March 29, 2012

Two

Pinaglumaan
ni Allan Popa


Dito nakatago ang limot na puso
kasama ang sulat na inalagaan.
Pumpon ng bulaklak at singsing na tanso:
mga paalalang 'sinisilid sa kaban.


Balot na marahil ng nag-abong agiw
ang mga alay niyang panghuli ng loob:
lagas na talulot, kalawanging singsing,
nanilaw na papel at napiping tibok.


Dito 'binibilanggo ang alaala n'ya
na di ko masilip, di rin maitapon.
Takot na balikan ang lipas na saya;
humimlay na sumpang di maibabangon.


(Pulbusin mo anay ang kulungang kahon.
Palayain ako sa aking kahapon.)

No comments: