April 20, 2012

Dual, Dual Plus

Nagsimula akong maglaro ng Gunbound noong Grade 6. Wala pa yata kaming internet noon kaya kunwari magbibisikleta ako kapag hapon na para lang pumunta sa internet cafe sa aming subdivision na kaunting lakad lamang e nandoon na ako. Suwerteng-suwerte kapag tulog pa mga tao sa bahay kapag umalis ako, hindi nila alam kung saan ko ililiko ang aking bisikleta. Madalas, pagkagaling sa eskuwela, kapagka natapos ko na agad yung walang kuwentang assignment, magpapaikot-ikot na muna ako sa bahay namin. Kahit ano - magkakalkal sa labas, magkakalkal sa loob, hihiga, uupo, magbabasa, manonood ng commercials sa TV, manonood ng malulupit na produkto sa TV, tatawa sa mga teleserye, magbubukas ng ref, magbubukas ng gripo, maggigitara sandali, magbubukas ng ref, iihi kunwari, iinom, tapos iihi na naman - basta huwag lang akong aalis agad-agad pagkatapos na pagkatapos kong gumawa ng assignment. Minsan kasi, tatawag si Nanay, tantyado niya na kung anong oras ako nasa bahay. Minsan naman, feeling ko pagagalitan ako kapag umalis ako agad ng bahay. Kagagaling ko lang ng labas ng bahay tapos lalabas na naman ako ng bahay. Hindi ko naman naisip na ngayong college ko lang gugustuhing umuuwi na lang parati sa Cavite, sa aming bahay, sa aking pinakamamahal na tahanan. Noong elementary ako, ay nako, hindi! Ayaw na ayaw kong nananatili sa loob ng aming bahay. Ewan ko ba. Feeling ko ang init. Feeling ko mababaliw lang ako kapag hindi ako lumabas ng bahay. Feeling ko, marami akong mamimiss, maraming mapalalampas na malulupit na bagay. Feeling ko, out ako kapag wala ako sa labas.

Ni hindi ko inisip noon na mas masaya naman sa loob ng bahay. Hindi. Sayang ang aking bisikleta. Feeling ko talaga gusto kong lumalabas at ayaw na ayaw ko sa loob ng bahay. Feeling ko mababaliw lang ako kapag wala akong magagawa. Feeling ko ang pangit-pangit lang ng nasa loob ng aming bahay. Feeling ko lang pala iyon. Ngayong college, gustung-gusto ko nang umuuwi rito sa amin. Hindi ko lang sigurado kung dahil nga lang ba sa internet. Siguro nga isa na yung internet. Iba na rin yung mabilis, at libreng internet no. Libre kasi nanay ko ang nagbabayad. Pero di ba? Libre pa rin. Tapos e gamay ko pa yung bilis at tabs ng laptop ko, edi mas mabilis. Tipong sanayan lang tapos na yung mga nais mo, mas mabilis pa sa inaakala ng iba at sabay na sabay sa alok ng bugso mo. Kapag wala rin ako sa bahay namin, namimiss ko rin yung lutong bahay. Oo nga, may Lutong Bahay sa UP, e nauulit lang naman yung mga ulam. Tsaka kung maglulutong bahay lang din ako sa mga food court sa mall, marami pa ring tao. Hindi naman maraming tao sa bahay namin. Yung mga tao sa loob ng dining room namin, kilala ko naman kapag kumakain ako. Hindi lang naman yung hapag at pagkain yung iniintindi ko kapag kumakain ako, siguro masaya na rin akong kilala ko yung mga taong makasasabay kong kakain, malayo man, malapit o palakad-lakad sila habang hinihila ang kani-kanilang spoiled na mga anak. Iba rin yung feeling ng bagong ligo at naliligo sa bahay at ng hindi sa bahay. Siyempre parang mas panatag yung kalooban ko kapag papatay ako ng ipis sa loob ng banyo ng bahay namin kasi puwede akong sumigaw ng, "PUTANG INA MONG IPIS KA!! BAKIT KA PA GINAWA KANG HINAYUPAK KA!! PUTANG INANG LEGS YAN! TANG INA MO!!!!!!" habang nagbababato ng tsinelas o kung ano pang mahahagilap ng kamay ko sa loob ng banyo. Tapos lulunurin ko siya ng tubig kahit na alam kong marunong siyang lumangoy at parang hindi naman siya nasasaktan ni nahihirapan sa ginagawa ko. Kapag inipis ako habang naliligo sa ibang bahay e parang negative agad yung armor ko. Hindi ko alam kung bakit nalulusaw na agad ako at bumibilis ang kabog sa dibdib ko. Paano kung tumakbo siya papalapit sa akin, puta nakahubad ako tapos baka bigla pang lumipad. Kadiri na, nakakatakot pa. Kadiri talaga yung kapag finifeel mo yung feeling kapag nafeel mo yung legs ng mga ipis sa katawan mo. As in, eww.


Masaya ring kasama yung mga aso namin. Nakakatuwa kapag sinasalubong ako ng mga aso namin. Parang mas namiss ko pa sila kaysa sa mga tao sa bahay namin. Masayang-masaya sila kapag nakikita nila ako. Hindi ko naman alam kung masaya naman talaga sila dahil namiss nila ako o feeling lang nila e bibigyan ko lang sila ng pagkain. Parang may pakiramdam lang kasi ako na hindi nabubusog yung mga aso namin. Parang hindi ko pa kasi sila nakikitang nabubusog. Sa tuwing may pagkain na lang ako na mabango yung amoy, kinakain na nila agad. Naaalala ko tuloy yung aso naming si Gela. First time naming magpakain ng pizza mula sa Pizza Hut. Yung crust lang naman yung binigay namin. Hindi lang namin mawari kung bakit binaon ni Gela yung kalahati nung crust na binigay namin sa kanya. Kinabukasan, hinukay niyang muli ang nasabing kalahating bahagi ng crust saka kinain. Puta ginawa ba namang ref yung lupa. Edi ayos. May pasave-save pang nalalaman 'tong asong 'to. Sa sobrang sarap ng natikman niyang tinapay e gusto niyang makain itong muli kung baka sakali'y hindi na siya muling bigyan pa ng kanyang amo.


Kapag lalabas na ako ng bahay, sisiguraduhin kong nagtagal naman ako sa loob. Kahit mainit pa, wala na akong pakialam sa kulay ng balat ko, basta makalabas ako ng bahay. Didiretso na ako noon sa internet cafe para lang makapaglaro ng Gunbound. Tinuruan lang ako mag-Gunbound ni Kuya. Yung basic lang. May angle, power, mobiles tapos bahala na ako sa iba. Siya yata yung nagturo sa akin ng pagbili ng tatlong Duals. Yung iba ko kasing kalaro, malimit na mga banong tulad ko e bumibili pa ng Medicine o kaya ng Teleport. Nasa loob-loob ko, ano yan kabadingan? Kung talagang giyera e giyera. Matutuwa pa ako kung makakatira nang dalawang beses yung kalaban ko pero kung nabawasan ko na siya at dadagdagan niya lang ulit yung buhay niya, leche nababadingan talaga ako. Hindi ko rin alam kung bakit. Basta, ang pangit. Ang pangit talaga kapag hindi nangyayari yung mga gusto mong mangyari, kahit na napag-isipan mo na rin naman pala yung posibleng mangyari na ayaw mo namang maranasan. Maganda na rin naman kasi yung natatapos agad yung laban ninyo, pero kung napapahaba pa dahil sa pesteng Wind at kabobohang Teleport, baka mangiyak-ngiyak ka na lang sa bulsa mo. Iba rin talaga kung may internet na kayo sa bahay.


Binigyan lang ako ng account ni Kuya sa Gunbound. Napataas ko naman nang kaunti yung level. Nagustuhan ko yung laro kasi madali lang namang intindihin. Kung nakapaglaro ka ng mga kanyon noon sa mga lumang computer, yung may angle at power din, marunong ka na rin ng Gunbound. Paramihin mo lang ang sasakyan, lahat e cute pa. Dadagdagan lang din ng power-ups tulad ng Dual kung saan maaari kang tumira nang dalawang beses, Teleport kung saan puwede kang lumipat ng puwesto at marami pang ibang power-ups maliban sa Dual na kabaklaan na lamang. Wala akong naging paboritong Mobile sa Gunbound pero gustung-gusto ko yung Aduka. Habang tumatagal kasi ang laro, tumataas ang damage ng nasabing Mobile. Dumedepende kasi sa level ng Thor in-game ang magiging damage ng Shot 2 ng Aduka kaya kapag naging 8 on 8 ang laban e mabilis na tataas ang damage ng Aduka. Doon na rin siguro sumibol at sumikat ang tinaguriang Aduka Wars. Gunbound Philippines pa noon, puro Pilipino lang yung mga kalaro ko. Masaya kalaro kasi naiintindihan mo yung mga sinasabi ng mga kalaban at kakampi mo. Nakikipagkuwentuhan, asaran, tawanan. Hindi lang naman kasi yung gameplay yung habol ko sa mga online game, masaya na ring magkipag-interact sa mga taong online maliban sa YM at Friendster (Ito pa yung sikat noon). Kung wala akong paboritong Mobile, siguro may paborito naman akong room na cinecreate ng players, iyon nga, Aduka Wars. Mabilis kasi matapos dahil mabilis tumaas ang damage ng mga Aduka. Mabilis matapos, mabilis ang pera, mabilis ang experience, mabilis na lalaki ang Pilot mo. Masaya na sana yung Gunbound Philippines, kaso naisipang magmigrate ng nasabing server ng sikat na online shooting game.


Hindi ko naman alam ang detalye kung bakit pa lumipat sa international na server ang Pilipinas at wala na rin akong balak pang alamin. Ito lang yung nakakainis kasi: dinagdagan nila yung power-ups, at yung mga power-up na dagdag e nabibili at pagkalakas-lakas. Paano na lang yung mga hindi naman magbabalak gumastos nang malaki pero gusto pa ring makipaglaro sa lahat ng players? Ang pangit talaga. Tapos minsan dumating pa sa puntong lahat ng libreng rooms e Avatar On kung saan ang suot na damit ng character mo e pagaganahin ang stats na nakaattribute sa mga ito. Nakakainis talaga. Isa pang kabaklaang idinagdag ng Gunbound World Champion (Ito yung nilipatan ng Gunbound PH) e yung bagong baog na Mobiles. Kasasagwa! Nakakairita! Dumami tuloy yung mga player na bumili ng avatar na malalakas, bibili rin sila ng power-ups, bibili rin sila ng Pets na may dagdag din sa performance ng kanilang characters at bibili pa ng kung anu-ano pa. Paano na yung noong environment lang ng Gunbound Philippines na lahat ng gamit ng characters e nagenerate lamang mula sa points at gold points na naeearn lamang sa paglalaro at walang bahid ng paggamit ng cash para lamang sa gusto mong masuot na Avatars? Paano na yung masayang hindi madayang gameplay ng mga luma at original na power-ups at Mobiles kung hahaluan na lang ng kabaklaang madadayang hindi naman nakatutuwang mga bagong power-ups, mga alaga at sasakyan?


Hindi naman siguro lahat ng bago e maganda. Kaya talaga minsan, ayokong umaalis patungong bago, kasi baka magkamali lang ako at manghinayang tapos hindi na pala ako puwedeng bumalik sa kung saan e mas maganda sanang buhay at mga pagkakataon. Sunud-sunod na sayang na, sayang na talaga iyon kung maling tawid yung ginawa ko. Pero kasi, hindi ko pa rin talaga alam kung anong mangyayari sa kabila. Minsan suwerte, minsan malas. Puwede rin naman kasi sigurong magtimbang kung ano ang mas makabubuti. Hindi porket may nagsabing walang mapapala kung hindi susubukan o, kung gusto may paraan, o kaya naman walang nangyari sa mga taong hindi naman sumubok e sugod na lamang tayo nang sugod. Minsan, o siguro madalas (puta di ko talaga alam), malinaw ang mga tsansa, may mga signs and symbols na makikita o mararamdaman kung tama talaga ang ginagawa mo. Maganda na rin sigurong tama nga yung ginagawa mo at gusto mo naman yung ginagawa mo. Kung patungo naman sa pinapangarap mo yung ginagawa mo, o kaya nag-eenjoy ka naman sa ginagawa mo e why not? Hindi naman siguro nakapanghihinayang kapag inenjoy mo yung mga oras na patutungo naman sa inaakala ng marami na pagkakamali


Namimiss ko na ang Gunbound Philippines. Namimiss ko na rin tuloy yung mga araw na nakikipaglaro ako sa mga kaklase ko, kahit na ako lang yung bano sa amin. Namimiss ko na yung mga time na hindi mo na kailangang ispecify kung puwede ang bobong bagong power-ups at pets sa bawat room na lilikhain mo. Namimiss ko na yung mga araw na skills at saya lang yung iintindihin ko at hindi yung cash para sa kabaklaan at kadayaan. Namimiss ko rin naman yung mga araw na magbibisikleta ako, pagbaba ko sa internet cafe e isang oras lang talaga yung ibinibigay ko sa paglalaro. Wala akong magagawa e, maliit lang yung baon ko. Pinagbabaon kasi kami ng kanin at ulam kaya yung pera e pangmeriendang ewan na lang. Kapagka nagsawa na ako katitira noon, magyuYoutube na lang ako. Manonood ng mga pinapapanood sa amin ni Kuya dati. Kapag naubos na, magpapakasawa na lang ako sa Happy Tree Friends. Kapag wala na talaga, uuwi na ako.


Pagdating ko sa bahay hindi nila tinatanong kung saan ako nanggaling. Saan nga ba manggagaling yung tao kapag nagbisikleta lang siya? Ang alam lang nila, nagbisikleta ako, paikut-ikot lang sa loob ng Mandarin. Sa sobrang tinagal-tagal ko sa labas para lamang sa patikim ng internet, gugustuhin ko pa rin umuwi. Ayaw na ayaw kong manatili sa loob ng bahay, kating-kati yung buong katawan kong lumabas at "magbisikleta", atat na atat na akong umalis sa pangit kong nakasasawang bahay, kahit na mainit, maraming gago at nakakairitang mga langaw, pero bakit gusto ko pa ring umuwi? Bakit parang gusto ko pa rin yung feeling ko e pangit kong bahay? Oo, kailangan ko ngang umuwi pero bakit namimiss ko pa rin, at ginugusto ko na lamang ulit yung inaayawan namin ng bisikleta ko apat na oras pa lamang ang nakararaan? Bakit gusto kong matulog, manatili ngayon sa bahay samantalang noon e gusto kong gising at wala sa bahay kapag hapon? Dahil ba sa napakarami kong oras noon? Marami rin naman akong oras ngayon ah. O sadyang nag-iiba lang talaga yung mga kinagugustuhan ko? Pero miss ko rin naman yung Gunbound? Pati yung pagbibiskleta? Nag-iiba rin naman yung environment? Marahil e may mga nagbabago, kahit na hindi ko pilitin at hindi ko talaga agad na napapansin. May mga nagbabago pa rin naman, kahit ayaw ko, kahit gusto ko. May pagbabago talaga. Hinding-hindi magbabago ang pagkakaroon ng pagbabago.

No comments: