mga pandiwang naghahayag ng aksyon. Narito ang ilang halimbawa ng objective verbs (sa ilalim ng dynamic verbs) na sinasabing mga pandiwang mayroon parating direct object o tagatanggap ng aksyon:

4. Magluluto ang nanay ng ulam.
            ‘Mother will cook the main dish.’
           
            5. Kumuha siya ng pagkain.
            ‘He got some food.’


            Kitang-kita naman na tinanggap ng ulam ang aksyong magluluto at ng pagkain ang pandiwang kumuha. Kapag bumuo ako ng pangungusap na ‘Niluto ang ulam.’ o kaya ‘Kinuha ang pagkain.’, objective pa rin ang mga nagamit na pandiwa kahit na walang tagagawa ng kilos dahil meron pa ring tagatanggap. Nakadiin sa tumatanggap ng kilos, hindi man malinaw ang may dahilan, ang mga objective verb. Ngayon, tingnan ang halimbawang kinuha ko naman sa phenomenal verbs (mula sa stative verbs):

            36. Inulan ang parada kahapon.
            ‘The parade was rained upon yesterday.’


            Maaari rin akong bumuo ng iba pang pangungusap katulad ng ‘Binaha ang lungsod.’ o kaya naman ay ‘Hinangin ng bagyo ang bubong nila.’ Ang mga pangungusap na ito ay phenomenal, base sa mga depinisyong inilatag kanina sa mga naunang bahagi at kasabay niyan ay ang pagiging objective. Napapailalim sa dalawang nangungunang klase ng pandiwa mga inihaing halimbawa ng pandiwa. Kapwang mayroong nakapaloob na aksyon at kagagawan ng kalikasan. Paano na lamang sila maihahanay? Maaari bang nasa dalawang pinakaklase ng mga pandiwa sa Filipino ang isang pandiwa? Narito pa ang ilang halimbawa na galing naman sa destructive na klase:
           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

            17. Tinupok ng malaking sunog ang sambayanan.
            ‘The big fire burned down the whole town.’


            Maaaring pan-stative pa rin ang dating ng mga inilagay kong mga kasunod na pandiwa dahil mukhang wala nga namang nangyaring aksyon ngunit mayroon pa ring mga tumanggap ng kilos. Tinanggap ng sambayanan ang tinupok at ng bahay ang nagiba. Kung malinaw sa mga pangungusap na mayroong aksyon at mayroong tumanggap ng aksyon, maaari kayang ihanay ang marami sa destructive verbs sa ilalim ng objective verbs? Masisira ba nito ang binuo pang dalawang magkaibang klase ng mga pandiwa (stative vs dynamic) kung maaaring ihanay sa dalawa ang ilang salita? May malaki bang pagkakaiba ang ‘Kinagat ang burger.’ at ‘Giniba ang bahay.’? Paano naman ang halimbawang ito na nasa ilalim ng directional verbs (dynamic):

            16. Hinugasan niya ang pinggan.
            ‘He/She washed the plate.’


            Ayon sa artikulo, ang directional verb ay isang pandiwa na patutunguhang direksyon. Madali rin daw itong malaman kung -an-verb ang nangyayaring kilos. Lahat ng mga natirang halimbawa sa ilalim ng directional verbs ay mayroong direksyong patutunguhan. Inihahayag ba ng hinugasan na patungo ang aksyon sa pinggan? Ano pang pinagkaiba ng halimbawang ito sa objective verbs? At ito pa na galing naman sa locative verbs (dynamic):

            36. Naghugas siya ng mga baso (sa palanggana).
            ‘He/She washed the glasses (in the basin).’


            Inilahad ng kahulugan ng locative verbs (dynamic) na may mga halimbawang pandiwang naghahayag ng aksyon na kailangang mangyari sa isang lugar. Ibig sabihin, may mga pandiwa raw na kumakailangan ng lugar na pangyayarihan. Sa pagkukuwestiyong ito, iisang pandiwa lamang ang aking napuna (hugas). At kung susundin natin ang marahil na pinag-uukulang atensyon ng stative verbs para sa kanyang kahulugan, na base na rin sa kanyang mga ibinigay na halimbawa, maaari bang tingnan ang pandiwang hugas  sa kanyang kahulugan sa diksyonaryo para mas madaling maihanay sa kanyang tamang klase? Bakit noong hinugasan ang pinggan ay hindi kinailangan ng lugar ng paghuhugasan? Kapag naging nag- verb na lamang ba puwede ito katulad ng ‘Nagluto ng litson sa kawali (sa kusina)? E papaano naman ang ibinigay na halimbawa galing sa objective verbs na ‘Magluluto ang nanay ng ulam.’? Mauulit na naman ba ang paglalagay sa dalawang klase ng iisang pandiwa? Nakalilito kung titingin ba sa kahulugan ng pandiwa, o sa tatanggap ba ng aksyon, o sa kahulugan pa ba ng klase ng pandiwa. Nililinaw din ng artikulo na maaari pang makatulong ang pagtingin sa panlapi ng mga pandiwa:

            Pandiwa                        Panlapi

  objective               mag-, -um-, mang-, mag-...-an, -in-, 
                                    makipag-...-an
           
  directional                    mag-, -um-, mang-, i-, -an, -in-

 benefactive                    i-, ipag-

 causative                      pa-, ika-, ikina-, na-, ipina-, 
                                        nagpa-, nag-

 instrumental                 ipang-, ipinang-, nag-

locative                         nag-, -um-, -in-, ipa-, i-...-in-

           
May mga pandiwang madaling matandaan dahil sa angking kahulugan katulad ng nanggaling para sa locative at nagbigay para sa directional. May mga pandiwa namang makikita sa anyo dahil sa taglay na panlapi katulad ng ipag- para sa benefactive at ipang- para sa instrumental. Ang iba naman ay maaaring matukoy depende sa konteksto o iba pang bahagi ng pangungusap tulad ng sa pamamagitan ng- para sa instrumental at dahil sa- para sa causative. Maaaring alamin ang klase ng pandiwa sa iba’t ibang paraan kung titingnang mabuti ang mga ibinigay na halimbawa at kahulugan ng artikulo.
           

Kung mukhang nakatuon sa taglay na kahulugan ng pandiwa ang magkaklasipika sa stative verbs, bakit sa iilang halimbawa lamang ng dynamic verbs ito magagamit? Babalik at babalik pa rin ba sa konseptong makatutulong ang ibang bahagi ng pangungusap para mas madaling matukoy ang klase ng pandiwa? Nagmumukha kasing sa kalakhan ng mga halimbawang pangungusap na inihain ng artikulo para sa bawat klase ng pandiwa, mula sa mga stative patungo sa mga dynamic, magkaibang-magkaiba ang basehan sa pagtukoy ng klase ng isang pandiwa. Nilinaw na kanina na mayroong iba’t ibang paraan. Ngunit iisa o dadalawa lamang sa mga paraang ito ang makikita sa mga halimbawa ng stative na halos lahat ay purong kahulugan ang pinagtuunan ng pansin. Mas nakikita ang pokus ng pandiwa sa mga klase ng dynamic verbs. Kinakailangan pang tingnan ang panlapi o mga kasama nitong salita sa loob ng pangungusap para lamang malaman kung saan ihahanay ang pandiwa. Sinisira ng ganitong pagbibigay-pakahulugan ng dynamic verbs ang naunang inilahad ng stative verbs. Maraming pandiwa tuloy ang maaaring maisama sa higit sa isang grupo. Maaari naman pero ang proseso sa kung paano natukoy ang iba’t ibang klase ay hindi nagtutugma.


Kabanatang sinuri:

Cubar, E. H., Cubar, N. I. “Chapter 5: Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative”. Writing Filipino Grammar: Traditions & Trends. Quezon City: New Day Publisher. 1994.

No comments: