July 22, 2012

Goto, Pares, Tapkalog


Alam kong nakita mong mahaba ito kaya hindi mo na matitripang basahin. Pero kasi, nag-enjoy akong maglahad kahit na alam kong hindi ko naman mailalagay lahat tungkol sa sarili ko. Hindi ko alam kung puwedeng pang-exhibit ‘to pero bahala na talaga. Bahalang autobiography.

Ako nga pala si Mart, short for Martin. Tatay ko ang nagbigay sa akin ng pangalan na yan kasi si Martin Nievera ang kanyang paboritong lalaking singer. Siguro, naisip niyang baka masapian man lamang ako ng kahit kaunting kaluluwa ni Martin Nievera para baka sakaling magkaroon siya ng anak na may talent. Lahat naman siguro ng mga magulang, gusto ng anak na may talent, para astig, para mayabang. Pero minalas, hindi ko naman sinasadyang hindi ako marunong kumanta, mahilig nga ako sa musika, kaso walang hilig ang musika sa boses ko. Pero sana, sana lang talaga may ibubuga pa rin ako, na may talento pa rin pala ako, na puwede rin naman akong ipagyabang ng tatay ko.

Hindi ako sa Mart nagsimulang tawagin. Pangalawa nga pala ako sa tatlong magkakapatid at noong wala pa yung bunso naming si Mig, naranasan ko malamang ang maging bunso. Ading ang una kong naging palayaw at hindi ko alam kung bakit. Siguro, pangalawang anak o bunso sa ibang wika, liban sa wikang alam ko: Tagalog. Maliit lang ako noon, hanggang ngayon din naman. Sa Laguna ako ipinanganak noong December 28, 1993, pero sa Cavite na ako lumaki. Pinalaki ako ng lola ko, tawag namin sa kanya ay Mama. Hindi yung Mama na lalaking goons kundi yung Mama as in Mommy. Namulat kasi ako agad na may trabaho na pareho ang mga magulang ko. Namulat na akong hihintayin ko na lamang sila kapag gabi para sa kanilang pasalubong. Oo, alam kong sila ang mga magulang ko pero si Mama talaga yung nakasama ko sa araw-araw kapag wala pa yung mga magulang ko. Madalas niya akong patulugin kapag hapon o pagkatapos kong kumain ng gulay na naman niyang inihain. Kay Mama ako natutong kumain ng gulay, buti na lang e masarap siyang magluto. Siya ang nagpapaligo sa akin noong maliit pa ako, siyempre hindi naman talaga ako malay noong cute pa ako pero kinuwento naman sa akin ang mga bagay na ito. Malaking pasasalamat ang gusto kong ipaabot kay Mama kasi kung hindi dahil sa kanya, sana’y mapili ako sa pagkain ngayon.

Noong papasok na ako sa pre-elem, hindi ko talaga alam yung gagawin ko. Basta ang naaalala ko, may dala akong notebook pero yung teacher namin yung nagsusulat sa notebook na iyon, gamit yung pula niyang ballpen. Tapos pag-uwi ko sa bahay, titingnan ng kuya ko o ng mga magulang ko yung notebook na yun tapos may gagawin na sila. Assignment ko pala yung nandon. Kapag nag-eexam kami, hindi ko alam talaga yung gagawin as in. Kinukulayan ko lang yung mga pictures na walang kulay. Honestly, wala talaga akong maalala. Ang naaalala ko lang, malalaki yung mga lamesa namin at marami kami sa aming lamesa. Naaalala ko rin yung una kong crush sa pre-elem. Malandi lang ba talaga ako? O madali lang talaga akong mabighani? Hindi ko alam. Half-Japanese yung crush ko noong nursery, tapos pareho pa kami ng subdivision. Pero siyempre, noong mga panahon iyon e hindi ko pa talaga alam yung salitang Crush. Basta ang alam ko lang e gusto ko siyang nakikita at nakakatabi araw-araw. Wala na akong balak pang ilagay yung pangalan niya kasi baka may mag-alangan pa sa girlfriend ko. Mabigat na pakiramdam ang selos.

After nung Nursery, pinagsummer reading classes ako ng nanay ko. Kasabay pa nito ang pag-uwi ko sa bahay para magmemorize ng multiplication table. Pinaghahanda na nila siguro ako sa Grade 1. Noong naggrade 1 ako sa St. Jude Academy sa Cavite, siyempre handang-handa na ako. Talaga naman kasing nagagalit yung mga tao sa bahay namin kapag may hindi ka nagets agad kasi iniisip nila na napakadali naman ng ibinabato nila sa akin. Pero kapag sila naman yung hindi nakagets agad, hinahayaan ko na lang.

Sa Grade 1 ko unang nakilala yung best friend ko noong elementary. Tapos malaman-laman ko lang, kapitbahay pala namin siya. Bale sa sobrang galing ko sa school noon, pinapakopya ko na lang siya sa mga assignments namin, tapos maglalaro kami ng Playstation sa kanila. Wala kasi kaming Playstation noon. Siya ang nagmulat sa akin sa bagong paraan ng paglalaro. Siya rin ang nagbansag sa akin ng bago kong palayaw: Mar. Galing naman siya sa Marion. Maria Teresa kasi ang pangalan ng nanay ko kaya nagkaganyan. Marion kasi yung pinantatawag sa akin ng mga teacher ko sa school. Sa katamaran na rin siguro ng wika ng best friend ko, Mar na lang ang itinawag niya sa akin, na ginaya naman ng iba naming classmates. Halos kasabayan na rin ng Mar ang pagtawag sa akin ng Diko. Hindi ko na naman alam kung anong wika ito pero sa tingin ko e second child na naman. Paglabas ko ng bahay, sa Mar ako titingin. Pagpasok, Diko. Kung dalawang pangalan din man lang ang itinatawag sa akin e natutuwa na talaga yung kababawan ko. Nabalewala noon para sa akin si Martin. Pero kebs lang.

Simula Nursery hanggang sa maggrade 6 ako e consistent akong naging top 1 sa klase. Hindi naman sa pagmamayabang pero mabilis kasing makagets yung utak ko noong bata pa ako. Wala pa sigurong maraming distractions. Umalis si Crush noong Grade 4 kami at may pumalit naman noong Grade 5 na girlfriend ko sa ngayon. Para sa kakaibang kuwento kung bakit naging girlfriend ko ngayon yung ka-MU ko noong grade 5, sa ibang araw ko na lang siguro maisasalaysay yon kasi gusto ko sanang 2 pages na lang ang binabalak kong banong autobiography.

Nairita nga pala yung parents ko sa Mar. May ninong kasi akong pangalan e Mar, na taga sa amin din. Tsaka ang pangit daw talaga ng Mar. Dinagdagan ng tatay ko ng letter T tapos BOOM! alam mo na kung bakit naging Mart talaga ang pangalan ko.

Pagkagraduate kong valedictorian sa grade school e sabay kaming nag-entrance test ni MU sa Manila Science High School. Bumagsak siya tapos pumasa ako. Tapos siyempre, sad part ng kuwento kaya hindi na siya magiging part pa ng kuwentong to. Nabigla ako noon sa Masci kasi pakiramdam ko bumobo ako noon. Ang dami na kasing estudyante, tapos ang hirap-hirap na talaga ng Math. As in putang ina, naisip ko, putang ina talaga. Noong high school ako natutong manood ng porn, magcut ng klase, magdrafting, magmuni-muni sa sarili kung bakit ang bobo-bobo ko na sa Math, makipagpalagayang loob sa isa kong sarili kung valedictorian nga ba talaga ako, at magsulat sa Filipino.

Sa bawat Filipino subject kasi, bawat quarter e may ipinapasulat na kung anu-ano ang mga teacher namin. Iyong part lang na iyon noong high school ang pinakanaenjoy ko kasi nag-eenjoy din naman yung mga binobola kong mga teacher namin. Masarap magsulat, masaya, lalo na kung may iniuutos sila sa akin. Mahirap kasi magsulat kapag sinabihan nila ako ng kahit ano ay puwede kong isulat. Para akong pinabili ng regalong kahit ano na lang. Siyempre noong 4th year, malaking bagay sa amin yung UPCAT. Isang mahirap na desisyon iyon para sa akin kasi pakiramdam ko noon, kung anong course yung pipiliin ko e doon na talaga ako magtratrabaho. Nakakatakot, pero paminsan-minsan, exciting isipin kung anong mangyayari sa college life.

Pumasa ako ng BA English Studies, student number 2010-10*** sa UP. Ang pinagpilian ko lang kasi noon sa UPCAT Application Form e Math, Science at English. At dahil na rin sa matinding paghuhukay sa sarili, tinanggap ko na talaga ang sarili kong bano ako sa Science at Math kaya English ang kinuha ko. Hindi naman ako malay noon sa BA Filipino dahil sa maraming courses na nakalista e hindi ko man lamang sinipagang isa-isahin sila. Nag-decide akong magshift sa Filipino noong 2nd year college. At ayun na nga, natanggap naman ako at kasalukuyan akong nag-aapply naman sa ngayon sa UP Cineastes’ Studio.

Kasalukuyan akong nagboboarding house ngayon sa may Area 2, UP Campus, Diliman. Paborito kong kumain ng matatamis na pagkain, lalung-lalo na ng leche flan at pastillas. Marunong akong maggitara at sana’y gumaling naman ako. Hanggang marunong na lang kasi ako. Madali lang sigurong makipagkaibigan kung mapagkaibigan ang gustong kaibiganin. Ayaw ko sa ipis, jologs, OA, pinaghihintay ako, pila kapag enrollment sa UP, mga papansin kahit na alam ko rin naman sa sarili kong nagpapapansin ako. Mahilig akong maglaro ng computer games at naaadik na ako ngayon sa Skyrim. Marunong din akong magdota, magcounter strike, mag-install ng google chrome at magpatintero. Hindi ako marunong magphotoshop, maghead spin at magdrawing man lamang ng matinong Poring. Maliit, maitim, kulot, at naranasan na ring matawag na ita at katutubo noong grade school at high school kasabay pa ng pagtatanong kung saang tribo ako galing. Masaya maging kulot, natutuwa kasi siyang himasin ng girlfriend ko kapag nilalambing niya ako. I love that shit.

No comments: