March 12, 2011

Im-Im--Im

Bigla na lamang akong nagising. As in biglang paggising, biglaang pagmulat ng mga mata, huminga ako nang napakalalim ngunit hindi ko maisip kung bakit hindi ko sinubukang sumigaw ni magsalita. Hinigop paloob ang diwa ko habang unti-unti akong nagkakaroon ng ideya kung anong mayroon sa aking paligid at nagkakaroon ng malay. Tumingin ako sa kaliwa, madilim, malungkot; sa kanan, walang kuwenta, natatakot na ako. Napansin kong hindi lang ako nasa loob ng isang kuwarto, kundi nasa isang napakalaking kuwarto. Ang bawat pader ay humahaba at lampas pa sa kayang abutin ng aking paningin. Halos kulay semento at itim lamang ang aking nakikitang mga kulay. Nakaramdam ako ng lungkot, ng kawalan ng kaibigan, ng makakausap, ng tao. Hindi ako sanay sa lugar na wala akong nakikitang tao, ni walang bakas ng buhay ng halaman o hayop, sinag ng araw, anino ng malalaking mga puno at ulap, masarap na simoy ng hangin. Mahangin, naririnig kong mahangin sa loob pero hindi ko alam kung saan nanggagaling ang nagdudulot ng maginaw na pakiramdam. Kapapansin ko lamang na ako'y nakahiga kaya sinubukan kong buhatin ang aking sarili. Ginamit ko ang aking kanang braso bilang panulak pataas mula sa sahig na aking kinahimlayan. Bigla akong napasigaw nang malakas ngunit tumagal lamang ng isang segundo at may kung anong pwersa na naman ang humigop papaloob sa akin. Mabilis na nagdilim ang aking paningin.

Bigla akong nagising. Hindi maawat ang pagtulo ng pawis mula sa aking ulo at katawan. Sinubukan kong punasan ang malalamig na pawis ngunit sa aking bawat pahid ay hindi ko maramdaman ang basa, ang tubig ng aking pawis. Napansin kong tuyo naman ako pero pagod na pagod ang aking katawan at matagal kong pinilit na pigilan ang paghahabol ng hininga. Panay kulay semento na ang aking nakikita, isang napakalaking kuwarto, walang mga pintuan at bintana, walang dulo ang mga pader. Lubhang napakalalim ng aking ibinagsak kung sakali mang binitawan ako rito. Sa aking pagbangon ay gumulat sa aking mga paningin ang sandamukal na mga hagdanan. Ang mga hagdanan ay kulay itim, gawa sa metal, mukhang kalawang ngunit malayo sa pagbigay. Hindi ko rin matukoy ang magkabilang dulo ng bawat nakita kong hagdanan. Hindi ko masabi kung may magkakadugtong man sa kanila o wala. Hindi lamang nanatili sa iisang taas ang bawat hagdanan, hindi naging pantay-pantay ang kani-kanilang mga tapakan, nagtaas-baba ang bawat sampu o dalawapung hakbang, saka tataas ulit at baba. May mga nakasingit ding mga paikot na daan. Walang makitang parisan o muwestra sa bawat hakbang, at ang dami-dami nila. Sa gulo at hirap ng disenyo ng mga hagdanang ito'y wala man lang akong nahanap na hawakan sa magkabilang gilid. Wala akong maintindihan. Gusto kong maghanap muli ng tao at ibinuka ko ang aking bibig upang sumigaw. Parang may humila sa aking likod, hindi ko alam kung bakit hindi ako lumaban at hindi ko naisip na magpumiglas, unti-unti akong nawalan ng malay.


Nagising ako sa aking boses. Naghahabol pa rin ako ng hininga at pawis na pawis ako. Sa lamig ng aking katawan ay pinunasan ko nang madali ang aking pawis at tumayo mula sa aking puwesto. Ang sakit-sakit ng ulo ko. Medyo madilim na nga ang nakikita ko, pabigat pa nang pabigat ang ulo ko. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata. Sa aking muling pagdilat, sumambulat ang napakaraming hagdanan. Iba't ibang hugis, haba, at hindi ko malaman ang bawat dulo. Kinamot ko ang magkabila kong mata, hindi ko alam kung bakit ko ginawa iyon pero nakikita ko kasi sa TV kapag nakakakita yung mga tao ng hindi kapani-paniwalang mga bagay. Pagbaba ng aking dalawang kamay, hindi na muli akong makagalaw. Kaya ko namang umatras at umabante ngunit hindi naisip na umurong patagilid. May tao na bigla sa aking harap, mayroon din sa likod. Sinubukan kong tingnan ang aking paligid; napuno ng tao ang mga hagdanan at ni isa sa mga pila ay hindi umuusad, ni walang gumagalaw at nagrereklamo. Nasa isa sa mga hagdanan na rin pala ako. Hindi ko naman maitulak ang taong nasa harapan ko, ni hindi makabuwelo patalikod. Hindi ko malaman ang aking susunod na gagawin. Naisip ko na lamang na tanggalin ang pamatong ko sa aking pantaas at ako'y napasigaw sa sakit paghawak ng aking kaliwang kamay sa aking tatanggaling jacket. Nakita ko ang aking kaliwang hinlalaking bali, nakadugtong pero baling-bali. Panandalian lamang ang sakit, o nagulat lamang ako sa pagkabaling muli ng aking hinlalaki. Tiningnan ko ang aking hinlalaki, ang aking kaliwang hinlalaki, ang pesteng baling-bali na hinlalaki.


Nagliwanag sa aking isipan ang lahat ng nangyari. Tapos bigla na lang na may narinig akong isang napakalalim na boses habang bumabalanse sa pagitan ng dalawang taong naghihintay ng wala, "IKA-TATLONG LIBO'T SIYAM NA RAAN WALUMPU'T APAT NA ARAW."

No comments: