March 12, 2011

Bano II

Hindi ko talaga naisip at inasahang mangyayari ito.

Nasa third year high school ako at oo, wala pa akong kahit na anong ideya tungkol sa pag-ibig at sex. Napakainosente pa noon ng aking diwa sa mga kabalastugan at kung anong paghahanap ng kakuntentuhan sa buhay. Sa tingin ko'y masyado akong inilayo ng aking mga magulang sa ganitong mga bagay na hindi namin din mapag-usap-usapan sa loob ng aming bahay. Masyado nila akong pinrotektahan sa mga bagay na inisip nilang makasasama sa aking paglaki, habang ako ay unti-unting lumalakad paharap sa totoong mundo, hindi naman yata nila napapansin kung tama ang kanilang ginagawa o iniisip kung protektado pa rin kaya ako sa mga kinakatakutan nila. Parati nila akong sinusundo galing paaralan, lagi silang pinagtitinginan ng aking mga ka-batch, mga kaklase, dahil sa kanilang napakamapagmasid at matataas na mga pagtingin, lalo na sa mga lalaki. Lagi silang ganoon, simula pa noong bata ako. Noon, hindi ko pa maintindihan at okay pa para sa akin, hanggang sa ngayong nasanay na akong hindi nakikipag-usap sa mga lalaki. Pag may lumapit sa aking lalaki e nagugulat ako at kinakabahan. Hindi ko alam kung paano akong magsasalita, kung paano ko silang kakausapin. Ibang paraan ba, hindi tulad sa mga babaeng kausap ko? Hindi ko masabi. Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung gusto ko. Siguro masasabi ko sa sarili kong malungkot ako sa ibang mga pagkakataon at madalas mabagot dahil sa palagiang pag-iisip kung ano kayang pakiramdam ng normal na pakikipagpalitan ng karanasan sa isang lalaki. Madali na akong mabagot sa walang sawang pakikipagkuwentuhan sa mga katulad kong babae, hanggang sa isang gabi'y may nag-text sa akin na isang estudyante.

Christmas vacation noon; isang gabi, at napakarami ko pang gawain sa paaralan noon na kailangan ko pang tapusin pero naisip ko na lang munang magpahinga mula sa isang magdamagang pagsusulat at pag-aaral, inihiga ko na ang aking ulo sa malambot kong unan. Napansin kong buong araw kong hindi nagamit ang aking cellphone simula nang ako'y gumising kaninang umaga kaya nama'y madali kong kinuha ito at humiga na ulit sa aking kama.

Nasorpresa naman ako at isang message lang ang aking natanggap. Walang kung anu-anong pesteng pakulo ng aking sim. Iisang mensahe na lang iyon kaya madali ko naman itong binuksan. Galing ang mensahe sa isa sa mga kaklase kong lalaki, hindi ko alam kung bakit kinakabahan pa rin ako kahit na tulog ang aking mga magulang at hindi naman nila mababasa iyon kung buburahin ko agad; I love you kasi ang nakalagay. Hindi ko naman alam kung bakit kaba at hindi pagkagulat o galit ang aking naramdaman sa lalaking iyon na nagse-send ng ganoong uri ng mensahe sa kung sinu-sino lamang. Hindi ko rin naisip na sumagot ng Shut Up o GTFO ngunit Talaga? pa ang aking ini-reply. Interesado nga ba ako sa nararamdaman niya, sa nararamdaman ko ngayon?

Ang bilis ng kanyang reply at binuksan ko kaagad ang sumunod niyang mensahe. Nagbibiro kaya siya? Nagkamali lang kaya siya ng pinadalhang tao? Hindi nasagot ng oo ang aking mga tanong nang nabasa na ang kanyang sagot. Sinabi niyang totoo ang kanyang sinasabi pero pagod na talaga ako noong gabing iyon kaya hindi na muli akong sumagot pa at itinulog ko na lang ang nangyari.

Kinabukasan, mayroon siyang I love you sa bawat mensaheng isine-send niya sa akin. Hindi ko naman na inalala ang mga I love you na iyon kasi nalilibang naman ako sa pakikipag-usap sa kanya at sobrang saya ko kasi nakakapagsalita na ako sa isang lalaki nang ganoon katagal. Nagkuwento naman kami nang kaunti tungkol sa aming mga sarili, ibang mga karanasan, nagtanungan bawat oras kung anong ginagawa ng kausap namin, kanyang patuloy na pagsasama ng I love you sa bawat mensahe at sa pagbibilang ko sa kanila. Pakiramdam ko at ng aking wallet na halos kalahati ng aking vacation allowance ay nagamit at naubos sa pagpapaload ko linggu-linggo pero hindi naman ako nagsisi kasi nagkaroon na ako ng karanasan na may isang lalaki.

Papalapit na ang pasukan. Natapos ko na ang lahat ng aking mga pesteng problema sa eskuwelahan at sabik na akong makita siya. Pagpasok ng paaralan, nakita ko siya pero hindi ko masabi kung bakit ako kinakabahan. Akala ko mas madali kaming makakapag-usap at makakapaglapitan dahil sa marami na kaming naibahaging mga karanasan, usapan, biruan sa bawat isa. Akala ko makakalapit na talaga ako pero parang ang hirap niyang lapitan kahit na nahihiya, napapangiti at kinikilig ako sa tuwing naririnig ko ang kanyang boses at nagkakasabayan kami ng tingin. Kahit na hindi rin siya makalapit sa akin, natuwa naman ako sa unti-unting pag-ikli ng distansya sa pagitan naming dalawa sa bawat araw na lumilipas.

Sa aming huling asignatura para sa huling araw ng linggong iyon, narinig kong tinawag niya ang aking pangalan sa loob ng aming kuwarto. Kinilig at nahiya na naman ako at hindi tumigil ang puso ko sa pagtibok nang sobrang lakas, sobrang bilis, parang puputok, parang gustong tumakbo, kumawala, habang siya ay lumalapit sa akin, ako, nakatayo lang, naghihintay, nakangiti. Binigyan niya ako ng libro at sinabi niyang regalo niya raw iyon para sa Pasko at humingi pa siya ng tawad sa pagiging huli ng kanyang aginaldo para sa akin. Natawa naman kaming pareho sa sinabi niyang iyon at unti-unti kaming naglabas ng mga salita, hanggang sa mga pangungusap, hanggang sa nagbabatuhan na kami ng mga kuwento, tawa, ngiti. Naging madalas na ang aming pagkikita sa paaralan nang sumunod na linggo. Siya ang aking unang kaibigang lalaki.

Lalo pang tumindi ang nararamdaman namin sa isa't isa noong araw na gagawa kami ng group project sa bahay ng aming kaklase. Halata na naman siguro ng aming mga kaklase kung anong meron sa pagitan naming dalawa kaya nakapagplano sila ng kung ano. Hindi ko alam kung paano nila kami ini-lock sa loob ng kuwarto ng aking kaklase, habang hinihila ang kabilang hawakan ng pintuan para hindi kami makalabas. Wala na ring silbi ang kanyang pagtulak sa pintuan kaya binitawan niya na lamang ito at dahan-dahang lumapit sa akin. Hinawakan ng kaliwa niya ang aking kanang kamay at kinakabahan niyang tinanong kung okay lang ba kung hawakan niya iyon at kung okay lang din na ako ang kanyang maging date sa darating na prom. Ngumiti ako, kahit kinakabahan din at pumayag sa kanyang alok. Nag-usap na lamang kami, habang magkahawak-kamay hanggang sa magsawa na ang aming mga kaklaseng magguwardiya-guwardiyahan. Inihatid niya ako noon malapit sa pagsusunduan sa akin ng aking magulang. Buong araw akong kinikilig noon hanggang sa pagtulog.

Dumaan ang prom. Masaya kaming dalawa. Masaya ako. Hindi naman pala nakakatakot.

Sa huling araw ng mga klase, nakita ko siyang nakaupo sa isang sulok ng aming kuwarto. Nanginginig ang kanyang buong katawan at namumula ang kanyang mga mata. Parang may itinatago siya sa kanyang mga kamay ngunit hindi ko naman ito masilayan at masigurado. Lumapit ako sa kanya ngunit sumigaw siyang huwag na akong lalapit pa kung ayaw kong mamatay. Tinanong ko kung anong problema niya sabay sabi ng magiging maayos ang lahat. Tumulo na ang luha sa aking mga mata sapagkat hindi ko na maintindihan kung anong mayroon, kung anong nangyayari. Pilit niya akong inilalayo sa puwesto niya, pilit naman ako sa pagsubok ng paglapit sa kanya, sa pag-iyak, sa pagtataka. Sinabi ko ulit sa kanyang magiging maayos ang lahat at humakbang papalapit. Nang marinig niya ulit ang aking pagtapak, sumugod siyang papalapit, isinaksak ang maliit na balisong sa aking dibdib. Sa bawat hakbang ko ng isa pa, itinutulak niya ang isinaksak. Nanginginig sa gitna ng aking dibdib ang kanyang kamay, habang siya'y nakatingin sa akin, mulat ang pulang mga mata, galit na galit. Sa bawat iyak, tulak; bawat hakbang, baon; bawat hawak, bulyaw, baon. Hindi na ako makagawa pa ng kahit na anong ingay, pero alam kong umiiyak pa rin ako. Nanlabo na sa mga mata ko ang aking luha, dahan-dahang naibsan ang sakit sa aking dibdib, pakonti-konting gumaan ang aking pakiramdam, bumigat nang bumigat ang aking diwa, nanlabo na ulit ang aking paningin. Unti-unti niyang ibinaon sa aking puso ang patalim, wala na akong pakialam, ibinibigay ko na ang aking sarili, nanlabo na ang lahat sa akin, paningin, pandinig, paghinga, katotohanan, ni wala akong narinig na I love you bago ako mawalan ng malay.

~

Sa huling araw ng mga klase, nakita ko siyang nakatayo sa gilid ng blackboard, nakangiti sa akin. Kinilig naman ako at ngumiting pabalik. Nagngitian na kami kaya alam kong lalapit na ako sa kanya, lumakad na ako papalapit. Iniunat niya ang kanyang mga braso, akmang papayakap, habang ako'y lumalapit, bumilis ang aking paglakad, gusto ko ring mayakap, yumakap. Pag-abot ko sa kanyang dibdib ay niyakap ko na rin siya, ayaw ko nang matigil ang ganoong mga sandali para sa amin. Ayaw ko nang matapos, hindi ko masabi kung kailan ko gustong tumigil, magbago. Unti-unti kong naramdaman ang pagbaba ng kanyang kanang kamay sa aking likod. Sabi ko sa sarili ko, ayan na naman siya. Pero, pinabayaan ko na, masarap na kasi sa pakiramdam, wala nang pipigil pa sa amin, sa gusto namin. May kinukuha siya sa kanyang bulsa, pero hindi ko na rin tiningnan para kunwari nasorpresa ako. Naramdaman kong inilabas na niya ang kanyang dinudukot kanina sa kanang bulsa, tapos isinaksak niya sa tiyan ko. Nagulat ako, tumingin ako sa kanyang mukha, nakangiti, walang takot, walang pakialam. Pilit niyang ibinaon ang talim sa bawat pilit kong paghugot nito. Hindi ko magamit ni kaunti ang aking boses sapagkat sa bawat subok kong magsalita o sumigaw e pumipilipit sa sakit ang butas sa aking tiyan. Sinubukan kong itulak mula sa kanya ang aking sarili, at hinugot naman niya ang kutsilyo, sabay saksak sa kabila. Hindi ko na alam ang gagawin ko, nanlalabo na ang paningin ko. Naging sunud-sunod na ang pagsaksak niya sa akin, pinabayaan ko na lang siya, hindi na ako lumaban. Hindi ko na siya ulit narinig pa noong araw na iyon, nakita ko naman siyang ngumit at niyakap niya rin naman ako. Hindi na masakit ang pagbagsak ko nang bitawan niya ako pagkatapos tadtarin ng saksak. Pinilit kong buhatin ang aking ulo pero wala na rin akong nakikita. Nasorpresa nga ako.

No comments: