Idinagdag ko pa sa pagtataka na baka ginagawa nila ang pagmamarkang ito habang nakasakay rin sa umaandar na sasakyan (kasi nga tuluy-tuloy lamang madalas ang trapiko sa expressway), at mayroong nakatakdang mga segundo 'pag ibababa na nila ang brush, maging sa pag-angat nito. Ang pagbaba-angat na mekanismo ay sobrang calculated ng mga nagmamarka, na hindi ko rin inisip na baka computer o robot lang dapat ang makakagawa nito.
Laking tiwala ko lang dati madalas na kayang gawin lahat ng tao, dahil halos lahat naman ng nakikita ko, saan man mapadpad ang paningin ko, ay gawa rin lang ng tao. Mula roon ay nung ipinagpatuloy ko pa ang aking wild guessing sa kahiwagaan ng mga marka sa expressway, hindi maaaring walang magpapatuyo sa mga ito dahil syempre, alam ko rin namang basa ang bagong-lagay na pintura, 'no! Ano 'ko, tanga?
Kakailanganin na ng pangalawang set ng sasakyan. Sila naman yung mga tagapagpatuyo ng pintura, at nakasunod lamang sila lagi sa tagamarka ng pintura. Sa tuwing may magagawang bagong kalsada, o kaya'y mga naaagnas nang marka, sila ang tinatawagan ng gobyerno. Hindi sila pinagtatrabaho nang gabi (kasi madilim) at sa tuwing tag-ulan (well, kasi obvious naman!). Normal din naman ang pahinga nilang mga araw tuwing weekends, at hindi na rin sumagi sa isip ko kung mauubusan ba sila ng trabaho kasi palagi namang mayroong pinapagawang mga kalsada ang kung sinong namamahala na walang mapagkagastusan nung mga araw na 'yon.
Lahat ng mga inisip ko'y lalong nagkandagulu-gulo nang makita ko na ang mga sumunod na marka: mga buo nang salita, na hindi na lamang basta mga linya ng dilaw, itim, at puti. Mas magagaling pang trabahador ang kakailanganin nila rito? Lalo ko na lang tinibayan ang kumpyansa ko sa mga tao na baka naman tinuro din sa kanila yun sa school. O baka naman mayroong mga makina na kayang pumukol agad ng "stamp" ng isang bloke ng mga salita, kagaya ng ipinangmamarka sa aking kamay kapag nakakakuha ako ng star sa school. At kagaya rin ng nauna kong teorya, syempre meron din dapat itong kasunod na tagapagpatuyong pangkat.
Sa may bandang dulo't pila ng toll gates, nagmabagal na ang sinasakyang jeep. Sa may 'di kalayuan ay dumarami na ang orange cones na nadaraanan. Nakaharang ang mga ito na nagsasabing bawal dumaan ang mga sasakyan sa partikular na espasyong ito. Doon ko lang napagtanto kung paano ako nagsayang ng ilang minutong pagkamangha't pagtataka para sa katanungang masasagot din naman pala sa dulo ng aming biyahe.
No comments:
Post a Comment