hindi na kayang tanggapin ang hindi ko
kayang pagtanggap sa akin. alam ko,
alam ko, alam kong ako lang 'to.
sorry, sorry, at sorry. hindi ko kailangang
mandamay. hindi ko naman maiintindihan.
hindi ko rin maipaliwanag. walang dapat
makialam; wala naman ding pakinabang.
kung ano man 'tong mabigat sa dibdib,
dalahing dalanging daramhin hangga't
himlay lamang, nawa'y kung anong
sipag umalala, siyang biglaang babawiin.
sa panaginip ko na lamang kayang pahinain
ang loob, makitang maging taong muli.
pinagbibigyan ang sariling salaminin
ang mga sanaysay na wala namang saysay.
uunawain ang mga salita upang wala nang
malito pa. takot pa rin ako sa galit. takot
sa nalilito. takot sa kung may biglang
malabo, hindi na agad totoo.
sa panaginip ko na lamang kayang mapagod,
tutal nasa tulog naman ako, nasa espasyong
maaaring manahimik, maaaring hindi
makihalubilo. gulanit nang lumakas sa
panumbalik na lumakas. walang-hiyang
hahayaan ang hiyang hahayaang manghina
magpahanggang sa kung ano ang aking nais,
sa kung ano pa ba ako, sa pagod ko sa aking
sariling ako ang lalambing, sa lumuluha kong
sarili habang humihimbing.
No comments:
Post a Comment