November 25, 2011

Naman

Para lang sa mga hindi ko masabi na gusto kong sabihin, magsasalita na muna ako nang walang sense. Susubukan kong hindi maintindihan ng ibang tao ang sarili ko habang may nakauunawa pa rin. Susubukan kong may magalit at may matuwa rin at the same time. Hindi naman para sa mga taong walang kuwenta at nagpapapansin lang kundi may dating at parating nagpapatakbo ng diwa at damdamin ko. Siya lang naman yata yun. Siya lang sa ngayon. Siya na sana parati. Siya na.

Si Em. Kilala mo naman na siguro siya. Mahal na mahal ko siya pero hindi ko alam kung paano ko palulupitin 'tong post ko tungkol sa kanya. Baka nga maikli lang ang mailagay ko rito. May mga bagay ba naman kasi na hindi ko nasasabi sa kanya nang harapan? Nasabi ko naman na siguro yung mga gusto kong sabihin. Pero sana, sana ngayon, ngayong may pagkakataon na ulit ako sa simula, sana hindi na ako magkamali. Ayoko na talagang magkamali sa ganito. Ayoko nang niloloko ang sarili ko. Ayoko na siyang pahirapan. Hindi ko pa naman yata siya pinapahirapan kung hindi niya ika-count yung makailang beses ko nang pangingiliti sa nakaaakit niyang katawan. Masaya na rin naman siguro kung hindi niya titingnang pang-iinsulto ang pagtingin ko sa maliit ngunit cute niyang height. Aaminin ko, mas gusto ko yung mas maliit sa akin. Mabilis akong makyutan sa mga cute na bagay. Mabilis akong makyutan sa kanya.


Kung anu-ano na lang ba sinasabi ko? Hindi ko na rin mapigilan yung mga sinasabi ko. Gustung-gusto ko siya. Mabilis ko siyang ma-miss. Kapag nag-text siya sa akin bago matulog, parang gusto ko na ulit siyang makita. Kahit ilang oras na kaming magkasamang nakaupo at naghihintay sa improvement ng players sa track oval, hinding-hindi ako nagsasawang makasama siya. Madalas naming hilinging tumigil sana ang oras para lang magkasama pa kami nang matagal. Kapag nakayakap na siya sa akin, ayoko nang tumakbo pa ang oras, ang pesteng realidad. Ayoko nang bumalik sa realidad. Masaya na ako sa ganoon. Masaya na kami. Kapag gumigising ako sa umaga, siya yung hinahanap ko. Kapag nagising ako sa umaga at siya yung napanaginipan ko, gusto kong magwala. Para akong inagawan ng kung ano. Badtrip, ang aga-aga.


Galit siya sa mga tao. Galit ako sa mga tao. Galit siya sa peoplettes. Ayaw niya sa kanila. Maingay kasi sila, tapos nakapaligid pa sila sa amin. Gusto niya, kaming dalawa lang ang magkasama. Makulit siya. Ayaw niyang tumigil sa pangungulit sa akin na hindi ko rin naman pinipigilan. Masaya ako, kaya kahit na anong gawin niya sa akin, okay lang. Kahit sampal-sampalin niya ako, itulak, sabunutan, magpalibre, utusan, tapakan, magpabuhat, lahat, okay lang, basta kasama ko siya. Masaya naman na ako kapag kasama ko siya. Gusto ko siyang kasama parati. Lahat puwede sa akin, huwag niya lang akong sasaktan. Alam niya na siguro kung anong klaseng sakit yun. Alam na namin yun.


Alam naman na namin yun kasi nag-usap na kami dati. Sana maalala niya yung nagkuwentuhan kami, habang magkayakap, nang sobrang tagal sa hindi ko maalalang street. Doon sa street ng Main Lib at malapit yata sa Yakal. Alam niya na yun. Ang tagal namin dun. Kahit sa sobrang sakit na ng mga binti namin, ayaw pa rin naman paawat. Ang tagal naming nagkuwentuhan nang nakatayo, magkayakap. Ayaw na naming maulit ang mga nangyari sa amin noon. Sisikapin naming maging tama lahat ng gagawin namin, nagkasundo sa maraming bagay na mga korning tao lang ang gumagawa at naparami ng tawa, yakap, sandal, halik, kuwento, ngiti. Pero kapag tinuloy ko pa ang pag-alala sa mga ganyang bagay, lalo ko lang siyang mami-miss. Obvious naman kasing hindi ko siya kasama ngayon. Hindi ko rin siguro 'to maita-type kung katabi ko siya, o kung may katabi ako. Hindi rin naman siya makagagawa nang seryoso kapag may nanonood.


Wala siyang pakialam sa mundo. Kapag kasama niya ako, hindi siya nahihiya sa mga tao sa paligid. Gusto ko rin yung part niyang iyon. Malikot masyado, pero masaya. Kahit saan, kahit kailan, keri lang siya sa pagyakap at paghalik sa akin. Hindi man maipakita ng lubhang seryoso kong mukha parati, kinikilig ako. Hindi man karaniwan para sa akin, na para sa lalaki ang magsabi na kinikilig siya, kinikilig din kaming mga lalaki no. Kapag napangiti niya ako, alam niya na yun. Hanggat hindi ako sumisimangot, okay lang sa akin. Hindi niya ako kinakahiya. Mahal na mahal niya ako. Mahal na mahal ko rin siya.


Hindi ko na talaga alam ang daloy ng mga pinagsasasabi ko rito. Madalas niyang ipaalala sa akin na sa kanya lang ako. "Hoy, akin ka lang ah!" Araw-araw ko yata yan naririnig mula sa kanya. Ayaw niyang mawala ako sa kanya. Ayaw ko ring mawala siya sa akin. Masakit kapag may crush siya, kahit normal lang iyon sa lahat ng tao. Exaggerated ba kapag nagselos ako sa crush niya kahit na alam kong hindi niya ako kayang iwan? Siguro. Masakit naman talaga kasi, kahit sabihin nating crush lang. Masakit talaga. Subukan mong magkaroon ng girlfriend at may crush siya na iba. Masakit nga.


Galit siya sa mga tao. Sinabi ko na kanina. Wala siyang pakialam kahit saan kami. Wala siyang pakialam sa paligid niya, sa mga taong nasa paligid namin. Para sa kanya, nawawala lahat sila, lahat ng nakapalibot sa amin, kapag kasama niya na ako. Wala na siyang ibang nakikita kundi ako. Hindi ko alam kung nagfi-feeling ako. Pero kapag ganoon na siya kumilos, na parang wala nang bukas, wala nang pakialam sa mga tao, ganoon ang nararamdaman ko. Ako lang ang nakikita niya, ako lang. Masaya na ako sa ganoong feeling. Masaya na akong kasama ko siya. Nakaaalis siya ng mga problema. Hindi ko kayang magalit kapag kasama ko siya. Araw-araw akong nakukyutan, natutuwa, naiinlab sa kanya.


Para kay Em. Para sa best friend ko.

No comments: