August 2, 2024

II

Dati, mayroon pang umiikot na jeep sa loob ng subdivision na tinitirhan namin. Mag-uumpisang pumasok ang unang jeep ng umaga nang madaling araw. Matapos ay every after 15-30 minutes or so, mayroon na muling papasok at mag-iikot na isa. Ganito lang mangongolekta sa amin ng pasahero ang mga jeep na nakadestino papuntang Alabang.

Para sa mga pumapasok na lumalabas ng aming probinsya, nasa Alabang na siguro ang pinakamalapit na makapagpapalayo sa amin. Marami nang terminal ng kung anu-ano rito para sa mga susunod pang destinasyon. Nasanay na lang akong sumakay nang ilang beses sa makailang sasakyan bago ako nakakarating sa gusto kong mga puntahan. Patid din sa mga pagbiyaheng ganito ang palagiang paggising nang maaga o kaya'y pagtantyang dapat na aabutin ng tatlo o apat na oras palagi ang idyadyahe dahil lamang din sa pagkonsiderang maiipit ka palagi sa traffic, no matter what. Inaasahan ko na lang madalas na mayroong mangyayaring hindi ko inaasahan.

Para naman sa mga jeepney driver na pumapasok sa amin, ang pagsalok pa ng mga pasahero para sa akin ay kakaibang gastos sa gasolina kumpara sa kung dumiretso na lang sa terminal ng mga jeep (oo, meron ding terminal ng jeep, isang sakay lamang ng tricycle mula sa amin). Bad trip din para sa mga tricycle driver na sanang naghahatid at dagdag-kita pa.

Ang ikinaganda lamang siguro ng paglibot na ito e yung pagkakataon ng mga naunang nasundo na maikot at makalikom sa maliit naming subdivision. Pagkakataon para makita nila ang bahay ng mga kakilala nila, mga kantong kinagisnan, mga puno at halamang miminsan na ring naging kaligiran sa paggala, mga tinubuang tambayan, mga asong kilabot, sari-saring sari-sari, mangilan-ngilang ilangan, nawawala nang mga alaala.

Sa pagpasok ng jeep ay saka ito maya't mayang bubusina sa bawat lilikuang street. Nasa may main road at daanang kanto lang din malapit nakatayo ang aming bahay kaya dinig ang peryodikong beep-beep na ito. Tinamaan lang yata talaga ako ng magaling dati dahil may isang araw na naisipan kong kawayan sa malayo pa lamang ang driver bilang senyas na maghintay siya dahil sa kunwaring may sasakay mula sa amin.

Tumakbo agad ako pabalik sa aming gate, tuwang-tuwa sa kabulastugan ng aking prank. Tiyak, maghihintay yun si manong, hahaha! (Oo, tumatawa rin ako sa aking isip.) Bumalik lang din ako sa kung ano pang mapagdiskitahan ko sa bahay dahil wala naman akong pasok. Makalipas siguro ang ilang minuto'y tinamaan naman ako ng konsensya at inisip kung naghintay nga bang talaga si manong? Tumakbo akong pabalik, palabas ng aming gate dala ng kaunting panic at dismaya sa sarili.

Paglabas ko'y nakatengga nga ang jeep sa may kanto! Naghihintay sa wala. Ngayon ay hindi naman ako puwedeng umamin sa kanya na tinarantado ko lang siya, 'no? Bagkus, sumenyas ako ng wala at sumigaw ng, "Hindi na po pala! Hindi na raw po!" sa driver, habang umiiling-iling pa. Kinunutan lamang ako ng kilay ng driver saka padabog na kinaldag ang kanyang kambyo, na para bang may kasalanan ako sa kanya. Kasalanan dapat 'yon ng gawa-gawa kong multo, 'di ba? Pero bakit sa akin siya nagalit? Bakit inasahan kong mapapangiti lamang siya kasi hindi na kinaya ng pagmamadali ang hinihintay niya? May saltik nga bang talaga 'ko sa utak?

Umarangkada na ang jeep at nagpatuloy nang muli sa pagbusina, umaasang mas makatsamba pa ng tunay na pasahero. Hinding-hindi naman talaga tayo makukuntento sa mga imbento.

No comments: