November 25, 2011

Tree-Chop

Game. Kaunting kabanuan naman.

Ano ang konsepto ng buhay na tao? Paano mong masasabing buhay ang isang tao? Kung gumagalaw ba ito at nag-iisip, buhay na agad ito? Ang buhay na bagay ba, kailangan ng pagkain para mapanatili ang kanyang sarili na mabuhay? Masasabi bang buhay ang isang tao kung hindi natin siya kilala ni hindi natin alam kung anu-ano ang kanyang mga nais, ang kanyang mga saloobin? Buhay ba ang taong hindi maisaad ang kanyang mga kaisipan tungkol sa buhay? Patay ka ba kung hindi ka nag-iisip? Pagkain lang ba ang nagbibigay-buhay?


Ang panitikan ang sumasalamin sa bawat karanasan ng tao. Dito makikita ang kanyang mga saloobin, mga kaisipan, mga ideolohiya, mga paniniwala at mga pagpapahalaga. Kung may ganitong kahulugan ng panitikan, masasabing ang panitikan ay nilikha ng tao, ang panitikan ay galing sa tao. Mula rito, masasabi nating ang tao, kung aalalahanin niya ang kanyang mga karanasan, kung babalikan niya ang mga nabuo niyang ideolohiya, kung nauunawaan niya ang kanyang mga saloobin, siya ay nag-iisip. Ang buhay, nag-iisip. Buhay ang kanyang diwa, may ibig sabihin ang bawat kilos na kanyang mga binibitawan at naiintindihan ng kanyang kapwa ang kanyang mga sinasabi at ginagawa. Nakadepende halos lahat ng kanyang mga ipinararating sa kanyang mga karanasan, sa kanyang mga kaalaman. Sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang mga naiisip. Isang ebidensya ang panitikan na buhay ang mga mamamayan ng isang lipunan.


Sinabi na kaninang sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang sarili. Kasama rito siyempre ang emosyon ng isang nilalang. Ang buhay na tao, may emosyon. Nagagamit ng tao ang panitikan sa paghahayag ng iba't ibang emosyong ito, nabibigyan ng kulay ang buhay ng isang tao. Hindi lang naman masaya kapag makulay. Ang makulay, nakararamdam ng maraming emosyon. Hindi ko sinasabing kailangang sabay-sabay silang mararamdaman ngunit mahalaga na ring maramdaman ang bawat isa ng isang taong nabubuhay. Buhay ang isang bagay kung nagbabagu-bago ito. Ang nananatili lamang sa iisang lugar o puwesto ay patay. Sa pamamagitan ng panitikan, nakikita ng lahat ang pagbabagu-bago ng isip ng tao, ang paglilipat-lipat niya ng kanyang mga pinipili sa buhay, ang pag-iiba-iba niya ng kanyang mga saloobin. Buhay ang panitikan sapagkat buhay ang tao. Buhay ang tao sapagkat buhay ang panitikan. Nasasabi ng panitikan ang bawat pagbabagong ito na ikinikilos, ipinapakita at ipinararamdam ng isang buhay na tao. Kung hindi dahil sa panitikan, walang pagkakaunawaan, walang magtutulungan, walang buhay ang isang lipunan. Mahirap mamuhay nang nag-iisa lamang at nagsisimula ang pagkakaibigan at pakikipagkapwa-tao sa paghahayag ng sari-sariling damdamin sa iba.


Kilala na ba natin ang mga sarili natin? Mauugat sa panitikan ang pinagmulan ng isang lahi. Ang panitikan ang maaaring magsabi kung saan nanggaling ang isang lipunan at kung anong mayroon sa kanilang nakaraan. Kung inuukit sa panitikan ang bawat karanasan ng isang lipunan, masasabi nating malalaman ng mga susunod na henerasyon ang kanilang pinagmulan. Hindi kumpleto ang iyong pagkatao kung hindi mo nalalaman ang iyong pinagmulan. Ang buhay, kilala ang sarili. Sa panitikan nakasalalay kung paano mong titingnan ang iyong sarili, kung paano kang makikibagay sa iba o kung makikibagay ka, o kung kani-kanino ka lamang makikibagay. Mahalagang makilala mo ang iyong sarili nang hindi ka mapahamak at mapunta sa hindi mo naman gusto. Ang panitikan ang nagpapakilala sa iyo ng iyong sarili, ng lipunang iyong ginagalawan, ng kalinangang iyong kinagisnan ngunit hindi pa lubos na nauunawaan. Buo ka, kumpleto ka, kung kilala mo ang iyong sarili.


Nabubuhay ang tao sa panitikan. Ang panitikan ang ebidensya na buhay ang tao.


ipinasang sanaysay sa "Wala mang praktikal na gamit, bakit mas mahalaga ang panitikan sa pang-araw-araw na kinakain ng isang tao?

No comments: