Ayon kay Newmark (1988), mula sa kanyang dalawang aklat kung saan
inilahad ng tagasalin ang labing-walong teknik ng pagsasalin, ang one-to-one
translation o isahang tumbasan ay ang literal na salin na may isa-sa-isang
pagtutumbasan ng salita sa salita, parirala sa parirala, sugnay sa sugnay, o
pangungusap sa pangungusap. Ipinalalagay na kapag humahaba ang yunit ay mas
hindi angkop ang pamamaraang ito. Mula rito, maaaring sabihing hindi sa lahat
ng pagkakataon sa pagsasalin ay pupuwedeng gamitin ang teknik na ito. Hindi rin
naman pupuwedeng marahil na iisang teknik lamang ang magagamit sa pagsasalin ng
isang buong akda o teksto. Madalas, sa mga karanasan sa pagsasalin e
nakagagamit ng higit pa sa tatlong mga teknik ang tagasalin para mas makabuo pa
siya ng pinakaitatampok na akdang maiintindihan ng kanyang target na audience.
Nabanggit na kaninang isa-sa-isa ang magiging
tumabasan kapag napagdesisyunan na ng tagasalin na gamitin ang teknik na ito.
Simula sa salita-sa-salita, umabot ito hanggang sa pangungusap-sa-pangungusap.
Pero nilinaw rin sa babasahin na hindi rin naman ito aangkop lalung-lalo na sa
mga malalaking yunit. Siguro’y mas makasisiguro ang isang baguhang tagasalin
katulad ko na gamitin lamang muna ang teknik na ito sa yunit na isa-sa-isa
hanggang sa mas malinaw kong makita kung mabisa pa nga ba sa ibang yunit o may
mas aakibat pang ibang teknik sa mga kailangan o nais kong isalin.
Halimbawa na lamang, sa yunit na salita-sa-salita,
kung isasalin ko ang Ingles na, “The puppy is cute,” sa Filipino, gamit ang
teknik na kanina ko pa binabanggit, makukuha ko ang, “Ang tuta ay kyut.”
Malinaw na sa unang halimbawa na bawat salita sa pangungusap ng source language
na Ingles ay naisalin o may katumbas mula sa aking salin sa Filipino na
pangungusap, apat ang salita sa una, dapat bang apat din ang kailangan kong
makuha sa target language? Pansinin ding ang cute ay isinalin ko sa kyut, gamit
pa ang ibang teknik ng pagsasalin ayon kay Newmark: ang naturalisasyon. Pero
alam ko namang maididiscuss pa ang teknik na ito sa iba pang papel. Nais ko
lamang sanang ipuntong hindi lamang nadidikit sa iisang teknik ang pagsasalin
sa isang pangungusap. Tulad ng nabanggit ko kanina, hindi iisang teknik lamang
ang magagamit sa iisang akda. Dagdag pa rito, maaaring higit pa sa isa ang
magagamit na teknik sa pagsasalin ng kahit isa man lang na pangungusap.
Hindi man ganoon kamalay sa atin, ang mga Pilipino
ay madalas ding gamitin ang teknik na ito sa pagsasalin. Dahil nga sa pagiging
bilinggwal ng ating bansa dahil sa pagtuturo ng Ingles, naeexaggerate natin
paminsan-minsan ang pagsasalin kapag gusto nating magpahayag sa Ingles. Tulad
ng sinabi ng isa kong prof, kapag gusto nating Englishin ang pangungusap na,
“Ako ay tapos na,” malimit na maririnig natin ang, “I am finished already,” na
kung titingnang mabuti e hindi na kailangang marinig pa ang already. Dahil sa marahil ay
nais talaga nating maisalin lahat ng salita sa Filipino sa target na language,
hindi sinasadyang sumosobra tayo hanggang sa umabot tayo sa lugar o bagay na sa
tingin natin ay tama.
No comments:
Post a Comment